Add parallel Print Page Options

Si Gideon ay Dinalaw ng Anghel ng Panginoon

11 Ang anghel ng Panginoon ay dumating at umupo sa ilalim ng ensina na nasa Ofra, na pag-aari ni Joas na Abiezerita, habang ang kanyang anak na si Gideon ay gumigiik ng trigo sa ubasan, upang itago ito sa mga Midianita.

12 Nagpakita ang anghel ng Panginoon sa kanya, at sinabi sa kanya, “Ang Panginoon ay sumasaiyo, ikaw na magiting na mandirigma.”

13 Sinabi ni Gideon sa kanya, “Subalit ginoo, kung ang Panginoon ay kasama namin, bakit ang lahat ng ito ay sumapit sa amin? Nasaan ang lahat ng kanyang kamangha-manghang gawa na isinaysay sa amin ng aming mga ninuno, na sinasabi, ‘Hindi ba tayo iniahon ng Panginoon mula sa Ehipto?’ Ngunit ngayo'y itinakuwil kami ng Panginoon at ibinigay kami sa kamay ng Midian.”

14 At bumaling sa kanya ang Panginoon, at sinabi, “Humayo ka sa kalakasan mong ito, at iligtas mo ang Israel sa kamay ng Midian. Hindi ba kita isinusugo?”

15 Sinabi niya sa kanya, “Ngunit ginoo, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aking angkan ang pinakamahina sa Manases, at ako ang pinakahamak sa sambahayan ng aking ama.”

16 Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Subalit ako'y makakasama mo at iyong ibubuwal ang mga Midianita, bawat isa sa kanila.”

17 At sinabi niya sa kanya, “Kung nakatagpo ako ngayon ng biyaya sa iyong paningin, ay bigyan mo ako ng isang tanda na ikaw nga ang nakikipag-usap sa akin.

18 Huwag kang umalis dito hanggang sa ako'y dumating sa iyo, at ilabas ko ang aking kaloob, at ilapag ko sa harap mo.” At kanyang sinabi, “Ako'y maghihintay hanggang sa ikaw ay bumalik.”

19 Kaya't si Gideon ay pumasok sa kanyang bahay, at naghanda ng isang batang kambing, ng mga munting tinapay na walang pampaalsa at ng isang efang harina. Inilagay niya ang karne sa isang basket, at kanyang inilagay ang sabaw sa isang palayok, at dinala ang mga ito sa kanya sa ilalim ng ensina, at inihain ang mga ito.

20 At sinabi ng anghel ng Diyos sa kanya, “Kunin mo ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa at ipatong mo sa batong ito at ibuhos mo rito ang sabaw.” At gayon ang ginawa niya.

21 Pagkatapos ay iniabot ng anghel ng Panginoon ang dulo ng tungkod na nasa kanyang kamay, at sinaling ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa. May lumabas na apoy sa bato at tinupok ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa; at ang anghel ng Panginoon ay nawala sa kanyang paningin.

22 Nalaman ni Gideon na iyon ang anghel ng Panginoon; at sinabi ni Gideon, “Tulungan mo ako, O Panginoong Diyos! Sapagkat aking nakita ang anghel ng Panginoon nang mukhaan.”

23 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Sumaiyo ang kapayapaan; huwag kang matakot, hindi ka mamamatay.”

24 Nang magkagayo'y nagtayo roon si Gideon ng isang dambana sa Panginoon, at tinawag iyon na, Ang Panginoon ay kapayapaan. Hanggang sa araw na ito, iyon ay nakatayo pa rin sa Ofra ng mga Abiezerita.

Giniba ni Gideon ang Dambana ni Baal

25 Nang gabing iyon, sinabi ng Panginoon sa kanya, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, ang ikalawang toro na may pitong taong gulang. Ibagsak mo ang dambana ni Baal na pag-aari ng iyong ama, at putulin mo ang sagradong poste[a] na katabi niyon.

26 Ipagtayo mo ng dambana ang Panginoon mong Diyos sa tuktok ng kutang ito, sa tamang ayos. Pagkatapos, kunin mo ang ikalawang toro, at ialay mo bilang isang handog na sinusunog, pati ang kahoy ng sagradong poste[b] na iyong puputulin.”

27 Kaya't kumuha si Gideon ng sampung lalaki sa kanyang mga katulong at ginawa ang ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya; ngunit dahil siya'y takot na takot sa sambahayan ng kanyang ama at sa mga lalaki sa bayan, hindi niya iyon ginawa sa araw kundi sa gabi.

28 Kinaumagahan, nang maagang bumangon ang mga lalaki sa bayan, ang dambana ni Baal ay wasak na, ang sagradong poste[c] na katabi niyon ay pinutol, at ang ikalawang toro ay inihandog sa dambanang itinayo.

29 Sinabi nila sa isa't isa, “Sino ang gumawa ng bagay na ito?” Nang kanilang siyasatin at ipagtanong ay kanilang sinabi, “Si Gideon na anak ni Joas ang gumawa ng bagay na ito.”

30 Nang magkagayo'y sinabi ng mga taong-bayan kay Joas, “Ilabas mo ang iyong anak upang siya'y mamatay, sapagkat kanyang winasak ang dambana ni Baal, at kanyang pinutol ang sagradong poste[d] na katabi niyon.”

31 Ngunit sinabi ni Joas sa lahat ng nakatayong laban sa kanya, “Ipaglalaban ba ninyo si Baal? O ipagtatanggol ba ninyo siya? Sinumang magtanggol sa kanya ay papatayin sa kinaumagahan. Kung siya'y diyos hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili, sapagkat ibinagsak ang kanyang dambana.”

32 Kaya't nang araw na iyon, si Gideon[e] ay tinawag na Jerubaal, na ang ibig sabihin ay, “Magsanggalang si Baal laban sa kanya,” sapagkat ibinagsak niya ang kanyang dambana.

33 Nang magkagayo'y lahat ng mga Midianita, mga Amalekita at ang mga taga-silangan ay nagpulong; at pagtawid sa Jordan ay nagkampo sila sa Libis ng Jezreel.

34 Ngunit lumukob ang Espiritu ng Panginoon kay Gideon; at hinipan niya ang trumpeta, at ang mga Abiezerita ay tinawag upang sumunod sa kanya.

35 At nagpadala siya ng mga sugo sa buong Manases, at sila rin ay tinawagan upang sumunod sa kanya. Siya'y nagpadala ng mga sugo sa Aser, Zebulon, at Neftali, at sila'y umahon upang salubungin sila.

Ang Tanda ng Balat ng Tupa

36 Pagkatapos, sinabi ni Gideon sa Diyos, “Kung iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinabi,

37 ilalagay ko ang isang balahibo ng tupa sa giikan; kung magkaroon ng hamog sa balat lamang, at maging tuyo ang buong lupa, ay malalaman ko nga na iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinabi.”

38 At gayon nga ang nangyari. Kinaumagahan, nang siya'y maagang bumangon at pigain ang balat, nakapiga siya ng hamog sa balahibo ng tupa na sapat na mapuno ng tubig ang isang mangkok.

39 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Huwag mag-alab ang iyong galit laban sa akin, hayaan mong magsalita ako nang minsan pa. Ipasubok mo pa sa aking minsan sa pamamagitan ng balahibo. Tuyuin mo ngayon ang balahibo lamang, at sa buong lupa ay magkaroon ng hamog.”

40 Gayon ang ginawa ng Diyos nang gabing iyon, sapagkat ang balat lamang ang tuyo, at nagkaroon ng hamog sa buong lupa.

Ang Tatlong Daang Mandirigma

Pagkatapos, si Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, at ang lahat ng mga taong kasama niya ay maagang bumangon, at nagkampo sa tabi ng bukal ng Harod. Ang kampo ng Midian ay nasa dakong hilaga nila, sa may burol ng More, sa libis.

Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Ang mga taong kasama mo ay lubhang napakarami upang aking ibigay ang mga Midianita sa kanilang kamay. Baka ang Israel ay magmalaki laban sa akin, na sinasabi, ‘Ang sarili kong kamay ang nagligtas sa akin.’

Kaya't(A) ngayo'y ipahayag mo sa pandinig ng mga tao, ‘Sinumang matatakutin at nanginginig ay umuwi na sa bahay.’” At sinubok sila ni Gideon, umuwi ang dalawampu't dalawang libo, at naiwan ang sampung libo.

Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Napakarami pa rin ng tao, dalhin mo sila sa tubig at doo'y aking susubukin sila para sa iyo. Sinumang aking sabihin sa iyo, ‘Ang taong ito ay sasama sa iyo;’ iyon ang sasama sa iyo; at ang sinumang sabihin ko sa iyo, ‘Ang taong ito ay hindi sasama sa iyo,’ iyon ay hindi sasama sa iyo.”

Kaya't kanyang dinala ang mga tao sa tubig; at sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Bawat uminom ng tubig sa pamamagitan ng kanyang dila, gaya ng pag-inom ng aso, ay iyong ihihiwalay; gayundin ang bawat lumuhod upang uminom.”

Ang bilang ng mga uminom, na inilagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ay tatlong daang lalaki; ngunit ang lahat ng nalabi sa mga tao ay lumuhod upang uminom ng tubig.

At sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Sa pamamagitan ng tatlong daang lalaking uminom ay ililigtas ko kayo, at ibibigay ko ang mga Midianita sa iyong kamay; at ang iba ay pauwiin mo na sa kanya-kanyang bahay.”

Kaya't kumuha ang mga tao ng mga pagkain at ng kanilang mga trumpeta at kanyang sinugo ang lahat ng mga lalaki sa Israel sa kanya-kanyang tolda, ngunit itinira ang tatlong daang lalaki. Ang kampo ng Midian ay nasa ibaba niya sa libis.

Nang gabing iyon ay sinabi ng Panginoon sa kanya, “Bumangon ka, lusungin mo ang kampo, sapagkat aking ibinigay na ito sa iyong kamay.

10 Ngunit kung natatakot kang lumusong, lumusong ka sa kampo na kasama si Pura na iyong lingkod.

11 Iyong maririnig kung ano ang kanilang sinasabi, at pagkatapos ang iyong mga kamay ay palalakasin upang masalakay mo ang kampo.” Nang magkagayo'y lumusong siyang kasama si Pura na kanyang lingkod sa himpilan ng mga lalaking may sandata na nasa kampo.

12 Ang mga Midianita at ang mga Amalekita at ang lahat ng mga taga-silangan ay nakakalat sa libis na parang balang sa dami; at ang kanilang mga kamelyo ay di mabilang na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat.

13 Nang dumating si Gideon, may isang lalaki na nagsasalaysay ng isang panaginip sa kanyang kasama, at kanyang sinabi, “Nagkaroon ako ng isang panaginip. May isang munting tinapay na sebada na gumulong patungo sa kampo ng Midian at umabot sa tolda. Tinamaan ang tolda at iyon ay bumagsak, bumaliktad, at ito'y nawasak.”

14 At sumagot ang kanyang kasama, “Ito'y wala nang iba kundi ang tabak ni Gideon, na anak ni Joas. Siya'y isang lalaking Israelita at sa kanyang kamay ibinigay ng Diyos ang Midian at ang buong hukbo.”

Hinipan ang mga Trumpeta

15 Nang marinig ni Gideon ang salaysay tungkol sa panaginip, at ang kahulugan niyon, siya'y bumalik sa kampo ng Israel, at sinabi, “Tumindig kayo! Ibinigay na ng Panginoon sa inyong kamay ang hukbo ng Midian.”

16 Hinati niya ang tatlong daang lalaki sa tatlong pulutong, at kanyang nilagyan ang mga kamay nilang lahat ng mga trumpeta, at mga bangang walang laman at mga sulo sa loob ng mga banga.

17 At kanyang sinabi sa kanila, “Masdan ninyo ako, at gayundin ang inyong gawin. Pagdating ko sa may hangganan ng kampo, ay gawin ninyo kung ano ang aking gagawin.

18 Kapag hinipan ko at ng lahat ng kasama ko ang trumpeta, ang mga trumpeta sa lahat ng panig ng kampo ay hihipan din, at isigaw ninyo, ‘Para sa Panginoon at para kay Gideon.’”

Nalupig ang Midian

19 Kaya't si Gideon at ang isandaang lalaking kasama niya ay nakarating sa mga hangganan ng kampo sa pasimula ng pagbabantay sa hatinggabi nang halos kahahalili pa lamang ng bantay. Kanilang hinipan ang mga trumpeta at binasag ang mga banga na nasa kanilang mga kamay.

20 Hinipan ng tatlong pulutong ang mga trumpeta at binasag ang mga banga, na hawak ang mga sulo sa kanilang kaliwang kamay, at ang mga trumpeta sa kanilang kanang kamay na kanilang hinihipan, at sila'y nagsigawan, “Ang tabak para sa Panginoon at kay Gideon!”

21 Bawat isa ay nakatayo sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, at ang buong hukbo ay nagtakbuhan; sila'y sumigaw at tumakas.

22 Nang kanilang hipan ang tatlong daang trumpeta, pinapaglaban ng Panginoon ang mga kaaway laban sa isa't-isa,[f] at laban sa buong hukbo; at tumakas ang hukbo hanggang sa Bet-sita sa dakong Zerera, hanggang sa hangganan ng Abel-mehola, sa tabi ng Tabat.

