Add parallel Print Page Options

Ang diwa ni Elias ay nalipat kay Eliseo.

At nangyari, nang isasampa ng Panginoon si Elias sa langit sa pamamagitan ng isang ipoipo, na si Elias ay yumaong kasama ni (A)Eliseo mula sa (B)Gilgal.

At sinabi ni Elias kay Eliseo, Isinasamo ko sa iyo na maghintay ka rito: sapagka't sinugo ako ng Panginoon hanggang sa (C)Beth-el. At sinabi ni Eliseo, (D)Buháy ang Panginoon, at buháy ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. Sa gayo'y bumaba sila sa Beth-el.

At nilabas ng mga (E)anak ng mga propeta na nasa Beth-el si Eliseo, at nagsipagsabi sa kaniya, Talastas mo ba na ihihiwalay ng Panginoon ang iyong panginoon sa iyong ulo ngayon? At kaniyang sinabi, Oo, talastas ko; pumayapa kayo.

At sinabi ni Elias sa kaniya, Eliseo, isinasamo ko sa iyo na maghintay ka rito; sapagka't sinugo ako ng Panginoon sa (F)Jerico. At kaniyang sinabi, Buháy ang Panginoon, at buháy ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. Sa gayo'y nagsiparoon sila sa Jerico.

At nagsilapit kay Eliseo ang mga anak ng mga propeta na nangasa Jerico, at nagsipagsabi sa kaniya, Talastas mo ba na ihihiwalay ng Panginoon ang iyong panginoon sa iyong ulo ngayon? At siya'y sumagot, Oo, talastas ko; pumayapa kayo.

At sinabi ni Elias sa kaniya, Isinasamo ko sa iyo na maghintay ka rito; sapagka't sinugo ako ng Panginoon sa Jordan. At kaniyang sinabi, Buháy ang Panginoon, at buháy ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. At silang dalawa ay nagsiyaon.

At limangpu sa mga anak ng mga propeta ay nagsiyaon, at nagsitayo sa tapat nila sa malayo; at silang dalawa ay nagsitayo sa tabi ng Jordan.

At kinuha ni Elias ang (G)kaniyang balabal, at tiniklop, at hinampas ang tubig, at (H)nahawi dito at doon, na ano pa't silang dalawa'y nagsidaan sa tuyong lupa.

At nangyari, nang sila'y makatawid, na sinabi ni Elias kay Eliseo, Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako ihiwalay sa iyo. At sinabi ni Eliseo, Isinasamo ko sa iyo, na ang[a] ibayong bahagi ng iyong diwa ay sumaakin.

10 At sinabi niya, Ikaw ay humingi ng mabigat na bagay: gayon ma'y kung makita mo ako pagka ako'y inihiwalay sa iyo, magiging gayon sa iyo; nguni't kung hindi ay hindi magiging gayon.

11 At nangyari, samantalang sila'y nagpapatuloy, at nagsasalitaan, na narito, napakita ang (I)isang karong apoy, at mga kabayong apoy, na naghiwalay sa kanila kapuwa; at si Elias ay sumampa sa langit sa pamamagitan ng isang ipoipo.

12 At nakita ni Eliseo, at siya'y sumigaw. (J)Ama ko, ama ko, mga karo ng Israel at mga mangangabayo niyaon! At hindi na niya nakita siya: at kaniyang hinawakan ang kaniyang sariling kasuutan, at hinapak ng dalawang hati.

13 Kinuha rin niya ang balabal ni Elias na nahulog sa kaniya, at siya'y bumalik, at tumayo sa tabi ng pangpang ng Jordan.

14 At kaniyang kinuha ang balabal ni Elias na nahulog sa kaniya, at hinampas ang tubig, at sinabi, Saan nandoon ang Panginoon, ang Dios ni Elias? at nang kaniyang mahampas naman ang tubig, ay (K)nahawi dito at doon: at si Eliseo ay tumawid.

Si Elias ay hinanap nguni't hindi nakita.

