Add parallel Print Page Options

Iniligtas ni David ang Bayan ng Keila

23 At kanilang sinabi kay David, “Sinalakay ng mga Filisteo ang Keila, at kanilang ninanakawan ang mga giikan.”

Kaya't sumangguni si David sa Panginoon, na nagsasabi, “Lalakad ba ako at aking sasalakayin ang mga Filisteong ito?” At sinabi ng Panginoon kay David, “Lumakad ka at iyong salakayin ang mga Filisteo at iligtas mo ang Keila.”

Ngunit sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Tingnan ninyo, tayo'y natatakot dito sa Juda; gaano pa nga kaya kung tayo ay pupunta sa Keila laban sa mga hukbo ng mga Filisteo?”

Kaya't sumangguning muli si David sa Panginoon. At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Oo, lumusong ka sa Keila; sapagkat aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.”

Kaya't si David at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Keila, nilabanan ang mga Filisteo, tinangay ang kanilang kawan, at ipinaranas sa kanila ang isang napakalaking pagkatalo. Gayon iniligtas ni David ang mga mamamayan sa Keila.

Nang tumakas si Abiatar na anak ni Ahimelec patungo kay David sa Keila, siya'y lumusong na may isang efod sa kanyang kamay.

At ibinalita kay Saul na si David ay pumaroon sa Keila. At sinabi ni Saul, “Ibinigay siya ng Diyos sa aking kamay; sapagkat sinarhan niya ang kanyang sarili sa kanyang pagpasok sa isang bayan na mayroong mga tarangkahan at mga halang.”

Tinawag ni Saul ang buong bayan sa pakikidigma upang lumusong sa Keila at kubkubin si David at ang kanyang mga tauhan.

Nang malaman ni David na nagbabalak si Saul ng masama laban sa kanya, sinabi niya kay Abiatar na pari, “Dalhin mo rito ang efod.”

10 Nang magkagayo'y sinabi ni David, “O Panginoon, na Diyos ng Israel, nabalitaan ng iyong lingkod na pinagsisikapan ni Saul na pumunta sa Keila upang wasakin ang lunsod dahil sa akin.

11 Ibibigay ba ako ng mga tao sa Keila sa kanyang kamay? Lulusong ba si Saul ayon sa nabalitaan ng iyong lingkod? O Panginoon, na Diyos ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na sabihin mo sa iyong lingkod.” At sinabi ng Panginoon, “Siya'y lulusong.”

12 Nang magkagayo'y sinabi ni David, “Isusuko ba ako at ang aking mga tauhan ng mga taga-Keila sa kamay ni Saul?” At sinabi ng Panginoon, “Isusuko ka nila.”

13 Kaya't si David at ang kanyang mga tauhan na may animnaraan ay tumindig at umalis sa Keila, at sila'y pumunta kung saanman sila makakarating. Nang ibalita kay Saul na si David ay nakatakas mula sa Keila, kanyang itinigil na ang pagsalakay.

14 Si David ay nanatili sa mga kuta sa ilang at tumira sa lupaing maburol sa ilang ng Zif. At hinanap siya ni Saul araw-araw, ngunit hindi siya ibinigay ng Diyos sa kanyang kamay.

Si David sa Maburol na Lupain

15 Si David ay nasa ilang ng Zif sa Hores nang kanyang malaman na si Saul ay lumabas upang tugisin ang kanyang buhay.

16 Si Jonathan na anak ni Saul ay naghanda at pumunta kay David sa Hores, at pinalakas ang kanyang kamay sa pamamagitan ng Diyos.

17 Sinabi niya sa kanya, “Huwag kang matakot, sapagkat hindi ka malalapatan ng kamay ni Saul na aking ama. Ikaw ay magiging hari sa Israel at ako'y magiging pangalawa mo. Nalalaman din ito ni Saul na aking ama.”

18 Silang(A) dalawa ay nagtipanan sa harap ng Panginoon; si David ay nanatili sa Hores at si Jonathan ay umuwi sa kanyang bahay.

19 Pagkatapos(B) ay umahon ang mga Zifeo kay Saul sa Gibea, na sinasabi, “Hindi ba nagkukubli sa amin si David sa mga kuta sa gubat sa burol ng Hachila na nasa timog ng Jesimon?

20 Ngayon, O hari, kung gusto mong lumusong ay gawin mo; at ang aming bahagi ay isuko siya sa kamay ng hari.”

21 At sinabi ni Saul, “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon sapagkat kayo'y nahabag sa akin.

22 Kayo'y humayo at tiyaking muli. Alaming mabuti ang kanyang kinaroroonan, at kung sino ang nakakita sa kanya roon; sinabi sa akin na siya'y napakatuso.

