Add parallel Print Page Options

23 Nakatitig si Pablo sa Sanhedrin habang sinasabi, “Mga kapatid, nabuhay ako nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos hanggang sa araw na ito.” At ipinag-utos ng Kataas-taasang Paring si Ananias sa mga nakatayong malapit kay Pablo na siya'y hampasin sa bibig. Nang (A) magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag naman sa Kautusan ang utos mo na hampasin ako?” Sinabi ng mga malapit sa kanya, “Nilalait mo ba ang Kataas-taasang Pari ng Diyos?” At (B) sinabi ni Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang Kataas-taasang Pari. Sapagkat nasusulat, ‘Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.’ ”

Nang (C) mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, sinabi niya nang malakas sa Sanhedrin, “Mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Nililitis ako ngayon dahil sa pag-asang bubuhaying muli ang mga patay.” Nang sabihin niya ito, nagtalu-talo ang mga Fariseo at mga Saduceo. Nahati ang kapulungan, sapagkat (D) hindi naniniwala ang mga Saduceo sa muling pagkabuhay, gayundin sa anghel o sa espiritu. Ngunit pinaniniwalaan naman ng mga Fariseo ang lahat ng ito. Lumakas ang kanilang sigawan. Tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainit na tumutol, “Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?” 10 Nang nagiging mainit na ang pagtatalo, natakot ang kapitan na baka magkaluray-luray si Pablo, kaya pinababa niya ang mga kawal, sapilitang ipinakuha si Pablo at ipinabalik sa himpilan. 11 Nang gabing iyon, tumayo ang Panginoon sa tabi ni Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”

Ang Tangka sa Buhay ni Pablo

12 Kinaumagahan, nagsabwatan ang mga Judio at nanumpang hindi sila kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. 13 Mahigit sa apatnapu ang sumama sa sabwatang ito. 14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno, at nagsabi, “Buong taimtim kaming nanumpa na hindi titikim ng anumang pagkain hanggang sa mapatay namin si Pablo. 15 Kaya't hilingin ninyo at ng Sanhedrin sa kapitan na muli niyang ibaba rito si Pablo. Magkunwari kayong nais ninyong siyasating mabuti ang paratang tungkol sa kanya. At bago pa siya makarating ay nakahanda na kaming patayin siya.” 16 Ngunit narinig ng pamangking lalaki ni Pablo sa kanyang kapatid na babae ang kanilang balak kaya siya'y pumunta sa himpilan at ibinalita ito kay Pablo. 17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturyon, at sinabi niya, “Dalhin mo ang binatilyong ito sa kapitan sapagkat mayroon itong sasabihin sa kanya.” 18 Kaya't sinamahan nga ng senturyon ang binatilyo sa kapitan, at sinabi niyon, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo, at ipinakiusap na dalhin ko sa iyo ang binatilyong ito sapagkat may sasabihin daw ito sa iyo.” 19 Hinawakan ng kapitan ang binatilyo sa kamay, at sa isang tabi ay palihim siyang tinanong, “Ano'ng sasabihin mo sa akin?” 20 Sumagot ang binatilyo, “Nagkasundo po ang mga Judio na ipakiusap sa inyo na dalhin bukas si Pablo sa Sanhedrin, at kunwari'y sisiyasatin siyang mabuti. 21 Subalit huwag kayong maniniwala sa kanila. Aabangan siya ng mahigit apatnapung tao na sumumpang hindi kakain o iinom hanggang siya'y hindi napapatay. Handa na sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.” 22 Pinaalis ng kapitan ang binatilyo, at ipinagbilin sa kanya, “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo ito sa akin.”

Si Pablo sa Harap ni Gobernador Felix

23 Pagkatapos ay tinawag ng kapitan ang dalawa sa mga senturyon, at sinabi niyon, “Maghanda kayo ng dalawandaang kawal kasama ng pitumpung mangangabayo at dalawandaang may sibat upang magtungo sa Cesarea ngayong ikasiyam[a] ng gabi. 24 Maghanda rin kayo ng mga hayop na masasakyan ni Pablo, at siya'y ligtas ninyong ihatid kay Gobernador Felix.” 25 At lumiham siya ng ganito:

26 “Sa kagalang-galang na Gobernador Felix, pagbati mula kay Claudio Lisias. 27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin na sana nila. Ngunit nang malaman kong siya'y isang mamamayang Romano, dumating akong may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko. 28 Sa hangad kong malaman ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, pinaharap ko siya sa kanilang Sanhedrin. 29 Nalaman kong ang sakdal sa kanya'y may kinalaman sa kanilang kautusan, ngunit walang paratang laban sa kanya na sapat upang siya'y ipapatay at ipabilanggo. 30 Nang ipaalam sa akin na may banta sa buhay ng taong iyan, ipinadala ko siya agad sa iyo, at ipinag-utos ko rin sa mga nagsasakdal sa kanya na sabihin sa harapan mo ang mga paratang laban sa kanya.”

31 Sinunod ng mga kawal ang iniutos sa kanila. Kinagabiha'y dinala siya sa Antipatris. 32 Kinabukasan, pinasamahan nila si Pablo sa mga mangangabayo, samantalang sila'y nagbalik sa kampo. 33 Nang makarating sila sa Cesarea ay iniharap nila si Pablo sa gobernador, at ibinigay ang dala nilang liham. 34 Matapos basahin ang liham, tinanong ng gobernador si Pablo kung tagasaan siya. Nang malamang siya'y taga-Cilicia 35 ay kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsakdal sa iyo.” At ipinag-utos niyang bantayan si Pablo sa himpilan ni Herodes.

Footnotes

  1. Mga Gawa 23:23 o ikatlong oras sa kanilang pagbilang. Sa Griyego, ikatlong oras.