Add parallel Print Page Options

Iniutos ni Nebucadnezar na Sambahin ang Rebulto

Nagpagawa si Haring Nebucadnezar ng rebultong ginto.[a] May 90 talampakan ang taas at 9 na talampakan ang lapad. Ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. 2-3 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Nebucadnezar ang mga gobernador, mga mayor, mga komisyoner, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, at iba pang mga opisyal ng lalawigan para dumalo sa pagtatalaga ng nasabing rebulto. Nang naroon na sila nakatayo sa harap ng rebulto, sumigaw ang tagapagbalita, “Kayong mga nanggaling sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika, kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, plauta, kudyapi, alpa, at iba pang mga instrumento, lumuhod kayo agad at sumamba sa rebultong itinayo ni Haring Nebucadnezar. Ang sinumang hindi sasamba ay agad na itatapon sa naglalagablab na hurno.” Kaya nang marinig nila ang tunog ng mga instrumento, agad silang lumuhod at sumamba sa rebulto.

Nang panahong iyon, may ilang taga-Babilonia[b] na lumapit sa hari at pinaratangan nila ang mga Judio. Sinabi nila kay Haring Nebucadnezar, “Nawaʼy humaba pa ang inyong buhay, Mahal na Hari! 10 Hindi baʼt nag-utos po kayo na ang sinumang makarinig ng tunog ng mga instrumento ay dapat lumuhod at sumamba sa gintong rebulto, 11 at ang hindi sasamba ay itatapon sa naglalagablab na hurno? 12 Ngunit may ilang mga Judiong hindi sumusunod sa inyong utos. Sila po ay sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Sila ang mga taong pinamamahala ninyo sa lalawigan ng Babilonia. Hindi nila iginagalang ang inyong mga dios, at hindi sila sumasamba sa gintong rebulto na ipinatayo ninyo.”

13 Nang marinig iyon ng hari, nagalit siya nang husto. Kaya ipinatawag niya sina Shadrac, Meshac, at Abednego. 14 Nang dumating sila, tinanong sila ng hari, “Totoo bang hindi ninyo iginagalang ang aking mga dios at hindi kayo sumasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ko? 15 Ngayon, inuutusan ko kayong sumamba sa rebulto kapag narinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Dahil kung hindi, ipapatapon ko kayo sa naglalagablab na hurno. Tingnan natin kung may dios na makakapagligtas sa inyo.”

16 Sumagot silang tatlo, “Mahal na Hari, wala po kaming masasabi tungkol diyan. 17 Kung talaga pong ganyan ang mangyayari, ililigtas kami ng Dios na aming pinaglilingkuran mula sa naglalagablab na hurno. Ililigtas niya kami mula sa inyong mga kamay. 18 Pero kung hindi man niya kami iligtas, gusto naming malaman mo na hindi pa rin kami maglilingkod sa iyong mga dios o sasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ninyo.”

19 Dahil sa sagot nilang iyon, lalo pang nagalit ang hari sa kanila, at kitang-kita ito sa kanyang mukha. Kaya iniutos niyang painitin pa ang hurno ng pitong ulit. 20 Pagkatapos ay inutusan niya ang kanyang pinakamalalakas na sundalo na gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego, at itapon sa naglalagablab na hurno. 21 Kaya iginapos sila ng mga sundalo at itinapon sa hurno na hindi na inalis ang kanilang mga damit. 22 Dahil sa pinainit pang lalo ng hari ang hurno, namatay ang mga sundalong nagtapon sa kanila dahil sa lagablab ng apoy. 23 At silang tatlo na nakagapos ay bumagsak sa naglalagablab na hurno.

24 Habang nakatingin si Haring Nebucadnezar bigla siyang tumayo sa laki ng kanyang pagkamangha. Tinanong niya ang kanyang mga opisyal, “Hindi baʼt tatlo lang ang itinapon sa apoy?” Sumagot sila, “Opo, Mahal na Hari.”

25 Sinabi ng hari, “Tingnan ninyo! Apat na ang nakikita kong palakad-lakad sa gitna ng apoy. Hindi na sila nakagapos at hindi sila nasusunog. At ang isa sa kanila ay parang dios.”[c]

26 Kaya lumapit si Nebucadnezar sa pintuan ng naglalagablab na hurno at tinawag sila, “Shadrac, Meshac, at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Dios, lumabas kayo riyan. Halikayo rito.” At lumabas silang tatlo mula sa hurno.

