Add parallel Print Page Options

Tungkulin sa mga may Kapangyarihan

13 Ang bawat tao ay magpasakop sa mga namamahalang awtoridad, sapagkat walang pamamahala na hindi mula sa Diyos; at ang mga pamamahalang iyon ay itinalaga ng Diyos.

Kaya't ang lumalaban sa may kapangyarihan[a] ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at ang mga lumalaban ay tatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.

Sapagkat ang mga pinuno ay hindi kilabot sa mabuting gawa, kundi sa masama. At ibig mo bang huwag magkaroon ng takot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan mula sa kanya:

sapagkat siya'y lingkod ng Diyos para sa kabutihan mo. Ngunit kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, sapagkat hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos, upang ilapat ang poot sa gumagawa ng masama.

Kaya't nararapat na magpasakop, hindi lamang dahil sa galit, kundi dahil din sa budhi.

Sapagkat(A) sa gayunding dahilan ay nagbabayad din kayo ng buwis, sapagkat ang namamahala ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa sa bagay na ito.

Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.

Tungkulin sa Kapwa

Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa't isa, sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa'y nakatupad na ng kautusan.

Ang(B) mga utos na, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang mag-iimbot;” at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa; ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.

11 Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una.

12 Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya't iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag.

13 Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho.

14 Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.

Footnotes

  1. Roma 13:2 o awtoridad .

Tungkulin sa mga nasa Kapangyarihan

13 Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga nasa kapangyarihan[a], sapagkat walang kapangyarihang hindi mula sa Diyos; at ang mga kapangyarihang umiiral ay itinatag ng Diyos. Kaya't ang lumalaban sa maykapangyarihan ay sumasalungat sa itinatag ng Diyos. At ang mga sumasalungat ay tatanggap ng hatol sa kanilang sarili. Ang mga namumuno ay hindi nagdadala ng takot sa mga gumagawa ng mabuti kundi sa mga gumagawa ng masama. Kung ayaw mong matakot sa maykapangyarihan, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka niya. Sapagkat siya'y lingkod ng Diyos sa ikabubuti mo. Ngunit matakot ka kung masama ang ginagawa mo, sapagkat may dahilan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos upang igawad ang poot ng Diyos sa gumagawa ng masama. Kaya nga, dapat kayong pasakop, hindi lamang upang iwasan ang poot ng Diyos, kundi alang-alang na rin sa budhi.[b] Ito (A) rin ang dahilan kung bakit nagbabayad kayo ng buwis. Sapagkat ang mga namamahala ay mga lingkod ng Diyos na nagtalaga ng kanilang sarili sa gawaing ito. Ibigay ninyo sa lahat ang nararapat sa kanila: buwis sa dapat buwisan; bayad sa dapat bayaran; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.

Tungkulin sa Kapatid

Huwag kayong manatiling may pagkakautang kaninuman, maliban sa pagkakautang na magmahalan kayo, sapagkat ang nagmamahal sa kanyang kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. Ang (B) mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang maging sakim;” at ang iba pang utos, ay nabubuo sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 10 Sapagkat ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa, kaya ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.

11 Gawin ninyo ito dahil alam na ninyong panahon na ngayon upang kayo'y gumising mula sa inyong pagkakahimbing. Ang ating kaligtasan ay mas malapit na ngayon kaysa noong una nang tayo ay sumampalataya. 12 Lumalalim na ang gabi, at papalapit na ang araw. Kaya't hubarin na natin ang mga gawa ng dilim, at isuot ang kasuotang pandigma mula sa liwanag. 13 Mamuhay tayo nang marangal, gaya ng paglakad sa liwanag, hindi sa kalayawan at paglalasing, sa kalaswaan at kahalayan, sa mga away at pagseselos. 14 Sa halip, isapuso ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag bigyang-daan ang hilig ng laman patungo sa mga pagnanasa nito.

Footnotes

  1. Roma 13:1 awtoridad.
  2. Roma 13:5 kundi dahil sa iyon ang matuwid: Sa Griyego, kundi dahil din sa budhi.