Add parallel Print Page Options

Kayong mga taga-Israel, na ang mga ninuno ay inilabas ng Panginoon sa Egipto, pakinggan ninyo ang sasabihin niya laban sa inyo: Sa lahat ng bansa sa buong mundo, kayo lamang ang aking pinili na maging mga mamamayan ko. Kaya parurusahan ko kayo dahil sa lahat ng inyong mga kasalanan.

Itinalaga ng Dios ang Gawain ng mga Propeta

Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang tao kung hindi sila magkasundo? Umaatungal ba ang leon sa kagubatan kung wala siyang mabibiktima? Aatungal ba siya sa loob ng kanyang yungib kung wala siyang nahuli? Mahuhuli ba ang ibon kung walang pain na inilagay sa bitag? At iigkas ba ang bitag kung walang nahuli? Hindi baʼt nanginginig sa takot ang mga tao sa tuwing patutunugin ang trumpeta na nagpapahiwatig na may paparating na kaaway? Mangyayari ba ang kapahamakan sa isang lungsod kung hindi ito pinahintulutan ng Panginoon?

Sa katunayan, hindi gumagawa ng anuman ang Panginoong Dios na hindi muna niya ipinababatid sa kanyang mga lingkod na propeta.

Sino ang hindi matatakot kung umaatungal na ang leon? Sino kaya ang hindi magpapahayag ng mensahe ng Panginoong Dios kung ang Panginoong Dios na mismo ang nagsasalita sa kanya?

Ang Hatol ng Dios sa Samaria

Sabihin ninyo sa mga pinunong nakatira sa matitibay na bahagi ng Ashdod[a] at Egipto na magtipon sila sa mga burol sa paligid ng Samaria[b] at tingnan nila ang kaguluhang nangyayari sa lungsod na ito at ang panggigipit sa mga mamamayan nito. 10-11 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios laban sa Samaria: “Hindi sila marunong gumawa ng matuwid. Ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod ay puno ng mga bagay na ninakaw at sinamsam. Kaya lulusubin sila ng mga kaaway at gigibain ang kanilang mga kampo. Sasamsamin ng mga kaaway ang mga ari-arian sa matitibay na bahagi ng kanilang lungsod.”

12 Ito pa ang sinasabi ng Panginoon: “Ang maililigtas lang ng isang pastol sa tupang sinisila ng leon ay maaaring dalawang paa o isang tainga lamang. Ganoon din ang mangyayari sa inyong mga Israelitang nakatira sa Samaria; wala kayong maililigtas kundi bahagi na lamang ng inyong magagandang higaan.”

13 Sinabi ng Panginoong Dios, ang Dios na Makapangyarihan, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko at sabihin din ninyo ito sa mga lahi ni Jacob: 14 Sa araw na parusahan ko ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan, wawasakin ko ang mga altar sa Betel.[c] Puputulin ko ang sungay ng mga sulok ng altar[d] at mahuhulog ang mga ito sa lupa. 15 Wawasakin ko ang kanilang mga bahay na pangtaglamig at ang mga bahay na pangtag-init. Wawasakin ko rin ang kanilang mamahalin[e] at malalaking bahay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Footnotes

  1. 3:9 Ashdod: Isa sa mga pangunahing lungsod ng Filistia at kumakatawan sa buong bansa ng Filistia.
  2. 3:9 Samaria: Ito ang kabisera ng Israel at kumakatawan sa buong kaharian ng Israel.
  3. 3:14 Betel: Isang lugar sa Israel na sinasambahan.
  4. 3:14 Puputulin … altar: Ayon sa 1 Hari 1:50 at 2:28, ang tao na inuusig ay pwedeng humawak sa mga sungay ng mga sulok ng altar, at walang gagalaw nito doon. Kaya ang mga inaasahan ng mga Israelita na magpoprotekta sa kanila ay wawasakin ng Panginoon.
  5. 3:15 mamahalin: Sa literal, mga bahay na may mga bahaging yari sa pangil ng elepante.
'Amos 3 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang pangangailangan ng paghula ng masama laban sa Israel.

Dinggin ninyo ang salitang ito na sinalita ng Panginoon laban sa inyo, Oh (A)mga anak ni Israel, laban sa buong angkan (B)na aking iniahon mula sa lupain ng Egipto, na sinasabi,

Kayo lamang ang aking (C)nakilala sa lahat ng angkan sa lupa: (D)kaya't aking dadalawin sa inyo ang lahat ninyong kasamaan.

Makalalakad baga ang dalawa na magkasama, liban na sila'y magkasundo?

Uungal baga ang leon sa gubat, kung wala siyang huli? sisigaw baga ang batang leon sa kaniyang yungib, kung wala siyang huling anoman?

Malalaglag baga ang ibon sa silo sa ibabaw ng lupa, ng walang silo sa kaniya? lulukso baga ang panghuli mula sa lupa, at walang nahuling anoman?

Tutunog baga ang pakakak sa bayan, at ang bayan ay hindi manginginig? (E)sasapit baga ang kasamaan sa bayan, at hindi ginawa ng Panginoon?

Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, (F)kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.

Ang leon ay umungal, sinong di matatakot? Ang Panginoong Dios ay nagsalita; (G)sinong hindi manghuhula?

Ihayag ninyo sa mga palacio sa (H)Asdod, at sa mga palacio sa lupain ng Egipto, at inyong sabihin, Magpipisan kayo sa mga bundok ng (I)Samaria, at inyong masdan kung anong laking ingay ang nandoon, at kung anong pahirap ang nasa gitna niyaon.

10 Sapagka't hindi sila marunong magsigawa ng matuwid, sabi ng Panginoon, na nagiimbak ng pangdadahas at pagnanakaw sa kanilang mga palacio.

11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kaaway ay paririto sa palibot ng lupain; at kaniyang ibabagsak ang lakas mo sa iyo, at ang iyong mga palacio ay sasamsaman.

12 Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung paanong inaagaw ng pastor sa bibig ng leon ang dalawang hita, o ang isang putol ng tainga; gayon ililigtas ang mga anak ni Israel na nangauupo sa Samaria sa sulok ng hiligan, at sa mga sedang colchon ng higaang malaki.

13 Dinggin ninyo, at patotohanan ninyo laban sa sangbahayan ni Jacob, sabi ng Panginoong Dios, ng Dios ng mga hukbo.

14 Sapagka't sa araw na aking dadalawin ang mga pagsalangsang ng Israel sa kaniya, aking dadalawin din ang mga (J)dambana ng (K)Beth-el, at ang mga (L)sungay ng dambana ay mahihiwalay, at malalaglag sa lupa.

15 At aking sisirain (M)ang bahay na pangtagginaw na kasabay ng bahay na pangtaginit; at (N)ang mga bahay na garing ay mangawawala, at ang mga malaking bahay ay magkakawakas, sabi ng Panginoon.