Add parallel Print Page Options

Ang Pagkabulok ng Lipunan

Kahabag-habag ako! Sapagkat ako'y naging gaya
    nang tipunin ang mga bunga sa tag-init,
    gaya nang pulutin ang ubas sa ubasan,
walang kumpol na makakain
    walang unang hinog na bunga ng igos na aking kinasabikan.
Ang mabuting tao ay namatay sa lupa,
    at wala nang matuwid sa mga tao;
silang lahat ay nag-aabang upang magpadanak ng dugo;
    hinuhuli ng bawat isa ang kanyang kapatid sa pamamagitan ng lambat.
Ang kanilang mga kamay ay nasa kasamaan upang sikaping isagawa;
    ang pinuno at ang hukom ay humihingi ng suhol;
at ang dakilang tao ay nagsasalita ng masamang pagnanasa ng kanyang kaluluwa,
    ganito nila ito pinagtatagni-tagni.
Ang pinakamahusay sa kanila ay parang dawag;
    ang pinakamatuwid sa kanila ay gaya ng bakod na tinikan.
Ang araw ng kanilang mga bantay, ang araw ng kanilang kaparusahan ay dumating;
    ngayo'y dumating na ang kanilang pagkalito.
Huwag kayong magtitiwala sa kapitbahay;
    huwag kayong magtiwala sa kaibigan;
ingatan mo ang mga pintuan ng iyong bibig
    sa kanya na humihiga sa iyong sinapupunan,
sapagkat(A) lalapastanganin ng anak na lalaki ang ama,
    ang anak na babae ay titindig laban sa kanyang ina,
ang manugang na babae ay laban sa kanyang biyenang babae;
    ang mga kaaway ng tao ay ang kanyang sariling kasambahay.

Ang Panginoon ay Magdadala ng Kaligtasan

Ngunit sa ganang akin, ako'y titingin sa Panginoon;
    ako'y maghihintay sa Diyos ng aking kaligtasan;
    papakinggan ako ng aking Diyos.
Huwag kang magalak laban sa akin, O aking kaaway;
    kapag ako'y nabuwal, ako'y babangon;
kapag ako'y naupo sa kadiliman,
    ang Panginoon ay magiging aking ilaw.
Aking papasanin ang galit ng Panginoon,
    sapagkat ako'y nagkasala laban sa kanya,
hanggang sa kanyang ipagsanggalang ang aking usapin,
    at lapatan ako ng hatol.
Kanyang ilalabas ako sa liwanag,
    at aking mamasdan ang kanyang pagliligtas.
10 Kung magkagayo'y makikita ng aking kaaway,
    at kahihiyan ang tatakip sa kanya na nagsabi sa akin,
    “Nasaan ang Panginoon mong Diyos?”
Makikita ng aking mga mata ang nais ko sa kanya;
    siya'y yayapakan
    na parang putik sa mga lansangan.

11 Isang araw para sa pagtatayo ng iyong mga kuta!
    Sa araw na iyon ay palalawakin ang iyong hangganan.
12 Sa araw na iyon ay pupunta sila sa iyo
    mula sa Asiria at sa mga lunsod ng Ehipto,
at mula sa Ehipto hanggang sa Ilog,
    at mula sa dagat hanggang sa dagat, at mula sa bundok hanggang sa bundok.
13 Ngunit masisira ang lupa
    dahil sa kanila na naninirahan doon,
    dahil sa bunga ng kanilang mga gawa.

Ang Pagkahabag ng Panginoon sa Israel

14 Pastulin mo ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong tungkod,
    ang kawan na iyong mana,
na mag-isang naninirahan sa gubat
    sa gitna ng mabungang lupain;
pakainin mo sila sa Basan at sa Gilead,
    gaya ng mga araw noong una.
15 Gaya ng mga araw nang ikaw ay lumabas sa lupain ng Ehipto
    ay pagpapakitaan ko sila ng mga kagila-gilalas na bagay.
16 Makikita ng mga bansa at mapapahiya
    sa lahat nilang kapangyarihan;
kanilang ilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig,
    ang kanilang mga tainga ay mabibingi.
17 Hihimurin nila ang alabok na parang ahas;
    gaya ng gumagapang na mga hayop sa lupa;
sila'y lalabas na nanginginig mula sa kanilang mga kulungan;
    sila'y lalapit na may takot sa Panginoon nating Diyos
    at sila'y matatakot dahil sa iyo.

18 Sino ang Diyos na gaya mo, na nagpapatawad ng kasamaan,
    at pinalalampas ang pagsuway ng nalabi sa kanyang mana?
Hindi niya pinananatili ang kanyang galit magpakailanman,
    sapagkat siya'y nalulugod sa tapat na pag-ibig.
19 Siya'y muling mahahabag sa atin;
    kanyang tatapakan ang ating kasamaan.
Kanyang ihahagis ang lahat nating kasalanan
    sa mga kalaliman ng dagat.
20 Igawad mo ang katotohanan kay Jacob,
    at tapat na pag-ibig kay Abraham,
na iyong isinumpa sa aming mga ninuno
    mula pa nang unang panahon.