Add parallel Print Page Options

Babala Laban sa Mapang-aping Mayayaman

Makinig kayo rito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok (A) na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mga kulisap ang inyong mga damit. Kinakalawang na ang inyong ginto at pilak, at ang kanilang kalawang ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy ito na tutupok sa inyong laman. Nag-imbak kayo ng kayamanan para sa mga huling araw. Pakinggan ninyo ang sigaw (B) laban sa inyo ng mga sahod ng mga gumapas sa inyong bukirin dahil hindi ninyo ito ibinigay sa mga manggagawa. Umabot na ang mga hinaing ng mga manggagapas sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat. Nagpakasawa kayo sa layaw at karangyaan dito sa lupa. Pinataba ninyo ang inyong puso para sa araw ng pagkatay. Hinatulan ninyo at pinaslang ang walang sala, na hindi naman lumalaban sa inyo.

Pagtitiyaga at Panalangin

Kaya magtiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Masdan ninyo kung paano hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa at kung gaano siya katiyaga hanggang sa pagpatak ng una at huling ulan. Dapat din kayong maging matiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat malapit na ang pagdating ng Panginoon. Huwag kayong magsisihan, mga kapatid, upang hindi kayo mahatulan ng Diyos. Tingnan ninyo! Nakatayo ang hukom sa labas ng pintuan! 10 Mga kapatid, alalahanin ninyo ang mga propetang nagpahayag sa pangalan ng Panginoon at gawin ninyo silang halimbawa ng pagtitiyaga sa gitna ng pagdurusa. 11 (C) Alalahanin ninyong itinuturing nating pinagpala ang nanatiling matatag sa gitna ng pagtitiis. Narinig ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang layunin ng Panginoon, kung gaano kalaki ang kanyang habag at kagandahang-loob. 12 Ngunit (D) higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa na saksi ninyo ang langit o ang lupa o ano pa man. Sapat nang sabihin ninyong “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo maparusahan.

13 Nagdurusa ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. 14 May (E) sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niya ang matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Ang panalanging may pananampalataya ang magpapagaling sa maysakit, palalakasin siyang muli ng Panginoon at kung siya'y nagkasala, siya'y patatawarin. 16 Kaya't ipagtapat ninyo sa isa't isa ang inyong mga kasalanan, at ipanalangin ninyo ang isa't isa at magdalanginan upang kayo'y gumaling. Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa. 17 Si (F) Elias ay taong tulad din natin. Taimtim siyang nanalangin na huwag umulan, at hindi nga umulan sa lupain sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At (G) nang siya'y manalangin upang umulan, bumuhos ang ulan mula sa langit at mula sa lupa'y sumibol ang mga halaman. 19 Mga kapatid ko, kung sinuman sa inyo ay naligaw mula sa katotohanan, at may umakay sa kanya pabalik sa tamang landas, 20 dapat (H) niyang malaman na sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan tungo sa tamang landas ay nagliligtas ng isang kaluluwa mula sa kamatayan at maghahatid sa kapatawaran ng maraming kasalanan.