Add parallel Print Page Options

Ang Mensahe ni Isaias kay Haring Hezekias(A)

21 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Hezekias, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Yamang ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senakerib na hari ng Asiria,

22 ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa kanya:

‘Hinamak ka ng anak na dalaga ng Zion,
    tinawanan ka niya—
iniiling ng anak na babae ng Jerusalem
    ang kanyang ulo sa likod mo.

23 ‘Sino ang iyong inalipusta at hinamak?
    Laban kanino mo itinaas ang iyong tinig
at may pagmamalaking itinaas mo ang iyong mga mata?
    Laban nga sa Banal ng Israel!
24 Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay hinamak mo ang Panginoon,
    at sinabi mo, “Sa pamamagitan ng marami kong karwahe,
nakaahon ako sa tuktok ng mga bundok,
    sa pinakamalalayong bahagi ng Lebanon.
Aking pinutol ang matatayog na sedro niyon,
    at ang mga piling sipres niyon;
ako'y dumating sa pinakataluktok na kataasan,
    ng pinakamakapal na gubat.
25 Ako'y humukay ng balon
    at uminom ng tubig,
at aking tinuyo ang lahat ng mga ilog sa Ehipto sa pamamagitan ng talampakan ng aking mga paa.

26 ‘Hindi mo ba nabalitaan
    na iyon ay aking ipinasiya noon pa?
Aking pinanukala noong mga nakaraang panahon,
    ngayo'y aking pinapangyari na maganap
at mangyayaring iyong gibain ang mga may pader na lunsod
    upang maging mga nakaguhong bunton,
27 kaya ang kanilang mga mamamayan ay kulang sa lakas,
    nanlupaypay at napahiya.
Sila'y naging parang damo sa bukid,
    at tulad ng sariwang gulayin,
parang damo sa mga bubungan,
    na natuyo na bago pa tumubo.

28 ‘Nalalaman ko ang iyong pag-upo,
    at ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok,
    at ang iyong galit laban sa akin.
29 Dahil sa iyong galit laban sa akin,
    at ang iyong kapalaluan ay nakarating sa aking mga pandinig,
ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong,
    at ang aking pamingkaw sa iyong bibig,
at pababalikin kita sa daan
    na iyong pinanggalingan.’

30 “At ito ang magiging tanda sa iyo: sa taong ito kainin ninyo ang tumutubo sa kanyang sarili, at sa ikalawang taon ay kung ano ang tumubo doon; at sa ikatlong taon kayo'y maghasik at mag-ani, at magtanim ng mga ubasan, at kumain ng bunga niyon.

31 At ang nakaligtas na nalabi sa sambahayan ni Juda ay muling mag-uugat pailalim, at magbubunga paitaas.

32 Sapagkat sa Jerusalem ay lalabas ang nalabi, at mula sa Bundok ng Zion ay pangkat ng naligtas. Isasagawa ito ng sigasig ng Panginoon ng mga hukbo.

33 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: Siya'y hindi paparito sa lunsod na ito o magpapahilagpos man ng palaso diyan, o haharap man siya diyan na may kalasag, o magkukubkob laban diyan.

34 Sa daan na kanyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya paparito sa lunsod na ito, sabi ng Panginoon.

35 Sapagkat aking ipagtatanggol ang bayang ito upang iligtas, alang-alang sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.”

Si Senakerib ay Nawalan ng Loob at Pinatay

36 At ang anghel ng Panginoon ay humayo at pumatay sa kampo ng mga taga-Asiria ng isandaan walumpu't limang libo; at nang ang mga tao ay maagang bumangon kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.

37 Sa gayo'y umalis si Senakerib na hari ng Asiria, bumalik at nanirahan sa Ninive.

38 At nang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroc na kanyang diyos, pinatay siya ng tabak nina Adramalec at Sharezer na kanyang mga anak at sila'y tumakas sa lupain ng Ararat. At si Esarhadon na kanyang anak ang nagharing kapalit niya.

Read full chapter