Add parallel Print Page Options

Ang Kasunduan ng Diyos kay David(A)

Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang palasyo. Sa tulong ni Yahweh, hindi na siya ginambala ng kanyang mga kaaway. Tinawag niya si Natan at sinabi, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Diyos.”

Sumagot si Natan, “Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat si Yahweh ay sumasaiyo.” Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mo, ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? Mula nang ilabas ko sa Egipto ang Israel, wala pa akong bahay na masasabing akin. Hanggang ngayo'y tolda pa ang aking tahanan. Kahit lagi akong kasama ng Israel, wala akong sinabing anuman sa sinumang pinuno tungkol sa tahanang sedar na dapat kong tirhan, gayong ako ang pumili sa kanila upang mamahala sa aking kawan.’ Sabihin mo rin sa lingkod kong si David ang salitang ito ni Yahweh: ‘Kinuha kita mula sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. Kasama mo ako saan ka man magtungo at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. 10 Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko papatirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon; wala nang taong mararahas na aalipin sa kanila tulad noong una, 11 buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong si Yahweh ay nagsasabi sa iyo, papatatagin ko ang iyong sambahayan. 12 Pagkamatay(B) mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at papatatagin ko ang kanyang kaharian. 13 Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. 14 Ako'y(C) kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Kung siya'y magkasala, paparusahan ko siya tulad ng pagpaparusa ng ama sa nagkakasalang anak. 15 Ngunit ang paglingap ko sa kanya'y hindi magbabago, di tulad ng nangyari kay Saul. 16 Magiging(D) matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia'y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono magpakailanman.’” 17 Isinaysay nga ni Natan kay David ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh.

Ang Panalangin ni David(E)

18 Pagkatapos nito, pumasok sa tolda si Haring David, umupo at nanalangin. Sinabi niya, “Ako po at ang aking pamilya ay hindi karapat-dapat sa lahat ng kabutihang ginawa ninyo sa akin, Panginoong Yahweh. 19 Maaaring maliit na bagay lamang ito sa inyong paningin, O Panginoong Yahweh, subalit napakalaki para sa amin sapagkat tiniyak na ninyo ang magandang kalagayan ng sambahayan ko para sa hinaharap. 20 Wala na akong masasabi sapagkat kilala ninyo ang inyong lingkod. 21 Ayon sa inyong pangako, niloob ninyong maging dakila ang inyong lingkod. 22 Napakadakila mo, O Panginoong Yahweh. Wala pa kaming nababalitaang Diyos na tulad ninyo. Ikaw lamang ang Diyos. 23 Walang(F) bansang maitutulad sa Israel. Ito'y hinango ninyo sa pagkaalipin upang maging inyong bayan. Ito lamang ang bansang pinagpakitaan ninyo ng mga kakila-kilabot at dakilang bagay para sila'y matulungan. Itinaboy ninyo ang ibang mga bansa at inalis ang kanilang mga diyus-diyosan pagdating nila. 24 Yahweh, itinatag ninyo ang bansang Israel upang maging inyo magpakailanman at kayo po ang kanilang naging Diyos.

25 “At ngayon Panginoong Yahweh, gawin ninyo ang inyong pangako sa inyong alipin at sa kanyang sambahayan. 26 Pararangalan ang inyong pangalan ng lahat ng bansa at sasabihin nila, ‘Si Yahweh, ang Makapangyarihan, ay Diyos ng Israel!’ Sa gayon, magiging matatag sa harapan ninyo ang sambahayan ni David na inyong lingkod. 27 Yahweh, Makapangyarihang Diyos ng Israel, nagkaroon ako ng lakas ng loob na manalangin ng ganito sapagkat kayo na rin ang nagsabi sa inyong lingkod na paghahariin ninyo sa Israel ang aking angkan.

28 “Panginoong Yahweh, kayo'y tapat at tumutupad sa mga pangako ninyo sa akin. 29 Ngayo'y pagpalain ninyo ang sambahayan ng inyong lingkod upang ito'y magpatuloy. Panginoong Yahweh, ikaw rin ang nangako nito kaya manatili nawa sa aking angkan ang iyong pagpapala.”

'2 Samuel 7 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Balak na pagpapagawa ng Templo.

At nangyari (A)nang ang hari ay tumahan sa kaniyang bahay, at binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan sa lahat niyang mga kaaway sa palibot,

Na sinabi ng hari kay (B)Nathan na propeta: Tingnan mo ngayon ako'y tumatahan sa isang (C)bahay na sedro, nguni't ang kaban ng Dios ay nanahanan sa loob ng mga (D)tabing.

At sinabi ni Nathan sa hari, Yumaon ka, gawin mo ang lahat na nasa iyong puso; sapagka't ang Panginoon ay sumasa iyo.

At nangyari, nang gabi ring yaon, na ang salita ng Panginoon ay dumating kay Nathan, na sinasabi,

Yumaon ka at saysayin mo sa aking lingkod na kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon: Ipagtatayo mo ba ako ng isang bahay na matatahanan?

Sapagka't hindi ako tumahan sa isang bahay mula sa araw na aking iahon ang mga anak ni Israel mula sa Egipto, hanggang sa araw na ito, kundi ako'y lumakad (E)sa tolda at sa tabernakulo.

