Add parallel Print Page Options

15 Siya'y naghulma ng dalawang haliging tanso. Labingwalong siko ang taas ng bawat isa, at isang panukat na tali na may labindalawang siko ang sukat ng kabilugan nito; ito ay may guwang sa loob at ang kapal nito ay apat na daliri, at ang ikalawang haligi ay gayundin.

16 Siya'y gumawa ng dalawang kapitel na hinulmang tanso, upang ilagay sa mga dulo ng mga haligi; ang taas ng isang kapitel ay limang siko at ang taas ng isa pang kapitel ay limang siko.

17 May mga lambat na nilala, at mga tirintas na yaring tanikala para sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; pito[a] sa isang kapitel, at pito[b] sa isa pang kapitel.

18 Gayundin, gumawa siya ng mga granada sa dalawang hanay sa palibot ng isang yaring lambat upang takpan ang mga kapitel na nasa itaas ng mga granada, gayundin ang ginawa niya sa kabilang kapitel.

19 Ang mga kapitel na nasa ibabaw ng mga haligi sa pasilyo ay mga yaring liryo, na apat na siko.

20 Ang mga kapitel ay nasa ibabaw ng dalawang haligi at sa itaas ng nakausling pabilog na nasa tabi ng yaring lambat. Ang mga granada ay dalawandaan na dalawang hanay sa palibot; at gayundin sa ibang kapitel.

21 Kanyang itinayo ang mga haligi sa pasilyo ng templo, at kanyang itinayo ang haligi sa timog, at pinangalanang Jakin[c] at kanyang itinayo ang isa pang haligi sa hilaga, at pinangalanang Boaz.[d]

22 At sa ibabaw ng mga haligi ay may mga nililok yaring liryo. Sa gayo'y ang gawain sa mga haligi ay nayari.

Ang Hinulmang Tangke ng Tubig, Patungang Tanso, at Hugasang Tanso(A)

23 Pagkatapos ay gumawa siya ng hinulmang tangke ng tubig.[e] Ito ay bilog na sampung siko mula sa labi hanggang sa kabilang labi, ang taas ay limang siko; at isang panukat na tali na may tatlumpung siko ang pabilog nito.

24 Sa ilalim ng labi sa paligid ay may mga palamuting hugis upo, para sa tatlumpung siko, na nakaligid sa dagat-dagatan sa palibot. Ang mga palamuting hugis upo ay dalawang hanay, na kasama itong hinulma nang ito'y hulmahin.

25 Nakapatong ito sa labindalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa hilaga, ang tatlo'y nakaharap sa kanluran, ang tatlo'y nakaharap sa timog, at ang tatlo'y nakaharap sa silangan; at ang dagat ay nakapatong sa mga iyon, at ang lahat na puwitan ng mga iyon ay nasa loob.

26 Ang kapal nito ay isang dangkal; at ang labi niyon ay yaring gaya ng labi ng isang tasa, gaya ng bulaklak na liryo; naglalaman ito ng dalawang libong bat.[f]

27 Siya'y gumawa rin ng sampung patungang tanso; apat na siko ang haba ng bawat isa at apat na siko ang luwang, at tatlong siko ang taas.

28 At ang pagkayari ng mga patungan ay ganito: may mga gilid na takip sa pagitan ng mga dugtungan.

29 Sa mga gilid na takip na nasa pagitan ng mga dugtungan ay may mga leon, mga baka, at mga kerubin. Sa itaas ng mga dugtungan ay mga sugpong na may tuntungan sa ibabaw; at sa ibaba ng mga leon, at mga baka, ay may mga tirintas na mga gawang nakabitin.

30 Bawat patungan ay may apat na gulong na tanso, at mga eheng tanso: at ang apat na paa niyon ay may mga lapatan: sa ilalim ng hugasan ay may mga lapatan na binubo, na may mga tirintas sa siping ng bawat isa.

31 Ang bunganga nito ay nasa loob ng isang kapitel, at ang taas ay may isang siko; at ang bunganga niyon ay bilog ayon sa pagkayari ng tuntungan, na may isang siko't kalahati ang lalim. At sa bunganga niyon ay may mga ukit, at ang mga gilid ng mga iyon ay parisukat, hindi bilog.

32 Ang apat na gulong ay nasa ibaba ng mga gilid; at ang mga ehe ng mga gulong ay kaisang piraso ng patungan; at ang taas ng bawat gulong ay isang siko at kalahati.

33 Ang pagkagawa ng mga gulong ay gaya ng pagkagawa ng mga gulong ng karwahe, ang mga ehe ng mga iyon, at ang mga masa ng mga iyon, at ang mga rayos ng mga iyon at ang mga panggitna niyon ay pawang hinulma.

34 May apat na tukod sa apat na panulok ng bawat patungan: ang mga tukod ay karugtong ng mga patungan.

35 Sa ibabaw ng patungan ay may isang nakabalot na kalahating siko ang taas; at sa ibabaw ng patunga'y nandoon ang mga panghawak, at ang mga gilid ay karugtong niyon.

36 Sa ibabaw ng mga panghawak niyon at sa mga gilid niyon, ay kanyang inukitan ng mga kerubin, mga leon, at mga puno ng palma ayon sa pagitan ng bawat isa, na may mga tirintas sa palibot.

37 Ayon sa paraang ito ay kanyang ginawa ang sampung patungan; lahat ng iyon ay iisa ang pagkabubo, iisa ang sukat, at iisa ang anyo.

38 At(B) siya'y gumawa ng sampung hugasang tanso; ang bawat hugasan ay naglalaman ng apatnapung bat: bawat hugasan ay may apat na siko; at may isang hugasan sa bawat isa ng sampung patungan.

39 Kanyang inilagay ang mga patungan, lima sa gawing timog ng bahay, at lima sa gawing hilaga ng bahay; at kanyang inilagay ang tangke sa timog-silangang sulok ng bahay.

40 Gumawa rin si Hiram ng mga kaldero, ng mga pala, at ng mga palanggana. Gayon tinapos ni Hiram ang lahat ng gawaing kanyang ginawa para kay Haring Solomon, sa bahay ng Panginoon:

41 ang dalawang haligi, ang dalawang kabilugan sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at ang dalawang yaring lambat na nakatakip sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;

42 at ang apatnaraang granada para sa dalawang yaring lambat; ang dalawang hanay na granada sa bawat yaring lambat, upang makaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;

43 ang sampung patungan, at ang sampung hugasan sa ibabaw ng mga patungan;

44 at ang isang tangke ng tubig, at ang labindalawang baka sa ilalim ng tangke.

45 Ang mga kaldero, ang mga pala, at ang mga palanggana, lahat ng kasangkapang ito sa bahay ng Panginoon na ginawa ni Hiram para kay Haring Solomon, ay yari sa pinitpit na tanso.

46 Sa kapatagan ng Jordan hinulma ang mga ito ng hari, sa luwad na nasa pagitan ng Sucot at ng Zaretan.

47 Ang lahat ng kasangkapan ay hindi tinimbang ni Solomon, sapagkat lubhang napakarami; ang timbang ng tanso ay hindi natiyak.

Read full chapter

Footnotes

  1. 1 Mga Hari 7:17 o lambat .
  2. 1 Mga Hari 7:17 o lambat .
  3. 1 Mga Hari 7:21 o Kanyang pagtitibayin .
  4. 1 Mga Hari 7:21 o sa Kanya ang katibayan .
  5. 1 Mga Hari 7:23 Sa Hebreo ay dagat .
  6. 1 Mga Hari 7:26 Bat: sukat ng tubig .