27 Pagkatapos, nagtipon sa kanila ang mga gobernador, mayor, komisyoner, at ang iba pang mga opisyal ng hari. At nakita nilang hindi man lang sila napinsala ng apoy, ni hindi nag-amoy usok ang kanilang buhok o damit.

28 Dahil dito, sinabi ng hari, “Purihin ang Dios nina Shadrac, Meshac, at Abednego. Nagsugo siya ng kanyang anghel para iligtas ang kanyang mga lingkod na nagtitiwala sa kanya. Hindi nila sinunod ang aking utos; minabuti pa nilang mapatapon sa apoy kaysa sumamba sa alinmang dios maliban sa kanilang Dios. 29 Kaya iniuutos ko na ang sinumang tao sa alinmang bansa, lahi, o wika na magsasalita ng masama laban sa Dios nina Shadrac, Meshac, at Abednego ay pagpuputol-putulin ang katawan at wawasakin ang kanilang mga bahay. Sapagkat walang dios na makapagliligtas katulad ng kanilang Dios.”

30 At binigyan ng hari sina Shadrac, Meshac at Abednego ng mas mataas pang tungkulin sa lalawigan ng Babilonia.

Footnotes

  1. 3:1 rebultong ginto: Ang ibig sabihin, rebultong binalutan ng ginto.
  2. 3:8 taga-Babilonia: o, mga astrologo. Sa literal, mga Caldeo.
  3. 3:25 dios: o, anghel.
'Daniel 3 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang larawang ginto ni Nabucodonosor.

Si Nabucodonosor na hari ay gumawa ng isang (A)larawang ginto na ang taas ay anim na pung siko, at ang luwang niyao'y anim na siko: kaniyang itinayo sa (B)kapatagan ng Dura, sa lalawigan ng Babilonia.

Nang magkagayo'y nagsugo si Nabucodonosor na hari upang pisanin ang mga satrapa, ang mga kinatawan, at ang mga gobernador, ang mga hukom, ang mga tagaingat-yaman, ang mga kasangguni, ang mga pinuno, at ang lahat na pinuno sa mga lalawigan upang magsiparoon sa pagtatalaga ng larawan na itinayo ni Nabucodonosor na hari.

Nang magkagayo'y ang mga satrapa, ang mga kinatawan, at ang mga gobernador, ang mga hukom, ang mga tagaingat-yaman, ang mga kasangguni, ang mga pinuno at lahat ng pinuno sa mga lalawigan, ay nagpisan sa pagtatalaga ng larawan na itinayo ni Nabucodonosor na hari; at sila'y nagsitayo sa harap ng larawan na itinayo ni Nabucodonosor.

Nang magkagayo'y ang tagapagtanyag ay sumigaw ng malakas, Sa inyo'y iniuutos, (C)Oh mga bayan, mga bansa, at mga wika,

Na sa anomang oras na inyong marinig ang tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, kayo'y mangagpatirapa at magsisamba sa larawang ginto na itinayo ni Nabucodonosor na hari;

At sinoman na hindi magpatirapa at sumamba sa oras na yaon ay (D)ihahagis sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.

Kaya't sa oras na yaon, pagkarinig ng buong bayan ng tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, at ng lahat na sarisaring panugtog, lahat na bayan, mga bansa, at mga wika, ay nangagpatirapa at nagsisamba sa larawang ginto na itinayo ni Nabucodonosor na hari.

Ang mga kaibigan ni Daniel ay itinapon sa nagniningas na hurno.

Dahil dito sa oras na yaon ay nagsilapit ang ilang (E)taga Caldea, at (F)nagsumbong laban sa mga Judio.

Sila'y nagsisagot, at nangagsabi kay Nabucodonosor na hari, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man.

10 Ikaw, (G)Oh hari, nagpasiya, na bawa't tao na makarinig ng tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, ay magpapatirapa, at sasamba sa larawang ginto.

11 At sinomang hindi magpatirapa at sumamba, ihahagis sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.

12 May ilang Judio (H)na iyong inihalal sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia na si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego; ang mga lalaking ito, Oh hari, ay hindi ka pinakundanganan: sila'y hindi nangaglilingkod sa iyong mga dios, ni nagsisisamba man sa larawang ginto na iyong itinayo.

13 Nang magkagayo'y sa poot at pusok ni Nabucodonosor, ay nagutos na dalhin si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego. Kanila ngang dinala ang mga lalaking ito sa harap ng hari.

