Add parallel Print Page Options

Ang Pakikipagdigma sa mga Amalekita

30 Ikatlong araw na nang sina David ay makabalik sa Ziklag. Samantalang wala sila, lumusob ang mga Amalekita at sinunog ang buong bayan. Wala silang pinatay isa man ngunit binihag nila ang mga babae, matanda't bata. Nang dumating nga sina David, sunog na ang buong bayan at wala ang kani-kanilang asawa't mga anak. Dahil dito, hindi nila mapigilan ang paghihinagpis; nag-iyakan sila hanggang sa mapagod sa kaiiyak. Binihag(A) din ang dalawang asawa ni David na sina Ahinoam at Abigail.

Balisang-balisa si David sapagkat pinag-uusapan ng kanyang mga tauhan na pagbabatuhin siya dahil sa sama ng loob sa pagkawala ng kanilang mga anak. Ngunit dumulog si David kay Yahweh na kanyang Diyos upang palakasin ang kanyang loob. Sinabi(B) ni David kay Abiatar, “Dalhin mo rito ang efod.” At dinala naman ni Abiatar. Nagtanong si David kay Yahweh, “Hahabulin po ba namin ang mga tulisang iyon? Mahuhuli ko po kaya sila?”

“Sige, habulin ninyo. Maaabutan ninyo sila at maililigtas ang kanilang mga bihag,” sagot ni Yahweh.

Hinabol nga ni David ang mga Amalekita. Kasama niya hanggang sa batis ng Besor ang animnaraan niyang tauhan. 10 Ngunit pagdating doon, apatnaraan na lang ang nagtuloy na sumama kay David. Nagpaiwan na ang dalawandaan dahil sa matinding pagod. 11 Sa daan, may nakita silang isang kabataang Egipcio. Dinala nila ito kay David at binigyan ng pagkain at inumin. 12 Binigyan nila ito ng tinapay na igos at dalawang kumpol ng pasas. Matapos kumain, nanumbalik ang kanyang lakas; tatlong araw at tatlong gabi pala siyang hindi kumakain ni umiinom. 13 Tinanong siya ni David, “Sino ang panginoon mo at tagasaan ka?”

“Ako po'y Egipciong alipin ng isang Amalekita. Iniwan na ako ng aking panginoon sapagkat tatlong araw na akong may sakit. 14 Nilusob po namin ang teritoryo ng mga Kereteo sa timog ng Juda at ang teritoryo ng angkan ni Caleb; sinunog pa po namin ang buong Ziklag,” sagot nito.

15 “Maaari mo ba kaming samahan sa mga tulisang iyon?” tanong uli ni David.

“Kung ipapangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos na ako'y hindi ninyo papatayin ni ibabalik sa dati kong panginoon, ituturo ko sa inyo ang lugar ng mga Amalekita,” sagot ng Egipcio.

16 Itinuro nga ng alipin ang kampo ng mga Amalekita. Nakita nina David na kalat-kalat ang mga ito. Sila'y masasayang nagkakainan, nag-iinuman at nagsasayawan. Nagpapasasa sila sa kanilang mga samsam sa Filistia at Juda. 17 Kinaumagahan, lumusob sina David at pinagpapatay ang mga Amalekita hanggang gabi. Wala silang itinirang buháy maliban sa apatnaraang kabataan na nakatakas na sakay ng kanilang mga kamelyo. 18 Nabawi nila ang lahat ng sinamsam ng mga Amalekita, pati ang dalawang asawa ni David. 19 Isa man sa kasamahan nila'y walang nabawas, matanda't bata, maging sa kanilang mga anak; nabawi nga nilang lahat ang sinamsam ng mga Amalekita. 20 At sinamsam pa nina David ang mga tupa at mga baka. Ang mga ito'y ipinadala niya sa kanyang mga tauhan pauwi. Sinabi nila, “Ito ay samsam ni David.”

21 Nang makabalik sina David sa batis ng Besor, sinalubong sila ng dalawandaang tauhan niya na hindi nakasama dahil sa matinding pagod at sila'y kinumusta niya. 22 Sa mga nakasama ni David ay may mga makasarili at mararamot. Sinabi ng mga ito, “Huwag nating bibigyan kahit ano 'yung hindi sumama sa atin. Ibigay na lang natin sa kanila ang kanilang asawa't mga anak at paalisin na natin sila.”