23 At ang hukbo ng Israel ay tinipon mula sa Neftali, sa Aser, at sa buong Manases, at kanilang hinabol ang Midian.

24 Nagpadala si Gideon ng mga sugo sa lahat ng lupaing maburol ng Efraim, na sinasabi, “Lusungin ninyo ang Midian, at abangan ninyo sila sa tubig, hanggang sa Bet-bara, at gayundin ang Jordan.” Sa gayo'y ang lahat ng mga lalaki ng Efraim ay tinipon, at inagapan ang tubig hanggang sa Bet-bara, at ang Jordan.

25 Kanilang hinuli ang dalawang prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb. Sa kanilang pagtugis sa Midian, pinatay nila si Oreb sa bato ni Oreb at si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Kanilang dinala ang mga ulo nina Oreb at Zeeb kay Gideon sa kabila ng Jordan.

Pinatahimik ni Gideon ang Efraimita

Sinabi ng mga lalaki ng Efraim sa kanya, “Ano itong ginawa mo sa amin at hindi mo kami tinawag nang ikaw ay makipaglaban sa Midian?” At siya'y pinagsalitaan nila nang marahas.

At sinabi niya sa kanila, “Ano ang aking ginawa kung ihahambing sa inyo? Di ba mas mainam ang pamumulot ng ubas ng Efraim kaysa pag-aani ng Abiezer?

Ibinigay(B) ng Diyos sa inyong mga kamay ang mga prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb; ano ang aking magagawa kung ihahambing sa inyo?” Nang magkagayo'y humupa ang kanilang galit sa kanya nang kanyang masabi ito.

Si Gideon ay dumating sa Jordan at siya'y tumawid. Siya at ang tatlong daang lalaki na kasama niya ay nanghihina na ngunit nagpapatuloy pa.

Kaya't sinabi niya sa mga lalaki sa Sucot, “Humihiling ako sa inyong bigyan ninyo ng mga tinapay ang mga taong sumusunod sa akin; sapagkat sila'y nanghihina at aking tinutugis sina Zeba at Zalmuna na mga hari ng Midian.”

Ngunit sinabi ng mga pinuno sa Sucot, “Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay nina Zeba at Zalmuna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong hukbo?”

At sinabi ni Gideon, “Kung gayon, kapag ibinigay na ng Panginoon sina Zeba at Zalmuna sa aking kamay, ay aking yuyurakan ang inyong laman sa mga tinik sa ilang at sa mga dawag.”

Mula roon ay umahon siya sa Penuel, at gayundin ang sinabi niya sa kanila, at sinagot siya ng mga lalaki sa Penuel na gaya ng isinagot ng mga lalaki sa Sucot.

At sinabi naman niya sa mga lalaki sa Penuel, “Kapag ako'y bumalik nang payapa ay aking ibabagsak ang toreng ito.”

10 Noon sina Zeba at Zalmuna ay nasa Karkor, kasama ang kanilang mga hukbo na may labinlimang libong lalaki. Sila ang nalabi sa buong hukbo ng mga taga-silangan, sapagkat napatay na ang isandaan at dalawampung libong lalaki na humahawak ng tabak.

11 Kaya't si Gideon ay umahon sa daan ng mga naninirahan sa mga tolda sa silangan ng Noba at Jogbeha, at sinalakay ang hukbo, sapagkat ang hukbo ay hindi nagbabantay.

12 Sina Zeba at Zalmuna ay tumakas; at kanyang tinugis sila at kanyang nahuli ang dalawang hari ng Midian, na sina Zeba at Zalmuna, anupa't nagkagulo ang buong hukbo.

13 Nang si Gideon na anak ni Joas ay bumalik mula sa pakikipaglaban sa pamamagitan ng daang-paakyat sa Heres,

14 nahuli niya ang isang kabataang lalaking taga-Sucot at siya ay inusisa ni Gideon. Itinala niya sa mga pinuno at matatanda sa Sucot, pitumpu't pitong katao.

15 Pagkatapos, pumunta siya sa mga lalaki sa Sucot, at sinabi, “Narito sina Zeba at Zalmuna. Tungkol sa kanila ay inyo akong tinuya, na inyong sinasabi, ‘Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay nina Zeba at Zalmuna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong mga tauhang pagod?’”

16 Kanyang kinuha ang matatanda sa bayan, at kumuha siya ng mga tinik mula sa ilang at ng mga dawag, at sa pamamagitan ng mga iyon ay kanyang tinuruan ang mga lalaki sa Sucot.

17 Kanyang ibinagsak ang tore ng Penuel, at pinatay ang mga lalaki sa lunsod.

Sina Zeba at Zalmuna ay Nahuli at Pinatay

18 Pagkatapos ay kanyang sinabi kina Zeba at Zalmuna, “Nasaan ang mga lalaking inyong pinatay sa Tabor?” Sila'y sumagot, “Kung ano ikaw ay gayon sila; bawat isa sa kanila; kahawig sila ng mga anak ng hari.”

19 At kanyang sinabi, “Sila'y aking mga kapatid, mga anak na lalaki ng aking ina; buháy ang Panginoon, kung inyong iniligtas silang buháy, hindi ko sana kayo papatayin.”

20 Kaya't sinabi niya kay Jeter na kanyang panganay, “Tumindig ka at patayin mo sila.” Ngunit ang binata ay hindi bumunot ng tabak, sapagkat siya'y natakot, dahil siya'y bata pa.

21 Nang magkagayo'y sinabi nina Zeba at Zalmuna, “Tumindig ka, at sugurin mo kami, sapagkat kung ano ang lalaki ay gayon ang kanyang lakas.” Tumindig nga si Gideon at pinatay sina Zeba at Zalmuna, at kanyang kinuha ang mga hiyas na may hugis kalahating buwan na nasa mga leeg ng kanilang mga kamelyo.

22 Pagkatapos ay sinabi ng mga lalaki ng Israel kay Gideon, “Mamuno ka sa amin, ikaw, ang iyong anak at ang iyong apo, sapagkat iniligtas mo kami sa kamay ng Midian.”

23 Sinabi ni Gideon sa kanila, “Hindi ako mamumuno sa inyo, o mamumuno man ang aking anak sa inyo. Ang Panginoon ang mamumuno sa inyo.”

24 Sinabi ni Gideon sa kanila, “Mayroon akong kahilingan sa inyo. Ibigay ng bawat isa sa inyo sa akin ang mga hikaw na kanyang samsam.” (Sapagkat sila'y may mga gintong hikaw, dahil sa sila'y mga Ismaelita.)

25 At sumagot sila, “Ibibigay namin nang kusa ang mga ito.” Sila'y naglatag ng isang balabal, at inilagay roon ng bawat isa ang mga hikaw na kanyang samsam.

26 Ang timbang ng mga gintong hikaw na kanyang hiniling ay isanlibo at pitong daang siklong ginto, bukod pa ang mga hiyas na may anyong kalahating buwan, at ang mga hikaw at ang mga damit na kulay-ube na suot ng mga hari ng Midian, at bukod pa ang mga tanikala na nasa leeg ng kanilang mga kamelyo.

27 Ginawa ito ni Gideon na isang efod at inilagay sa kanyang lunsod, sa Ofra; at ang buong Israel ay naging babaing haliparot na sumusunod doon at ito'y naging bitag kay Gideon at sa kanyang sambahayan.

28 Gayon napasuko ang Midian sa harap ng mga anak ni Israel, at hindi na nila nakaya pang lumaban.[g] At ang lupain ay nagpahinga ng apatnapung taon sa mga araw ni Gideon.

29 Si Jerubaal na anak ni Joas ay humayo at nanirahan sa kanyang sariling bahay.

30 Nagkaroon si Gideon ng pitumpung anak, mga sarili niyang binhi, sapagkat marami siyang asawa.

31 Ang kanyang asawang-lingkod na nasa Shekem ay nagkaanak naman sa kanya ng isang lalaki, at kanyang tinawag ang pangalan niya na Abimelec.

32 Si Gideon na anak ni Joas ay namatay na may katandaan at inilibing sa libingan ni Joas na kanyang ama, sa Ofra ng mga Abiezerita.

Footnotes

  1. Mga Hukom 6:25 Sa Hebreo ay Ashera .
  2. Mga Hukom 6:26 Sa Hebreo ay Ashera .
  3. Mga Hukom 6:28 Sa Hebreo ay Ashera .
  4. Mga Hukom 6:30 Sa Hebreo ay Ashera .
  5. Mga Hukom 6:32 Sa Hebreo ay siya .
  6. Mga Hukom 7:22 Sa Hebreo ay inilagay ng Panginoon ang tabak ng bawat isa laban sa kanyang kasama .
  7. Mga Hukom 8:28 Sa Hebreo ay hindi na nila itinaas pa ang kanilang ulo .

Siya'y nagsugo at ipinatawag si Barak na anak ni Abinoam mula sa Kedes sa Neftali, at sinabi sa kanya, “Inuutusan ka ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Humayo ka, at tipunin mo ang iyong mga tauhan sa bundok ng Tabor, at kumuha ka ng sampung libo sa lipi ni Neftali at sa lipi ni Zebulon.

Aking palalabasin si Sisera, ang pinuno sa hukbo ni Jabin, upang salubungin ka sa Ilog Kishon, kasama ang kanyang mga karwahe at ang kanyang hukbo; at ibibigay ko siya sa iyong kamay.’”

Sinabi ni Barak sa kanya, “Kung sasama ka sa akin ay pupunta ako roon. Ngunit kung hindi ka sasama sa akin ay hindi ako pupunta.”

At kanyang sinabi, “Tiyak na sasama ako sa iyo; gayunma'y ang daan na iyong tatahakin ay hindi patungo sa iyong kapurihan, sapagkat ipagbibili ng Panginoon si Sisera sa kamay ng isang babae.” At si Debora ay tumindig at sumama kay Barak sa Kedes.

10 Tinawag ni Barak ang Zebulon at ang Neftali sa Kedes; at doo'y kasunod niyang umahon ang sampung libong lalaki at si Debora ay umahong kasama niya.

11 Si Eber na Kineo ay humiwalay na sa mga Kineo, ang mga anak ni Hobab, na biyenan ni Moises, at itinayo ang kanyang tolda sa may punong ensina sa Zaananim, na malapit sa Kedes.

12 Nang masabi kay Sisera na si Barak na anak ni Abinoam ay umahon sa bundok ng Tabor,

13 tinipon ni Sisera ang lahat ng kanyang mga karwahe, na siyamnaraang karwaheng bakal, at ang lahat ng mga lalaking kasama niya, mula sa Haroset-hagoiim hanggang sa Ilog Kishon.

14 At sinabi ni Debora kay Barak, “Tumindig ka! Sapagkat ito ang araw na ibinigay ng Panginoon si Sisera sa iyong kamay. Hindi ba lumabas ang Panginoon sa harap mo?” Kaya't lumusong si Barak mula sa bundok ng Tabor kasama ang sampung libong lalaking sumusunod sa kanya.

15 Itinaboy ng Panginoon si Sisera at ang lahat ng kanyang mga karwahe, at ang buong hukbo niya sa harap ni Barak sa talim ng tabak. Bumaba si Sisera sa kanyang karwahe, at patakbong tumakas.

16 Ngunit hinabol ni Barak ang mga karwahe at ang hukbo, hanggang sa Haroset-hagoiim at ang buong hukbo ni Sisera ay nahulog sa talim ng tabak; wala ni isang lalaking nalabi.

Pinatay ni Jael si Sisera

17 Gayunman ay patakbong tumakas si Sisera patungo sa tolda ni Jael na asawa ni Eber na Kineo; sapagkat may kapayapaan sa pagitan ni Jabin na hari sa Hazor at ng sambahayan ni Eber na Kineo.

18 Sinalubong ni Jael si Sisera, at sinabi sa kanya, “Lumiko ka, panginoon ko, lumiko ka rito sa akin; huwag kang matakot.” Kaya't siya'y lumiko sa kanya sa loob ng tolda, at siya'y tinalukbungan niya ng isang alpombra.

19 Sinabi niya sa kanya, “Isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom; sapagkat ako'y nauuhaw.” Kaya't binuksan niya ang isang balat na sisidlan ng gatas, at kanyang pinainom siya, at tinakpan siya.

20 At sinabi ni Sisera sa kanya, “Tumayo ka sa pintuan ng tolda, at kapag may taong dumating at magtanong sa iyo, ‘May tao ba riyan?’ ay iyong sasabihin, ‘Wala.’”

21 Ngunit kumuha si Jael, na asawa ni Eber, ng isang tulos ng tolda at kumuha ng isang pamukpok at dahan-dahang lumapit sa kanya. Habang natutulog nang mahimbing si Sisera dahil sa pagod, itinusok ni Jael ang tulos sa kanyang noo hanggang umabot ito sa lupa, at siya'y namatay.

22 Sa paghabol ni Barak kay Sisera ay lumabas si Jael upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang lalaking hinahanap mo.” Kaya't siya'y pumasok sa kanyang tolda, at naroon si Sisera na patay na nakabulagta at ang tulos ng tolda ay nasa kanyang noo.

