Add parallel Print Page Options

Ang mga Taong Itiniwalag sa Kapulungan ng Israel

23 “Walang taong kinapon o pinutulan ng ari ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.

“Ang anak sa labas ay hindi makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon pati na ang kanyang angkan hanggang sa ikasampung salinlahi. Walang Amoreo o Moabita o sinuman sa kanilang lahi hanggang sa ikasampung salinlahi ang makakasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon. Sapagkat hindi nila kayo binigyan ng pagkain o tubig nang naglalakbay kayo mula sa Egipto, at sinulsulan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Mesopotamia para sumpain kayo. Ngunit hindi nakinig ang Panginoon na inyong Dios kay Balaam. Sa halip, ginawa niyang basbas ang sumpa sa inyo, dahil minamahal kayo ng Panginoon na inyong Dios. Habang buhay kayo, huwag kayong tutulong sa mga Amoreo o Moabita sa anumang paraan.

“Huwag ninyong kamumuhian ang mga Edomita, dahil kadugo nʼyo sila. Huwag din ninyong kamumuhian ang mga Egipcio dahil tumira kayo dati sa kanilang lupain bilang mga dayuhan. Ang kanilang mga angkan sa ikatlong salinlahi ay maaaring makasama sa pagtitipon ng mga mamamayan ng Panginoon.

Iba pang mga Tuntunin

“Kapag makikipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, umiwas kayo sa anumang bagay na makakadungis sa inyo. 10 Kung may isa sa inyo na nilabasan ng binhi sa kanyang pagtulog sa gabi, kailangang lumabas siya sa kampo at doon muna siya manatili.

11 “Pagdating ng hapon, maliligo siya, at paglubog ng araw, maaari na siyang makabalik sa kampo. 12 Pumili kayo ng lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran. 13 Kailangang may panghukay ang bawat isa sa inyo, para huhukay kayo kapag nadudumi kayo, at tatabunan ito kapag tapos na kayo. 14 Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay naglilibot sa inyong kampo para iligtas kayo at ibigay sa inyo ang mga kaaway ninyo. Kaya kailangang malinis ang inyong kampo para wala siyang makitang hindi maganda sa inyo, at para hindi niya kayo pabayaan.

15 “Kung tumakas ang isang alipin sa kanyang amo at tumakbo sa inyo, huwag ninyo siyang piliting bumalik sa kanyang amo. 16 Patirahin ninyo siya sa inyong lugar, kahit saang bayan niya gusto. Huwag ninyo siyang aapihin.

17 “Dapat walang Israelita, lalaki man o babae, na magbebenta ng kanyang katawan bilang pagsamba sa mga dios-diosan sa templo. 18 Huwag ninyong dadalhin sa bahay ng Panginoon na inyong Dios ang pera na natanggap ninyo sa pamamaraang ito bilang bayad sa inyong pangako sa Panginoon na inyong Dios, dahil kasuklam-suklam ito sa kanya.

19 “Kung magpapautang kayo sa kapwa ninyo Israelita, huwag ninyo itong tutubuan, pera man ito o pagkain o anumang bagay na maaaring patubuan. 20 Maaari kayong magpautang nang may patubo sa mga dayuhan, pero hindi sa mga kapwa ninyo Israelita. Gawin ninyo ito para pagpalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo roon sa lupain na titirhan at aangkinin ninyo.

21 “Kung gagawa kayo ng panata sa Panginoon na inyong Dios, huwag ninyong patatagalin ang pagtupad nito, dahil siguradong sisingilin kayo ng Panginoon na inyong Dios, at magkakasala kayo sa hindi pagtupad nito. 22 Hindi ito kasalanan kung hindi kayo gumawa ng panata sa Panginoon. 23 Pero anumang ipanata ninyo sa Panginoon na inyong Dios ay dapat ninyong tuparin.

24 “Kung pupunta kayo sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain hanggang gusto ninyo, pero huwag kayong kukuha at maglalagay sa inyong lalagyan para dalhin. 25 Kung mapapadaan kayo sa taniman ng trigo ng inyong kapwa, maaari kayong makaputol ng mga uhay, pero huwag ninyo itong gagamitan ng karit na panggapas.

'Deuteronomio 23 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang mga tao na di dapat na pumasok sa kapisanan.

23 Ang nasaktan sa mga iklog, o ang may lihim na sangkap na putol ng katawan ay hindi makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.

Isang (A)anak sa ligaw ay huwag papasok sa kapisanan ng Panginoon; hanggang sa ikasangpung salin ng lahi ay walang sa kaniya'y makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.

