Add parallel Print Page Options

Ang Tagumpay ni Asa Laban sa mga Taga-Etiopia

14 Namatay si Abias at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Asa. Sampung taon itong naghari at sa panahong iyon ay naging mapayapa ang Juda. Ginawa ni Asa ang mabuti at kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh na kanyang Diyos. Ipinagiba niya ang mga altar ng mga diyus-diyosan at ang mga bahay-sambahan ng mga pagano; ibinuwal niya ang mga sinasambang haligi at winasak ang mga rebulto ng diyosang si Ashera. Iniutos niya sa mga taga-Juda na sumunod sa kagustuhan ni Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno at tuparin ang kanyang kautusan at mga tuntunin. Sapagkat ipinaalis niya ang mga bahay-sambahan ng mga pagano at ang mga altar ng insenso sa mga lunsod ng Juda, naging mapayapa ang kaharian sa ilalim ng kanyang pamamahala. Pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod sa Juda. At sa loob ng ilang taon ay hindi sila nagkaroon ng digmaan sapagkat binigyan siya ni Yahweh ng kapayapaan. Sinabi niya sa mga taga-Juda, “Patibayin natin ang mga lunsod na ito at paligiran natin ng mga pader na may mga tore at matitibay na pintuan. Sarili natin ang lupain sapagkat umaasa tayo kay Yahweh na ating Diyos. Hinanap natin siya at sa lahat ng dako'y binigyan niya tayo ng katiwasayan.” Ganoon nga ang kanilang ginawa at sila'y naging maunlad. Ang hukbo ni Asa ay binubuo ng 300,000 kawal mula sa Juda, na may mga sandatang panangga at sibat, at ang 280,000 naman mula sa Benjamin, na may mga pana at panangga.

Dumating ang panahon na nilusob sila ni Zera na isang taga-Etiopia. Ang hukbo nito na umabot hanggang sa Maresa ay binubuo ng isang milyong kawal at tatlong daang karwahe. 10 Pagdating doo'y hinarap sila ng hukbo ni Asa at ang hanay ng labanan ay ang libis ng Sefata sa Maresa. 11 Bago siya lumaban, nanalangin si Asa kay Yahweh na kanyang Diyos, “Wala kang katulad, O Yahweh, sa pagtulong maging sa malakas at mahina. Kaya tulungan ninyo kami, O Yahweh na aming Diyos, sapagkat sa inyo lamang kami umaasa. Sa inyong pangalan, nakaharap kami ngayon sa ganito karaming kaaway. O Yahweh, kayo ang aming Diyos; huwag ninyong hayaang matalo kayo ng tao.”

12 Sa tulong ni Yahweh, natalo ni Asa ang mga taga-Etiopia at tumakas ang mga ito. 13 Hinabol sila ni Asa at ng kanyang mga kawal hanggang Gerar. Sa tulong ni Yahweh, naubos ang kanilang mga kaaway, at napakarami nilang nasamsam. 14 Winasak nila ang lahat ng lunsod sa palibot ng Gerar sapagkat pinagharian ng takot kay Yahweh ang mga mamamayan doon. Pinasok nila ang lahat ng lunsod at napakaraming nasamsam doon. 15 Sinalakay din nila ang mga kampo ng mga pastol ng kawan at bumalik sila sa Jerusalem na dala ang napakaraming tupa at kamelyo.

'2 Paralipomeno 14 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang mabuting paghahari ni Asa.

14 Sa gayo'y natulog si Abias na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa bayan ni David, at si (A)Asa na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya. Nang kaniyang mga kaarawan ay tahimik ang lupain na sangpung taon.

At gumawa si Asa ng mabuti at matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon niyang Dios:

Sapagka't kaniyang inalis ang mga dambana ng iba, (B)at ang mga mataas na dako, at pinagputolputol ang mga haligi, at (C)ibinagsak ang mga Asera,

At iniutos sa Juda na hanapin ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, at tuparin ang kautusan at ang utos.

Kaniya rin namang inalis sa lahat na bayan ng Juda ang mga mataas na dako at ang mga larawang araw: at ang kaharian ay tahimik sa harap niya.

At siya'y nagtayo ng mga (D)bayang nakukutaan sa Juda: sapagka't ang lupain ay tahimik, at siya'y hindi nagkaroon ng pakikipagdigma sa mga taong yaon; sapagka't binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan.

Sapagka't sinabi niya sa Juda, Itayo natin ang mga bayang ito, at gawan sa palibot ng mga kuta, at ng mga moog, ng mga pintuang-bayan, at ng mga halang; ang lupain ay nasa harap pa natin, sapagka't ating hinahanap ang Panginoon nating Dios; ating hinanap siya, at binigyan niya tayo ng kapahingahan sa lahat ng dako. Sa gayo'y kanilang itinayo at nagsiginhawa.

At si Asa ay may isang hukbo na may dalang mga kalasag at mga sibat, na mula sa Juda, (E)na tatlong daang libo; at mula sa Benjamin, na nagdadala ng mga kalasag at nagpapahilagpos ng mga busog na dalawang daan at walong pung libo: lahat ng mga ito ay mga makapangyarihang lalake na matatapang.

Si Asa ay nagtagumpay laban kay Zera na taga Etiopia.

At lumabas laban sa kanila si Zera na taga Etiopia na may hukbo na isang angaw, at tatlong daang karo; at siya'y naparoon sa (F)Maresa.

10 Nang magkagayo'y lumabas si Asa na sumalubong sa kaniya, at sila'y nagsihanay ng pakikipagbaka sa libis ng (G)Sephata sa Maresa.

11 At si Asa ay dumaing sa Panginoon niyang Dios, at kaniyang sinabi, Panginoon, (H)walang iba liban sa iyo na makatutulong, sa pagitan ng makapangyarihan at niya na walang lakas: tulungan mo kami, Oh Panginoon naming Dios: sapagka't (I)kami ay nagsisitiwala sa iyo, at (J)sa iyong pangalan ay kami nagsisiparito laban sa karamihang ito. Oh Panginoon, ikaw ay aming Dios; huwag mong panaigin ang tao laban sa iyo.

12 Sa gayo'y sinaktan ng Panginoon ang mga taga Etiopia sa harap ni Asa, at sa harap ng Juda; at ang mga taga Etiopia ay nagsitakas.

13 At si Asa at ang bayan na kasama niya ay nagsihabol sa kanila hanggang sa (K)Gerar: at nangabuwal sa mga taga Etiopia ang totoong marami, na anopa't sila'y hindi makabawi, sapagka't sila'y nalansag sa harap ng Panginoon, at sa harap ng kaniyang hukbo; at sila'y nagsipagdala ng totoong maraming samsam.

14 At kanilang sinaktan ang lahat na bayan sa palibot ng Gerar; (L)sapagka't sila'y naratnan ng takot sa Panginoon; at kanilang sinamsaman ang lahat na bayan; sapagka't maraming nasamsam sa kanila.

15 Kanila rin namang sinaktan ang mga toldang silungan ng mga hayop, at nagsipagdala ng mga tupa na sagana, at mga kamelyo, at nagsibalik sa Jerusalem.