Add parallel Print Page Options

Ang Kaharian ng Ehipto at Siria

11 Tungkol sa akin, nang unang taon ni Dario na taga-Media, ako'y tumayo upang patibayin at palakasin siya.

“At ngayo'y ipapaalam ko sa iyo ang katotohanan. Tatlo pang mga hari ang lilitaw sa Persia; at ang ikaapat ay magiging higit na mayaman kaysa kanilang lahat. Kapag siya'y lumakas sa pamamagitan ng kanyang mga kayamanan, kanyang kikilusin ang lahat laban sa kaharian ng Grecia.

At isang makapangyarihang hari ang lilitaw at mamumuno na may malaking kapangyarihan, at gagawa ng ayon sa kanyang nais.

Habang nagiging makapangyarihan, magigiba ang kanyang kaharian at mahahati sa apat na hangin ng langit, ngunit hindi sa kanyang mga anak, ni ayon man sa kanyang kapangyarihan na kanyang ipinamuno; sapagkat ang kanyang kaharian ay mabubunot at mapupunta sa iba bukod sa mga ito.

“Ang hari ng timog ay magiging malakas, ngunit ang isa sa kanyang mga pinuno ay magiging higit na malakas kaysa kanya, at siya ay maghahari sa isang kahariang higit na makapangyarihan kaysa kanyang sariling kaharian.

Pagkatapos ng ilang mga taon sila'y magsasanib, at ang anak na babae ng hari sa timog ay pupunta sa hari sa hilaga upang makipagkasundo. Ngunit hindi niya mapapanatili ang lakas ng kanyang bisig; o siya ma'y tatayo, o ang bisig man niya; kundi siya'y mabibigay, at yaong mga nagdala sa kanya, at ang nanganak sa kanya, at ang nagpalakas sa kanya sa mga panahong yaon.

“Ngunit may isang sanga mula sa kanyang mga ugat ang hahalili sa kanya. Siya'y darating laban sa hukbo, at papasok sa kuta ng hari ng hilaga, at kanyang haharapin sila at magtatagumpay.

Dadalhin din niya sa Ehipto bilang samsam ng digmaan ang kanilang mga diyos pati ang kanilang mga larawang hinulma at ang kanilang mahahalagang sisidlang pilak at ginto. Sa loob ng ilang taon ay iiwasan niyang salakayin ang hari ng hilaga.

At sasalakayin ng huli ang kaharian ng hari sa timog, ngunit siya'y babalik sa kanyang sariling lupain.

10 “Ang kanyang mga anak ay makikipagdigma at titipunin ang isang malaking hukbo, na sasalakay na gaya ng baha at makakaraan, at ipagpapatuloy ang pakikidigma hanggang sa kanyang kuta.

11 Dahil sa galit, ang hari sa timog ay lalabas at makikipaglaban sa hari ng hilaga at kanyang ihahanda ang napakaraming tao, gayunma'y magagapi ng kanyang kamay.

12 Kapag ang napakaraming tao ay natangay na, ang kanyang puso ay magpapalalo; at kanyang ibubuwal ang sampung libu-libo, ngunit hindi siya magtatagumpay.

13 Sapagkat ang hari sa hilaga ay muling maghahanda ng maraming tao na higit na malaki kaysa una. Pagkalipas ng ilang taon, siya'y darating na may malaking hukbo at maraming panustos.

14 “Sa mga panahong iyon ay maraming babangon laban sa hari ng timog. Ang mga taong mararahas sa iyong bayan ay maninindigan sa sarili upang ganapin ang pangitain; ngunit sila'y mabibigo.

15 Sa gayo'y darating ang hari sa hilaga, at sasalakay at masasakop ang isang bayan na nakukutaang mabuti. Ang hukbo ng timog ay hindi makakatagal ni ang kanyang piling pangkat, sapagkat walang lakas upang makatagal.

16 Ngunit siya na dumarating laban sa kanya ay gagawa ayon sa kanyang sariling kalooban, at walang makakahadlang sa kanya. Siya'y tatayo sa maluwalhating lupain, na nasa kanyang kamay ang pagwasak.

17 Kanyang itutuon ang kanyang isipan na mapalakas ang kanyang buong kaharian, at siya'y magdadala ng mga alok ng pakikipagkasundo at gagawin ang mga iyon. Ibibigay niya sa kanya ang anak na babae upang maging asawa, ngunit ito'y hindi tatayo para sa kanya o kakampi man sa kanya.

18 Pagkatapos nito'y haharapin niya ang[a] mga lupain sa baybay-dagat, at sasakupin ang marami sa kanila. Ngunit isang pinuno ang magpapatigil sa kanyang kalapastanganan; tunay na kanyang ibabalik ang kanyang kalapastanganan sa kanya.

