Add parallel Print Page Options

Pamumuhay Bilang Cristiano

12 Kaya nga mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo alang-alang sa maraming pagkakataong kinaawaan tayo ng Dios, ibigay ninyo sa kanya ang inyong mga sarili bilang mga handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa kanya. Ito ang tunay na pagsamba sa kanya. Huwag ninyong tularan ang mga pag-uugali ng mga tao sa mundong ito. Hayaan ninyong baguhin kayo ng Dios sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong mga isip, para malaman ninyo ang kalooban ng Dios – kung ano ang mabuti, ganap, at kalugod-lugod sa kanyang paningin.

Sa biyayang ipinagkaloob ng Dios sa akin, sinasabi ko sa inyo na huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili ng higit sa nararapat. Sa halip, suriin ninyong mabuti ang inyong kakayahan ayon sa pananampalatayang ibinigay ng Dios sa inyo. Kung paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at ang bawat bahagi ay may kanya-kanyang gawain, ganoon din tayong mga mananampalataya. Kahit na marami tayo, iisang katawan lang tayo kay Cristo, at magkakaugnay tayo sa isaʼt isa. Ibaʼt iba ang kakayahang ibinigay sa atin ng Dios ayon sa kanyang biyaya, kaya gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang kaloob ng isang tao ay pagpapahayag ng salita ng Dios, kailangang ipahayag niya ito ayon sa kanyang pananampalataya. Kung ang kaloob niya ay paglilingkod sa kapwa, maglingkod siya. Kung pagtuturo, magturo siya; kung pagpapayo, magpayo siya nang mabuti; kung pagbibigay, magbigay siya nang maluwag; kung pamumuno, mamuno siya nang buong sikap; at kung pagtulong sa nangangailangan, tumulong siya nang may kagalakan.

Magmahalan kayo nang tapat. Iwasan ninyo ang masama at laging gawin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid kay Cristo at maging magalang sa isaʼt isa. 11 Huwag kayong maging tamad kundi magpakasipag at buong pusong maglingkod sa Panginoon. 12 At dahil may pag-asa kayo sa buhay, magalak kayo. Magtiis kayo sa mga paghihirap at laging manalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga pinabanal[a] ng Dios na nangangailangan, at patuluyin ninyo sa inyong mga tahanan ang walang matutuluyan. 14 Idalangin ninyo sa Dios na pagpalain ang mga taong umuusig sa inyo. Pagpalain ninyo sila sa halip na sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak, at makiramay kayo sa mga naghihinagpis. 16 Mamuhay kayo nang mapayapa sa isaʼt isa.[b] Huwag kayong magmataas, sa halip ay makipagkaibigan kayo sa mga taong mababa ang kalagayan. Huwag kayong magmarunong.

17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang mga gumagawa sa inyo ng masama. Gawin ninyo ang mabuti sa paningin ng lahat. 18 Hanggaʼt maaari, mamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti. Ipaubaya ninyo iyan sa Dios. Sapagkat sinabi ng Panginoon sa Kasulatan, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[c] 20 Kaya, “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo. Kung siyaʼy nauuhaw, painumin mo. Dahil kapag ginawa mo ang mga ito, mapapahiya siya sa kanyang sarili.”[d] 21 Huwag kayong patatalo sa masama kundi talunin ninyo ang masama sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti.

Footnotes

  1. 12:13 pinabanal: sa Griego, hagios, na ang ibig sabihin ay itinuring ng Dios na sa kanya.
  2. 12:16 Mamuhay kayo nang mapayapa sa isaʼt isa: o, Ituring ninyo nang pantay-pantay ang bawat isa.
  3. 12:19 Deu. 32:35.
  4. 12:20 mapapahiya siya sa kanyang sarili: sa literal, nilalagyan mo siya ng baga sa ulo.

Ang Bagong Buhay kay Cristo

12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, ipinapakiusap ko sa inyo na ialay ninyo ang inyong mga katawan bilang handog na buháy, banal, at kalugud-lugod sa Kanya. Ito ang inyong karapat-dapat na pagsamba.[a] Huwag kayong makiayon sa takbo ng kapanahunang ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Sa gayon, mapapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.

Ayon sa kaloob na aking tinanggap, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo na huwag ninyong ituring ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, ituring ninyo ang inyong sarili ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. Kung (A) paanong ang ating katawan ay binubuo ng maraming bahagi, at magkakaiba ang gawain ng bawat isa, gayundin naman, kahit na tayo'y marami, tayo ay iisang katawan kay Cristo, at bawat isa ay bahagi ng isa't isa. Mayroon (B) tayong mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob natin ay pagpapahayag ng propesiya, gamitin natin ito ayon sa sukat ng pananampalataya. Kung paglilingkod, gamitin sa paglilingkod. Kung pagtuturo, sa pagtuturo. Kung pagpapalakas ng loob, sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ay bukas-palad sa pagbibigay. Kung pamumuno, mamuno nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa, gawin ito nang masaya.

Maging lantay ang pag-ibig. Kamuhian ninyo ang masama at panindigan ang mabuti. 10 Maging mapagmahal sa isa't isa bilang tunay na magkakapatid, at pahalagahan ninyo ang inyong kapwa nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyong mga sarili. 11 Magpakasipag kayo at ang kalooba'y lalo pang pag-alabin sa paglilingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa pagdurusa, at maging matiyaga sa pananalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga kapatid[b] na nangangailangan. Buksan ang inyong mga tahanan sa mga dayuhan. 14 Pagpalain (C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo at huwag sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makitangis sa mga umiiyak. 16 Magkaisa (D) kayo sa pag-iisip. Huwag kayong magmataas, sa halip ay makisama sa mga dukha.[c] Huwag ninyong ipalagay na napakagaling ninyo. 17 Huwag ninyong gantihan ang masama ng masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa paningin ng lahat. 18 Sa abot ng inyong makakaya, makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga (E) minamahal, huwag kayong maghihiganti, sa halip ay bigyang-daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Ngunit, (F) “kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung siya'y nauuhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo nito ay parang malalagyan mo siya ng baga sa kanyang ulo.” 21 Huwag kang magpadaig sa masama, sa halip ay daigin mo ng mabuti ang masama.

Footnotes

  1. Roma 12:1 o paglilingkod.
  2. Roma 12:13 Sa Griyego, mga banal.
  3. Roma 12:16 makibagay maging sa mga dukha: O kaya'y ialay ninyo ang inyong sarili sa mga gawaing mababa.