Sa lahat ng dako na aking nilakaran na kasama ng lahat ng mga anak ni Israel, nagsalita ba ako ng (F)isang salita sa isa sa mga lipi ng Israel na aking inutusan na (G)maging pastor ng aking bayang Israel, na nagsasabi, Bakit hindi ninyo ipinagtayo ako ng isang bahay na sedro?

Ngayon nga'y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: (H)Kinuha kita mula sa kulungan ng tupa, sa pagsunod sa tupa, upang ikaw ay maging pangulo sa aking bayan, sa Israel:

(I)At ako'y suma iyo saan ka man naparoon, at aking inihiwalay ang lahat ng iyong mga kaaway sa harap mo; at gagawin kitang isang dakilang pangalan, gaya ng pangalan ng mga dakila na nasa lupa.

10 At aking tatakdaan ng isang dako ang aking bayan na Israel, at (J)aking itatatag sila, upang sila'y magsitahan sa kanilang sariling dako, at (K)huwag nang mabago pa; ni pipighatiin pa man sila ng mga anak ng kasamaan, na gaya ng una.

11 (L)At gaya mula sa araw na aking halalan ng mga hukom ang aking bayang Israel; at aking (M)papagpapahingahin ka sa lahat ng iyong mga kaaway. Bukod sa rito ay isinaysay ng Panginoon (N)na igagawa ka ng Panginoon ng isang bahay.

12 Pagka ang iyong mga araw ay naganap, at ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga magulang, (O)aking ibabangon ang iyong binhi pagkatapos mo, na magmumula sa iyong tiyan, at aking itatatag ang kaniyang kaharian.

13 (P)Kaniyang ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, at aking (Q)itatatag ang luklukan ng kaniyang kaharian magpakailan man.

14 (R)Ako'y magiging kaniyang ama, at siya'y magiging aking anak: kung siya'y gumawa ng kasamaan, aking sasawayin siya ng pamalo ng mga tao, at ng panghampas ng mga anak ng mga tao;

15 Ngunit ang aking kagandahang loob ay hindi mahihiwalay sa kaniya na (S)gaya nang aking pagkaalis niyan kay Saul, na aking inalis sa harap mo.

16 At ang iyong sangbahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailan man sa harap mo: ang (T)iyong luklukan ay matatatag magpakailan man.

17 Ayon sa lahat ng mga salitang ito, at ayon sa buong pangitaing ito ay gayon sinalita ni Nathan kay David.

Panalangin at pagpapasalamat ni David.

18 Nang magkagayo'y ang haring si David ay pumasok, at umupo sa harap ng Panginoon: at kaniyang sinabi, (U)Sino ako, Oh Panginoong Dios, at ano ang aking sangbahayan na ako'y iyong dinala sa ganiyang kalayo?

19 At ito'y munting bagay pa sa iyong paningin, Oh Panginoong Dios; nguni't ikaw ay nagsalita naman ng tungkol sa sangbahayan ng iyong lingkod nang hanggang sa malaong panahong darating; (V)at ito ay ayon sa paraan ng tao, Oh Panginoong Dios!

20 At ano pa ang masasabi ni David sa iyo? (W)sapagka't iyong kilala ang iyong lingkod, Oh Panginoong Dios.

21 Dahil sa iyong salita, at ayon sa iyong sariling puso, iyong ginawa ang buong kadakilaang ito, upang iyong ipakilala sa iyong lingkod.

22 Kaya't (X)ikaw ay dakila, Oh Panginoong Dios: sapagka't (Y)walang gaya mo, o may ibang Dios pa bukod sa iyo, ayon sa lahat na aming naririnig ng aming mga pakinig.

23 At (Z)anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayan, gaya ng Israel, na tinubos ng Dios sa kaniyang sarili na pinakabayan, at upang gawin niya sa kaniyang isang pangalan, at upang igawa kayo ng mga (AA)dakilang bagay, at ng mga kakilakilabot na mga bagay ang iyong lupain, sa harap ng iyong bayan na iyong tinubos para sa iyo mula sa Egipto, mula sa mga bansa at sa kanilang mga dios?

24 At iyong (AB)itinatag sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging bayan sa iyo magpakailan man; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Dios.

25 At ngayon, Oh Panginoong Dios, ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kaniyang sangbahayan, iyong pagtibayin nawa magpakailan man, at iyong gawin gaya ng iyong sinalita.

26 At dumakila ang iyong pangalan magpakailan man, sa pagsasabi: Ang Panginoon ng mga hukbo ay Dios sa Israel: at ang sangbahayan ng iyong lingkod na si David ay matatag sa harap mo.

27 Sapagka't ikaw, Oh Panginoon ng mga hukbo, ang Dios ng Israel ay (AC)napakita ka sa iyong lingkod na iyong sinasabi, Aking ipagtatayo ka ng isang bahay; kaya't nasumpungan ng iyong lingkod sa kaniyang puso na idalangin ang panalanging ito sa iyo.

28 At ngayon, Oh Panginoong Dios, ikaw ay Dios (AD)at ang iyong mga salita ay katotohanan, at iyong ipinangako ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod:

29 Ngayon nga'y kalugdan mong pagpalain ang sangbahayan ng iyong lingkod, upang mamalagi magpakailan man sa harap mo: sapagka't ikaw, Oh Panginoong Dios ay nagsalita: at sa pamamagitan ng iyong pagpapala ay maging mapalad nawa ang sangbahayan ng iyong lingkod (AE)magpakailan man.