Add parallel Print Page Options

Ang Pagpapahayag ng Kasalanan ng Taong Nahihirapan

39 Sinabi ko sa aking sarili,
    “Ang ugali koʼy aking babantayan, sa pagsasalita, ang magkasalaʼy iiwasan.
    Pipigilan ko ang aking mga labi habang malapit ako sa masasamang tao.”
Kaya tumahimik ako at walang anumang sinabi kahit mabuti,
    ngunit lalong nadagdagan ang sakit ng aking kalooban.
Akoʼy tunay na nabahala,
    at sa kaiisip koʼy lalo akong naguluhan,
    kaya nang hindi ko na mapigilan ay sinabi ko,
Panginoon, paalalahanan nʼyo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw,
    na ang buhay ko sa mundoʼy pansamantala lamang.
    Paalalahanan nʼyo akong sa mundo ay lilisan.
Kay ikli ng buhay na ibinigay nʼyo sa akin.
    Katumbas lang ng isang saglit para sa inyo.
    Itoʼy parang hangin lamang na dumadaan,
o kayaʼy parang anino na nawawala.
    Abala siya sa mga bagay na wala namang kabuluhan.
    Nagtitipon siya ng kayamanan, ngunit kapag siyaʼy namatay,
    hindi na niya alam kung sino ang makikinabang.
At ngayon, Panginoon, ano pa ang aasahan ko?
    Kayo lang ang tanging pag-asa ko.
Iligtas nʼyo ako sa lahat kong kasalanan,
    at huwag nʼyong hayaang pagtawanan ako ng mga hangal.
Akoʼy mananahimik at hindi na ibubuka pa ang aking bibig,
    dahil nanggaling sa inyo ang pagdurusa kong ito.
10 Huwag nʼyo na akong parusahan.
    Akoʼy parang mamamatay na sa dulot nʼyong kahirapan.
11 Dinidisiplina nʼyo ang tao kapag siya ay nagkakasala.
    Katulad ng anay, inuubos nʼyo rin ang kanilang mga pinahahalagahan.
    Tunay na ang buhay ng tao ay pansamantala lamang.[a]

12 Panginoon, dinggin nʼyo ang dalangin ko.
    Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong sa inyo.
    Huwag nʼyo sanang balewalain ang aking mga pag-iyak.
    Dahil dito sa mundo akoʼy dayuhan lamang,
    gaya ng aking mga ninuno, sa mundo ay lilisan.
13 Huwag na kayong magalit sa akin,
    upang akoʼy maging masaya bago ako mamatay.”

Footnotes

  1. 39:11 pansamantala lamang: sa literal, parang hininga lamang.