15 At nang makita siya ng mga anak ng mga propeta (L)na nangasa Jerico sa tapat niya, ay kanilang sinabi, Ang diwa ni Elias ay sumasa kay Eliseo. At sila'y nagsiyaon na sinalubong siya, at sila'y nangagpatirapa sa lupa sa harap niya.

16 At kanilang sinabi sa kaniya, Narito ngayon, sa iyong mga lingkod ay may limangpung malalakas na lalake; isinasamo namin sa iyo na payaunin mo sila, at hanapin ang inyong panginoon, (M)baka sakaling itinaas ng Espiritu ng Panginoon, at inihagis sa isang bundok, o sa isang libis. At kaniyang sinabi, Huwag kayong magsipagsugo.

17 At nang kanilang pilitin siya hanggang sa siya'y mapahiya, at kaniyang sinabi, Magsipagsugo kayo. Sila'y nagsipagsugo nga ng limangpung lalake, at hinanap nilang tatlong araw, nguni't hindi nasumpungan siya.

18 At sila'y nagsibalik sa kaniya, samantalang siya'y naghihintay sa Jerico; at kaniyang sinabi sa kanila, Di ba sinabi ko sa inyo: Huwag kayong magsiyaon?

19 At sinabi ng mga lalake sa bayan kay Eliseo: Tingnan mo, isinasamo namin sa iyo, na ang kalagayan ng bayang ito ay maligaya, gaya ng nakikita ng aking panginoon: nguni't ang tubig ay masama, at ang lupa ay nagpapalagas ng bunga.

20 At kaniyang sinabi, Dalhan ninyo ako ng isang bagong banga, at sidlan ninyo ng asin. At kanilang dinala sa kaniya.

21 At siya'y naparoon sa (N)bukal ng tubig, at hinagisan niya ng asin, at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Aking pinabuti ang tubig na ito; hindi na magkakaroon mula rito ng kamatayan pa o pagkalagas ng bunga.

22 Sa gayo'y bumuti ang tubig hanggang sa araw na ito, ayon sa salita ni Eliseo na kaniyang sinalita.

23 At siya'y umahon sa Beth-el mula roon: at samantalang siya'y umaahon sa daan, may nagsilabas sa bayan na mga bata, at tinuya siya, at sinabi nila sa kaniya, Umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo; umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo.

24 At siya'y lumingon sa likuran niya, at nangakita niya, at (O)sinumpa niya sila sa pangalan ng Panginoon. At doo'y lumabas ang dalawang osong babae sa gubat, at lumapa ng apat na pu't dalawang bata sa kanila.

25 At siya'y naparoon sa bundok ng Carmelo mula roon, at mula roo'y bumalik siya sa Samaria.

Footnotes

  1. 2 Mga Hari 2:9 O nadalawang bahagi ng Deut. 21:17.
'2 Mga Hari 2 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Si Elias ay Iniakyat sa Langit

Nang malapit nang iakyat ng Panginoon si Elias sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo, sina Elias at Eliseo ay magkasamang umalis mula sa Gilgal.

Sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maghintay ka rito sapagkat sinugo ako ng Panginoon hanggang sa Bethel.” Ngunit sinabi ni Eliseo, “Habang buháy ang Panginoon, at habang ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan.” Kaya't pumunta sila sa Bethel.

Ang mga anak ng mga propeta na nasa Bethel ay lumapit kay Eliseo, at sinabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At kanyang sinabi, “Oo, nalalaman ko, manahimik kayo.”

Sinabi ni Elias sa kanya, “Eliseo, maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jerico.” Ngunit kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't sila'y dumating sa Jerico.

Lumapit kay Eliseo ang mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, at nagsipagsabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At siya'y sumagot, “Oo, nalalaman ko; manahimik kayo.”

At sinabi ni Elias sa kanya, “Maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jordan.” At kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't humayo silang dalawa.

Limampu sa mga anak ng mga propeta ay humayo rin, at tumayo sa tapat nila sa di-kalayuan habang silang dalawa ay nakatayo sa tabi ng Jordan.

At kinuha ni Elias ang kanyang balabal at tiniklop ito, at hinampas ang tubig, at nahawi ang tubig sa isang panig at sa kabila, hanggang sa ang dalawa ay makatawid sa tuyong lupa.

