Add parallel Print Page Options

IKALAWANG AKLAT

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.

42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
    gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
    sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
    ang mukha ng Diyos?
Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
    “Nasaan ang iyong Diyos?”
Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
    habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
    at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
    napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.

O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
    kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
    mula sa Bundok ng Mizhar.
Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
    sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
    sa akin ay tumabon.
Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
    at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
    isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.

Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
    “Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
    dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
    ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
    “Nasaan ang Diyos mo?”

11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.