23 Ngunit sinabi ni David, “Hindi tama iyan, mga kapatid. Ang mga bagay na ito ay ipinagkaloob sa atin ni Yahweh. Iniligtas niya tayo at ibinigay niya sa ating mga kamay ang mga kaaway na lumusob sa atin. 24 Kaya, pare-pareho ang magiging bahagi ng lahat, maging kasama sa paglusob o naiwan upang magbantay sa ating mga ari-arian.” 25 Mula noon, iyon ang naging patakaran ni David sa paghahati ng mga samsam, at ito'y sinunod ng buong Israel.

26 Pagdating sa Ziklag, pinadalhan ni David ng bahagi ang mga kaibigan niya at ang pinuno ng bayan sa Juda. “Ito ang bahagi ninyo sa mga nasamsam namin sa mga kaaway ni Yahweh,” sabi niya. 27 Pinadalhan din niya ang mga taga-Bethel, Timog Ramat, Jatir, 28 Aroer, Sifmot, Estemoa 29 at Racal. Gayundin ang mga taga-Jerameel at Cineo, 30 pati ang nasa Horma, Borasan, Atac, 31 Hebron at ang lahat ng lugar na narating ni David at ng kanyang mga tauhan.

'1 Samuel 30 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Hinabol ni David ang Amalecita.

30 At nangyari, nang si David at ang kaniyang mga lalake ay dumating sa (A)Siclag, sa ikatlong araw, na (B)ang mga Amalecita ay sumalakay sa Timugan, at sa Siclag, at sinaktan ang Siclag, at sinunog ng apoy;

At dinalang bihag ang mga babae at lahat na nandoon, ang maliliit at gayon din ang malalaki; hindi nila pinatay ang sinoman, kundi kanilang pinagdadala, at nagpatuloy ng kanilang lakad.

At nang si David at ang kaniyang mga lalake ay dumating sa bayan, narito, sinunog ng apoy; at ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak na lalake at babae ay pinagdadalang bihag.

Nang magkagayo'y si David at ang bayan na nasa kaniya ay naglakas ng tinig, at umiyak, hanggang sa sila'y nawalan ng lakas na umiyak.

(C)At ang dalawang asawa ni David ay nabihag, si Ahinoam na taga Jezreel, at si Abigail, na asawa ni Nabal, na taga Carmelo.

At nagdalamhating totoo si David, (D)sapagka't pinagsasalitaan ng bayan na batuhin siya, sapagka't ang kaluluwa ng buong bayan ay pumanglaw, bawa't tao dahil sa kanikaniyang mga anak na lalake at babae; (E)nguni't si David ay nagpakatibay sa Panginoon niyang Dios.

(F)At sinabi ni David kay Abiathar na saserdote, na anak ni Ahimelech, Isinasamo ko sa iyo na dalhin mo rito ang epod. At dinala doon ni Abiathar ang epod kay David.

(G)At sumangguni si David sa Panginoon, na nagsasabi, Kung aking habulin ang pulutong na ito, ay akin kayang aabutan sila? At sinagot niya siya, Iyong habulin: sapagka't tunay na iyong aabutan, at walang pagsalang mababawi mo ang lahat.

Sa gayo'y yumaon si David, siya at ang (H)anim na raang lalake na kasama niya, at naparoon sa batis ng Besor, na kinaroroonan niyaong mga naiwan sa likuran.

10 Nguni't hinabol ni David, niya at ng apat na raang lalake: sapagka't ang dalawang daan natira sa likuran, na mga pata na hindi na nakatawid sa batis ng Besor:

11 At sila'y nakasumpong ng isang taga Egipto sa parang, at dinala nila siya kay David, at binigyan nila siya ng tinapay, at kumain: at binigyan nila siya ng tubig na mainom:

12 At binigyan nila siya ng isang (I)putol ng binilong igos, at dalawang buwig na ubas; (J)at nang kaniyang makain, ang kaniyang diwa ay nagsauli uli sa kaniya: sapagka't hindi siya nakakain ng tinapay o nakainom man ng tubig, na tatlong araw at tatlong gabi.