23 Tingnan ninyo ang palibot at alamin ang mga lihim na lugar na kanyang pinagtataguan, at bumalik kayo sa akin na may tiyak na balita at ako'y pupuntang kasama ninyo. Kapag siya'y nasa lupain, siya'y aking hahanapin sa gitna ng lahat ng mga libu-libo sa Juda.”

24 At sila'y tumindig at pumunta sa Zif na nauna kay Saul. Si David at ang kanyang mga tauhan ay nasa ilang ng Maon sa Araba sa timog ng Jesimon.

25 Si Saul at ang kanyang mga tauhan ay umalis upang hanapin siya. Nang ibalita iyon kay David siya'y lumusong sa batuhan na nasa ilang ng Maon. At nang mabalitaan ni Saul, kanyang hinabol si David sa ilang ng Maon.

26 Pumunta si Saul sa isang panig ng bundok. Si David at ang kanyang mga tauhan ay sa kabilang panig ng bundok; at si David ay nagmadali upang makalayo kay Saul, habang si Saul at ang kanyang mga tauhan ay papalapit kina David at sa kanyang mga tauhan upang sila'y hulihin.

27 Ngunit dumating ang isang sugo kay Saul, na nagsasabi, “Dali, pumarito ka, sapagkat ang mga Filisteo ay sumalakay sa lupain.”

28 Kaya't bumalik si Saul mula sa pagtugis kay David, at humayo laban sa mga Filisteo; kaya't tinatawag ang dakong iyon na Bato ng Pagtakas.[a]

29 At si David ay umahon mula roon at nanirahan sa mga kuta ng En-gedi.

Footnotes

  1. 1 Samuel 23:28 Sa Hebreo ay Bato ng mga Pagkakabahagi.
'1 Samuel 23 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang paghabol ni Saul kay David sa Keila.

23 At kanilang isinaysay kay David, na sinasabi, Narito, ang mga Filisteo ay nakikipaglaban sa (A)Keila, at kanilang ninanakaw ang mga giikan.

Kaya't sumangguni (B)si David sa Panginoon, na nagsasabi, Yayaon ba ako at aking sasaktan ang mga Filisteong ito? At sinabi ng Panginoon kay David, Yumaon ka at iyong saktan ang mga Filisteo, at iligtas mo ang Keila.

At sinabi ng mga lalake ni David sa kaniya, Narito, tayo'y natatakot dito sa Juda: gaano pa nga kaya kung tayo ay pumaroon sa Keila laban sa mga hukbo ng mga Filisteo?

Nang magkagayo'y sumangguni uli si David sa Panginoon. At sumagot ang Panginoon sa kaniya at sinabi, Bumangon ka at lumusong ka sa Keila; sapagka't aking (C)ibibigay ang mga Filisteo, sa iyong kamay.

At si David at ang kaniyang mga lalake ay naparoon sa Keila, at bumaka sa mga Filisteo, at dinala ang kanilang kawan, at pinatay nila sila ng malaking pagpatay. Gayon iniligtas ni David ang mga tumatahan sa Keila.

At nangyari (D)nang makatakas si Abiathar na anak ni Ahimelech kay David sa Keila, na siya'y lumusong na may isang epod sa kaniyang kamay.

At nasaysay kay Saul na si David ay naparoon sa Keila. At sinabi ni Saul, Ibinigay ng Dios siya sa aking kamay; sapagka't siya'y nasarhan sa kaniyang pagpasok sa isang bayan na mayroong mga pintuang-bayan at mga halang.

At tinawag ni Saul ang buong bayan sa pakikidigma, upang lumusong sa Keila na kubkubin si David at ang kaniyang mga tao.

At naalaman ni David na nagiisip si Saul ng masama laban sa kaniya; at (E)kaniyang sinabi kay Abiathar na saserdote, Dalhin mo rito ang epod.

10 Nang magkagayo'y sinabi ni David, Oh Panginoon, na Dios ng Israel, tunay na nabalitaan ng iyong lingkod na pinagsisikapan ni Saul na pumaroon sa Keila, (F)upang ipahamak ang bayan dahil sa akin.

11 Ibibigay ba ako ng mga tao sa Keila sa kaniyang kamay? lulusong ba si Saul ayon sa nabalitaan ng iyong lingkod? Oh Panginoon, na Dios ng Israel, idinadalangin ko sa iyo, na saysayin mo sa iyong lingkod. At sinabi ng Panginoon, Siya'y lulusong.

