Add parallel Print Page Options

Ipinasensus ni David ang Kanyang mga Sundalo(A)

21 Inatake ni Satanas[a] ang Israel, kaya inudyukan niya si David na ipasensus ang mga Israelita. Kaya sinabi ni David kay Joab at sa mga kumander ng mga sundalo, “Lumakad kayo at isensus ang mga Israelita mula sa Beersheba hanggang sa Dan.[b] Pagkatapos, bumalik kayo rito para malaman ko kung ilan silang lahat.”

Pero sumagot si Joab, “Paramihin sana ng Panginoon ng 100 ulit ang inyong mga mamamayan. Ngunit, Mahal na Hari, bakit gusto nʼyong gawin ang bagay na ito? Hindi po ba mga sakop nʼyo naman sila? Bakit idadamay nʼyo sila sa gagawin ninyong kasalanan?”

Pero nagpumilit si David, kaya nilibot ni Joab ang buong Israel at bumalik agad sa Jerusalem. Sinabi niya kay David ang bilang ng mga lalaki na may kakayahang makipaglaban: 1,100,000 sa Israel at 470,000 sa Juda. Pero hindi isinama ni Joab sa pagbilang ang mga lahi nina Levi at Benjamin dahil nainis siya sa utos ng hari. Hindi rin natuwa ang Dios sa utos na ito ni David, kaya pinarusahan niya ang Israel. Pagkatapos, sinabi ni David sa Dios, “Napakalaking kasalanan po itong nagawa ko. Kaya nakikiusap ako sa inyo, Panginoon, na patawarin nʼyo ako na inyong lingkod sa aking kasalanan, dahil isa pong kamangmangan ang ginawa ko.”

Sinabi ng Panginoon kay Gad na propeta ni David, 10 “Pumunta ka kay David at papiliin mo siya kung alin sa tatlong parusa ang gusto niyang gawin ko sa kanya.” 11 Kaya pumunta si Gad kay David at sinabi sa kanya, “Alin sa tatlong ito ang gusto mo: 12 tatlong taong taggutom, tatlong buwang paglipol sa inyo ng mga kalaban ninyo o tatlong araw na salot mula sa Panginoon sa pamamagitan ng pagwasak ng anghel ng Panginoon sa buong lupain ng Israel. Magpasya ka at sabihin mo sa akin kung ano ang isasagot ko sa Panginoon na nagpadala sa akin.”

13 Sumagot si David kay Gad, “Nahihirapan akong pumili. Mabuti pang ang Panginoon na lang ang magparusa sa akin kaysa sa mga kamay ng tao, dahil napakamaawain ng Panginoon.” 14 Kaya nagpadala ang Panginoon ng salot sa Israel, at 70,000 Israelita ang namatay. 15 At habang winawasak ng anghel ang Jerusalem, naawa[c] ang Panginoon sa mga tao. Kaya sinabi niya sa anghel na lumilipol sa mga tao, “Tama na! Huwag mo na silang parusahan.” Nang oras na iyon, nakatayo ang anghel ng Panginoon sa may giikan ni Arauna[d] na Jebuseo.

16 Tumingala si David at nakita niya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa himpapawid, sa kalagitnaan ng langit at lupa. May hawak itong espada na nakaturo sa Jerusalem. Pagkatapos, nagpatirapa si David at ang mga tagapamahala ng Israel, na nakasuot ng sako bilang pagpapakita ng kanilang pagdadalamhati. 17 Sinabi ni David sa Dios, “Ako po ang nag-utos na bilangin ang mga lalaki na may kakayahang makipaglaban. Ako lang po ang nagkasala. Ang mga taong ito ay inosente gaya ng mga tupa. Wala silang nagawang kasalanan. O Panginoon na aking Dios, ako na lang po at ang aking pamilya ang parusahan ninyo. Huwag nʼyo pong pahirapan ang inyong mga mamamayan sa salot na ito.”

18 Pagkatapos, inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad na sabihin kay David na pumunta siya sa giikan ni Arauna na Jebuseo, at gumawa roon ng altar para sa Panginoon. 19 Kaya pumunta si David ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Gad.

20 Nang panahong iyon, gumigiik ng trigo si Arauna at ang apat niyang anak na lalaki. Nang makita nila ang anghel ng Panginoon, tumakbo ang apat na anak ni Arauna at nagtago. 21 Pagkatapos, nakita ni Arauna na paparating si David. Kaya umalis siya sa giikan at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang sa kanya. 22 Sinabi ni David sa kanya, “Ipagbili mo sa akin ang giikan mo para makapagpatayo ako ng altar para sa Panginoon, para huminto na ang salot sa mga tao. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito.”