23 Gayon nilupig ng Diyos nang araw na iyon si Jabin na hari ng Canaan sa harap ng mga anak ni Israel.

24 Habang tumatagal ay naging higit na malakas ang mga Israelita laban kay Jabin na hari ng Canaan, hanggang sa mapuksa nila si Jabin na hari ng Canaan.

Ang Awit ni Debora

Nang magkagayo'y umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam nang araw na iyon,

“Sapagkat ang mga pinuno ay nanguna sa Israel,
    sapagkat kusang inihandog ng bayan ang kanilang sarili,
    purihin ninyo ang Panginoon!
“Makinig kayo, mga hari; pakinggan ninyo, mga prinsipe;
     Panginoon ako'y aawit,
    ako'y gagawa ng himig sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
Panginoon, nang ikaw ay lumabas sa Seir,
    nang ikaw ay humayo mula sa lupain ng Edom,
ang lupa'y nanginig,
    ang langit naman ay nagpatak,
    oo, ang mga ulap ay nagpatak ng tubig.
Ang(A) mga bundok ay nayanig sa harap ng Panginoon, yaong sa Sinai,
    sa harap ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
“Sa mga araw ni Shamgar na anak ni Anat,
    sa mga araw ni Jael, ang mga paglalakbay ay tumigil,
    at ang mga manlalakbay ay bumagtas sa mga lihis na landas.
Ang mga magsasaka ay huminto sa Israel, sila'y tumigil,
hanggang sa akong si Debora ay bumangon,
    bumangon bilang ina sa Israel.
Nang piliin ang mga bagong diyos,
    nasa mga pintuang-bayan ang digmaan.
May nakita bang kalasag o sibat
    sa apatnapung libo sa Israel?
Ang aking puso ay nasa mga pinuno sa Israel,
    na kusang-loob na naghandog ng kanilang sarili sa bayan;
    purihin ang Panginoon!
10 “Saysayin ninyo, kayong mga nakasakay sa mapuputing asno,
    kayong nakaupo sa maiinam na alpombra,
    at kayong lumalakad sa daan.
11 Sa tugtog ng mga manunugtog sa mga dakong igiban ng tubig,
    doon nila inuulit ang mga tagumpay ng Panginoon,
    ang mga tagumpay ng kanyang magbubukid sa Israel.
“Bumaba nga ang bayan ng Panginoon sa mga pintuang-bayan.
12 “Gumising ka, gumising ka, Debora!
    Gumising ka, gumising ka, bumigkas ka ng awit!
Bumangon ka, Barak, at ihatid mo ang iyong mga bihag,
    ikaw na anak ni Abinoam.
13 Bumaba nga ang nalabi sa mga maharlika;
    at ang bayan ng Panginoon ay bumaba dahil sa kanya laban sa mga makapangyarihan.
14 Mula sa Efraim na kanilang ugat, sila ay naghanda patungo sa libis,
    sa likuran mo ay ang Benjamin, na kasama ng iyong mga kamag-anak;
sa Makir nagmula ang mga pinuno,
    at sa Zebulon ang may hawak ng tungkod ng pinuno;
15 ang mga pinuno sa Isacar ay dumating na kasama ni Debora;
    at ang Isacar ay tapat kay Barak,
    sa libis ay dumaluhong sila sa kanyang mga sakong.
Sa gitna ng mga angkan ni Ruben,
    nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
16 Bakit ka nanatili sa gitna ng mga kulungan ng tupa,
    upang makinig ba ng mga pagtawag sa mga kawan?
Sa gitna ng mga angkan ng Ruben,
    nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
17 Ang Gilead ay nanatili sa kabila ng Jordan;
    at ang Dan, bakit siya'y nanatili sa mga barko?
Ang Aser ay nanatili sa mga baybayin ng dagat,
    at nanahan sa kanyang mga daong.
18 Ang Zebulon ay isang bayan na nagsuong ng kanilang buhay sa kamatayan,
    gayundin ang Neftali sa matataas na dako ng kaparangan.
19 “Ang mga hari ay dumating, sila'y lumaban;
    nang magkagayo'y lumaban ang mga hari ng Canaan,
sa Taanac na nasa tabi ng tubig sa Megido;
    sila'y hindi nakasamsam ng pilak.
20 Mula sa langit ang mga bituin ay nakipaglaban,
    mula sa kanilang paglakad sila'y nakipaglaban kay Sisera.
21 Tinangay sila ng rumaragasang Kishon,
    ng rumaragasang agos, ng Ilog Kishon.
    Sumulong ka, kaluluwa ko, nang may lakas!
22 “Nang magkagayo'y yumabag ang mga paa ng mga kabayo,
    na may pagkaripas, pagkaripas ng kanyang mga kabayong pandigma.
23 “Sumpain si Meroz, sabi ng anghel ng Panginoon,
    sumpain nang mapait ang mga naninirahan doon,
sapagkat sila'y hindi dumating upang tumulong sa Panginoon,
    upang tumulong sa Panginoon, laban sa makapangyarihan.
24 “Higit na pinagpala sa lahat ng babae si Jael,
    ang asawa ni Eber na Kineo,
    higit siyang pinagpala sa lahat ng babaing naninirahan sa tolda.
25 Siya'y[a] humingi ng tubig, at binigyan niya ng gatas;
    kanyang dinalhan siya ng mantekilya sa maharlikang mangkok.
26 Hinawakan ng kanyang kamay ang tulos ng tolda,
    at ng kanyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa;
kanyang pinukpok si Sisera ng isang pukpok,
    dinurog niya ang kanyang ulo,
    kanyang binasag at tinusok ang kanyang noo.
27 Siya'y nabuwal, siya'y nalugmok,
    siya'y bumulagta sa kanyang paanan,
sa kanyang paanan siya ay nabuwal, siya ay nalugmok,
    kung saan siya nabuwal, doon siya patay na bumagsak.
28 “Mula sa bintana siya ay dumungaw,
    ang ina ni Sisera ay sumigaw sa pagitan ng durungawan:
‘Bakit ang kanyang karwahe ay natatagalang dumating?
    Bakit nababalam ang mga yabag ng kanyang mga karwahe?’
29 Ang kanyang mga pinakapantas na babae ay sumagot sa kanya,
    siya na rin ang sumagot sa kanyang sarili,
30 ‘Hindi ba sila nakakatagpo at naghahati-hati ng samsam?
    Isa o dalawang dalaga, sa bawat lalaki;
kay Sisera ay samsam na damit na may sari-saring kulay,
    samsam na sari-saring kulay ang pagkaburda,
    dalawang piraso ng kinulayang gawa, binurdahan para sa aking leeg bilang samsam?’
31 “Gayon nalipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Panginoon!
    Ngunit ang iyong mga kaibigan ay maging tulad ng araw sa pagsikat niya sa kanyang kalakasan.”

At ang lupain ay nagpahinga na apatnapung taon.

Footnotes

  1. Mga Hukom 5:25 o Si Sisera'y .

May isang lalaki sa Sora mula sa lipi ng mga Danita, na ang pangalan ay Manoa; at ang kanyang asawa ay baog, at hindi nagkaanak.

At nagpakita ang anghel ng Panginoon sa babae, at sinabi sa kanya, “Bagaman ikaw ay baog at walang anak, ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki.

Mag-ingat ka, huwag kang iinom ng alak o ng inuming nakalalasing, at huwag kang kumain ng anumang bagay na marumi;

ikaw(A) ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki. Walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo sapagkat ang bata ay magiging Nazirita sa Diyos, mula sa sinapupunan, at kanyang pasisimulang iligtas ang Israel sa kamay ng mga Filisteo.”

Pagkatapos ang babae'y humayo at sinabi sa kanyang asawa, “Isang tao ng Diyos ang dumating sa akin, at ang kanyang anyo ay gaya ng anyo ng anghel ng Diyos na kagulat-gulat. Hindi ko naitanong kung saan siya nagmula, ni hindi niya sinabi sa akin ang kanyang pangalan.

Ngunit sinabi niya sa akin, ‘Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki. Kaya't huwag kang iinom ng alak o ng inuming nakalalasing at huwag kang kakain ng anumang maruming bagay, sapagkat ang bata'y magiging Nazirita sa Diyos mula sa sinapupunan hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.’”

Ang Pangitain ni Manoa at ng Kanyang Asawa

Nang magkagayo'y nanalangin si Manoa sa Panginoon, at sinabi niya, “Ipinapakiusap ko sa iyo, O Panginoon, na pabalikin mo uli ang tao ng Diyos na iyong sinugo sa amin, at ituro sa amin kung ano ang aming gagawin sa batang ipapanganak.”

At dininig ng Diyos ang tinig ni Manoa. Nagbalik ang anghel ng Diyos sa babae habang siya'y nakaupo sa bukid, ngunit si Manoa na kanyang asawa ay hindi niya kasama.

10 Nagmamadaling tumakbo ang babae, at sinabi sa kanyang asawa, “Ang lalaking naparito sa akin noong isang araw ay nagpakita sa akin.”

11 Tumindig si Manoa at sumunod sa kanyang asawa, at pumunta sa lalaki, at sinabi sa kanya, “Ikaw ba ang lalaking nagsalita sa babaing ito?” At kanyang sinabi, “Ako nga.”

12 Sinabi ni Manoa, “Kapag nagkatotoo ang iyong mga salita, ano ang magiging uri ng pamumuhay ng bata, at ano ang kanyang gagawin?”

13 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, “Sa lahat ng aking sinabi sa babae ay mag-ingat siya.

14 Siya'y hindi maaaring kumain ng anumang bagay na nanggagaling sa ubasan. Hindi siya iinom ng alak o ng inuming nakalalasing, ni kakain ng anumang maruming bagay; lahat ng iniutos ko sa kanya ay sundin niya.”

15 Sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, “Ipahintulot mong ikaw ay aming pigilin, upang maipaghanda ka namin ng isang batang kambing.”

16 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, “Kahit na ako'y iyong pigilin, hindi ako kakain ng iyong pagkain, at kung ikaw ay maghahanda ng handog na sinusunog, ay iyong ihandog sa Panginoon.” (Sapagkat hindi nakilala ni Manoa na siya'y anghel ng Panginoon.)

17 Sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, “Ano ang iyong pangalan, upang kapag nangyari ang iyong mga salita ay mabigyan ka namin ng karangalan?”

18 Sinabi ng anghel ng Panginoon sa kanya, “Bakit mo itinatanong ang aking pangalan? Ito ay totoong kagila-gilalas?”

19 Kaya't kumuha si Manoa ng isang batang kambing at ng handog na butil, at inihandog sa Panginoon sa ibabaw ng bato, at sa kanya na gumagawa ng kamangha-mangha, samantalang si Manoa at ang kanyang asawa ay nakamasid.

20 Nang pumapailanglang sa langit ang apoy mula sa dambana, na ang anghel ng Panginoon ay pumailanglang sa apoy ng dambana samantalang minamasdan ni Manoa at ng kanyang asawa; at sila'y nagpatirapa sa lupa.

Si Samson ay Ipinanganak

21 Hindi na muling nagpakita ang anghel ng Panginoon kay Manoa at sa kanyang asawa. Pagkatapos ay nabatid ni Manoa na iyon ay anghel ng Panginoon.

22 At sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na tayo'y mamamatay, sapagkat ating nakita ang Diyos.”

23 Ngunit sinabi kay Manoa ng kanyang asawa,[a] “Kung nalulugod ang Panginoon na patayin tayo, hindi sana niya tinanggap ang handog na sinusunog at ang handog na butil sa ating kamay, ni ipinakita man sa atin ang lahat ng mga bagay na ito, ni sinabi man sa panahong ito ang mga bagay na gaya nito.”

24 Nanganak ang babae ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samson. At ang bata'y lumaki at pinagpala ng Panginoon.

25 Nagpasimulang kilusin siya ng Espiritu ng Panginoon sa Mahanedan, sa pagitan ng Sora at Estaol.

Si Samson ay Nag-asawa ng Babaing Filisteo

14 Lumusong si Samson sa Timna, at sa Timna ay nakita niya ang isa sa mga anak na babae ng mga Filisteo.

At siya'y umahon at sinabi sa kanyang ama at ina, “Nakita ko ang isa sa mga anak na babae ng mga Filisteo sa Timna. Kunin ninyo siya ngayon upang mapangasawa ko.”

Ngunit sinabi sa kanya ng kanyang ama at ina, “Wala na bang babae sa mga anak ng iyong kapatid, o sa ating buong bayan, na ikaw ay hahayo upang kumuha ng asawa mula sa mga di-tuling Filisteo?” At sinabi ni Samson sa kanyang ama, “Kunin ninyo siya para sa akin, sapagkat siya'y kaakit-akit sa akin.”

Ngunit hindi alam ng kanyang ama at ng kanyang ina, na iyon ay mula sa Panginoon; sapagkat siya'y humahanap ng pagkakataon laban sa mga Filisteo. Nang panahong iyon ay nangingibabaw ang mga Filisteo sa mga Israelita.

Si Samson ay Pumatay ng Leon

Pagkatapos si Samson at ang kanyang ama at ina ay lumusong sa Timna. Nang siya'y dumating sa mga ubasan ng Timna, may isang batang leon na umuungal laban sa kanya.

Ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya, at niluray niya ng kanyang kamay lamang ang leon na parang lumuluray ng isang batang kambing. Ngunit hindi niya sinabi sa kanyang ama o sa kanyang ina kung ano ang kanyang ginawa.

Pagkatapos siya'y lumusong at nakipag-usap sa babae, at siya'y lubhang nakakalugod kay Samson.

Pagkaraan ng ilang panahon ay bumalik siya upang pakasalan ang babae, at siya'y lumiko upang tingnan ang bangkay ng leon. May isang kawan ng pukyutan at may pulot sa loob ng katawan ng leon.

Dinukot niya ito ng kanyang kamay at humayo na kumakain habang siya'y lumalakad. Siya'y pumunta sa kanyang ama at ina, at sila'y binigyan niya nito, at sila'y kumain nito. Ngunit hindi niya sinabi sa kanila na kanyang kinuha ang pulot sa bangkay ng leon.

Ang Bugtong ni Samson sa Kasalan

10 Pinuntahan ng kanyang ama ang babae, at gumawa si Samson ng isang handaan doon gaya nang nakaugaliang gawin ng mga binata.

11 Nang makita ng mga tao si Samson, sila'y nagdala ng tatlumpung kasama upang maging kasama niya.

12 At sinabi ni Samson sa kanila, “Bubugtungan ko kayo ngayon. Kung masasagot at mahuhulaan ninyo sa akin sa loob ng pitong araw ng handaan, at inyong mahulaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung kasuotang lino at tatlumpung magarang bihisan.

13 Ngunit kung hindi ninyo masasagot sa akin, ay bibigyan ninyo ako ng tatlumpung kasuotang lino at tatlumpung magarang bihisan.” At kanilang sinabi sa kanya, “Sabihin mo ang iyong bugtong upang aming marinig.”

14 At sinabi niya sa kanila,

“Mula sa mangangain ay may lumabas na pagkain,
mula sa malakas ay may lumabas na matamis.”

Ngunit hindi nila masagot ang bugtong sa loob ng tatlong araw.

15 Nang ikapitong araw ay kanilang sinabi sa asawa ni Samson, “Hikayatin mo ang iyong asawa, upang sabihin niya sa amin ang bugtong. Kapag hindi ay susunugin ka namin at ang bahay ng iyong ama. Inanyayahan ba ninyo kami upang papaghirapin?”

16 At umiyak ang asawa ni Samson sa harapan niya, at nagsabi, “Kinapopootan mo lamang ako, at hindi mo ako iniibig. Nagbigay ka ng isang bugtong sa aking mga kababayan, at hindi mo sinabi sa akin kung ano iyon.” At sinabi niya sa kanya, “Hindi ko nga sinabi sa aking ama, o sa aking ina, sa iyo ko pa kaya sasabihin?”

17 Umiyak siya sa harap niya ng pitong araw, habang hindi natatapos ang kanilang kasayahan. Nang ikapitong araw ay sinabi niya sa kanya, sapagkat kanyang pinilit siya. Pagkatapos ay sinabi ng babae ang sagot sa bugtong sa kanyang mga kababayan.

18 Nang ikapitong araw, bago lumubog ang araw, sinabi ng mga lalaki ng lunsod kay Samson,

“Ano kaya ang lalong matamis kaysa pulot?
Ano pa kaya ang lalong malakas kaysa leon?”

At sinabi niya sa kanila,

“Kung hindi kayo nag-araro sa pamamagitan ng aking dumalagang baka,
hindi sana ninyo nasagot ang aking bugtong.”

19 At ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya at siya'y lumusong sa Ascalon. Pumatay siya ng tatlumpung lalaki sa kanila, at kinuha ang kanilang samsam, at ibinigay ang magagarang bihisan sa mga nakapagpaliwanag ng bugtong. Ang kanyang galit ay nagningas, at siya'y umahon sa bahay ng kanyang ama.

20 Ngunit ang asawa ni Samson ay ibinigay sa kanyang kasamahan, na kanyang naging pangunahing abay.

Sinunog ni Samson ang Triguhan ng mga Filisteo

15 Ngunit pagkaraan ng ilang panahon, sa panahon ng pag-aani ng trigo, dumalaw si Samson na may dalang isang batang kambing sa kanyang asawa, at kanyang sinabi, “Aking papasukin ang aking asawa sa loob ng silid.” Ngunit ayaw siyang papasukin ng kanyang biyenang lalaki.

At sinabi ng kanyang biyenang lalaki, “Ang akala ko'y iyong lubos na kinapootan siya, kaya't ibinigay ko siya sa iyong abay. Di ba ang kanyang nakababatang kapatid ay mas maganda kaysa kanya? Kunin mo siyang kahalili niya.”

Sinabi ni Samson sa kanila, “Ngayon ay wala akong ipagkakasala sa mga Filisteo, kung gawan ko man sila ng kasamaan.”

Kaya't humayo si Samson at humuli ng tatlong daang asong-gubat[b] at kumuha ng mga sulo, at pinagkabit-kabit ang mga buntot, at nilagyan ng sulo sa pagitan ng bawat dalawang buntot.

Nang kanyang masindihan ang mga sulo ay kanyang pinakawalan ang mga asong-gubat sa nakatayong trigo ng mga Filisteo at parehong sinunog ang mga mandala at ang nakatayong trigo, gayundin ang mga taniman ng olibo.

Nang magkagayo'y sinabi ng mga Filisteo, “Sinong gumawa nito?” At kanilang sinabi, “Si Samson na manugang ng taga-Timna, sapagkat kanyang kinuha ang asawa niya at ibinigay sa kanyang abay.” Kaya't umahon ang mga Filisteo at sinunog ang babae at ang kanyang ama.

Sinabi ni Samson sa kanila, “Kung ganito ang ginagawa ninyo, isinusumpa kong gagantihan ko kayo at saka ako titigil.”

Pinaghahampas niya ang kanilang mga hita at balakang at gumawa ng napakalaking pagpatay; pagkatapos siya'y bumaba at nanatili sa isang guwang ng bato sa Etam.

Dalawang Bagong Lubid ang Iginapos kay Samson

Nang magkagayo'y umahon ang mga Filisteo at nagkampo sa Juda, at sinalakay ang Lehi.

10 At sinabi ng mga lalaki ng Juda, “Bakit kayo'y pumarito laban sa amin?” At kanilang sinabi, “Pumarito kami upang gapusin si Samson, at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin.”

11 Nang magkagayo'y may tatlong libong lalaki sa Juda na lumusong sa guwang ng bato ng Etam, at sinabi kay Samson, “Hindi mo ba alam na ang mga Filisteo ay ating mga tagapamahala? Ano itong ginawa mo sa amin?” At sinabi niya sa kanila, “Kung ano ang ginawa nila sa akin ay gayon ang ginawa ko sa kanila.”

12 At sinabi nila sa kanya, “Kami ay lumusong upang gapusin ka, upang maibigay ka namin sa kamay ng mga Filisteo.” Sinabi ni Samson sa kanila, “Sumumpa kayo sa akin na hindi kayo ang sasalakay sa akin.”

13 Sinabi nila sa kanya, “Hindi, gagapusin ka lamang namin, at ibibigay sa kanilang kamay. Ngunit hindi ka namin papatayin.” At kanilang ginapos siya ng dalawang bagong lubid at iniahon mula sa bato.

14 Nang siya'y dumating sa Lehi, ang mga Filisteo ay nagsisigawan samantalang kanilang sinasalubong siya. Ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya, at ang mga lubid na nasa kanyang mga bisig ay naging parang lino na natupok sa apoy, at ang kanyang mga tali ay nalaglag sa kanyang mga kamay.

15 Siya'y nakakita ng isang sariwang panga ng asno, at iniunat ang kanyang kamay, at dinampot iyon, at ginamit sa pagpatay sa isang libong lalaki.

16 At sinabi ni Samson,

“Sa pamamagitan ng panga ng isang asno, ay nagkabuntun-bunton,
sa pamamagitan ng panga ng isang asno ay pumatay ako ng isang libong lalaki.”

17 Pagkatapos niyang makapagsalita ay kanyang inihagis ang panga na nasa kanyang kamay, at ang dakong iyon ay tinawag na Ramat-lehi.[c]

18 Siya'y uhaw na uhaw at siya'y tumawag sa Panginoon, “Iyong ibinigay itong dakilang pagliligtas sa kamay ng iyong lingkod, at ngayo'y mamamatay ba ako sa uhaw at mahuhulog sa kamay ng mga hindi tuli?”

19 Ngunit binuksan ng Diyos ang isang guwang na nasa Lehi at nilabasan iyon ng tubig. Nang siya'y makainom, ang kanyang diwa ay nanumbalik at siya'y muling nagkamalay. Kaya't ang pangalan niyon ay tinawag na En-hacore,[d] na nasa Lehi hanggang sa araw na ito.

20 Siya'y naghukom sa Israel sa mga araw ng mga Filisteo ng dalawampung taon.

Dinaya ni Delila si Samson

16 Minsan ay pumunta si Samson sa Gaza at nakakita siya roon ng isang bayarang babae[e] at ito'y kanyang sinipingan.

Ibinalita sa mga taga-Gaza, “Si Samson ay dumating dito.” Kanilang pinalibutan, at inabangan siya nang buong gabi sa pintuang-lunsod. Nanatili silang tahimik buong gabi, na sinasabi, “Maghintay tayo hanggang magbukang-liwayway, saka natin siya patayin.”

Ngunit si Samson ay humiga hanggang hatinggabi, at nang hatinggabi na ay bumangon. Hinawakan niya ang pinto ng pintuang-lunsod, at kapwa binunot, pati ang bakal. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron.

Pagkaraan ng ilang panahon, siya'y umibig sa isang babaing taga-libis ng Sorec, na ang pangala'y Delila.

Pinuntahan ng mga pinuno ng mga Filisteo ang babae, at sinabi sa kanya, “Akitin mo siya. Alamin mo kung bakit napakalakas niya, at sa anong paraan kami magtatagumpay laban sa kanya upang aming matalian at matalo siya. Bibigyan ka ng bawat isa sa amin ng isang libo't isang daang pirasong pilak.”

Sinabi ni Delila kay Samson, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin, kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas, at kung paanong matatalian ka upang ikaw ay matalo.”

Sinabi ni Samson sa kanya, “Kung tatalian nila ako ng pitong sariwang yantok na hindi natuyo ay hihina ako, at ako'y magiging gaya ng sinumang tao.”

Nang magkagayo'y nagdala sa kanya ang mga pinuno ng mga Filisteo ng pitong sariwang yantok na hindi pa natutuyo, at ipinangtali nila sa kanya.

Noon ay may mga nakaabang na sa silid sa loob. At sinabi niya sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Kanyang pinutol ang mga yantok na tulad sa taling sinulid na napuputol kapag nadidikitan ng apoy. Sa gayo'y hindi nalaman ang lihim ng kanyang lakas.

10 Sinabi ni Delila kay Samson, “Tingnan mo, pinaglaruan mo ako, at nagsinungaling ka sa akin. Ipinapakiusap ko ngayon sa iyo na sabihin mo sa akin kung paano ka matatalian.”

11 Sumagot si Samson, “Kung tatalian lamang nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit ay hihina ako at magiging gaya ng sinumang tao.”

12 Sa gayo'y kumuha si Delila ng mga bagong lubid at itinali sa kanya, at sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Noon, ang mga nakaabang ay nasa silid sa loob na ng silid. Ngunit pawang pinutol niya ang mga lubid sa kanyang mga bisig na parang sinulid.

13 At sinabi ni Delila kay Samson, “Hanggang ngayon ay pinaglalaruan mo ako at nagsisinungaling ka sa akin. Sabihin mo sa akin kung paanong matatalian ka.” At sinabi niya sa kanya, “Kung iyong hahabihin ang pitong tirintas sa aking ulo ng hinabing kayo at higpitan mo ng pang-ipit, manghihina ako at magiging tulad ng sinumang tao.”

14 Kaya't habang siya'y natutulog, hinawakan ni Delila ang pitong tirintas ng kanyang ulo at hinabi. At sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at binunot ang pang-ipit ng panghabi at ang hinabi.

15 Sinabi niya sa kanya, “Bakit nasasabi mo na, ‘Iniibig kita,’ gayong ang iyong pag-ibig ay wala sa akin? Pinaglaruan mo ako ng tatlong ulit, at hindi mo sinasabi sa akin kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas.”

16 Sa wakas, pagkatapos niyang pilitin siya araw-araw sa pamamagitan ng kanyang kasasalita upang mahimok siya, halos mamatay siya sa pagkainis.

17 Kaya't ibinunyag niya kay Delila[f] ang kanyang lihim, at sinabi sa kanya, “Walang pang-ahit na dumaan sa aking ulo sapagkat ako'y naging Nazirita[g] sa Diyos mula pa sa tiyan ng aking ina. Kung ako'y ahitan, hihiwalay sa akin ang aking lakas, ako'y hihina, at magiging gaya ng sinumang tao.”

18 Nang mabatid ni Delila na sinabi na sa kanya ni Samson ang buong lihim niya, nagsugo siya at tinawag ang mga pinuno ng mga Filisteo, na sinasabi, “Umahon pa kayong minsan, sapagkat sinabi na niya sa akin ang buong lihim niya.” Nang magkagayo'y umahon ang mga pinuno ng mga Filisteo, at nagdala ng salapi.