Nang(A) sila'y makatawid, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako kunin sa iyo.” At sinabi ni Eliseo, “Hayaan mong mapasaakin ang dobleng bahagi ng iyong espiritu.”

10 Siya ay tumugon, “Ang hinihingi mo ay isang mahirap na bagay; gayunma'y kung makita mo ako habang ako'y kinukuha sa iyo, iyon ay ipagkakaloob sa iyo. Ngunit kung hindi mo ako makita, iyon ay hindi mangyayari.”

11 Samantalang sila'y naglalakad at nag-uusap, isang karwaheng apoy at mga kabayong apoy ang naghiwalay sa kanilang dalawa. At si Elias ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo.

12 Iyon(B) ay nakita ni Eliseo at siya'y sumigaw, “Ama ko, ama ko! Mga karwahe ng Israel at mga mangangabayo nito!” Ngunit siya'y hindi na niya nakita. Kaya't kanyang hinawakan ang kanyang sariling kasuotan, at pinunit sa dalawang piraso.

13 Kinuha niya ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at siya'y bumalik, at tumayo sa pampang ng Jordan.

14 Kanyang kinuha ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at hinampas ang tubig, na sinasabi, “Nasaan ang Panginoon, ang Diyos ni Elias?” Nang kanyang mahampas ang tubig, ito ay nahawi sa isang panig at sa kabila, at si Eliseo ay tumawid.

Si Elias ay Hinanap Ngunit Hindi Nakita

15 At nang makita siya sa may di-kalayuan ng mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, ay kanilang sinabi, “Ang espiritu ni Elias ay na kay Eliseo.” Sila'y lumapit upang salubungin siya at nagpatirapa sa lupa sa harapan niya.

16 Kanilang sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ang iyong mga lingkod ay may limampung malalakas na lalaki. Hayaan mo silang humayo, at hanapin ang inyong panginoon. Baka tinangay siya ng Espiritu ng Panginoon at inihagis sa isang bundok, o sa isang libis.” At kanyang sinabi, “Hindi, huwag mo silang susuguin.”

17 Subalit nang kanilang pilitin siya hanggang sa siya'y mapahiya, ay kanyang sinabi, “Suguin sila.” Kaya't sila'y nagsugo ng limampung lalaki, at naghanap sila sa loob ng tatlong araw, ngunit hindi siya natagpuan.

18 Nang sila'y bumalik sa kanya, samantalang siya'y naghihintay sa Jerico at kanyang sinabi sa kanila, “Di ba sinabi ko sa inyo, huwag kayong humayo?”

Mga Kababalaghan ni Eliseo

19 At sinabi ng mga mamamayan sa lunsod kay Eliseo, “Tingnan mo, ang kinalalagyan ng lunsod na ito ay mabuti, gaya ng nakikita ng aking panginoon, ngunit ang tubig ay masama, at ang lupa ay walang bunga.”

20 Sinabi niya, “Dalhan ninyo ako ng isang bagong banga, at lagyan ninyo ng asin.” At kanilang dinala sa kanya.

21 At siya'y pumaroon sa bukal ng tubig at hinagisan niya ng asin, at sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ginawa kong mabuti ang tubig na ito; mula ngayo'y hindi na magkakaroon mula rito ng kamatayan o ng pagkalaglag.’”

22 Sa gayo'y bumuti ang tubig hanggang sa araw na ito, ayon sa salita ni Eliseo na kanyang sinabi.

23 Mula roo'y pumunta siya sa Bethel; at samantalang siya'y nasa daan, may mga kabataan na dumating mula sa bayan, na sinasabi, “Humayo ka, ikaw na kalbo! Humayo ka, ikaw na kalbo!”

24 Nang siya'y lumingon at makita sila, kanyang sinumpa sila sa pangalan ng Panginoon. May lumabas na dalawang osong babae mula sa gubat at nilapa ang apatnapu't dalawang kabataan sa kanila.

25 Mula roo'y pumunta siya sa Bundok ng Carmel, at pagkatapos ay bumalik siya sa Samaria.