23 Sinabi ni Arauna kay David, “Sige po Mahal na Hari, kunin ninyo. Gawin nʼyo kung ano ang gusto ninyo. Bibigyan ko pa po kayo ng baka para ialay bilang handog na sinusunog, mga tabla na ginagamit sa paggiik para ipanggatong at trigo para ihandog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ibibigay ko po itong lahat sa inyo.”

24 Pero sumagot si Haring David kay Arauna, “Hindi ko ito tatanggapin ng libre. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito. Hindi ko magagawang kunin ito sa iyo at ihandog sa Panginoon. Hindi ako mag-aalay ng handog na sinusunog na walang halaga sa akin.” 25 Kaya binayaran ni David si Arauna ng 600 pirasong[e] ginto para sa lupain na iyon. 26 Pagkatapos, gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at ng mga handog para sa mabuting relasyon.[f] At sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng apoy mula sa langit para sunugin ang mga handog sa altar. 27 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa anghel na ibalik na ang espada niya sa lalagyan nito.

28 Nang makita ni David na sinagot ng Panginoon ang kanyang dalangin, nag-alay pa siya ng handog doon sa giikan ni Arauna na Jebuseo. 29 Nang panahong iyon, ang Tolda ng Panginoon at ang altar para sa mga handog na sinusunog na ipinagawa ni Moises sa ilang ay nasa mataas na lugar sa Gibeon. 30 Pero hindi pumunta roon si David para magtanong sa Dios, dahil natatakot siya sa espada ng anghel ng Panginoon.

Footnotes

  1. 21:1 ni Satanas o, ng kaaway.
  2. 21:2 mula … Dan: Ibig sabihin, sa buong bansa ng Israel.
  3. 21:15 naawa: o, nagbago ng isip.
  4. 21:15 Arauna: o, Ornan.
  5. 21:25 600 piraso: o, mga pitong kilo.
  6. 21:26 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
'1 Paralipomeno 21 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang bayan ay binilang.

21 At (A)si Satan ay tumayo laban sa Israel, at kinilos si David na bilangin ang Israel.

At sinabi ni David kay Joab, at sa mga prinsipe ng bayan, Kayo'y magsiyaon, bilangin ninyo ang Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan; at dalhan ninyo ako ng salita; upang aking maalaman ang bilang nila.

At sinabi ni Joab, Gawin nawa ng Panginoon ang kaniyang bayan na makasandaang higit sa dami nila; nguni't, panginoon ko na hari, di ba silang lahat ay mga lingkod ng aking panginoon? bakit kinakailangan ng panginoon ko ang bagay na ito? bakit siya'y magiging sanhi ng ipagkakasala ng Israel?

Gayon ma'y ang salita ng hari ay nanaig laban kay Joab. Kaya't si Joab ay yumaon, at naparoon sa buong Israel, at dumating sa Jerusalem.

At ibinigay ni Joab ang kabuuan ng bilang ng bayan kay David. At silang lahat na taga Israel ay (B)labing isang daan libo na nagsisihawak ng tabak: at ang Juda ay apat na raan at pitongpung libong lalake na nagsisihawak ng tabak.

(C)Nguni't ang Levi at ang Benjamin ay hindi binilang; sapagka't ang pananalita ng hari ay kahalayhalay kay Joab.

At sumama ang loob ng Dios sa bagay na ito; kaya't kaniyang sinaktan ang Israel.

At sinabi ni David sa Dios, Ako'y nagkasala ng mabigat sa aking paggawa ng bagay na ito: nguni't ngayo'y alisin mo, ipinamamanhik ko sa iyo, ang kasamaan ng iyong lingkod, sapagka't aking ginawang may lubhang kamangmangan.

Nagpadala ng Salot.

At ang Panginoon ay nagsalita kay Gad na tagakita ni David, na sinasabi,

10 Yumaon ka at magsalita kay David na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinagpapalagayan kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga iyan, upang aking magawa sa iyo.

11 Sa gayo'y naparoon si Gad kay David, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, (D)Piliin mo ang iniibig mo:

12 Tatlong taong kagutom; o tatlong buwan na pagkalipol sa harap ng iyong mga kaaway, samantalang ang tabak ng iyong mga kaaway ay umabot sa iyo; o kung dili ay tatlong araw na ang tabak ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang salot sa lupain, at ang anghel ng Panginoon ay mangwawasak sa lahat na hangganan ng Israel. Ngayon nga'y akalain mo kung anong sagot ang ibabalik ko sa kaniya na nagsugo sa akin.

