Add parallel Print Page Options

Mga Tuntunin tungkol sa Pakikidigma

20 “Kung kayo'y makikipagdigma, huwag kayong matatakot kahit na mas malaki ang hukbong kalaban ninyo at mas marami ang kanilang kabayo at karwahe, sapagkat kasama ninyo si Yahweh, ang Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto. Bago kayo makipaglaban, tatayo ang isang pari sa unahan ng hukbo at sasabihin niya ang ganito: ‘Pakinggan mo, Israel! Sa araw na ito ay makikipagdigma ka. Lakasan mo ang iyong loob at huwag kang matakot sapagkat kasama mo ang Diyos mong si Yahweh; siya ang makikipaglaban para sa iyo at pagtatagumpayin ka niya.’ Ganito naman ang sasabihin ng mga pinunong kawal: ‘Sinuman ang may bagong bahay subalit hindi pa ito naitatalaga ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang tumira sa bahay niya. Sinuman ang may bagong ubasan subalit hindi pa nakakatikim ng bunga niyon ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang makinabang sa kanyang ubasan. Sinuman sa inyo ang nakatakdang ikasal subalit hindi pa nagsasama ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang magpakasal sa kanyang minamahal. Sinuman sa inyo ang natatakot o naduduwag ay maaari nang umuwi; baka maduwag ding kagaya niya ang iba.’ Matapos itong sabihin ng mga pinunong kawal, maglalagay sila ng mga mangunguna sa bawat pangkat.

10 “Bago ninyo salakayin ang isang lunsod, alamin muna ninyo kung gusto nilang sumuko. 11 Kapag binuksan nila ang pintuan ng kanilang lunsod at sumuko sa inyo, magiging alipin ninyo sila at magtatrabaho para sa inyo. 12 Kung ayaw nilang sumuko at sa halip ay gustong lumaban, kubkubin ninyo sila. 13 Kapag sila'y nalupig na ninyo sa tulong ng Diyos ninyong si Yahweh, patayin ninyo ang lahat ng kalalakihan roon. 14 Bihagin ninyo ang mga babae at ang mga bata, at samsamin ang mga hayop at lahat ng maaari ninyong makuha. Para sa inyo ang mga iyon, at maaari ninyong kunin sapagkat ipinagkaloob sa inyo ni Yahweh. 15 Ganyan ang gagawin ninyo sa mga lunsod na malayo sa inyo. 16 Ngunit sa mga lunsod sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh ay wala kayong ititirang buháy. 17 Lipulin ninyo ang mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo, tulad ng utos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 18 Kailangang gawin ninyo ito upang hindi nila kayo maakit sa kasuklam-suklam nilang pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Sa ganito'y makakaiwas kayo sa paggawa ng isang bagay na kasuklam-suklam kay Yahweh.

19 “Kapag kinubkob ninyo ang isang lunsod, huwag ninyong putulin ang mga punongkahoy doon kahit matagal na ninyong kinukubkob ang lugar na iyon. Ang mga puno ay hindi ninyo kaaway, bagkus makakapagbigay pa ito sa inyo ng pagkain, kaya huwag ninyo itong puputulin. 20 Ang mga puno na hindi makakain ang bunga ang siya ninyong puputulin kung kailangan ninyo sa pagkubkob.

'Deuteronomio 20 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Palatuntunan sa pakikibaka.

20 Pagka ikaw ay lalabas upang makibaka laban sa iyong mga kaaway at makakita ka ng (A)mga kabayo, at mga karo, at ng isang bayang higit kay sa iyo, ay huwag kang matatakot sa kanila: sapagka't ang Panginoon mong Dios ay (B)sumasaiyo, na siyang naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto.

At mangyayari paglapit ninyo sa pakikibaka, na ang saserdote ay lalapit at magsasalita sa bayan.

At magsasabi sa kanila, Dinggin mo, Oh Israel, kayo'y lumapit sa araw na ito sa pakikibaka laban sa inyong mga kaaway: huwag manglupaypay ang inyong puso; huwag kayong matakot, ni manginig, ni maduwag dahil sa kanila.

Sapagka't ang Panginoon ninyong Dios ay siyang yumayaong kasama ninyo, (C)upang ipakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, upang kayo'y iligtas.

At ang mga pinuno ay magsasalita sa bayan, na sasabihin, Sinong tao ang nagtayo ng isang bagong bahay, at hindi pa niya natatalagahan? siya'y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikibaka at ibang tao ang magtalaga.

At sinong lalake ang may itinanim na isang ubasan at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga niyaon? siya'y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikibaka at ibang lalake ang makinabang ng bunga niyaon.

(D)At sinong lalake ang nagasawa sa isang babae at di pa niya nakukuha? siya'y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikibaka, at ibang lalake ang kumuha sa kaniyang asawa.

At muling magsasalita ang mga puno sa bayan, at kanilang sasabihin, (E)Sinong lalake ang matatakutin at mahinang loob? siya'y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka ang puso ng kaniyang mga kapatid ay (F)manglupaypay na gaya ng kaniyang puso.

At mangyayari, pagka ang mga pinuno ay natapos nang makapanalita sa bayan, na sila'y maghahalal ng mga kapitan ng mga hukbo sa unahan ng bayan.

10 Pagka ikaw ay lalapit sa isang bayan upang makipaglaban, ay (G)iyo ngang ihahayag ang kapayapaan doon.

11 At mangyayari, na kung sagutin ka ng kapayapaan, at pagbuksan ka, ay mangyayari nga, na ang buong bayang masusumpungan sa loob ay magiging sakop mo, at maglilingkod sa iyo.

12 At kung ayaw makipagpayapaan sa iyo, kundi makikipagbaka laban sa iyo, ay kukubkubin mo nga siya:

13 At pagka ibinigay ng Panginoon mong Dios sa iyong kamay ay (H)iyong susugatan ang bawa't lalake niyaon ng talim ng tabak:

14 Nguni't ang mga babae, at ang mga bata, at ang mga hayop, at ang buong nasa bayan, pati ng buong nasamsam doon, ay kukunin mong pinakasamsam; (I)at kakanin mo ang samsam sa iyong mga kaaway na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

15 Gayon ang iyong gagawin sa lahat ng bayang totoong malayo sa iyo, na hindi sa mga bayan ng mga bansang ito.

16 Nguni't (J)sa mga bayan ng mga taong ito na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana, ay huwag kang magtitira ng may buhay sa anomang bagay na humihinga:

17 Kundi iyong lilipulin sila; ang Hetheo, at ang Amorrheo, ang Cananeo, at ang Pherezeo, ang Heveo, at ang Jebuseo; gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios.

18 (K)Upang huwag kayong turuan nilang gumawa ng ayon sa lahat nilang karumaldumal, na kanilang ginawa sa kanilang mga dios; na anopa't kayo'y magkasala laban sa Panginoon ninyong Dios.

19 Pagka iyong kukubkubing mahabang panahon ang isang bayan sa pakikibaka upang sakupin, ay huwag mong sisirain ang mga punong kahoy niyaon, na pagbubuhatan ng palakol; sapagka't makakain mo, at huwag mong ipagbububuwal; sapagka't tao ba ang kahoy sa parang na kukubkubin mo?

20 Ang mga punong kahoy lamang na iyong kilala na hindi mga kahoy na nakakain, ang iyong sisirain at ibubuwal; at iyong itatayong mga kuta laban sa bayang nakikibaka sa iyo, hanggang sa maibuwal mo.