Add parallel Print Page Options

Ang Kasamaan ng mga Pinuno ng Israel

Nakakaawa kayong mga pinuno ng Zion at Samaria na nagpapasarap sa buhay at walang pakialam. Itinuturing ninyo ang inyong mga sarili na mararangal na tao ng nangungunang bansa, at sa inyo lumalapit ang inyong mga mamamayan na nangangailangan. Tingnan ninyo kung ano ang nangyari sa lungsod ng Calne, ang malaking lungsod ng Hamat, at ang lungsod ng Gat sa Filistia. Mas makapangyarihan ba kayo kaysa sa mga kahariang iyon? Mas malawak ba ang inyong lupain kaysa sa kanila?

Kawawa kayong nag-aakala na hindi darating sa inyo ang araw ng pagpaparusa. Dahil sa ginagawa ninyong kasamaan, lalo ninyong pinadadali ang araw na iyon na maghahari ang karahasan.

Kawawa kayong mga pahiga-higa lang sa inyong mga mamahaling kama[a] at nagpapakabusog sa masasarap na pagkaing karne ng batang tupa at ng pinatabang guya.

Kawawa kayong mga kumakatha ng mga awit habang tumutugtog ng alpa at mahilig tumugtog ng mga tugtugin katulad ni David.

Kawawa kayong malalakas uminom ng alak at gumagamit ng mamahaling pabango, pero hindi nagdadalamhati sa sasapiting pagbagsak ng inyong bansa.[b] Kaya kayong mga pinuno ang unang bibihagin at matitigil na ang inyong mga pagpipista at pagwawalang-bahala.

Kinamumuhian ng Panginoon ang Pagmamataas ng Israel

Sumumpa ang Panginoong Dios, ang Dios na Makapangyarihan. Sinabi niya, “Kinamumuhian ko ang pagmamataas ng mga lahi ni Jacob, at kinasusuklaman ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod. Kaya ipapasakop ko sa kaaway ang kanilang lungsod at ang lahat ng naroroon.”

Kung may sampung tao na matitira sa isang bahay, lahat sila ay mamamatay. 10 Ang bangkay ng namatay ay kukunin ng kanyang kamag-anak upang sunugin. Tatanungin niya ang nagtatago[c] sa kaloob-looban ng bahay, “May kasama ka pa riyan?”[d] Kapag sumagot siya ng wala, sasabihin ng nagtanong, “Tumahimik ka na! Baka mabanggit mo pa ang pangalan ng Panginoon at maparusahan tayo.” 11 Ang totoo, kapag ang Panginoon na ang nag-uutos, mawawasak ang lahat ng bahay, malaki man o maliit.

12 Makakatakbo ba ang kabayo sa batuhan? Makakapag-araro ba ang baka roon? Siyempre hindi! Pero binaliktad ninyo ang katarungan para mapahamak ang tao, at ang katarungan ay ginawa ninyong masama. 13 Tuwang-tuwa kayo nang nasakop ninyo ang mga bayan ng Lo Debar at Karnaim, at sinasabi ninyo, “Natalo natin sila sa pamamagitan ng sarili nating kalakasan.” 14 Pero ito ang sagot ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay ipasasalakay ko sa isang bansa. Pahihirapan nila kayo at sasakupin ang inyong lugar mula Lebo Hamat hanggang sa lambak ng Araba.”

Footnotes

  1. 6:4 mamahaling kama: sa literal, higaan na may mga bahaging yari sa pangil ng elepante.
  2. 6:6 pagbagsak ng inyong bansa: sa literal, pagbagsak ni Jose, na ang ibig sabihin ay ang mga lahi ni Jose o ang bansang Israel.
  3. 6:10 nagtatago: o, natira.
  4. 6:10 May kasama ka pa riyan: o, May bangkay pa ba riyan?
'Amos 6 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang pagmamasagwa at ang di pagbabanal ay parurusahan.

(A)Sa aba nila na nangagwawalang bahala sa Sion, at nila na mga tiwasay sa bundok ng Samaria, na magigiting na lalake sa mga pangulong bansa, ng mga pinagsasadya ng sangbahayan ni Israel!

Magsidaan kayo sa (B)Calne, at inyong tingnan; at mula roon ay magsiparoon kayo sa (C)Hamath na malaki; kung magkagayo'y magsibaba kayo sa Gath ng mga Filisteo: (D)magaling baga sila kay sa mga kahariang ito? o malaki baga ang kanilang hangganan kay sa inyong hangganan?

Kayong (E)nangaglalayo ng masamang araw at nangagpapalit ng likmuan ng karahasan;

Na nangahihiga sa mga higaang garing, at nagsisiunat sa kanilang mga hiligan, at nagsisikain ng mga batang tupa na mula sa kawan, at ng mga guya na mula sa gitna ng kulungan;

Na nagsisiawit ng mga pagayongayong awit sa tinig ng biola; na (F)nagsisikatha sa ganang kanilang sarili ng mga panugtog ng tugtugin, na gaya ni David;

Na nagsisiinom ng alak sa mga mankok, at nagsisipagpahid ng mga mainam na pabango; nguni't hindi nangahahapis sa pagdadalamhati ng Jose.

(G)Sila nga ngayo'y magsisiyaong bihag na kasama ng unang nagsiyaong bihag, at ang kasayahan nila na nagsisihiga ay mapaparam.

Ang Panginoong Dios ay sumumpa (H)sa kaniyang sarili, sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo: Aking kinayayamutan (I)ang karilagan ng Jacob, at aking kinapopootan ang kaniyang mga palacio; kaya't aking ibibigay ang bayan sangpu ng lahat na nandoon.

At mangyayari, kung may matirang sangpung tao sa isang bahay, na pawang mangamamatay.

10 At pagka itataas siya ng amain, sa makatuwid baga'y ng (J)sumusunog sa kaniya, upang ilabas ang mga buto sa bahay, at sasabihin doon sa nasa (K)pinakaloob ng bahagi ng bahay, May kasama ka pa bagang sinoman? at kaniyang sasabihin: Wala; kung magkagayo'y kaniyang sasabihin: Tumahimik ka; sapagka't hindi natin mababanggit ang pangalan ng Panginoon.

11 Sapagka't narito, naguutos ang Panginoon, at ang malaking bahay ay magkakasira, at ang munting bahay ay magkakabutas.

12 Tatakbo baga ang mga kabayo sa malaking bato? magaararo baga roon ang sino man sa pamamagitan ng mga toro? inyo ngang (L)ginagawang kapaitan ang (M)katarungan, at ajenjo ang bunga ng katuwiran,

13 Kayong nangagagalak sa isang bagay na walang kabuluhan na nangagsasabi; Di baga kami ay nagtaglay para sa amin ng (N)mga sungay sa pamamagitan ng aming sariling kalakasan?

14 Sapagka't, narito, aking ititindig laban sa inyo ang isang bansa, Oh sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo; at kanilang pagdadalamhatiin kayo mula (O)sa pasukan sa Hamath hanggang sa batis ng Araba.