Add parallel Print Page Options

Pananabik sa Dios

63 O Dios, kayo ang aking Dios.
    Hinahanap-hanap ko kayo.
    Nananabik ako sa inyo nang buong pusoʼt kaluluwa,
    na tulad ng lupang tigang sa ulan.
Nakita ko ang inyong kapangyarihan at kaluwalhatian sa inyong templo.
Ang inyong pag-ibig ay mahalaga pa kaysa sa buhay,
    kaya pupurihin ko kayo.
Pasasalamatan ko kayo habang akoʼy nabubuhay.
    Itataas ko ang aking mga kamay sa paglapit sa inyo.
Masisiyahan ako tulad ng taong nabusog sa malinamnam na handaan.
    At magpupuri ako sa inyo ng awit ng kagalakan[a]
Sa aking paghiga, kayo ang naaalala ko.
    Sa buong magdamag kayo ang iniisip ko.
Dahil kayo ang tumutulong sa akin, aawit[b] ako,
    habang akoʼy nasa inyong pangangalaga.[c]
Lumapit ako sa inyo at inalalayan nʼyo ako ng inyong kanang kamay upang hindi ako mapahamak.
Ngunit silang nagtatangka sa aking buhay ay mapupunta sa lugar ng mga patay.
10 Mamamatay sila sa labanan at ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga asong-gubat.[d]
11 Matutuwa ang hari sa ginawa ng Dios sa kanya.
    Matutuwa rin ang mga nangako sa Panginoon.
    Ngunit ang lahat ng sinungaling ay patatahimikin ng Panginoon!

Footnotes

  1. 63:5 awit ng kagalakan: sa literal, sumisigaw sa kagalakan.
  2. 63:7 aawit: Tingnan ang footnote sa talatang 5.
  3. 63:7 habang … pangangalaga: sa literal, sa lilim ng inyong pakpak.
  4. 63:10 asong-gubat: sa Ingles, jackal.