19 Kung magkagayo'y haharapin niya ang mga kuta ng kanyang sariling lupain; ngunit siya'y matitisod at mabubuwal, at hindi na matatagpuan.

20 “Kung magkagayo'y lilitaw na kapalit niya ang isa na magsusugo ng maniningil para sa kaluwalhatian ng kaharian; ngunit sa loob ng ilang araw ay mawawasak siya, hindi sa galit ni sa pakikipaglaban man.

21 At kapalit niya ay lilitaw ang isang kasuklamsuklam na tao na hindi nabigyan ng karangalan ng kaharian. Ngunit siya'y darating na walang babala at kukunin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya.

22 Ang mga hukbo ay ganap na matatangay at mawawasak sa harapan niya, pati ang pinuno ng tipan.

23 Pagkatapos na magawa ang pakikipagkasundo sa kanya, siya'y kikilos na may pandaraya, at siya'y magiging makapangyarihan kasama ng isang munting pangkat.

24 Walang babalang darating siya sa pinakamayamang bahagi ng lalawigan; at kanyang gagawin ang hindi ginawa ng kanyang mga magulang o ng magulang ng kanyang mga magulang. Ibabahagi niya sa kanila ang samsam at kayamanan. Siya'y gagawa ng mga panukala laban sa mga kuta, ngunit sa isang panahon lamang.

25 Kanyang kikilusin ang kanyang kapangyarihan at tapang laban sa hari ng timog na may malaking hukbo. At ang hari ng timog ay makikipagdigma sa isang napakalaki at makapangyarihang hukbo. Ngunit hindi siya magtatagumpay, sapagkat sila'y gagawa ng mga panukala laban sa kanya,

26 sa pamamagitan ng mga taong kumakain ng pagkaing mula sa hari. Kanilang wawasakin siya, ang kanyang hukbo ay matatalo at marami ang mabubuwal na patay.

27 Ang dalawang hari, na ang kanilang mga isipan ay nahumaling na sa kasamaan, ay uupo sa isang hapag at magpapalitan ng mga kasinungalingan. Ngunit hindi magtatagumpay, sapagkat ang wakas ay darating sa takdang panahon.

28 Siya'y babalik sa kanyang lupain na may malaking kayamanan, ngunit ang kanyang puso ay magiging laban sa banal na tipan. Gagawin niya ang kanyang maibigan, at babalik sa kanyang sariling lupain.

29 “Sa takdang panahon ay babalik siya at papasok sa timog, ngunit ito ay hindi magiging gaya ng una.

30 Sapagkat ang mga barko ng Kittim ay darating laban sa kanya at siya'y matatakot at babalik. Siya'y mapopoot at kikilos laban sa banal na tipan. Siya'y babalik at bibigyan ng pansin ang mga tumalikod sa banal na tipan.

31 Papasukin(A) at lalapastanganin ng mga tauhang sinugo niya ang templo at kuta. Kanilang aalisin ang patuloy na handog na sinusunog. At kanilang ilalagay ang kasuklamsuklam ng pagkawasak.

32 Kanyang aakitin na may labis na papuri ang mga sumuway sa tipan, ngunit ang bayan na nakakakilala ng kanilang Diyos ay magiging matibay at kikilos.

33 Ang marurunong sa mga mamamayan ay magtuturo sa marami, gayunman, sa loob ng ilang panahon, sila'y magagapi sa pamamagitan ng tabak at apoy, at daranas ng pagkabihag at sasamsaman.

34 Kapag sila'y nabuwal, sila'y tatanggap ng kaunting tulong, at marami ang sasama sa kanila na may pagkukunwari.

35 Ang ilan sa mga pantas ay magdurusa, upang dalisayin, linisin, at paputiin hanggang sa panahon ng wakas; sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon.

36 “Ang hari(B) ay kikilos ayon sa kanyang nais. Siya'y magmamalaki, at magpapakataas nang higit kaysa alinmang diyos, at magsasalita ng mga kagila-gilalas na bagay laban sa Diyos ng mga diyos. Siya'y uunlad hanggang sa ang poot ay maganap; sapagkat ang ipinasiya ay matutupad.

37 Hindi niya igagalang ang mga diyos ng kanyang mga ninuno, o ang pagnanasa sa mga babae. Hindi niya igagalang ang sinumang diyos, sapagkat siya'y magmamalaki sa lahat.

38 Sa halip, kanyang pararangalan ang diyos ng mga muog. Isang diyos na hindi nakilala ng kanyang mga ninuno ang kanyang pararangalan ng ginto at pilak, ng mahahalagang bato at ng mamahaling kaloob.

