Add parallel Print Page Options

Ang Babaeng Bayaran

17 Pagkatapos, lumapit sa akin ang isa sa pitong anghel na may sisidlan at sinabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang pagpaparusa sa sikat na babaeng bayaran. Ang babaeng ito ay ang malaking lungsod na itinayo malapit sa maraming tubig. Nakipagrelasyon sa kanya ang mga hari sa buong mundo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga itinuro niya, at ang mga tao naman sa mundo ay parang nalasing sa mga itinuro niyang kasamaan.”

Pagkatapos, napuspos ako ng Banal na Espiritu at dinala ng anghel sa ilang. Nakita ko roon ang isang babaeng nakasakay sa pulang halimaw. Ang halimaw na iyon ay may pitong ulo at sampung sungay. At sa buong katawan ay nakasulat ang mga pangalang lumalapastangan sa Dios. Kulay ube at pula ang damit ng babae, at may mga alahas siyang ginto, mamahaling bato, at perlas. May hawak siyang gintong tasa na puno ng kasamaan at karumihan niya dahil sa kanyang sekswal na imoralidad. Nakasulat sa noo niya ang pangalang ito na may lihim na kahulugan: “Ang sikat na lungsod ng Babilonia, ang ina ng lahat ng babaeng bayaran[a] at ng lahat ng kasamaan sa buong mundo.” At nakita kong lasing ang babaeng iyon sa dugo ng mga pinabanal[b] ng Dios na ipinapatay niya dahil sa pagsunod nila kay Jesus.

Namangha ako nang makita ko siya. Pero sinabi sa akin ng anghel, “Huwag kang mamangha. Sasabihin ko sa iyo ang lihim na kahulugan ng babae at ng halimaw na sinasakyan niya, na may pitong ulo at sampung sungay. Ang halimaw na nakita mo ay buhay noon, pero patay na ngayon. Pero muli siyang lalabas mula sa kailaliman, at agad namang mapupunta sa walang hanggang kapahamakan. Makikita siya ng mga taong hindi nakasulat ang mga pangalan sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Bago pa man likhain ang mundo, ang pangalan nila ay hindi na nakasulat sa aklat na ito. At kapag nakita nila ang halimaw, mamamangha sila dahil buhay siya noon, at namatay na, ngunit nabuhay na naman.

“Kailangan dito ang talino upang maintindihan ang kahulugan ng mga ito. Ang pitong ulo ay ang pitong bundok na inuupuan ng babae. Nangangahulugan din ito ng pitong hari. 10 Lima sa pitong iyon ay patay na, ang isa ay naghahari pa ngayon, at ang isa ay hindi pa dumarating. Kapag dumating na siya, sandali lang ang paghahari niya. 11 Ang halimaw na buhay noon, pero patay na ngayon, ang siyang ikawalong hari. Kabilang din siya sa naunang pitong hari, at hahantong din siya sa kapahamakan.

12 “Ang sampung sungay na nakita mo ay ang sampung hari na hindi pa naghahari. Bibigyan sila ng kapangyarihang maghari kasama ang halimaw sa loob lang ng maikling panahon.[c] 13 Iisa ang layunin ng sampung haring iyon. At ipapailalim nila ang kapangyarihan at pamamahala nila sa halimaw.[d] 14 Lalabanan nila ang Tupa ngunit matatalo sila, dahil siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama ng Tupa ang mga tapat na tagasunod niya na kanyang tinawag at pinili.”

15 Sinabi rin sa akin ng anghel, “Ang tubig na nakita mo na inuupuan ng babaeng bayaran ay ang mga tao sa ibaʼt ibang lahi, bansa at wika. 16 Ang sampung sungay at ang halimaw na nakita mo ay mapopoot sa babaeng bayaran. Kukunin nila ang mga ari-arian niya pati na ang suot niyang damit at walang maiiwan sa kanya. Kakainin nila ang kanyang laman at susunugin ang matitira. 17 Niloob ng Dios na maisakatuparan ng sampung hari ang kanyang layunin. Kaya mapagkakasunduan nila na ipailalim sa halimaw ang kapangyarihan at pamamahala nila hanggang sa matupad ang sinabi ng Dios.

