Add parallel Print Page Options

Panalangin ng Kabataang may Suliranin.

102 O Panginoon, pakinggan mo ang dalangin ko,
    dumating nawa ang daing ko sa iyo!
Huwag mong ikubli sa akin ang mukha mo
    sa araw ng kahirapan ko!
Ang iyong pandinig sa akin ay ikiling,
    sa araw na ako'y tumatawag, agad mo akong sagutin!
Sapagkat napapawi sa usok ang mga araw ko,
    at ang mga buto ko'y nagliliyab na parang hurno.
Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo;
    nalimutan kong kainin ang aking tinapay.
Dahil sa lakas ng daing ko,
    dumidikit sa aking laman ang mga buto ko.
Ako'y parang pelikano sa ilang;
    ako'y gaya ng isang kuwago sa kaparangan.
Ako'y gising,
    ako'y gaya ng malungkot na ibon sa bubungan.
Nililibak ako ng aking mga kaaway buong araw;
    silang nang-iinis sa akin ay gumagamit sa pagsumpa ng aking pangalan.
Sapagkat parang tinapay na kinakain ko ang abo,
    at ang luha sa aking inumin ay inihahalo ko,
10 dahil sa galit at poot mo;
    sapagkat itinaas at itinapon mo ako.
11 Gaya ng lilim sa hapon ang mga araw ko;
    ako'y natutuyo na parang damo.

12 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay mamamalagi magpakailanman;
    namamalagi sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan.
13 Ikaw ay babangon at sa Zion ay maaawa,
    sapagkat panahon na upang maawa ka sa kanya;
    ang takdang panahon ay dumating na.
14 Sapagkat pinapahalagahan ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato,
    at nahahabag sa kanyang alabok.
15 Katatakutan ng mga bansa ang sa Panginoong pangalan,
    at ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian.
16 Sapagkat itatayo ng Panginoon ang Zion,
    siya'y magpapakita sa kanyang kaluwalhatian;
17 kanyang pahahalagahan ang sa hikahos na dalangin,
    at ang kanilang daing ay hindi hahamakin.

18 Ito'y isusulat tungkol sa lahing susunod,
    upang ang bayang di pa isinisilang ay magpuri sa Panginoon:
19 na siya'y tumungo mula sa kanyang banal na kaitaasan,
    at tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa kalangitan,
20 upang ang daing ng mga bilanggo ay pakinggan,
    upang palayain ang mga itinakdang mamatay;
21 upang maipahayag ng mga tao sa Zion ang pangalan ng Panginoon,
    at sa Jerusalem ang kanyang kapurihan,
22 kapag ang mga taong-bayan ay nagtipun-tipon,
    at ang mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.

23 Kanyang pinahina ang aking lakas sa daan;
    kanyang pinaikli ang aking mga araw.
24 Aking sinabi, “O Diyos ko, huwag mo akong kunin
    sa kalagitnaan ng aking mga araw,
ikaw na ang mga taon ay nananatili
    sa lahat ng salinlahi!”
25 Nang(A) una ang saligan ng lupa ay iyong inilagay,
    at ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay.
26 Ikaw ay nananatili, ngunit sila ay mawawala,
    parang kasuotan silang lahat ay mawawala.
Pinapalitan mo sila na gaya ng kasuotan, at sila'y mapapalitan;
27     ngunit ikaw ay nananatili, at ang mga taon mo'y walang katapusan.
28 Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mananatili;
    ang kanilang mga anak ay matatatag sa iyong harapan.