39 Kanyang haharapin ang pinakamatibay na mga kuta sa tulong ng ibang diyos; sinumang kumilala sa kanya ay kanyang itataas na may karangalan. Kanyang gagawin silang mga puno ng marami at ipamamahagi ang lupa sa katumbas na halaga.

40 “Sa panahon ng wakas ay sasalakayin siya ng hari ng timog, ngunit ang hari ng hilaga ay pupunta laban sa kanya na gaya ng isang ipu-ipo, may mga karwahe, mga mangangabayo, at may maraming mga barko. At siya'y sasalakay laban sa mga bansa at lalampas na gaya ng baha.

41 Siya'y papasok sa maluwalhating lupain at marami ang mabubuwal ngunit maliligtas sa kanyang kapangyarihan ang Edom, Moab, at ang pangunahing bahagi ng mga anak ni Ammon.

42 At kanyang iuunat ang kanyang kamay laban sa mga bansa; at ang lupain ng Ehipto ay hindi makakatakas.

43 Siya'y magiging pinuno ng mga kayamanang ginto at pilak, at ng mahahalagang bagay ng Ehipto; at ang mga taga-Libya at ang mga taga-Etiopia ay susunod sa kanyang mga hakbang.

44 Ngunit ang mga balita mula sa silangan at sa hilaga ay babagabag sa kanya; at siya'y lalabas na may malaking galit upang pumuksa at lumipol ng marami.

45 Kanyang itatayo ang mga tolda ng kanyang palasyo sa pagitan ng dagat at ng maluwalhating banal na bundok. Gayunma'y darating siya sa kanyang wakas, at walang tutulong sa kanya.

Footnotes

  1. Daniel 11:18 Sa Hebreo ay ipipihit ang kanyang mukha sa .
'Daniel 11 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang pagkakaalit-alit at pagkakampikampi ng mga Bansang Persia, Gresia, at ang mga bansang hilagaan, at timugan.

11 At tungkol sa akin, (A)nang unang taon ni Dario na taga Media, ako'y tumayo upang patibayin at palakasin siya.

At ngayo'y aking ipatatalastas sa iyo ang katotohanan. Narito, tatayo pa ang tatlong hari sa Persia; at ang ikaapat ay magiging totoong mayaman kay sa kanilang lahat: at pagka siya'y lumakas sa kaniyang mga yaman, ay kaniyang kikilusin ang lahat laban sa kaharian ng Grecia.

At (B)isang makapangyarihang hari ay tatayo, na magpupuno na may malaking kapangyarihan, at gagawa ng ayon sa kaniyang kalooban.

At pagka tatayo siya (C)ay magigiba ang kaniyang kaharian, at mababahagi sa apat na hangin ng langit, nguni't hindi sa kaniyang anak, ni ayon man sa kaniyang kapangyarihan na kaniyang ipinagpuno; sapagka't ang kaniyang kaharian ay mabubunot para sa mga iba bukod sa mga ito.

At ang hari sa timugan ay magiging malakas, at ang isa sa kaniyang mga prinsipe; at siya'y magiging malakas kay sa kaniya, at magtataglay ng kapangyarihan; ang kaniyang kapangyarihan ay magiging dakilang kapangyarihan.

At sa katapusan ng mga taon, sila'y magpipipisan; at ang anak na babae ng hari sa timugan ay paroroon sa hari sa hilagaan upang gumawa ng pakikipagkasundo: nguni't hindi niya mapananatili ang lakas ng kaniyang bisig; o siya ma'y tatayo, o ang bisig man niya; kundi siya'y mabibigay, at yaong mga nangagdala sa kaniya, at ang nanganak sa kaniya, at ang nagpalakas sa kaniya sa mga panahong yaon.

Nguni't sa suwi ng kaniyang mga ugat ay tatayo ang isa na kahalili niya na paroroon sa hukbo, at papasok sa katibayan ng hari sa hilagaan, at gagawa ng laban sa kanila, at mananaig.

At gayon din ang kanilang mga dios sangpu ng kanilang mga larawang binubo, at ng kanilang mga mainam na sisidlan na pilak at ginto ay dadalhing samsam sa Egipto; at siya'y magluluwat na ilang taon kay sa hari sa hilagaan.

At siya'y paroroon sa kaharian ng hari sa timugan, nguni't siya'y babalik sa kaniyang sariling lupain.

10 At ang kaniyang mga anak ay makikipagdigma, at mapipisan ng isang karamihang malaking hukbo, na magpapatuloy, at aabot, at lalagpas; at sila'y magsisibalik at makikipagdigma, hanggang sa kaniyang katibayan.