19 Kanyang pinatulog ito sa kanyang kandungan; at nagpatawag siya ng isang lalaki at ipinaahit ang pitong tirintas sa ulo nito. Nagpasimula itong manghina, at ang lakas nito ay nawala.

20 Sinabi niya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” At siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at sinabi, “Ako'y lalabas na gaya nang dati, at ako'y magpupumiglas.” Ngunit hindi niya batid na ang Panginoon ay humiwalay na sa kanya.

21 Hinuli siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Kanilang dinala siya sa Gaza, at ginapos siya ng mga tanikalang tanso, at siya'y pinagtrabaho sa gilingan sa bilangguan.

22 Gayunman, pagkatapos na siya'y maahitan, muling tumubo ang buhok ng kanyang ulo.

Naghiganti si Samson

23 Nagtitipon noon ang mga pinuno ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang alay kay Dagon na kanilang diyos at upang magsaya, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa ating kamay si Samson na ating kaaway.”

24 Nang makita siya ng taong-bayan, pinuri nila ang kanilang diyos, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa atin ang ating kaaway, ang tagawasak sa ating lupain, na pumatay ng marami sa atin.”

25 At nangyari, nang natutuwa na ang kanilang puso, ay kanilang sinabi, “Tawagin si Samson, upang siya'y ating mapaglaruan.” At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya'y pinaglaruan nila. Siya'y kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi.

26 Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya sa kamay, “Ipahawak mo sa akin ang mga haliging kinasasaligan ng bahay upang aking mahiligan.”

27 Noon ang bahay nga ay puno ng mga lalaki at babae, at ang lahat ng mga pinuno ng mga Filisteo ay naroon. Sa bubungan ay may tatlong libong lalaki at babae na nanonood samantalang pinagkakatuwaan si Samson.

28 Pagkatapos ay tumawag si Samson sa Panginoon, at sinabi, “O Panginoong Diyos, idinadalangin ko sa iyo na alalahanin mo ako, at idinadalangin ko sa iyong palakasin mo ako, na minsan na lamang, O Diyos, upang maipaghiganti kong minsan sa mga Filisteo ang aking dalawang mata.”

29 Si Samson ay humawak sa dalawang gitnang haligi na kinasasaligan ng bahay, at inihilig ang kanyang mga bigat sa mga iyon, ang kanyang kanang kamay sa isa, at ang kanyang kaliwa sa kabila.

30 Sinabi ni Samson, “Hayaan mo akong mamatay na kasama ng mga Filisteo.” Ibinuhos niya ang kanyang buong lakas, at ang bahay ay bumagsak sa mga pinuno at sa lahat ng mga taong nasa loob. Sa gayo'y ang mga namatay na kanyang pinatay sa kanyang kamatayan ay higit kaysa pinatay niya noong siya'y buháy pa.

31 Pagkatapos ay dumating ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama, at kinuha siya. Iniahon siya at inilibing sa pagitan ng Sora at Estaol sa libingan ni Manoa na kanyang ama. Naghukom siya sa Israel sa loob ng dalawampung taon.

Footnotes

  1. Mga Hukom 13:23 Sa Hebreo ay ng asawa niya sa kanya .
  2. Mga Hukom 15:4 o zorra
  3. Mga Hukom 15:17 o Ang burol ng panga ng asno .
  4. Mga Hukom 15:19 o Ang bukal ng tumawag .
  5. Mga Hukom 16:1 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .
  6. Mga Hukom 16:17 Sa Hebreo ay sa kanya .
  7. Mga Hukom 16:17 o isang ibinukod o itinalaga .

Si Jefta ay Ginawang Pinuno

11 Si Jefta na Gileadita ay isang malakas na mandirigma, ngunit siya'y anak ng isang upahang babae.[a] Si Gilead ang ama ni Jefta.

Ang asawa ni Gilead ay nagkaanak sa kanya ng mga lalaki. Nang lumaki ang mga anak ng kanyang asawa ay kanilang pinalayas si Jefta, at sinabi nila sa kanya, “Ikaw ay hindi magmamana sa sambahayan ng aming ama sapagkat ikaw ay anak ng ibang babae.”

Nang magkagayo'y tumakas si Jefta sa kanyang mga kapatid, at tumira sa lupain ng Tob. Doon ay nakasama ni Jefta ang mga lalaking bandido at sumasalakay na kasama niya.

Pagkaraan ng ilang panahon, ang mga anak ni Ammon ay nakipagdigma sa Israel.

Nang lumaban ang mga anak ni Ammon sa Israel, ang mga matanda sa Gilead ay naparoon upang sunduin si Jefta mula sa lupain ng Tob.

At kanilang sinabi kay Jefta, “Halika't ikaw ang maging pinuno namin upang kami ay makalaban sa mga anak ni Ammon.”

Subalit sinabi ni Jefta sa matatanda sa Gilead, “Di ba kayo'y napoot sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? Kung gayo'y bakit kayo naparito sa akin ngayong kayo'y nasa paghihirap?”

At sinabi ng matatanda sa Gilead kay Jefta, “Kaya kami ay bumabalik sa iyo ngayon ay upang makasama ka namin, at makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ikaw ay magiging pinuno naming lahat na taga-Gilead.”

Sinabi ni Jefta sa mga matanda sa Gilead, “Kung pauuwiin ninyo ako upang makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ibigay sila ng Panginoon sa harap ko, magiging pinuno ba ninyo ako?”

10 At sinabi kay Jefta ng matatanda sa Gilead, “Ang Panginoon ang maging saksi natin. Tiyak na aming gagawin ang ayon sa iyong salita.”

11 Kaya't si Jefta ay umalis na kasama ng matatanda sa Gilead, at ginawa nila siyang pinuno at sinabi ni Jefta sa Mizpa ang lahat ng kanyang salita sa harap ng Panginoon.

Ang Sugo sa Hari ng Ammon

12 At nagpadala si Jefta ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon, na nagsasabi, “Anong mayroon ka laban sa akin, na ikaw ay naparito sa akin upang lumaban sa aking lupain?”

13 Sinagot ng hari ng mga anak ni Ammon ang mga sugo ni Jefta, “Sapagkat sinakop ng Israel ang aking lupain nang siya'y umahon galing sa Ehipto, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at hanggang sa Jordan. Kaya't ngayo'y isauli mo nang payapa ang mga lupaing iyon.”

14 Muling nagpadala si Jefta ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon.

15 At kanyang sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ni Jefta, Hindi inagaw ng Israel ang lupain ng Moab, o ang lupain ng mga anak ni Ammon;

16 kundi nang sila'y umahon mula sa Ehipto, ang Israel ay naglakad sa ilang hanggang sa Dagat na Pula, at dumating sa Kadesh,

17 Nagpadala(A) noon ang Israel ng mga sugo sa hari sa Edom, na nagsasabi, ‘Ipinapakiusap ko sa iyong paraanin mo ako sa iyong lupain,’ ngunit hindi ito pinakinggan ng hari ng Edom. Nagsugo siya sa hari ng Moab. Ngunit tumanggi siya at ang Israel ay tumahan sa Kadesh.

18 Nang(B) magkagayo'y naglakad sila sa ilang at lumigid sa lupain ng Edom at Moab. Dumaan sila sa dakong silangan ng lupain ng Moab, at sila'y humantong sa kabilang dako ng Arnon, ngunit hindi sila pumasok sa hangganan ng Moab sapagkat ang Arnon ay siyang hangganan ng Moab.

19 Nagpadala(C) noon ang Israel ng mga sugo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na hari sa Hesbon; at sinabi ng Israel sa kanya, ‘Ipinapakiusap namin sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain hanggang sa aming dakong patutunguhan.’

20 Ngunit si Sihon ay hindi nagtiwala na paraanin ang Israel sa kanyang nasasakupan, kaya't pinisan ni Sihon ang kanyang buong bayan, at nagkampo sa Jahaz, at lumaban sa Israel.

21 At ibinigay ng Panginoon, ng Diyos ng Israel si Sihon at ang kanyang buong bayan sa kamay ng Israel, at kanilang tinalo sila. Sa gayo'y inangkin ng Israel ang buong lupain ng mga Amoreo na nanirahan sa lupaing iyon.

22 Kanilang inangkin ang buong nasasakupan ng mga Amoreo, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at mula sa ilang hanggang sa Jordan.

23 Kaya ngayon ang ari-arian ng mga Amoreo sa harap ng bayang Israel ay inalis ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, at iyo bang aariin ang mga iyan?

24 Hindi mo ba aangkinin upang maging sa iyo ang ibinigay sa iyo ni Cemos na iyong diyos? Kaya sinumang inalisan ng Panginoon naming Diyos ng ari-arian sa harap namin ay aming aangkinin.

25 At(D) ngayo'y mas magaling ka pa ba sa anumang paraan kay Balak na anak ni Zipor, na hari sa Moab? Siya ba'y nakipagdigma kailanman sa Israel o lumaban kaya sa kanila?

26 Samantalang ang Israel ay naninirahan ng tatlong daang taon sa Hesbon at sa mga nayon nito, sa Aroer at sa mga nayon nito, at sa lahat ng mga bayang nasa pampang ng Arnon, bakit hindi ninyo binawi ang mga iyon sa loob ng panahong iyon?

27 Hindi ako ang nagkasala laban sa iyo, kundi ikaw ang gumagawa ng masama sa pamamagitan ng pakikidigma mo sa akin. Ang Panginoon, na siyang Hukom ang hahatol sa araw na ito sa mga anak ni Israel at sa mga anak ni Ammon.”

28 Ngunit hindi dininig ng hari ng mga Ammonita ang mga salita ni Jefta na ipinaabot sa kanya.

Ang Pagtatagumpay at ang Panata ni Jefta

29 Pagkatapos ang Espiritu ng Panginoon ay dumating kay Jefta, at siya'y nagdaan sa Gilead at Manases, at nagdaan sa Mizpa ng Gilead, at mula sa Mizpa ng Gilead ay nagdaan siya sa mga Ammonita.

30 At nagbitaw si Jefta ng isang panata sa Panginoon, at nagsabi, “Kung iyong ibibigay ang mga Ammonita sa aking kamay,

31 ay mangyayari na sinumang lumabas sa mga pintuan ng aking bahay upang sumalubong sa akin, sa aking pagbalik na mapayapa galing sa mga anak ni Ammon ay magiging sa Panginoon, at iaalay ko iyon bilang handog na sinusunog.”

32 Sa gayo'y tinawid ni Jefta ang mga anak ni Ammon upang lumaban sa kanila; at sila'y ibinigay ng Panginoon sa kanyang kamay.

33 Sila'y pinagpapatay niya mula sa Aroer hanggang sa Minit, na may dalawampung lunsod, at hanggang sa Abel-keramim. Sa gayo'y nagapi ang mga anak ni Ammon sa harap ng mga anak ni Israel.

34 Pagkatapos si Jefta ay umuwi sa kanyang bahay sa Mizpa. Ang kanyang anak na babae ay lumabas upang salubungin siya ng alpa at ng sayaw. Siya ang kanyang kaisa-isang anak at liban sa kanya'y wala na siyang anak na lalaki o babae man.

35 Pagkakita(E) niya sa kanya, kanyang pinunit ang kanyang damit at sinabi, “Anak ko! Pinababa mo akong lubos, at ikaw ay isa sa mga bumabagabag sa akin; sapagkat gumawa na ako ng panata sa Panginoon, at hindi ko na mababawi.”

36 At sinabi niya sa kanya, “Ama ko, kung iyong ibinuka ang iyong bibig sa Panginoon, gawin mo sa akin ang ayon sa lumabas sa iyong bibig; yamang ipinaghiganti ka ng Panginoon sa iyong mga kaaway, samakatuwid ay sa mga Ammonita.”

37 Sinabi niya sa kanyang ama, “Hayaan mong gawin ang bagay na ito sa akin. Hayaan mo lamang ako ng dalawang buwan, upang ako'y humayo't gumala sa mga bundok at tangisan ko at ng aking mga kasama ang aking pagkabirhen.”

38 At kanyang sinabi, “Humayo ka.” At siya'y kanyang pinaalis nang dalawang buwan. Siya at ang kanyang mga kasama ay umalis, at tinangisan ang kanyang pagkabirhen sa mga bundok.

39 Sa katapusan ng dalawang buwan, siya'y nagbalik sa kanyang ama, at ginawa sa kanya ang ayon sa kanyang panata na kanyang binitiwan. Siya'y hindi kailanman nasipingan ng lalaki. At naging kaugalian sa Israel,

40 na ang mga anak na babae ng Israel ay pumupunta taun-taon upang alalahanin ang anak ni Jefta na Gileadita, apat na araw sa loob ng isang taon.

Tumutol ang Efraimita

12 Ang mga lalaki ng Efraim ay nagtipon at tumawid patungo sa Zafon at sinabi nila kay Jefta, “Bakit ka tumawid upang lumaban sa mga anak ni Ammon, at hindi mo kami tinawag upang sumama sa iyo? Susunugin namin ang iyong bahay na kasama ka.”[b]

Sinabi ni Jefta sa kanila, “Ako at ang aking bayan ay may matinding labanan sa mga anak ni Ammon; at nang tawagan ko kayo ay hindi ninyo ako iniligtas sa kanilang kamay.

