Add parallel Print Page Options

Ang mga Pari at ang mga Levita

12 1-7 Ito ang talaan ng mga pari at ng mga Levita na bumalik mula sa pagkabihag kasama ni Zerubabel na anak ni Shealtiel at ni Jeshua na punong pari. Ang mga pari ay sina Seraya, Jeremias, Ezra, Amaria, Maluc, Hatush, Shecania, Rehum, Meremot, Iddo, Gineton, Abijah, Mijamin, Moadia, Bilga, Shemaya, Joyarib, Jedaya, Salu, Amok, Hilkia, at Jedaya. Sila ang mga pinuno ng mga kapwa nila pari at ng kanilang mga kasama noong panahon ni Jeshua.

Ang mga Levita ay sina Jeshua, Binui, Kadmiel, Sherebia, Juda at Matania. Si Matania at ang mga kasama niya ang katiwala sa pag-awit ng mga awit ng pasasalamat. At sina Bakbukia, Uni, at ang mga kasama nila, ang katiwala sa pagsagot sa awit na iyon.

Ang mga Lahi ng Punong Pari na si Jeshua

10 Si Jeshua ay ama ni Joyakim. Si Joyakim ay ama ni Eliashib. Si Eliashib ay ama ni Joyada. 11 Si Joyada ay ama ni Jonatan. At si Jonatan ay ama ni Jadua.

Ang Pinuno ng mga Pamilya ng mga Pari

12-13 Ito ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga pari noong si Joyakim ang punong pari:

Si Meraya ang pinuno ng pamilya ni Seraya.

Si Hanania ang pinuno ng pamilya ni Jeremias.

Si Meshulam ang pinuno ng pamilya ni Ezra.

Si Jehohanan ang pinuno ng pamilya ni Amaria.

14 Si Jonatan ang pinuno ng pamilya ni Maluc.

Si Jose ang pinuno ng pamilya ni Shebania.[a]

15 Si Adna ang pinuno ng pamilya ni Harim.

Si Helkai ang pinuno ng pamilya ni Merayot

16 Si Zacarias ang pinuno ng pamilya ni Iddo.

Si Meshulam ang pinuno ng pamilya ni Gineton.

17 Si Zicri ang pinuno ng pamilya ni Abijah.

Si Piltai ang pinuno ng pamilya nina Miniamin at Moadia.

18 Si Shamua ang pinuno ng pamilya ni Bilga.

Si Jehonatan ang pinuno ng pamilya ni Shemaya.

19 Si Matenai ang pinuno ng pamilya ni Joyarib.

Si Uzi ang pinuno ng pamilya ni Jedaya.

20 Si Kalai ang pinuno ng pamilya ni Salu.

Si Eber ang pinuno ng pamilya ni Amok.

21 Si Hashabia ang pinuno ng pamilya ni Hilkia.

At si Netanel ang pinuno ng pamilya ni Jedaya.

Ang mga Pinuno ng mga Pamilya ng mga Levita

22 Noong panahon ng paghahari ni Darius sa Persia, inilista ang mga pangalan ng mga pinuno sa mga pamilya ng mga pari at mga Levita. Nang panahon ng mga punong pari na sina Eliashib, Joyada, Johanan, at Jadua. 23 Ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Levita hanggang sa panahon ni Johanan na apo ni Eliashib ay nakalista sa Aklat ng Kasaysayan.

24 Ito ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Levita: si Hashabia, Sherebia, Jeshua, Binui, Kadmiel,[b] at ang iba pa nilang mga kasama na nakatayo sa kabilang bahagi nila sa oras ng pag-awit sa templo ng mga papuri at pasasalamat sa Dios. Sila ang sumasagot sa awit ng kabilang grupo, ayon sa utos ni David na lingkod ng Dios. 25 Ang mga guwardya ng pintuan ng templo na nagbabantay ng mga bodega na malapit sa pintuan ay sina Matania, Bakbukia, Obadias, Meshulam, Talmon at Akub. 26 Sila ang naglilingkod sa panahon ni Joyakim na anak ni Jeshua at apo ni Jozadak, at sa panahon ni Nehemias na gobernador at ni Ezra na pari at tagapagturo ng Kautusan.

Itinalaga sa Dios ang Pader ng Lungsod

27 Noong panahong itinalaga ang pader ng Jerusalem, ipinatawag ang mga Levita mula sa tinitirhan nila. Pinapunta sila sa Jerusalem upang makalahok sa masayang pagdiriwang ng pagtatalaga ng templo sa pamamagitan ng pag-awit ng mga awit ng pasasalamat at pagtugtog ng mga pompyang, alpa, at lira. 28 Pinapunta rin ang mga mang-aawit mula sa mga baryo sa paligid ng Jerusalem at mula sa baryo ng Netofa. 29 May mga nagmula sa bayan ng Bet Gilgal, at sa lugar ng Geba at Azmavet. Sapagkat ang mga mang-aawit ay nagtayo ng sarili nilang mga baryo sa paligid ng Jerusalem. 30 Gumawa ng seremonya sa paglilinis ang mga pari at mga Levita, para maging malinis sila, at ganoon din ang ginawa nila sa mga tao, sa mga pintuan ng lungsod at sa pader nito.