11 At ang hari sa timugan ay makikilos ng pagkagalit, at lalabas at makikipaglaban sa kaniya, sa makatuwid baga'y sa hari sa hilagaan; at siya'y maglalabas ng malaking karamihan, at ang karamiha'y mabibigay sa kaniyang kamay.

12 At ang karamihan ay madadala, at ang kaniyang puso ay magpapalalo; at siya'y magbubuwal ng libo-libo, nguni't hindi mananaig.

13 At ang hari sa hilagaan ay babalik, at maglalabas ng isang karamihan na lalong malaki kay sa una; at siya'y magpapatuloy hanggang sa wakas ng mga panahon, ng mga taon, na may malaking hukbo, at maraming kayamanan.

14 At sa mga panahong yaon ay maraming magsisitayo laban sa hari sa timugan: gayon din ang mga anak na mangdadahas sa gitna ng iyong bayan ay magsisibangon (D)upang itatag ang pangitain; nguni't sila'y mangabubuwal.

15 Sa gayo'y paroroon ang hari sa hilagaan, at gagawa ng isang bunton, at sasakop ng isang bayan na nakukutaang mabuti: at ang pulutong ng timugan ay hindi makatatayo ni ang kaniya mang piling bayan, ni magtataglay man sila ng anomang kalakasan, upang tumayo.

16 Nguni't ang dumarating laban sa kaniya, ay gagawa ng ayon sa sariling kalooban, at walang tatayo sa harap niya; at siya'y tatayo sa maluwalhating lupain, at sasa kaniyang kamay ang paglipol.

17 At kaniyang itatanaw ang kaniyang mukha upang pumaroon na kasama ng lakas ng kaniyang buong kaharian, at ng mga tapat na kasama niya; at siya'y gagawa ng mga yaon: at ibibigay niya sa kaniya ang anak na babae ng mga babae, upang hamakin; nguni't siya'y hindi tatayo, ni siya'y mapapasa kaniya man.

18 Pagkatapos nito'y kaniyang ipipihit ang kaniyang mukha sa mga pulo, at sasakop ng marami: nguni't isang prinsipe ay magpapatigil ng pagkutya niya; oo, bukod dito'y kaniyang pababalikin ang kaniyang kakutyaan sa kaniya.

19 Kung magkagayo'y kaniyang ipipihit ang kaniyang mukha sa dako ng mga kuta ng kaniyang sariling lupain; nguni't siya'y matitisod at mabubuwal, (E)at hindi masusumpungan.

20 Kung magkagayo'y tatayo na kahalili niya ang isa na magpaparaan ng maniningil sa kaluwalhatian ng kaharian; nguni't sa loob ng kaunting araw ay mapapahamak, na hindi sa kagalitan, o sa pagbabaka man.

21 At kahalili niya na tatayo ang isang hamak na tao, na hindi nila pinagbigyan ng karangalan ng kaharian: nguni't siya'y darating sa panahong katiwasayan, at magtatamo ng kaharian sa pamamagitan ng mga daya.

22 At sa pamamagitan ng pulutong na huhugos ay mapapalis sila sa harap niya, at mabubuwal; oo, pati ng prinsipe ng tipan.

23 At pagkatapos ng pakikipagkasundo sa kaniya, siya'y gagawang may karayaan; sapagka't siya'y sasampa, at magiging matibay, na kasama ng isang munting bayan.

24 Sa panahon ng katiwasayan darating siya hanggang sa mga pinakamainam na dako ng lalawigan; at kaniyang gagawin ang hindi ginawa ng kaniyang mga magulang, o ng mga magulang ng kaniyang mga magulang; siya'y magbabahagi sa kanila ng huli, at samsam, at kayamanan: oo, siya'y hahaka ng kaniyang mga haka laban sa mga kuta, hanggang sa takdang panahon.

25 At kaniyang kikilusin ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang tapang laban sa hari sa timugan na may malaking hukbo; at ang hari sa timugan ay makikipagdigma sa pakikipagbaka na may totoong malaki at makapangyarihang hukbo; nguni't hindi siya tatayo, sapagka't sila'y magsisihaka ng mga panukala laban sa kaniya.

26 Oo, silang nagsisikain ng kaniyang masarap na pagkain ay siyang magpapahamak sa kaniya, at ang kaniyang hukbo ay (F)mapapalis; at marami ay mabubuwal na patay.

27 At tungkol sa dalawang haring ito, ang kanilang mga puso ay magtataglay ng kasamaan, at sila'y mangagsasalita ng mga kabulaanan sa isang dulang: nguni't hindi giginhawa; sapagka't ang wakas ay magiging sa panahong takda pa.