13 At sinabi ni David sa kaniya, Kanino ka ba nauukol? at taga saan ka? At sinabi niya, Ako'y isang binatang taga Egipto, bataan ng isang Amalecita; at iniwan ako ng aking panginoon, sapagka't tatlong araw na ako'y nagkasakit.

14 Kami ay sumalakay sa Timugan ng mga (K)Ceretheo, at sa nauukol sa Juda, at sa Timugan ng (L)Caleb; at aming sinunog ng apoy ang Siclag.

15 At sinabi ni David sa kaniya, Ilulusong mo ba ako sa pulutong na ito? At kaniyang sinabi, Ipanumpa mo sa akin ang Dios, hindi mo ako papatayin, o ibibigay man sa mga kamay ng aking panginoon, at aking ilulusong ka sa pulutong na ito.

16 At nang kaniyang mailusong, narito, sila'y nangangalat sa buong lupa, na nagkakainan at nagiinuman, at nagkakasayahan, dahil sa lahat na malaking samsam na kanilang nakuha sa lupain ng mga Filisteo, at sa lupain ng Juda.

17 At sinaktan ni David sila mula sa pagtatakip silim hanggang sa paglubog ng araw sa sumunod na araw: at walang taong nakatanan sa kanila liban sa apat na raang bataan na nakasakay sa mga (M)kamelyo at tumakas.

18 At binawi ni David ang lahat na nakuha ng mga Amalecita: at iniligtas ni David ang kaniyang dalawang asawa.

19 At walang nagkulang sa kanila, kahit maliit o malaki man, kahit mga anak na lalake o babae man, kahit samsam man, kahit anomang bagay na nakuha nila sa kanila: (N)ibinalik na lahat ni David.

20 At kinuha ni David ang lahat ng kawan at bakahan, na kanilang dinala na nasa unahan niyaong mga ibang hayop, at sinabi, Ito'y samsam ni David.

21 At naparoon si David sa (O)dalawang daang lalake, na totoong mga pata na hindi nangakasunod kay David, na kanila namang pinatahan sa batis ng Besor; at sila'y lumabas upang salubungin si David, at upang salubungin ang mga taong kasama niya: at nang lumapit si David sa bayan, siya'y bumati sa kanila.

22 Nang magkagayo'y (P)sumagot ang lahat ng masamang tao, at mga tao na hamak, sa mga yumaong kasama ni David, at nagsabi, Sapagka't hindi sila yumaong kasama namin, hindi namin bibigyan sila ng samsam na aming nabawi, liban sa bawa't lalake ay ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak, upang kanilang dalhin, at yumaon.

23 Nang magkagayo'y sinabi ni David, Huwag ninyong gagawing gayon, mga kapatid ko, sa ibinigay sa atin ng Panginoon, na siyang nagadya sa atin, at nagbigay sa ating kamay ng pulutong na naparito laban sa atin.

24 At sino ang didinig sa inyo sa bagay na ito? (Q)sapagka't kung gaano ang bahagi ng lumusong sa pakikipagbaka, ay gayon ang bahagi ng naiwan (R)sa daladalahan: sila'y paraparang magkakabahagi.

25 At nagkagayon, na mula sa araw na yaon, na siya'y gumawa ng isang palatuntunan at ayos sa Israel, hanggang sa araw na ito.

26 At nang dumating si David sa Siclag, siya'y nagpadala ng mga samsam sa mga matanda sa Juda, sa makatuwid baga'y sa kaniyang mga kaibigan, na sinasabi, Narito, ang isang (S)kaloob sa inyo na mula sa samsam sa mga kaaway ng Panginoon;

27 Sa kanila na nasa (T)Beth-el, at sa kanila na nasa (U)Ramoth ng Timugan, at sa kanila na nasa (V)Jathir;

28 At sa kanila na nasa Aroer, at sa kanila na nasa Siphmoth, at sa kanila na nasa (W)Esthemoa;

29 At sa kanila na nasa Rachal, at sa kanila na nasa mga bayan ng mga (X)Jerameelita, at sa kanila na nasa mga bayan ng mga (Y)Cineo;

30 At sa kanila na sa (Z)Horma, at sa kanila na nasa Chorasan, at sa kanila na nasa Athach;

31 At sa kanila na nasa Hebron, at sa lahat na dako na karaniwang pinaroroonan ni David at ng kaniyang mga lalake.