Add parallel Print Page Options

Ang Dila

Mga kapatid, huwag basta-bastang maghangad na maging tagapagturo ang marami sa inyo, dahil alam ninyong mas mabigat ang paghatol sa aming mga nagtuturo. Lahat tayo ay madalas magkamali. Kung mayroon mang hindi nagkakamali sa pananalita niya, isa siyang taong ganap at may kakayahang pigilin ang kanyang sarili. Nirerendahan natin ang mga kabayo para sumunod saan man natin gustong papuntahin. Isipin nʼyo rin ang mga barko na kahit napakalaki at itinutulak ng malakas na hangin ay napapabaling ng maliit na timon at napapapunta ng kapitan saan man niya gustuhin. Ganoon din naman ang dila natin; kahit na maliit na bahagi ng katawan, nakakagawa ng malaking kayabangan. Isipin nʼyo kung gaano kalawak na gubat ang masusunog na galing lang sa maliit na apoy. Ang dila ay tulad ng apoy. Napakaraming kasamaan ang nagmumula sa ating dila at ito ay nagpaparumi sa buong pagkatao natin. Katulad ito ng apoy na nanggagaling sa impyerno, at sumisira sa buong buhay natin. Lahat ng uri ng hayop na lumalakad, lumilipad, gumagapang o nakatira sa tubig ay napapaamo ng tao. Pero walang taong nakakagawa nito sa dila. Wala itong tigil sa kasamaan at puno ng lasong nakamamatay. Sa pamamagitan ng dila, pinupuri natin ang ating Panginoon at Ama, pero sa pamamagitan din nito ay isinusumpa natin ang ating kapwa na nilikhang kalarawan ng Dios. 10 Mula sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at pagsumpa. Mga kapatid, hindi dapat ganyan. 11 Maaari bang lumabas sa iisang bukal ang matabang na tubig at ang maalat na tubig? Hindi! 12 Mga kapatid, hindi rin maaaring mamunga ng olibo ang puno ng igos o ng igos ang ubas. Hindi rin maaaring makakuha ng tubig-tabang sa tubig-alat.

Ang Karunungang Mula sa Dios

13 Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya na talagang marunong siya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay na may pagpapakumbaba. 14 Kung pagkainggit at pagkamakasarili naman ang umiiral sa inyong puso, huwag ninyong ipagyabang na may karunungan kayo, dahil pinasisinungalingan nʼyo ang katotohanan. 15 Ang ganitong karunungan ay hindi nagmumula sa Dios kundi sa mundo. Mula ito sa diyablo at hindi sa Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kung saan umiiral ang pagkainggit at pagkamakasarili, naroon din ang kaguluhan at lahat ng uri ng kasamaan. 17 Ngunit ang taong may karunungang mula sa Dios, una sa lahat ay may malinis na pamumuhay. Maibigin siya sa kapayapaan, mahinahon, masunurin, puno ng awa at kabutihan, walang pinapaboran, at hindi nagkukunwari. 18 Ang taong maibigin sa kapayapaan at nagpapalaganap nito ay nagdudulot ng maayos na relasyon sa iba.

Ang Dila

Mga kapatid ko, huwag magnais maging guro ang marami sa inyo sapagkat alam ninyo na mas mahigpit ang gagawing paghatol sa ating mga nagtuturo. Sapagkat tayong lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pagsasalita ay taong ganap at kayang rendahan ang kanyang sarili. Kapag nilagyan ng renda[a] ang bibig ng kabayo, ito'y napasusunod natin at napababaling saanman natin ibigin. Tingnan ninyo ang mga barko, bagama't malalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, ito'y naibabaling sa pamamagitan ng napakaliit na timon saanman ibigin ng piloto. Ganyan din ang dila ng tao; napakaliit na bahagi ng katawan ngunit napakalaki ng nagagawang kayabangan. Isipin na lang ninyo na “gaano kalaking mga gubat ang napaglalagablab ng isang maliit na apoy!” Ang dila'y parang apoy, isang daigdig ng kasamaan na kasama ng ibang bahagi ng ating katawan. Pinarurumi nito ang ating buong pagkatao at tinutupok ang landas na tinatahak ng tao sa pamamagitan ng apoy mula sa impiyerno. Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad o gumagapang, at ng mga nilalang sa dagat ay napaaamo at napaamo na ng tao. Ngunit walang taong nakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng lasong nakakamatay. Dila (A) ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at dila din ang ginagamit natin sa panlalait sa ating kapwa na nilalang na kalarawan ng Diyos. 10 Sa iisang bibig lumalabas ang pagpupuri at panlalait. Hindi dapat mangyari ito, mga kapatid. 11 Maaari bang magmula sa iisang bukal ang tubig na matamis at ang tubig na mapait? 12 Mga kapatid, namumunga ba ng olibo ang puno ng igos? Mamumunga ba ng igos ang puno ng ubas? Bumubukal ba ng tubig-tabang ang balon ng maalat na tubig?

Karunungan Mula sa Itaas

13 Sino sa inyo ang marunong at may pang-unawa? Ipakita niya sa pamamagitan ng wastong pamumuhay ang mga gawa na bunga ng kaamuan at karunungan. 14 Ngunit kung nasa inyong puso ang inggit at makasariling hangarin, huwag ninyong ipagmalaki iyan at huwag ikaila ang katotohanan. 15 Ang ganyang karunungan ay hindi buhat sa langit kundi makasanlibutan, makalaman at mula sa diyablo. 16 Sapagkat saanman naroon ang inggit at makasariling hangarin, naroon din ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa. 17 Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, una'y malinis, saka mapagpayapa, banayad, maunawain, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang pagtatangi, walang pagkukunwari. 18 Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng mga nagtataguyod ng kapayapaan.

Footnotes

  1. Santiago 3:3 pakagat: Isang bakal na inilalagay sa bibig ng kabayo na karugtong ng renda.