12 Nang magkagayo'y sinabi ni David, Ibibigay ba ng mga tao sa Keila ako at ang aking mga tao sa kamay ni Saul? At sinabi ng Panginoon, Ibibigay ka nila.

13 (G)Nang magkagayo'y si David at ang kaniyang mga tao na anim na raan, ay tumindig at umalis sa Keila, at naparoon kung saan sila makakaparoon. At nasaysay kay Saul na si David ay tumanan sa Keila, at siya'y tumigil ng paglabas.

14 At si David ay tumahan sa ilang sa mga katibayan, at nanira sa lupaing maburol sa ilang ng (H)Ziph. At pinag-uusig siya ni Saul araw-araw, nguni't hindi siya ibinigay ng Dios sa kaniyang kamay.

Sinariwa ang sumpaan ni Jonathan at ni David.

15 At nakita ni David na lumalabas si Saul upang usigin ang kaniyang buhay: at si David ay nasa ilang ng Ziph sa gubat.

16 (I)At si Jonathan na anak ni Saul ay bumangon, at naparoon kay David sa gubat, at pinagtibay ang kaniyang kamay sa Dios.

17 At sinabi niya sa kaniya, Huwag kang matakot: sapagka't hindi ka masusumpungan ng kamay ni Saul na aking ama; at ikaw ay magiging hari sa Israel, at ako'y magiging pangalawa mo; (J)at nalalamang gayon ni Saul na aking ama.

18 (K)At silang dalawa ay nagtipanan (L)sa harap ng Panginoon: at si David ay tumahan sa gubat, at si Jonathan ay umuwi sa kaniyang bahay.

19 (M)Nang magkagayo'y inahon ng mga Zipheo si Saul, sa Gabaa, na sinasabi, Hindi ba nagkukubli sa amin si David sa mga katibayan sa gubat, sa (N)burol ng Hachila, na nasa timugan ng ilang?

20 Ngayon nga, Oh hari, lumusong ka, ayon sa buong adhika ng iyong kalooban na lumusong; at ang aming bahagi ay ibibigay sa kamay ng hari.

21 At sinabi ni Saul, (O)Pagpalain nawa kayo ng Panginoon; sapagka't kayo'y nahabag sa akin.

22 Kayo'y yumaon, isinasamo ko sa inyo, inyong turuling maigi, at alamin at tingnan ang kaniyang kinaroroonan, at kung sino ang nakakita sa kaniya roon: sapagka't nasaysay sa akin na siya'y nagpapakatalino.

23 Inyo ngang tingnan, at alamin ang mga kublihang dako na kaniyang pinagtataguan, at bumalik kayo sa akin na may katunayan, at ako'y paroroong kasama ninyo: at mangyayari, kung siya'y nasa lupain, ay aking sisiyasatin siya sa gitna ng lahat ng mga libolibo sa Juda.

24 At sila'y tumindig at naparoon sa Ziph na nagpauna kay Saul: nguni't si David at ang kaniyang mga tao ay (P)nasa ilang ng Maon sa Araba sa timugan ng ilang.

25 At si Saul at ang kaniyang mga tao ay naparoon upang pag-usigin siya. At kanilang sinaysay kay David: kaya't siya'y lumusong sa burol na bato at tumahan sa ilang ng Maon. At nang mabalitaan ni Saul, kaniyang hinabol si David sa ilang ng Maon.

26 At naparoon si Saul sa dakong ito ng bundok, (Q)at si David at ang kaniyang mga tao ay sa dakong yaon ng bundok: at si David ay nagmadaling umalis dahil sa takot kay Saul; sapagka't kinukubkob ni Saul at ng kaniyang mga tao si David at ang kaniyang mga tao upang sila'y hulihin.

27 (R)Nguni't dumating ang isang sugo kay Saul, na nagsasabi, Magmadali ka at parito ka; sapagka't ang mga Filisteo ay sumalakay sa lupain.

28 Sa gayo'y bumalik si Saul na mula sa paghabol kay David, at naparoon laban sa mga Filisteo: kaya't kanilang tinawag ang dakong yaon na Sela-hammahlecoth.[a]

29 At si David ay umahon mula roon, at tumahan sa mga katibayan ng En-gaddi.

Footnotes

  1. 1 Samuel 23:28 Sa Hebreo—Bato ng mga pagkakabahagi.