13 At sinabi ni David kay Gad, Ako'y totoong nasa kagipitan: ipinamamanhik ko na ihulog mo ako ngayon sa kamay ng Panginoon; sapagka't totoong malaki ang kaniyang kaawaan; at huwag akong mahulog sa kamay ng tao.

14 Sa gayo'y nagsugo ang Panginoon ng salot sa Israel: at nabuwal sa Israel ay pitongpung libong lalake.

15 At ang Dios ay nagsugo ng isang anghel sa Jerusalem, upang (E)gibain; at nang kaniyang lilipulin, ang Panginoo'y tumingin, at nagsisi siya tungkol sa kasamaan, at sinabi sa manglilipol na anghel, Siya na, ngayo'y itigil mo ang iyong kamay. At ang anghel ng Panginoon ay tumayo sa tabi ng giikan ni Ornan na Jebuseo.

16 At itinanaw ni David ang kaniyang mga mata, at nakita (F)ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa pagitan ng lupa at ng langit, na may hawak na tabak sa kaniyang kamay na nakaunat sa Jerusalem. Nang magkagayo'y si David at ang mga matanda, na nangakapanamit ng kayong magaspang ay nangagpatirapa.

17 At sinabi ni David sa Dios, Hindi ba ako ang nagpabilang sa bayan? sa makatuwid baga'y ako yaong nagkasala at gumawa ng totoong kasamaan; nguni't ang mga tupang ito, ano ang kanilang ginawa? Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon kong Dios, na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sangbahayan ng aking ama; nguni't huwag laban sa iyong bayan, na sila'y masasalot.

Si David ay nagtayo ng dambana sa giikan ni Ornan.

18 Nang magkagayo'y inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad upang sabihin kay David na siya'y sumampa, at magtayo ng isang dambana sa Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo.

19 At si David ay sumampa sa sabi ni Gad na kaniyang sinalita sa pangalan ng Panginoon.

20 At si Ornan ay bumalik at nakita ang anghel; at ang kaniyang apat na anak na kasama niya ay nagsipagkubli. Si Ornan nga ay gumigiik ng trigo.

21 At samantalang si David ay naparoroon kay Ornan, si Ornan ay tumanaw at nakita si David, at lumabas sa giikan, at iniyukod kay David ang kaniyang mukha sa lupa.

22 Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Ornan, Ibigay mo sa akin ang dako ng giikang ito, upang aking mapagtayuan ng isang dambana sa Panginoon: sa buong halaga ay ibibigay mo sa akin: upang ang salot ay tumigil sa bayan.

23 At sinabi ni Ornan kay David, Kunin mo, at gawin ng panginoon kong hari ang mabuti sa harap ng kaniyang mga mata: narito, aking ibinibigay sa iyo ang mga baka na mga pinaka handog na susunugin, at ang mga kasangkapan ng giikan na pinaka kahoy, at ang (G)trigo na pinaka handog na harina; aking ibinibigay sa lahat.

24 (H)At sinabi ng haring David kay Ornan, Huwag; kundi katotohanang aking bibilhin ng buong halaga: sapagka't hindi ko kukunin ang iyo para sa Panginoon, o maghahandog man ng handog na susunugin na walang bayad.

25 Sa gayo'y ibinigay ni David kay Ornan dahil sa dakong yaon ang anim na raang siklong ginto na pinakatimbang.

26 At ipinagtayo roon ni David ng isang dambana ang Panginoon, at naghandog ng mga handog na susunugin, at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at tumawag sa Panginoon; (I)at sinagot niya siya mula sa langit sa pamamagitan ng apoy sa ibabaw ng dambana ng handog na susunugin.

27 At inutusan ng Panginoon ang anghel; at kaniyang isinuksok sa kaluban ang kaniyang tabak.

28 Nang panahong yaon, nang makita ni David na sinagot siya ng Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo, siya nga'y naghain doon.

29 Sapagka't ang tabernakulo ng Panginoon na ginawa ni Moises sa ilang at ang dambana ng handog na susunugin, ay (J)nasa mataas na dako nang panahong yaon sa Gabaon.

30 Nguni't si David ay hindi makaparoon sa harap niyaon upang (K)magusisa sa Dios: sapagka't siya'y natakot dahil sa tabak ng anghel ng Panginoon.