31 Dinala ko ang mga pinuno ng Juda sa itaas ng pader, at tinipon ko roon ang dalawang malalaking grupo ng mga mang-aawit para magpasalamat sa Dios. Ang isang grupo naman ay nagmartsa roon sa itaas papunta sa pintuan ng pinagtatapunan ng basura. 32 Sumusunod sa kanila sina Hosaya at ang kalahati ng mga pinuno ng Juda, 33 kasama rin sina Azaria, Ezra, Meshulam, 34 Juda, Benjamin, Shemaya, Jeremias, 35 at ilang mga pari na nagpapatunog ng trumpeta. Sumusunod din si Zacarias na anak ni Jonatan. (Si Jonatan ay anak ni Shemaya. Si Shemaya ay anak ni Matania. Si Matania ay anak ni Micaya. At si Micaya ay anak ni Zacur na angkan ni Asaf.) 36 Sumusunod naman kay Zacarias ang mga kasama niyang sina Shemaya, Azarel, Milai, Gilalai, Maai, Netanel, Juda at Hanani. May dala silang mga instrumento katulad ng mga tinutugtog noon ni Haring David na lingkod ng Dios. Ang grupong ito ay pinapangunahan ni Ezra na tagapagturo ng kautusan. 37 Pagdating nila sa Pintuan ng Bukal, umakyat sila sa daang parang hagdan na papuntang Lungsod ni David. Dumaan sila sa palasyo ni David hanggang makarating sila sa Pintuan ng Tubig, sa gawing silangan ng lungsod.

38 Ang ikalawang grupo ay nagmartsa pakaliwa sa itaas ng pader. Sumunod ako sa grupong ito kasama ang kalahati ng mamamayan.[c] Dumaan kami sa gilid ng Tore na May Hurno papunta sa Malapad na Pader. 39 Mula roon dumaan kami sa Pintuan ni Efraim, sa Lumang Pintuan,[d] sa pintuan na tinatawag na Isda, sa Tore ni Hananel, at sa Tore ng Isang Daan.[e] Pagkatapos, dumaan kami sa pintuan na tinatawag na Tupa at huminto sa may Pintuan ng Guwardya.

40 Ang dalawang grupo na nagpapasalamat sa Dios habang nagmamartsa ay dumiretso sa templo ng Dios. Dumiretso rin ako roon at ang kalahati ng mga opisyal na kasama ko. 41 Naroon din ang mga pari na nagpapatunog ng trumpeta na sina Eliakim, Maaseya, Mijamin, Micaya, Elyoenai, Zacarias, at Hanania, 42 at ang mga mang-aawit na sina Maaseya, Shemaya, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malkia, Elam, at Ezer. Sila ang mga mang-aawit na pinamumunuan ni Jezrahia. 43 Nang araw na iyon, nag-alay sila ng maraming handog at nagsaya, dahil lubos silang pinagalak ng Dios. Pati ang mga babae at mga bata ay naging masaya rin. Kaya ang ingay ng pagsasaya nila ay naririnig kahit sa malayo.

44 Nang araw ding iyon, naglagay sila ng mga lalaki na mamamahala sa mga bodega na pinaglalagyan ng mga kaloob, ng unang ani, at ng ikapu. Sila ang mangongolekta ng mga handog mula sa mga sakahan sa paligid ng mga bayan para sa mga pari at sa mga Levita, ayon sa Kautusan. Sapagkat natutuwa ang mga mamamayan ng Juda sa mga gawain ng mga pari at ng mga Levita. 45 Ginawa nila ang seremonya sa paglilinis at ang iba pang mga gawain na ipinapatupad sa kanila ng Dios. Ginawa rin ng mga mang-aawit at ng mga guwardya ng mga pintuan ng templo ang mga gawain nila ayon sa mga utos ni Haring David at ng anak niyang si Solomon. 46 Mula pa ng panahon ni Haring David at ni Asaf, mayroon nang mga namumuno sa mga umaawit ng papuri at pasasalamat sa Dios. 47 Kaya noong panahon ni Zerubabel at ni Nehemias, ang lahat ng mga Israelita ay nagbibigay ng mga handog nila para sa mga mang-aawit at mga guwardya ng mga pintuan ng templo, maging sa mga Levita. At mula sa mga natatanggap nila binahaginan din ng mga Levita ang mga paring mula sa angkan ni Aaron.

Footnotes

  1. 12:14 Shebania: o, Shecania.
  2. 12:24 Jeshua, Binui, Kadmiel: o, Jeshua na anak ni Kadmiel.
  3. 12:38 mamamayan: o, pinuno.
  4. 12:39 Lumang Pintuan: o, Pintuan ni Jeshana.
  5. 12:39 Tore ng Isang Daan: Maaaring ang “isang daan” ay ang taas o lalim ng baitang ng hagdan nito.