Nang makita ko na ako'y hindi ninyo iniligtas ay inilagay ko ang aking buhay sa aking kamay. Ako'y tumawid laban sa mga anak ni Ammon, at sila'y ibinigay ng Panginoon sa aking kamay. Bakit kayo umahon dito sa akin sa araw na ito upang makipaglaban sa akin?”

Nang magkagayo'y tinipon ni Jefta ang mga lalaki sa Gilead, at nakipaglaban sa Efraim. Ginapi ng mga lalaki ng Gilead ang Efraim, sapagkat kanilang sinabi, “Kayo'y mga takas sa Efraim, kayong mga Gileadita, sa gitna ng Efraim, at Manases.”

At sinakop ng mga Gileadita ang mga tawiran sa Jordan sa gitna ng mga Efraimita. At kapag sinabi ng mga takas sa Efraim na, “Paraanin mo ako,” ay sinasabi ng mga lalaki ng Gilead sa kanya, “Ikaw ba'y Efraimita?” Kung kanyang sabihin, “Hindi,”

ay sinasabi nga nila sa kanya, “Sabihin mo ang Shibolet” at sinabi niya, “Sibolet;” sapagkat hindi niya mabigkas ito nang tama. Kaya't kanilang darakpin at papatayin siya sa mga tawiran ng Jordan. At ang napatay nang panahong iyon sa Efraim ay apatnapu't dalawang libo.

Namatay si Jefta

Naghukom si Jefta sa Israel nang anim na taon. Pagkatapos ay namatay si Jefta na Gileadita, at inilibing sa kanyang lunsod sa Gilead.[c]

Footnotes

  1. Mga Hukom 11:1 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .
  2. Mga Hukom 12:1 Sa Hebreo ay sa ibabaw mo .
  3. Mga Hukom 12:7 Sa Hebreo ay sa mga bayan ng Gilead .

Si David ay Hinirang Bilang Hari

16 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Hanggang kailan mo iiyakan si Saul gayong itinakuwil ko na siya sa pagiging hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay at humayo ka. Isusugo kita kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat ako'y naglaan para sa aking sarili ng isang hari mula sa kanyang mga anak na lalaki.”

Sinabi ni Samuel, “Paano ako makakapunta? Kapag iyon ay nabalitaan ni Saul, papatayin niya ako.” At sinabi ng Panginoon, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at iyong sabihin, ‘Ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon.’

At anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin. Bubuhusan mo ng langis para sa akin ang sa iyo'y aking sasabihin.”

Ginawa ni Samuel ang iniutos ng Panginoon at nagtungo sa Bethlehem. Ang matatanda sa bayan ay dumating upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, “Dumating ka bang may kapayapaan?”

At kanyang sinabi, “May kapayapaan; ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon. Italaga ninyo ang inyong mga sarili at sumama kayo sa akin sa paghahandog.” At itinalaga niya si Jesse at ang kanyang mga anak at inanyayahan sila sa paghahandog.

Nang sila'y dumating, siya'y tumingin kay Eliab, at sinabi sa sarili, “Tunay na ang hinirang[a] ng Panginoon ay nasa harap niya.”

Ngunit sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang kanyang mukha, o ang taas ng kanyang tindig sapagkat itinakuwil ko siya. Sapagkat hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”

Pagkatapos ay tinawag ni Jesse si Abinadab, at pinaraan niya sa harapan ni Samuel. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”

At pinaraan ni Jesse si Shammah. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”

10 Pinaraan ni Jesse ang pito sa kanyang mga anak sa harapan ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito.”

11 Sinabi ni Samuel kay Jesse, “Narito bang lahat ang iyong mga anak?” At kanyang sinabi, “Natitira pa ang bunso, ngunit siya'y nag-aalaga ng mga tupa.” At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Ipasundo mo siya, sapagkat hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.”

12 Siya'y nagpasugo at sinundo siya roon. Siya ay may mapupulang pisngi, magagandang mata at makisig. At sinabi ng Panginoon, “Tumindig ka, buhusan mo siya ng langis sapagkat siya na nga.”

13 Kaya't kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at binuhusan siya sa gitna ng kanyang mga kapatid. At ang Espiritu ng Panginoon ay dumating na may kapangyarihan kay David mula sa araw na iyon. At tumindig si Samuel at pumunta sa Rama.

Si David sa Palasyo ng Hari

14 Ngayon, ang Espiritu ng Panginoon ay humiwalay kay Saul at isang masamang espiritu mula sa Panginoon ang nagpahirap sa kanya.

15 At sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, “Tingnan mo, may masamang espiritu mula sa Diyos na nagpapahirap sa iyo.

16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga lingkod, na nasa harapan mo, na humanap ng isang lalaki na bihasang tumugtog ng alpa. Kapag ang masamang espiritu mula sa Diyos ay nasa iyo, siya'y tutugtog at ikaw ay magiging mabuti.”

17 Kaya't sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalaking makakatugtog nang mabuti, at dalhin ninyo siya sa akin.”

18 Sumagot ang isa sa mga kabataang lingkod, “Aking nakita ang isang anak ni Jesse na taga-Bethlehem, na bihasa sa pagtugtog, at isang magiting na lalaki, mandirigma, mahinahong magsalita, makisig, at ang Panginoon ay kasama niya.”

19 Kaya't nagpadala ng mga sugo si Saul kay Jesse at sinabi, “Papuntahin mo rito sa akin ang iyong anak na si David na kasama ng mga tupa.”

20 Kumuha si Jesse ng isang asno na may pasang tinapay, alak sa isang sisidlang balat, isang batang kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kanyang anak.

21 At dumating si David kay Saul at pinasimulan ang kanyang paglilingkod. Minahal siya nang lubos ni Saul, at siya'y naging tagadala ng sandata niya.

22 Nagpasabi si Saul kay Jesse, “Hayaan mong manatili si David sa paglilingkod sa akin sapagkat siya'y nakatagpo ng biyaya sa aking paningin.”

23 Tuwing ang masamang espiritu mula sa Diyos ay darating kay Saul, kinukuha ni David ang alpa at tinutugtog ng kanyang kamay, at nagiginhawahan si Saul at ang masamang espiritu ay umaalis sa kanya.

Hinamon ni Goliat ang mga Israelita

17 Tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo upang makipagdigma at sila'y nagtipon sa Socoh na sakop ng Juda, at nagkampo sa pagitan ng Socoh at Azeka sa Efesdamim.

Nagtipun-tipon sina Saul at ang mga Israelita at nagkampo sa libis ng Ela, at humanay sa pakikidigma laban sa mga Filisteo.

Tumayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo naman ang Israel sa kabilang dako sa bundok na may isang libis sa pagitan nila.

At lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo ang isang pangunahing mandirigma na ang pangalan ay Goliat na taga-Gat, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal.

Siya'y mayroong isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at siya'y may sandata ng baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso.

Siya'y mayroong kasuotang tanso sa kanyang mga hita, at isang sibat na tanso na nakasakbat sa kanyang mga balikat.

Ang puluhan ng kanyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kanyang sibat ay may bigat na animnaraang siklong bakal. Ang kanyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kanya.

Siya'y tumayo at sumigaw sa mga hukbo ng Israel, “Bakit kayo'y lumabas upang humanay sa pakikipaglaban? Hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y mga lingkod ni Saul? Pumili kayo ng isang lalaki mula sa inyo at pababain ninyo siya sa akin.

Kung siya'y makakalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin ninyo kami. Ngunit kung ako'y manalo laban sa kanya at mapatay ko siya, magiging alipin namin kayo at maglilingkod sa amin.”

10 At sinabi ng Filisteo, “Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; paharapin ninyo sa akin ang isang lalaki upang maglaban kami.”

11 Nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang ito ng Filisteo, sila'y nanghina at lubhang natakot.

Si David sa Kampo ni Saul

12 Si David nga ay anak ng isang Efrateo sa Bethlehem-juda, na ang pangala'y Jesse, at may walong anak na lalaki. Nang panahon ni Saul ang lalaking ito ay napakatanda na.

13 Ang tatlong pinakamatandang anak ni Jesse ay sumunod kay Saul sa digmaan. Ang pangalan ng kanyang tatlong anak na nagtungo sa pakikipaglaban ay si Eliab na panganay, ang kasunod niya ay si Abinadab, at ang ikatlo ay si Shammah.

14 Si David ang bunso, at ang tatlong pinakamatanda ay sumunod kay Saul.

15 Ngunit si David ay nagpapabalik-balik kay Saul upang pakainin ang mga tupa ng kanyang ama sa Bethlehem.

16 Sa loob ng apatnapung araw, ang Filisteo ay lumalapit at naghahamon, umaga at hapon.

Narinig ni David ang Hamon ni Goliat

17 Sinabi ni Jesse kay David na kanyang anak, “Dalhin mo sa iyong mga kapatid itong isang efang sinangag na trigo at sampung tinapay at dalhin mo agad sa iyong mga kapatid sa kampo.

18 Dalhin mo rin ang sampung kesong ito sa kapitan ng kanilang libo. Tingnan mo kung ano ang kalagayan ng iyong mga kapatid, at kumuha ka sa kanila ng palatandaan.”

19 Si Saul at lahat ng mga Israelita ay nasa libis ng Ela na nakikipaglaban sa mga Filisteo.

20 Kinaumagahan, si David ay maagang bumangon, iniwan ang mga tupa sa isang tagapag-alaga, at dinala ang mga baon at umalis gaya nang iniutos sa kanya ni Jesse; siya'y dumating sa pinaghihimpilan habang ang hukbo ay sumusulong sa labanan na sumisigaw ng sigaw ng digmaan.

21 Ang Israelita at ang mga Filisteo ay humanay na sa pakikipaglaban, hukbo laban sa hukbo.

22 Iniwan ni David ang kanyang dala-dalahan sa kamay ng tagapag-ingat ng dala-dalahan, at tumakbo sa hukbo, at dumating, at binati ang kanyang mga kapatid.

23 Habang nakikipag-usap siya sa kanila, dumating ang pangunahing mandirigma, ang Filisteo na taga-Gat, na Goliat ang pangalan, mula sa hanay ng mga Filisteo, at sinabi ang gayunding mga salita gaya nang una. At siya'y narinig ni David.

24 Nang makita ng lahat ng mga Israelita ang lalaking iyon, sila ay tumakas mula sa kanyang harapan, at takot na takot.

25 At sinabi ng mga Israelita, “Nakita na ba ninyo ang lalaking iyan na umahon? Talagang umahon siya upang hamunin ang Israel. Ang lalaking makakapatay sa kanya ay bibigyan ng hari ng malaking kayamanan, at ibibigay sa kanya ang kanyang anak na babae, at magiging malaya sa Israel ang sambahayan ng kanyang ama.”

26 Sinabi ni David sa mga lalaking nakatayo sa tabi niya, “Ano ang gagawin sa lalaking makakapatay sa Filisteong ito, at makapag-aalis ng kahihiyang ito sa Israel? Sapagkat sino ba itong hindi tuling Filisteo na kanyang hahamunin ang mga hukbo ng Diyos na buháy?”

27 At ang taong-bayan ay sumagot sa kanya sa gayunding paraan, “Gayon ang gagawin sa lalaking makakapatay sa kanya.”

28 Narinig ni Eliab na kanyang pinakamatandang kapatid nang siya'y magsalita sa mga lalaki. Kaya't ang galit ni Eliab ay nagningas laban kay David, at kanyang sinabi, “Bakit ka lumusong dito? At kanino mo iniwan iyong kaunting tupa sa ilang? Nalalaman ko ang iyong kapangahasan, at ang kasamaan ng iyong puso; sapagkat ikaw ay lumusong upang panoorin ang labanan.”

29 Sinabi ni David, “Ano bang aking ginawa ngayon? Hindi ba't salita lamang?”

30 At tinalikuran niya si Eliab at tumungo sa iba, at nagsalita sa gayunding paraan; at sinagot siya ng mga tao gaya noong una.

31 Nang marinig ang mga salitang binigkas ni David, ito ay kanilang inulit sa harap ni Saul; at siya'y ipinasundo niya.

32 Sinabi ni David kay Saul, “Huwag manghina ang puso ng sinuman dahil sa kanya; ang iyong lingkod ay hahayo at lalabanan ang Filisteong ito.”

33 Sinabi ni Saul kay David, “Hindi mo kayang labanan ang Filisteong ito sapagkat ikaw ay kabataan pa, at siya'y isang lalaking mandirigma mula pa sa kanyang pagkabata.”

34 Ngunit sinabi ni David kay Saul, “Ang iyong lingkod ay nag-aalaga ng mga tupa para sa kanyang ama. Kapag may dumating na leon, o kaya'y oso, at kinukuha ang isang kordero sa kawan,

35 ay hinahabol ko siya at aking pinapatay, at aking inililigtas ang kordero mula sa kanyang bibig. Kapag dinaluhong ako ay aking hinahawakan sa panga, aking sinasaktan at pinapatay.

36 Nakapatay ang iyong lingkod ng mga leon at mga oso; at ang Filisteong ito na hindi tuli ay magiging isa sa kanila, yamang kanyang hinahamon ang mga hukbo ng Diyos na buháy.”