18 “Ang babaeng nakita mo ay ang sikat na lungsod na naghahari sa mga hari sa mundo.”

Footnotes

  1. 17:5 ina ng lahat ng babaeng bayaran: Maaaring ang ibig sabihin, ina ng lahat ng sumasamba sa mga dios-diosan.
  2. 17:6 pinabanal: Tingnan ang “footnote” sa 5:8.
  3. 17:12 sa loob lang ng maikling panahon: sa literal, sa loob ng isang oras.
  4. 17:13 ipapailalim … sa halimaw: Ang ibig sabihin, tutulungan nila ang halimaw sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihan.

Ang Babae at ang Halimaw

17 Pagkatapos, (A) isa sa pitong anghel na may pitong mangkok ay dumating at nagsabi sa akin, “Halika, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa napakahalay na babaing nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig. Nakiapid (B) sa kanya ang mga hari sa daigdig, at nalasing sa alak ng kanyang pakikiapid ang mga naninirahan sa lupa.” At (C) habang nasa Espiritu, dinala niya ako sa ilang, at nakita ko ang isang babae na nakaupo sa pulang halimaw na puno ng mga pangalang mapaglapastangan at ito ay may pitong ulo at sampung sungay. Ang (D) (E) babae ay nakadamit ng kulay-ube at pula, at nababalutan ng ginto at mamahaling bato at perlas, hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng mga karumihan at mga kahalayan ng kanyang pakikiapid. Sa kanyang noo ay nakasulat ang isang mahiwagang pangalan: “Tanyag na Babilonia, ina ng mahahalay na babae at ng mga kalaswaan ng daigdig.” At nakita ko ang babae, lasing sa dugo ng mga banal at ng mga nagpatotoo para kay Jesus.

Labis akong nagtaka nang makita ko siya. Ngunit sinabi sa akin ng anghel, “Bakit ka nagtataka? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng kanyang sinasakyang halimaw, na may pitong ulo at sampung sungay. Ang halimaw na nakita mo ay buháy noon, at ngayo'y wala na, at malapit nang umahon mula sa walang hanggang kalaliman patungo sa pagkawasak. Ang mga naninirahan sa lupa na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan ay mamamangha sa sandaling makita nila ang halimaw sapagkat siya'y buháy noon at ngayo'y wala na, at darating pa.

“Nangangailangan ito ng isip na may karunungan: ang pitong ulo ay pitong bundok kung saan nakaupo ang babae. Sila rin ang pitong hari, 10 at lima sa kanila ay bumagsak na, ang isa'y buhay pa, ang isa ay hindi pa dumarating; at sa kanyang pagdating, sandali lang siyang mananatili. 11 At ang halimaw na buhay noon at ngayo'y wala na ang ikawalo, ngunit kabilang din sa pito, at siya'y patungo sa pagkawasak. 12 Ang (F) sampung sungay na nakita mo ay ang sampung hari na hindi pa nakakatanggap ng kaharian, subalit tatanggap sila ng kapangyarihan bilang mga hari sa loob ng isang oras, kasama ng halimaw. 13 Nagkakaisa ang mga ito sa pag-iisip, at ibinigay nila ang kanilang kapangyarihan at pamamahala sa halimaw. 14 Makikipagdigma sila laban sa Kordero, ngunit dadaigin sila ng Kordero, sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, at ang mga kasama niya ay yaong mga tinawag, mga hinirang at mga tapat.”

15 At sinabi ng anghel sa akin, “Ang mga tubig na iyong nakitang kinauupuan ng mahalay na babae ay mga bayan at napakaraming tao, mga bansa at mga wika. 16 Ang nakita mo namang sampung sungay, ang mga ito at ang halimaw ay masusuklam sa mahalay na babae. Siya'y kanilang pababayaan at iiwang hubad at kanilang lalamunin ang kanyang laman at siya'y susunugin sa apoy. 17 Sapagkat inilagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin ang kanyang layunin at pagkaisahin sila na ibigay ang kanilang kaharian sa halimaw, hanggang sa matupad ang mga salita ng Diyos. 18 Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lungsod na naghahari sa mga hari ng daigdig.”