14 Si Nabucodonosor ay sumagot, at nagsabi sa kanila, Sinasadya nga ba ninyo, Oh Sadrach, Mesach, at Abed-nego, na kayo'y hindi mangaglilingkod sa aking dios, ni magsisisamba man sa larawang ginto na aking itinayo?

15 Kung kayo nga'y magsihanda sa panahong inyong marinig ang tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, na mangagpatirapa at magsisamba sa larawan na aking ginawa, mabuti: nguni't kung kayo'y hindi magsisamba, kayo'y ihahagis sa oras ding yaon sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas; (I)at sinong dios ang magliligtas sa inyo sa aking kamay?

16 Si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, ay nagsisagot, at nangagsabi sa hari, Oh Nabucodonosor, kami ay walang kailangan na magsisagot sa iyo sa bagay na ito.

17 Narito, ang aming Dios na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin sa mabangis na hurnong nagniningas; at ililigtas niya kami sa iyong kamay, Oh hari.

18 Nguni't kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na hindi kami mangaglilingkod sa iyong mga dios, ni magsisisamba man sa larawang ginto na iyong itinayo.

19 Nang magkagayo'y napuspos ng kapusukan si Nabucodonosor, at ang anyo ng kaniyang mukha ay nagbago laban kay Sadrach, kay Mesach, at kay Abed-nego: kaya't siya'y nagsalita, at nagutos na kanilang paiinitin ang hurno ng makapito na higit kay sa dating pagiinit.

20 At kaniyang inutusan ang ilang malakas na lalake na nangasa kaniyang hukbo na gapusin si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, at sila'y ihagis sa mabangis na hurnong nagniningas.

21 Nang magkagayo'y ang mga lalaking ito'y tinalian na may mga suot, may tunika, at may balabal, at may kanilang ibang mga kasuutan, at sila'y inihagis sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.

22 Sapagka't ang utos ng hari ay madalian, at ang hurno ay totoong mainit, napatay ng liyab ng apoy ang mga lalaking yaon na nagsibuhat kay Sadrach, kay Mesach, at kay Abed-nego.

23 At ang tatlong lalaking ito, si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, ay nagsibagsak na nagagapos sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.

24 Nang magkagayo'y si Nabucodonosor na hari ay nagtaka, at tumindig (J)na madali: siya'y nagsalita at nagsabi sa (K)kaniyang mga kasangguni, Di baga ang ating inihagis ay tatlong gapos na lalake sa gitna ng apoy? Sila'y nagsisagot, at nangagsabi sa hari, Totoo, Oh hari.

25 Siya'y sumagot, at nagsabi, Narito, aking nakikita ay apat na lalake na hindi gapos na nagsisilakad sa gitna ng apoy, at sila'y walang paso; at ang anyo ng ikaapat ay kawangis ng isang (L)anak ng mga dios.

26 Nang magkagayo'y lumapit si Nabucodonosor sa bunganga ng mabangis na hurnong nagniningas: siya'y nagsalita, at nagsabi, Sadrach, Mesach, at Abed-nego, kayong mga lingkod ng Kataastaasang Dios, kayo'y magsilabas at magsiparito. Nang magkagayo'y si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, ay nagsilabas mula sa gitna ng apoy.

27 At ang mga satrapa, ang mga kinatawan, at ang mga gobernador, at ang mga kasangguni ng hari na nangagkakapisan ay nakakita sa mga lalaking (M)ito, na ang apoy ay hindi tumalab sa kanilang mga katawan, ni ang mga buhok man ng kanilang mga ulo ay nasunog, ni ang kanila mang mga suot ay nabago, ni nagamoy apoy man sila.

Ang pagbabago ng isip ng hari.

28 Si Nabucodonosor ay nagsalita at nagsabi, Purihin ang Dios ni Sadrach, ni Mesach, at ni Abed-nego, (N)na nagsugo ng kaniyang anghel, at nagligtas sa kaniyang mga lingkod na nagsitiwala sa kaniya, at binago ang salita ng hari, at ibinigay ang kanilang mga katawan, upang sila'y hindi maglingkod ni sumamba sa kanino mang dios, liban sa kanilang sariling Dios.

29 Kaya't nagpapasiya ako, na (O)bawa't bayan, bansa, at wika, na magsalita ng anomang kapulaan laban sa Dios ni Sadrach, ni Mesach, at ni Abed-nego, (P)pagpuputolputulin, at ang kanilang mga bahay ay gagawing dumihan: (Q)sapagka't walang ibang dios na makapagliligtas ng ganitong paraan.

30 Nang magkagayo'y pinaginhawa ng hari si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, sa lalawigan ng Babilonia.