37 Sinabi ni David, “Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga kuko ng leon at ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito.” At sinabi ni Saul kay David, “Humayo ka at samahan ka ng Panginoon.”

38 Ipinasuot ni Saul kay David ang kanyang mga kasuotan, kanyang inilagay ang isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at kanyang sinuotan siya ng metal na saplot sa katawan.

39 Ibinigkis ni David ang tabak sa kanyang kasuotan, at hindi niya magawang makalakad sapagkat hindi siya sanay sa mga ito. Kaya't sinabi ni David kay Saul, “Hindi ako makakalakad na dala ang mga ito sapagkat hindi ako sanay sa mga ito.” At hinubad ni David ang mga iyon.

40 Pagkatapos ay hinawakan niya ang kanyang tungkod sa kanyang kamay, at pumili siya ng limang makikinis na bato mula sa sapa at isinilid sa supot na pampastol na kanyang dala. Hawak niya ang tirador sa kanyang kamay at siya'y lumapit sa Filisteo.

Nagapi ni David si Goliat

41 Dumating ang Filisteo at lumapit kay David na kasama ang lalaking tagadala ng kanyang kalasag na nasa unahan niya.

42 Nang tumingin ang Filisteo at makita si David ay kanyang hinamak siya, sapagkat siya'y kabataan pa, mapula ang pisngi at may magandang mukha.

43 Sinabi ng Filisteo kay David, “Ako ba ay aso na ikaw ay lalapit sa akin na may mga tungkod?” At nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kanyang mga diyos.

44 Sinabi ng Filisteo kay David, “Halika at ibibigay ko ang iyong laman sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa parang.”

45 Pagkatapos ay sinabi ni David sa Filisteo, “Lumalapit ka sa akin na may tabak, may maliit at malaking sibat, ngunit ako'y lumalapit sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel na iyong hinahamon.

46 Sa araw na ito ay ibibigay ka ng Panginoon sa aking kamay, at ibubuwal kita, at pupugutin ko ang ulo mo. Ibibigay ko ang mga bangkay ng hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid at sa mababangis na hayop sa lupa sa araw na ito upang malaman ng buong lupa na may Diyos sa Israel;

47 at upang malaman ng buong kapulungang ito na hindi nagliligtas ang Panginoon sa pamamagitan ng tabak o ng sibat. Ang labanang ito ay sa Panginoon, at ibibigay niya kayo sa aming kamay.”

48 Nang tumayo ang Filisteo at lumapit upang salubungin si David, si David ay mabilis na tumakbo sa hanay ng labanan upang sagupain ang Filisteo.

49 Ipinasok ni David ang kanyang kamay sa kanyang supot at kumuha roon ng isang bato, at itinirador. Tinamaan ang Filisteo sa kanyang noo at ang bato ay bumaon sa kanyang noo, at pasubsob siyang bumagsak sa lupa.

50 Kaya't(A) nagwagi si David laban sa Filisteo sa pamamagitan ng tirador at ng isang bato, ibinuwal ang Filisteo at kanyang pinatay siya. Walang tabak sa kamay ni David.

51 Kaya't(B) tumakbo si David at tumayo sa ibabaw ng Filisteo. Kinuha niya ang tabak nito at binunot sa kaluban, kanyang pinatay siya, at pinugot ang kanyang ulo. Nang makita ng mga Filisteo na ang kanilang pangunahing mandirigma ay patay na, sila'y tumakas.

52 Ang hukbo ng Israel at ng Juda ay tumayo na may sigaw at tinugis ang mga Filisteo hanggang sa Gat, at sa mga pintuang-bayan ng Ekron. Ang mga sugatan sa mga Filisteo ay nabuwal sa daang patungo sa Saaraim hanggang sa Gat at sa Ekron.

53 Bumalik ang mga Israelita mula sa paghabol sa mga Filisteo at kanilang sinamsaman ang kanilang kampo.

54 Kinuha ni David ang ulo ng Filisteo at dinala sa Jerusalem; ngunit kanyang inilagay ang sandata niya sa kanyang tolda.

Si David ay Iniharap kay Saul

55 Nang makita ni Saul si David na sumusugod laban sa Filisteo, kanyang sinabi kay Abner na kapitan ng hukbo, “Abner, kaninong anak ang batang ito?” At sinabi ni Abner, “Buháy ang iyong kaluluwa, O hari, hindi ko masabi.”

56 Sinabi ng hari, “Ipagtanong mo kung kaninong anak ang batang ito.”

57 At pagbalik ni David sa pagpatay sa Filisteo, kinuha siya ni Abner, at dinala siya sa harap ni Saul na dala ang ulo ng Filisteo sa kanyang kamay.

58 Sinabi ni Saul sa kanya, “Kanino kang anak, binata?” At sumagot si David, “Ako'y anak ng iyong lingkod na si Jesse na taga-Bethlehem.”

18 Pagkatapos niyang makapagsalita kay Saul, ang kaluluwa ni Jonathan ay napatali sa kaluluwa ni David, at minahal siya ni Jonathan na gaya ng kanyang sariling kaluluwa.

Kinuha siya ni Saul nang araw na iyon, at hindi na siya pinahintulutang umuwi sa bahay ng kanyang ama.

Nang magkagayo'y nakipagtipan si Jonathan kay David sapagkat kanyang minahal siya na gaya ng kanyang sariling kaluluwa.

Hinubad ni Jonathan ang balabal na nakasuot sa kanya at ibinigay kay David, pati ang kanyang baluti, tabak, busog, at pamigkis.

Lumabas si David at nagtagumpay saanman suguin ni Saul, kaya't inilagay siya ni Saul bilang pinuno ng mga lalaking mandirigma. Ito ay sinang-ayunan ng buong bayan, at gayundin ng mga lingkod ni Saul.

Si Saul ay Nanibugho kay David

Sa kanilang pag-uwi, nang bumalik si David mula sa pagpatay sa Filisteo, ang mga babae ay lumabas mula sa lahat ng mga lunsod sa Israel na nag-aawitan at nagsasayawan, may mga pandereta, may mga awit ng kagalakan, at mga panugtog ng musika upang salubungin si Haring Saul.

At(C) nag-aawitan sa isa't isa ang mga babae habang sila ay nagsasaya, na sinasabi,

“Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
    at ni David ang kanyang laksa-laksa.”

Galit na galit si Saul at ang kasabihang ito ay ikinayamot niya, at kanyang sinabi, “Kanilang iniukol kay David ang laksa-laksa, at ang kanilang iniukol sa akin ay libu-libo; ano pa ang mapapasa-kanya kundi ang kaharian?”

Mula sa araw na iyon ay minatyagan ni Saul si David.

10 Kinabukasan, isang masamang espiritu mula sa Diyos ang sumanib kay Saul, at siya'y nahibang sa loob ng bahay, samantalang si David ay tumutugtog ng alpa, gaya ng kanyang ginagawa araw-araw. Hawak ni Saul ang kanyang sibat sa kanyang kamay;

11 at inihagis ni Saul ang sibat, sapagkat kanyang iniisip, “Aking tutuhugin si David sa dingding.” Subalit dalawang ulit na nailagan siya ni David.

12 Si Saul ay takot kay David, sapagkat ang Panginoon ay kasama niya noon, ngunit humiwalay na kay Saul.

13 Kaya't pinalayas siya ni Saul sa kanyang harapan at ginawa siyang punong-kawal sa isang libo; at si David ay naglabas-masok na pinapangunahan ang hukbo.

14 Nagtagumpay si David sa lahat ng kanyang mga gawain, sapagkat ang Panginoon ay kasama niya.

15 Nang makita ni Saul na siya'y nagtatagumpay, siya'y nasindak sa kanya.

16 Ngunit minahal ng buong Israel at Juda si David sapagkat siya ang nangunguna sa kanila.

Pinakasalan ni David ang Anak na Babae ni Saul

17 At sinabi ni Saul kay David, “Narito ang aking nakakatandang anak na babae na si Merab. Siya'y ibibigay ko sa iyo upang maging asawa; magpakatapang ka lamang para sa akin, at ipaglaban mo ang mga laban ng Panginoon.” Sapagkat iniisip ni Saul, “Hindi ko na siya pagbubuhatan ng aking kamay, kundi ang kamay ng mga Filisteo ang bahala sa kanya.”

18 Sinabi ni David kay Saul, “Sino ako at sino ang aking kamag-anak, o ang sambahayan ng aking ama sa Israel, upang ako'y maging manugang ng hari?”

19 Subalit sa panahong dapat nang ibigay kay David si Merab na anak na babae ni Saul, siya ay ibinigay kay Adriel na Meholatita bilang asawa.

20 Ngayon, minamahal ni Mical na anak na babae ni Saul si David. Ito ay sinabi kay Saul, at ang bagay na ito ay ikinalugod niya.

21 Iniisip ni Saul, “Ibibigay ko si Mical[b] sa kanya upang siya'y maging bitag sa kanya, at upang ang kamay ng mga Filisteo ay maging laban sa kanya.” Kaya't muling sinabi ni Saul kay David, “Ikaw ay magiging manugang ko sa araw na ito.”

22 At iniutos ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Makipag-usap kayo nang lihim kay David, at inyong sabihin, ‘Kinalulugdan ka ng hari at minamahal ka ng lahat ng kanyang mga lingkod; ngayon nga ay maging manugang ka ng hari.’”

23 Kaya't sinabi ng mga lingkod ni Saul ang mga salitang iyon sa pandinig ni David. At sinabi ni David, “Akala ba ninyo ay maliit na bagay ang maging manugang ng hari, gayong ako'y isang taong dukha at walang karangalan?”

24 Sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, “Gayon ang sinabi ni David.”

25 At sinabi ni Saul, “Ganito ang inyong sasabihin kay David, ‘Ang hari ay hindi naghahangad ng anumang kaloob sa kasal maliban sa isandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo, upang mapaghigantihan ang mga kaaway ng hari.’” Ang balak ni Saul ay maibagsak si David sa pamamagitan ng kamay ng mga Filisteo.

26 Nang sabihin ng kanyang mga lingkod kay David ang mga salitang ito, ay ikinalugod na mabuti ni David na maging manugang siya ng hari. Bago pa natapos ang panahon,

27 si David ay tumindig at umalis na kasama ng kanyang mga tauhan, at pumatay sa mga Filisteo ng dalawandaang lalaki. Dinala ni David ang kanilang mga balat na pinagtulian at kanyang ibinigay ang buong bilang sa hari, upang siya'y maging manugang ng hari. At ibinigay sa kanya ni Saul si Mical na kanyang anak na babae upang maging kanyang asawa.

28 Subalit nang nakita at nalaman ni Saul na ang Panginoon ay kasama ni David at minamahal si David ni Mical na anak ni Saul,

29 ay lalong natakot si Saul kay David. Kaya't patuloy na naging kaaway ni David si Saul.

30 Pagkatapos ay lumabas ang mga pinuno ng mga Filisteo upang makipaglaban, at tuwing sila'y lalabas, si David ay laging nagtatagumpay kaysa lahat ng mga lingkod ni Saul; kaya't ang kanyang pangalan ay lalong iginalang.

Si David ay Tinugis ni Saul

19 Sinabi ni Saul kay Jonathan na kanyang anak at sa lahat ng kanyang mga lingkod na dapat nilang patayin si David. Ngunit si Jonathan na anak ni Saul ay lubos na nalulugod kay David.

Kaya't sinabi ni Jonathan kay David, “Pinagsisikapan kang patayin ni Saul na aking ama. Kaya't maging maingat ka sa kinaumagahan, manatili ka sa isang lihim na lugar at magtago ka.

Ako'y lalabas at tatabi sa aking ama sa parang na iyong kinaroroonan, at ako'y makikipag-usap sa aking ama tungkol sa iyo; at kung may malaman akong anuman ay aking sasabihin sa iyo.”

At si Jonathan ay nagsalita nang mabuti tungkol kay David kay Saul na kanyang ama, at sinabi sa kanya, “Huwag nawang magkasala ang hari laban sa kanyang lingkod na si David sapagkat hindi siya nagkasala laban sa iyo at ang kanyang mga gawa ay mabuting paglilingkod sa iyo.

Inilagay niya ang kanyang buhay sa kanyang kamay at pinatay niya ang Filisteo, at gumawa ang Panginoon ng dakilang pagtatagumpay para sa buong Israel. Nakita mo ito at nagalak ka; bakit magkakasala ka laban sa walang salang dugo sa pamamagitan ng pagpatay kay David na walang anumang kadahilanan?”

At pinakinggan ni Saul ang tinig ni Jonathan. Sumumpa si Saul, “Habang buháy ang Panginoon, siya'y hindi papatayin.”

Kaya't tinawag ni Jonathan si David at sinabi ni Jonathan sa kanya ang lahat ng mga bagay na iyon. Dinala ni Jonathan si David kay Saul at siya'y naging kasama niya[c] na gaya ng dati.

Muling nagkaroon ng digmaan. Lumabas si David at nakipaglaban sa mga Filisteo, at napakarami ang kanyang napatay sa kanila at sila'y tumakas sa kanya.

