Add parallel Print Page Options

Ang Pagsamba sa Langit

Pagkatapos nito, nakita kong nabuksan ang pinto sa langit. At narinig kong muli ang tinig na parang trumpeta. Sinabi niya, “Umakyat ka rito at ipapakita ko sa iyo ang mga mangyayari sa hinaharap.” Bigla na lang akong napuspos ng Banal na Espiritu. At nakita ko roon sa langit ang isang trono na may nakaupo na nagniningning tulad ng mamahaling mga batong jasper at kornalina. At nakapaikot sa trono ang bahagharing kakulay ng batong esmeralda. Nakapaligid sa trono ang 24 pang trono kung saan nakaupo ang 24 na namumuno na nakaputi at may mga koronang ginto. Mula sa tronoʼy kumikidlat, kumukulog at may umuugong. Sa harap ng tronoʼy may pitong nakasinding ilawan. Ito ang pitong Espiritu ng Dios.[a] Sa harap ng trono ay mayroon ding parang dagat na salamin na kasinglinaw ng kristal.

Nakapaligid sa trono ang apat na buhay na nilalang na punong-puno ng mga mata sa harap at likod. Ang unang nilalang ay parang leon, ang pangalawa ay parang guya,[b] ang pangatlo ay may mukha na parang tao, at ang pang-apat ay parang agilang lumilipad. Tig-aanim ang mga pakpak nila at punong-puno ng mata ang buong katawan. Araw-gabi ay wala silang tigil sa pagsasabi ng:

    “Banal! Banal! Banal ang Panginoong Dios nating makapangyarihan sa lahat.
    Siya ang Dios noon, ngayon, at sa hinaharap.”

Habang nagbibigay sila ng parangal, papuri at pasasalamat sa nakaupo sa trono na nabubuhay magpakailanman, 10 lumuluhod at sumasamba sa kanya ang 24 na namumuno. Iniaalay nila ang mga korona nila sa harap ng trono, at sinasabi,

11 “Karapat-dapat po kayo Panginoon naming Dios na tumanggap ng parangal, papuri at kapangyarihan,
    dahil kayo ang lumikha sa lahat ng bagay.
    At ginawa ninyo ang mga ito ayon sa inyong kagustuhan.”

Footnotes

  1. 4:5 pitong Espiritu ng Dios: Tingnan ang “footnote” sa 1:4-5.
  2. 4:7 guya: sa Ingles, “calf.”

Pagkatapos nito ay tumingin ako, at doon sa langit ay may isang pintong nakabukas! Ang unang tinig na narinig kong nagsasalita sa akin ay parang isang trumpeta, na nagsasabi, “Umakyat ka rito at ipakikita ko sa iyo kung ano ang kailangang mangyari pagkatapos ng mga bagay na ito.” At (A) agad akong kinasihan ng espiritu, at doon sa langit ay may isang tronong may nakaupo! At ang nakaupo doon ay nagniningning tulad ng batong jasper at sardio, at sa paligid ng trono ay may bahagharing parang esmeralda. Sa paligid ng trono ay may dalawampu't apat pang trono at sa mga ito ay may nakaupong dalawampu't apat na matatanda na nakaputing damit, at sa kanilang mga ulo ay nakaputong ang mga gintong korona. Mula (B) sa trono ay may nanggagaling na mga siklab ng kidlat, mga ingay at mga dagundong ng kulog. At sa harapan ng trono ay may pitong nag-aapoy na sulo. Ang mga ito'y ang pitong espiritu ng Diyos; at sa (C) (D) harapan ng trono ay may tila dagat na salamin tulad ng kristal.

Sa paligid ng trono, sa bawat gilid nito ay may apat na buháy na nilalang, na puno ng mga mata sa harap at sa likod. Parang leon ang unang buhay na nilalang, isang baka ang katulad ng ikalawa, ang ikatlong nilalang ay may mukhang tulad ng sa tao, at ang ikaapat ay parang isang lumilipad na agila. Ang (E) bawat isa sa apat na nilalang ay may anim na pakpak, sa paligid at loob ay puno ng mga mata. Araw at gabi'y hindi sila tumitigil sa pagsasabi,

“Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na siyang noon, ngayon, at darating.”

At tuwing magbibigay ng kaluwalhatian, karangalan, at pasasalamat ang mga buháy na nilalang sa kanyang nakaupo sa trono, siyang nabubuhay magpakailanman, 10 lumuluhod ang dalawampu't apat na matatanda sa harap ng nakaupo sa trono at sumasamba sa kanyang nabubuhay magpakailanman; at inihahagis nila sa harap ng trono ang kanilang mga korona, na nagsasabi,

11 “Karapat-dapat ka, Panginoon naming Diyos,
    na tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan,
sapagkat nilikha mo ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan ng iyong kalooban,
    sila'y nalikha at pinaiiral.”