(B)Huwag papasok ang isang Ammonita o Moabita sa kapulungan ng Panginoon; hanggang sa ikasangpung salin ng lahi ay walang nauukol sa kanila na makapapasok magpakailan man sa kapisanan ng Panginoon:

(C)Sapagka't hindi kayo sinalubong nila ng tinapay at ng tubig sa daan, nang kayo'y umalis sa Egipto; at (D)sapagka't kanilang inupahan laban sa iyo si Balaam na anak ni Beor mula sa Pethor ng Mesopotamia upang sumpain ka.

Gayon ma'y hindi dininig ng Panginoon mong Dios si Balaam; kundi pinapaging pagpapala ng Panginoon mong Dios, ang (E)sumpa sa iyo; sapagka't iniibig ka ng Panginoon mong Dios.

(F)Huwag mong hahanapin ang kanilang kapayapaan o ang kanilang ikasusulong sa lahat ng iyong araw magpakailan man.

Huwag mong kasusuklaman ang Idumeo; (G)sapagka't siya'y iyong kapatid: huwag mong kasusuklaman ang taga Egipto; sapagka't ikaw ay (H)nakipamayan sa kaniyang lupain.

Ang mga anak ng ikatlong salin ng lahi nila na ipinanganak sa kanila ay makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.

Batas tungkol sa pagbabawa.

Pagka ikaw ay lalabas sa kampamento laban sa iyong mga kaaway, ay magbabawa ka nga sa iyo sa bawa't masamang bagay.

10 (I)Kung magkaroon sa iyo ng sinomang lalake, na hindi malinis dahil sa anomang nangyari sa kaniya ng kinagabihan, ay lalabas nga sa kampamento, hindi siya papasok sa kampamento:

11 Nguni't mangyayari kinahapunan, na siya'y (J)maliligo sa tubig: at pagka ang araw ay nakalubog na, ay papasok siya sa kampamento.

12 Ikaw ay magkakaroon naman, ng isang pook sa labas ng kampamento, na iyong lalabasan:

13 At ikaw ay magkakaroon din ng isang pala sa kasamahan ng iyong mga kasangkapan; at mangyayari, na pagka ikaw ay palilikod sa labas ay huhukay ka, at ikaw ay babalik at tatabunan mo ang ipinalikod mo:

14 Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay (K)lumalakad sa gitna ng iyong kampamento, upang iligtas ka, at ibigay ang iyong mga kaaway sa harap mo; kaya't ang iyong kampamento ay magiging banal: upang huwag siyang makakita ng anomang maruming bagay sa iyo, at baka humiwalay sa iyo.

15 (L)Huwag mong ibibigay sa kaniyang panginoon ang isang aliping nagtanan sa kaniyang panginoon na napasa iyo:

16 Siya'y tatahang kasama mo, sa gitna mo, sa dakong kaniyang pipiliin sa loob ng isa sa iyong mga pintuang-daan na kaniyang magalingin: (M)huwag mo siyang pipighatiin.

17 (N)Huwag kang magkakaroon ng masamang babae sa mga anak ng Israel, ni magkakaroon ng (O)sodomita sa mga anak ng Israel.

18 Huwag mong dadalhin ang bayad sa isang masamang babae, o ang kaupahan sa isang aso, sa bahay ng Panginoon mong Dios sa anomang panata: sapagka't ang mga ito ay kapuwa karumaldumal sa Panginoon mong Dios.

Batas tungkol sa pagpapahiram na may tubo.

19 (P)Huwag kang magpapahiram na may tubo sa iyong kapatid; tubo ng salapi, tubo ng kakanin, tubo ng anomang bagay na ipinahihiram na may tubo:

20 (Q)Sa isang taga ibang lupa ay makapagpapahiram ka na (R)may tubo; nguni't sa iyong kapatid ay huwag kang magpapahiram na may tubo: upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng pagpapatungan mo ng iyong kamay, sa lupain na iyong pinapasok upang ariin.

Tungkol sa panata.

21 (S)Pagka ikaw ay magpapanata ng isang panata sa Panginoon mong Dios, ay huwag kang magluluwat ng pagtupad: sapagka't walang pagsalang uusisain sa iyo ng Panginoon mong Dios; at magiging kasalanan sa iyo.

22 Nguni't kung ikaw ay magbawang manata, ay hindi magiging kasalanan, sa iyo:

23 Ang nabuka sa iyong mga labi ay (T)iyong gaganapin at gagawin; ayon sa iyong ipinanata sa Panginoon mong Dios, na isang kusang handog, na ipinangako mo ng iyong bibig.

24 Pagka ikaw ay pumasok sa ubasan ng iyong kapuwa, ay (U)makakakain ka nga ng mga ubas sa iyong kagustuhan hanggang sa ikaw ay mabusog; nguni't huwag kang maglalagay sa iyong sisidlan.

25 Pagka ikaw ay pumasok sa nangakatayong trigo ng iyong kapuwa, ay makikitil mo nga ng iyong kamay ang mga uhay; nguni't huwag mong gagalawin ng karit ang nakatayong trigo ng iyong kapuwa.