Add parallel Print Page Options

17 At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok, at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Pumarito ka, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa bantog na patutot na nakaupo sa maraming tubig;

Na siyang pinakiapiran ng mga hari sa lupa, at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.

At ako'y kaniyang dinalang nasa Espiritu sa isang ilang: at nakita ko ang isang babae na nakasakay sa isang hayop na pula, na puno ng mga pangalang pamumusong, na may pitong ulo at sangpung sungay.

At nararamtan ang babae ng kulay-ube at ng pula, at nahihiyasan ng ginto at ng mga mahalagang bato at mga perlas, na sa kaniyang kamay ay may isang sarong ginto na puno ng mga kasuklamsuklam, at ng mga bagay na marurumi ng kaniyang pakikiapid,

At sa kaniyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, HIWAGA, DAKILANG BABILONIA, INA NG MGA PATUTOT AT NG MGA KASUKLAMSUKLAM SA LUPA.

At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir ni Jesus. At nang aking makita siya ay nanggilalas ako ng malaking panggigilalas.

At sinabi sa akin ng anghel, Bakit ka nanggilalas? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng hayop na sinasakyan niya, na may pitong ulo at sangpung sungay.

At ang hayop na nakita mo ay naging siya, at wala na; at malapit ng umahon sa kalaliman, at patungo sa kapahamakan. At silang mga nananahan sa lupa ay manggigilalas na ang kanilang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula nang itatag ang sanglibutan, pagkakita nila sa hayop, kung paano naging siya at wala na, at darating.

Narito ang pagiisip na may karunungan. Ang pitong ulo ay pitong bundok na kinauupuan ng babae:

10 At sila'y pitong hari; ang lima ay nanga buwal, ang isa'y narito, ang isa ay hindi pa dumarating; at pagdating niya ay dapat magtagal na sangdaling panahon.

11 At ang hayop na naging siya, at wala na, ay siya ring ikawalo at siya'y sa pito at siya'y patungo sa kapahamakan.

12 At ang sangpung sungay na iyong nakita ay sangpung hari, na hindi pa nagsisitanggap ng kaharian; datapuwa't magsisitanggap sila ng kapamahalaang paghahari na isang oras na kasama ng hayop.

13 Ang mga ito ay may isang kaisipan, at ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa hayop.

14 Makikipagbaka ang mga ito laban sa Cordero, at sila'y dadaigin ng Cordero, sapagka't siya'y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga Hari; at ng mga kasama niya, na mga tinawag at mga pili at mga tapat ay nananaig din.

15 At sinabi niya sa akin, Ang tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng patutot, ay mga bayan, at mga karamihan, at mga bansa, at mga wika.

16 At ang sangpung sungay na iyong nakita, at ang hayop, ay siyang nangapopoot sa patutot, at siya'y pababayaan at huhubaran, at kakanin ang kaniyang laman, at siya'y lubos na susupukin ng apoy.

17 Sapagka't inilagay ng Dios sa kanilang mga puso na gawin ang kaniyang kaisipan, at mangagkaisa ng kaisipan, at ibigay ang kanilang kaharian sa hayop, hanggang sa maganap ang mga salita ng Dios.

18 At ang babae na iyong nakita ay ang dakilang bayan, na naghahari sa mga hari sa lupa.

Ang Babae at ang Halimaw

17 Pagkatapos, (A) isa sa pitong anghel na may pitong mangkok ay dumating at nagsabi sa akin, “Halika, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa napakahalay na babaing nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig. Nakiapid (B) sa kanya ang mga hari sa daigdig, at nalasing sa alak ng kanyang pakikiapid ang mga naninirahan sa lupa.” At (C) habang nasa Espiritu, dinala niya ako sa ilang, at nakita ko ang isang babae na nakaupo sa pulang halimaw na puno ng mga pangalang mapaglapastangan at ito ay may pitong ulo at sampung sungay. Ang (D) (E) babae ay nakadamit ng kulay-ube at pula, at nababalutan ng ginto at mamahaling bato at perlas, hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng mga karumihan at mga kahalayan ng kanyang pakikiapid. Sa kanyang noo ay nakasulat ang isang mahiwagang pangalan: “Tanyag na Babilonia, ina ng mahahalay na babae at ng mga kalaswaan ng daigdig.” At nakita ko ang babae, lasing sa dugo ng mga banal at ng mga nagpatotoo para kay Jesus.

Labis akong nagtaka nang makita ko siya. Ngunit sinabi sa akin ng anghel, “Bakit ka nagtataka? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng kanyang sinasakyang halimaw, na may pitong ulo at sampung sungay. Ang halimaw na nakita mo ay buháy noon, at ngayo'y wala na, at malapit nang umahon mula sa walang hanggang kalaliman patungo sa pagkawasak. Ang mga naninirahan sa lupa na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan ay mamamangha sa sandaling makita nila ang halimaw sapagkat siya'y buháy noon at ngayo'y wala na, at darating pa.

“Nangangailangan ito ng isip na may karunungan: ang pitong ulo ay pitong bundok kung saan nakaupo ang babae. Sila rin ang pitong hari, 10 at lima sa kanila ay bumagsak na, ang isa'y buhay pa, ang isa ay hindi pa dumarating; at sa kanyang pagdating, sandali lang siyang mananatili. 11 At ang halimaw na buhay noon at ngayo'y wala na ang ikawalo, ngunit kabilang din sa pito, at siya'y patungo sa pagkawasak. 12 Ang (F) sampung sungay na nakita mo ay ang sampung hari na hindi pa nakakatanggap ng kaharian, subalit tatanggap sila ng kapangyarihan bilang mga hari sa loob ng isang oras, kasama ng halimaw. 13 Nagkakaisa ang mga ito sa pag-iisip, at ibinigay nila ang kanilang kapangyarihan at pamamahala sa halimaw. 14 Makikipagdigma sila laban sa Kordero, ngunit dadaigin sila ng Kordero, sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, at ang mga kasama niya ay yaong mga tinawag, mga hinirang at mga tapat.”

15 At sinabi ng anghel sa akin, “Ang mga tubig na iyong nakitang kinauupuan ng mahalay na babae ay mga bayan at napakaraming tao, mga bansa at mga wika. 16 Ang nakita mo namang sampung sungay, ang mga ito at ang halimaw ay masusuklam sa mahalay na babae. Siya'y kanilang pababayaan at iiwang hubad at kanilang lalamunin ang kanyang laman at siya'y susunugin sa apoy. 17 Sapagkat inilagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin ang kanyang layunin at pagkaisahin sila na ibigay ang kanilang kaharian sa halimaw, hanggang sa matupad ang mga salita ng Diyos. 18 Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lungsod na naghahari sa mga hari ng daigdig.”