28 Kung magkagayo'y babalik siya sa kaniyang lupain na may malaking kayamanan; at ang kaniyang puso ay magiging laban sa banal na tipan; at siya'y gagawa ng kaniyang maibigan, at babalik sa kaniyang sariling lupain.

29 Sa takdang panahon ay babalik siya, at papasok sa timugan; nguni't hindi magiging gaya ng una ang huli.

30 Sapagka't mga sasakyan sa Chittim ay magsisiparoon laban sa kaniya; kaya't siya'y mahahapis, at babalik, at magtataglay ng galit laban sa banal na tipan, at gagawa ng kaniyang maibigan: siya nga'y babalik, at lilingapin yaong nangagpabaya ng banal na tipan.

31 At mga pulutong ay magsisitayo sa kaniyang bahagi, (G)at kanilang lalapastanganin ang santuario, sa makatuwid baga'y ang kuta, at aalisin ang palaging handog na susunugin, at kanilang ilalagay ang kasuklamsuklam na naninira.

32 At ang gayon na gumagawa na may kasamaan laban sa tipan, ay mahihikayat niya sa pamamagitan ng mga daya; nguni't ang bayan na nakakakilala ng kanilang dios ay magiging matibay, at gagawa ng kabayanihan.

33 At silang marunong sa bayan ay magtuturo sa marami; gayon ma'y mangabubuwal sila sa pamamagitan ng tabak at ng liyab, ng pagkabihag at ng samsam, na maraming araw.

34 Pagka nga sila'y mangabubuwal, sila'y tutulungan ng kaunting tulong; nguni't marami ay magsisipisan sa kanila na may mga daya.

35 At ang ilan sa kanila na pantas ay (H)mangabubuwal, upang dalisayin sila, at linisin, at paputiin, hanggang sa panahon ng kawakasan; sapagka't ukol sa panahon pang takda.

36 At ang hari ay gagawa ng ayon sa kaniyang kalooban; at (I)siya'y magmamalaki, at magpapakataas ng higit kay sa bawa't dios, at magsasalita ng mga kagilagilalas na bagay laban (J)sa Dios ng mga dios; at siya'y giginhawa hanggang sa ang galit ay maganap; sapagka't ang ipinasiya ay gagawin.

37 Wawaling bahala niya ang mga dios ng kaniyang mga magulang, o ang nasa man sa mga babae, o pakukundanganan man ang sinomang dios; sapagka't siya'y magmamalaki sa lahat.

38 Kundi bilang kahalili ay pararangalan niya ang dios ng mga katibayan; at isang dios na hindi nakilala ng kaniyang mga magulang ay kaniyang pararangalan ng ginto, at pilak, at ng mga mahalagang bato at ng mga maligayang bagay.

39 At siya'y magbabagsak ng mga matibay na kuta sa tulong ng ibang dios; sinomang kumilala sa kaniya, mananagana sa kaluwalhatian; at pagpupunuin niya sila sa marami, at kaniyang babahagihin ang lupa sa halaga.

40 At sa panahon (K)ng kawakasan ay makikipagkaalit sa kaniya ang hari sa timugan; at ang hari sa hilagaan ay paroroon laban sa kaniya na (L)gaya ng isang ipoipo, na may mga karo, at may mga mangangabayo, at may maraming sasakyan; at kaniyang papasukin ang mga lupain, at aabot at lalagpas.

41 Siya'y papasok din naman sa maluwalhating lupain, at maraming lupain ay mababagsak; nguni't ang mga ito ay mangaliligtas mula sa kaniyang kamay: ang (M)Edom, at ang Moab, at ang puno ng mga anak ni Ammon.

42 Kaniyang iuunat din naman ang kaniyang kamay sa mga lupain; at ang lupain ng Egipto ay hindi makatatakas.

43 Nguni't siya'y magtataglay ng kapangyarihan sa mga kayamanang ginto at pilak, at sa lahat na mahalagang bagay sa Egipto; at ang mga taga Libia at ang mga taga Etiopia ay susunod sa kaniyang mga hakbang.

44 Nguni't mga balita na mula sa silanganan at mula sa hilagaan ay babagabag sa kaniya; at siya'y lalabas na may malaking kapusukan upang gumiba at lumipol sa marami.

45 At kaniyang itatayo ang mga tolda ng kaniyang palasio sa pagitan (N)ng dagat at ng maluwalhating banal (O)na bundok; gayon ma'y darating siya sa kaniyang wakas, at walang tutulong sa kaniya.