Add parallel Print Page Options

Ang Matuwid at ang Masama

27 Huwag(A) mong ipagyabang ang kinabukasan;
    sapagkat hindi mo alam kung ano ang dadalhin ng isang araw.
Purihin ka ng ibang tao at huwag ng iyong sariling bibig;
    ng dayuhan, at huwag ng iyong sariling mga labi.
Ang bato ay mabigat, at ang buhangin ay matimbang;
    ngunit mas mabigat sa mga ito ang galit ng hangal.
Ang poot ay malupit, at ang galit ay nakakapunô,
    ngunit sinong makakatayo sa harap ng paninibugho?
Mas mabuti ang hayag na pagsaway,
    kaysa nakatagong pagmamahal.
Tapat ang mga sugat mula sa kaibigan,
    labis-labis ang mga halik ng kaaway.
Ang taong busog ay nasusuya sa pulot-pukyutan;
    ngunit sa taong gutom ang bawat mapait ay katamisan.
Tulad ng ibong naliligaw mula sa kanyang pugad,
    gayon ang taong naliligaw mula sa kanyang bahay.
Ang langis at pabango sa puso'y nagpapasaya,
    gayon katamis ang payo ng isang tao sa kaibigan niya.
10 Ang iyong kaibigan at ang kaibigan ng iyong ama, ay huwag mong pabayaan;
    at huwag kang pumaroon sa bahay ng iyong kapatid sa araw ng iyong kasawian.
Mas mabuti pa ang malapit na kapitbahay,
    kaysa isang kapatid na malayo naman.
11 Anak ko, ikaw ay magpakadunong, at puso ko'y iyong pasayahin,
    upang aking masagot ang tumutuya sa akin.
12 Ang taong matalino ay nakakakita ng panganib, at nagkukubli siya,
    ngunit nagpapatuloy ang walang muwang at siya'y nagdurusa.
13 Kunin mo ang suot ng taong nananagot sa di-kilala;
    at tanggapan mo ng sangla ang nananagot sa babaing banyaga.
14 Sinumang maagang bumangon,
    upang pagpalain ang kanyang kapwa sa malakas na tinig
    ay ituturing na nanunumpa.
15 Ang patuloy na pagtulo sa araw na maulan
    at ang babaing palaaway ay magkahalintulad;
16 ang pagpigil sa babaing iyon[a] ay pagpigil sa hangin,
    o paghawak ng langis sa kanyang kanang kamay.
17 Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal;
    at ang tao ang nagpapatalas sa isa pang tao.
18 Ang nag-aalaga ng puno ng igos ay kakain ng bunga niyon;
    at pararangalan ang nagbabantay sa kanyang panginoon.
19 Kung paanong sa tubig ang mukha ay naaaninaw,
    gayon naaaninaw ang tao sa kanyang isipan.
20 Ang Sheol at ang Abadon ay hindi nasisiyahan kailanman;
    at ang mga mata ng tao kailanma'y hindi nasisiyahan.
21 Ang lutuan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto,
    at ang tao ay hinahatulan sa pagpupuri nito.
22 Durugin mo man ang hangal kasama ng binayong trigo sa isang bayuhan,
    gayunma'y hindi hihiwalay sa kanya ang kanyang kahangalan.

23 Alamin mong mabuti ang kalagayan ng iyong mga kawan,
    at tingnan mong mabuti ang iyong mga hayupan;
24 sapagkat ang mga yaman ay hindi nagtatagal magpakailanman;
    at ang korona ba'y nananatili sa lahat ng salinlahi?
25 Kapag ang damo ay nawala na, at ang sariwang damo ay lumitaw,
    at ang mga halaman sa mga bundok ay pinipisan,
26 ang mga kordero ang magbibigay ng iyong damit,
    at ang mga kambing ay siyang halaga ng bukid;
27 magkakaroon ng sapat na gatas ng kambing bilang iyong pagkain,
    sa pagkain ng iyong sambahayan,
    at pagkain sa iyong mga alilang kababaihan.

Footnotes

  1. Mga Kawikaan 27:16 Sa Hebreo ay kanya .