Add parallel Print Page Options

Ang Ikapitong Tatak

Nang buksan ng Kordero ang ikapitong tatak, nagkaroon ng katahimikan sa langit nang halos kalahating oras. At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harap ng Diyos, at binigyan sila ng pitong trumpeta.

(A) Isa pang anghel na may dalang gintong lalagyan ng insenso ang dumating at tumayo sa dambana. Binigyan siya ng maraming insenso upang kanyang ialay kasama ang mga panalangin ng lahat ng banal sa gintong dambanang nasa harap ng trono. At ang usok ng mga insenso, kasama ang mga panalangin ng mga banal, ay umakyat sa harapan ng Diyos mula sa kamay ng anghel. (B) Kinuha ng anghel ang lalagyan ng insenso at pinuno ito ng apoy mula sa dambana at itinapon ito sa lupa. Noon di'y kumulog, nagkaingay, kumidlat at lumindol.

Ang Pitong Trumpeta

(C) Ang pitong anghel na may pitong trumpeta ay humanda upang hipan ang mga ito.

Hinipan (D) ng unang anghel ang kanyang trumpeta, at nagkaroon ng yelo at apoy, na may halong dugo. Itinapon ang mga ito sa lupa. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa at ng mga puno. Ang lahat ng luntiang damo ay nasunog din.

Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta, at itinapon sa dagat ang isang tulad ng malaking bundok na nagliliyab sa apoy. Naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat, namatay ang ikatlong bahagi ng may buhay sa ilalim ng dagat, at nawasak ang ikatlong bahagi ng mga barko.

10 Hinipan (E) ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta, at isang malaking bituin ang nahulog mula sa langit, nagliliyab na parang isang sulo. Nahulog ito sa ikatlong bahagi ng mga ilog at sa mga bukal ng tubig. 11 (F) Halamang Mapait ang pangalan ng bituin. Naging mapait ang ikatlong bahagi ng mga tubig. Maraming tao ang namatay dahil sa tubig, sapagkat ito'y naging mapait.

12 Hinipan (G) ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta, at tinamaan ang ikatlong bahagi ng araw, ng buwan, at ng mga bituin, kaya't nagdilim ang ikatlong bahagi ng kanilang liwanag. Nabawasan din ang ikatlong bahagi ng liwanag at ang maghapon at magdamag.

13 Tumingin ako, at narinig ko ang isang agilang sumisigaw habang lumilipad sa himpapawid, “Kaylagim, kaylagim, kaylagim ng sasapitin ng mga naninirahan sa lupa dahil sa iba pang mga trumpeta na hihipan ng tatlo pang anghel!”