Pagkatapos, isang masamang espiritu mula sa Panginoon ang dumating kay Saul, habang nakaupo sa kanyang bahay na hawak ang sibat at tumutugtog si David ng alpa.

10 Pinagsikapan ni Saul na tuhugin ng sibat si David sa dingding; ngunit siya'y nakailag sa harap ni Saul at ang tinamaan ng sibat ay ang dingding. Tumakbo si David at tumakas nang gabing iyon.

11 Nagpadala(D) si Saul ng mga sugo sa bahay ni David upang siya'y matyagan, upang siya'y patayin sa kinaumagahan. Subalit sinabi kay David ng kanyang asawang si Mical, “Kapag hindi mo iniligtas ang iyong buhay ngayong gabi, bukas ay mapapatay ka.”

12 Kaya inihugos ni Mical si David sa isang bintana, at siya'y tumakbong palayo at tumakas.

13 Kumuha si Mical ng isang imahen at inihiga sa higaan at nilagyan sa ulunan ng isang unan na buhok ng kambing, at tinakpan iyon ng mga damit.

14 Nang magsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David, kanyang sinabi, “Siya'y may sakit.”

15 Nagpasugo si Saul upang tingnan si David, na sinasabi, “Ipanhik ninyo siya sa akin na nasa kanyang higaan upang aking patayin siya.”

16 Nang pumasok ang mga sugo, nakita nila ang imahen ay nasa higaan na may unan na buhok ng kambing sa ulunan nito.

17 Kaya't sinabi ni Saul kay Mical, “Bakit mo ako dinaya ng ganito, at iyong pinaalis ang aking kaaway, kaya't siya'y nakatakas?” At sumagot si Mical kay Saul, “Sinabi niya sa akin, ‘Hayaan mo akong umalis; bakit kita papatayin?’”

18 Si David ay umalis at nakatakas, at siya'y pumunta kay Samuel sa Rama, at sinabi sa kanya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kanya. Siya at si Samuel ay humayo at nanirahan sa Najot.

19 At ibinalita kay Saul, “Si David ay nasa Najot sa Rama.”

20 Kaya't nagpadala si Saul ng mga sugo upang dakpin si David. Nang kanilang makita ang pulutong ng mga propeta na nagsasalita ng propesiya, at si Samuel na tumatayong puno nila, ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa mga sugo ni Saul, at sila man ay nagsalita rin ng propesiya.

21 Nang ito ay ibalita kay Saul, siya'y nagpadala ng ibang mga sugo at sila man ay nagsalita rin ng propesiya. At si Saul ay muling nagsugo sa ikatlong pagkakataon at sila man ay nagsalita rin ng propesiya.

22 Nang magkagayo'y pumunta rin siya sa Rama at dumating sa malaking balon na nasa Secu. At siya'y nagtanong, “Saan naroon sina Samuel at David?” At sinabi ng isa, “Sila'y nasa Najot sa Rama.”

23 Mula roo'y pumunta siya sa Najot sa Rama; at ang Espiritu ng Diyos ay dumating din sa kanya, at habang siya'y humahayo ay nagsasalita siya ng propesiya hanggang sa siya'y dumating sa Najot sa Rama.

24 Naghubad(E) din siya ng kanyang mga kasuotan at siya man ay nagsalita rin ng propesiya sa harap ni Samuel, at siya'y nahigang hubad sa buong maghapon at magdamag. Kaya't sinasabi, “Pati ba si Saul ay isa na rin sa mga propeta?”

Tinulungan ni Jonathan si David

20 Si David ay tumakas mula sa Najot na nasa Rama. Siya'y dumating doon at sinabi niya kay Jonathan, “Ano bang aking nagawa? Ano ang aking pagkakasala? At ano ang aking kasalanan sa harap ng iyong ama, upang kanyang pagtangkaan ang aking buhay?”

At sinabi niya sa kanya, “Malayong mangyari iyon! Hindi ka mamamatay. Ang aking ama ay hindi gumagawa ng anumang bagay na malaki o maliit na hindi niya ipinaaalam sa akin; at bakit ililihim sa akin ng aking ama ang bagay na ito? Hindi gayon.”

Subalit sumagot muli si David, “Nalalaman ng iyong ama na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at kanyang iniisip, ‘Huwag itong ipaalam kay Jonathan, baka siya'y maghinagpis.’ Ngunit sa katotohanan, habang buháy ang Panginoon, at buháy ka, iisang hakbang ang nasa pagitan ko at sa kamatayan.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan kay David, “Anumang nais ng iyong kaluluwa ay gagawin ko para sa iyo.”

Kaya't(F) sinabi ni David kay Jonathan, “Bukas ay bagong buwan, at hindi maaaring hindi ko saluhan sa pagkain ang hari; ngunit bayaan mo akong umalis upang makapagtago sa parang hanggang sa ikatlong araw sa paglubog ng araw.

Kapag ako'y hinanap ng iyong ama, iyo ngang sabihing, ‘Nakiusap sa akin si David na siya'y papuntahin sa Bethlehem na kanyang bayan, sapagkat doon ay mayroong taunang paghahandog para sa buong angkan.’

Kung kanyang sabihing, ‘Mabuti!’ ang iyong lingkod ay matitiwasay; ngunit kung siya'y magalit, tandaan mo na ang kasamaan ay ipinasiya na niya.

Kaya't gawan mo ng mabuti ang iyong lingkod sapagkat dinala mo ang iyong lingkod sa isang banal na pakikipagtipan sa iyo. Ngunit kung mayroon akong pagkakasala ay ikaw mismo ang pumatay sa akin, sapagkat bakit mo pa ako dadalhin sa iyong ama?”

At sinabi ni Jonathan, “Malayong mangyari iyon. Kung alam ko na ipinasiya ng aking ama na ang kasamaan ay sumapit sa iyo, hindi ko ba sasabihin sa iyo?”

10 Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Jonathan, “Sino ang magsasabi sa akin kung ang iyong ama ay sumagot sa iyo nang may galit?”

11 At sinabi ni Jonathan kay David, “Halika, tayo'y lumabas sa parang.” At sila'y kapwa lumabas sa parang.

12 Sinabi ni Jonathan kay David, “Sa pamamagitan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel! Kapag natunugan ko na ang aking ama, sa mga oras na ito, bukas, o sa ikatlong araw, kapag mabuti na ang kalooban niya kay David, hindi ko ba ipapaabot at ipapaalam sa iyo?

13 Ngunit kung gusto ng aking ama na gawan ka ng masama, ay gawin ng Panginoon kay Jonathan at higit pa, kapag hindi ko ipaalam sa iyo at paalisin ka, upang ligtas kang makaalis. Ang Panginoon nawa ay sumama sa iyo gaya ng pagiging kasama siya ng aking ama.

14 Kung ako'y buháy pa, ipakita mo sa akin ang tapat na pag-ibig ng Panginoon, ngunit kung ako'y mamatay;

15 huwag(G) mong puputulin ang iyong kagandahang-loob sa aking sambahayan, kahit ginantihan na ng Panginoon ang lahat ng mga kaaway ni David sa balat ng lupa.”

16 Sa gayo'y nakipagtipan si Jonathan sa sambahayan ni David, na sinasabi, “Gantihan nawa ng Panginoon ang mga kaaway ni David.”

17 Muling pinasumpa ni Jonathan si David ng pagmamahal niya sa kanya; sapagkat kanyang minamahal siya na gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sariling buhay.[d]

18 Pagkatapos ay sinabi ni Jonathan sa kanya, “Bukas ay bagong buwan, at ikaw ay hahanapin sapagkat walang uupo sa iyong upuan.

19 Sa ikatlong araw ay bumaba ka agad at pumunta ka sa lugar na iyong pinagtaguan nang araw na pag-usapan ito, at ikaw ay maghihintay sa tabi ng batong Ezel.

20 Ako'y papana ng tatlong palaso sa tabi niyon na parang ako'y may pinatatamaan.

21 Pagkatapos, aking susuguin ang bata na sinasabi, ‘Hanapin mo ang mga palaso.’ Kung aking sabihin sa bata, ‘Tingnan mo, ang mga palaso ay narito sa dako mo rito, kunin ang mga iyon,’ kung gayon ay pumarito ka, sapagkat habang buháy ang Panginoon, ligtas para sa iyo at walang panganib.

22 Ngunit kapag aking sabihin sa bata, ‘Tingnan mo, ang mga palaso ay nasa kabila mo pa roon,’ ay umalis ka na, sapagkat pinaaalis ka ng Panginoon.

23 Tungkol sa bagay na ating pinag-usapan, ang Panginoon ay nasa pagitan natin magpakailanman.”

24 Kaya't nagkubli si David sa parang. Nang dumating ang bagong buwan, ang hari ay umupo upang kumain.

25 Umupo ang hari sa kanyang upuan gaya nang kinaugalian niya, sa upuang nasa tabi ng dingding. Umupo sa tapat si Jonathan, samantalang nakaupo si Abner sa tabi ni Saul, ngunit sa upuan ni David ay walang nakaupo.

26 Gayunma'y hindi nagsalita si Saul ng anuman sa araw na iyon, sapagkat kanyang iniisip, “May nangyari sa kanya, siya'y hindi malinis; tunay na siya'y hindi malinis.”

27 Subalit nang ikalawang araw, kinabukasan pagkaraan ng bagong buwan, sa upuan ni David ay walang nakaupo. Sinabi ni Saul kay Jonathan na kanyang anak, “Bakit wala pa ang anak ni Jesse upang kumain, kahit kahapon, o ngayon?”

28 Sumagot si Jonathan kay Saul, “Nakiusap si David na hayaan ko siyang pumunta sa Bethlehem;

29 kanyang sinabi, ‘Nakikiusap ako sa iyo na hayaan mo akong umalis sapagkat ang aming angkan ay may paghahandog sa bayan at iniutos sa akin ng aking kapatid na pumunta roon. Ngayon, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, hayaan mo akong umalis at makita ko ang aking mga kapatid.’ Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nakarating sa hapag ng hari.”

30 Nang magkagayo'y nag-init ang galit ni Saul laban kay Jonathan, at sinabi niya sa kanya, “Ikaw na anak ng isang masama at mapaghimagsik na babae! Hindi ko ba alam na iyong pinili ang anak ni Jesse sa ikahihiya mo, at sa ikahihiya ng kahubaran ng iyong ina?

31 Sapagkat habang nabubuhay ang anak ni Jesse sa ibabaw ng lupa, ikaw ni ang iyong kaharian ay hindi mapapanatag. Kaya't ngayo'y ipasundo mo at dalhin siya sa akin, sapagkat siya'y tiyak na mamamatay.”

32 At sumagot si Jonathan kay Saul na kanyang ama, “Bakit kailangang siya'y patayin? Anong kanyang ginawa?”

33 Ngunit siya ay sinibat ni Saul upang patayin siya; kaya't nalaman ni Jonathan na ipinasiya ng kanyang ama na patayin si David.

34 Kaya't galit na galit na tumindig si Jonathan sa hapag at hindi kumain nang ikalawang araw ng buwan sapagkat siya'y nagdalamhati para kay David, yamang hiniya siya ng kanyang ama.

35 Kinaumagahan, si Jonathan ay pumunta sa parang ayon sa napag-usapan nila ni David, at kasama niya ang isang munting bata.

36 Sinabi niya sa bata, “Takbo, hanapin mo ang mga palaso na aking ipinana.” Habang tumatakbo ang bata, kanyang ipinana ang palaso sa unahan niya.

37 Nang dumating ang bata sa lugar ng palaso na ipinana ni Jonathan, tinawagan ni Jonathan ang bata, at sinabi, “Hindi ba ang palaso ay nasa unahan mo?”

38 At tinawagan ni Jonathan ang bata, “Bilis, magmadali ka, huwag kang tumigil.” Kaya't pinulot ng batang kasama ni Jonathan ang mga palaso, at pumunta sa kanyang panginoon.

39 Ngunit walang nalalamang anuman ang bata. Sina Jonathan at David lamang ang nakakaalam ng tungkol sa kasunduan.

40 Ibinigay ni Jonathan ang kanyang sandata sa bata at sinabi sa kanya, “Umalis ka na at dalhin mo ang mga ito sa lunsod.”

41 Pagkaalis ng bata, si David ay tumindig mula sa tabi ng bato[e] at sumubsob sa lupa, at yumukod ng tatlong ulit. Hinalikan nila ang isa't isa, kapwa umiyak ngunit si David ay umiyak nang labis.

42 At sinabi ni Jonathan kay David, “Umalis kang payapa, yamang tayo'y kapwa sumumpa sa pangalan ng Panginoon na nagsasabi, ‘Ang Panginoon ay lalagay sa pagitan natin, at sa pagitan ng aking mga anak at ng iyong mga anak, magpakailanman.’” At siya'y tumayo at umalis; at pumasok si Jonathan sa lunsod.[f]

Tumakas si David kay Saul

21 Nang(H) magkagayo'y pumunta si David sa Nob kay Ahimelec na pari. Nanginginig na sinalubong ni Ahimelec si David at itinanong sa kanya, “Bakit ka nag-iisa, at wala kang kasama?”

At sinabi ni David kay Ahimelec na pari, “Inatasan ako ng hari ng isang bagay, at sinabi sa akin, ‘Huwag ipaalam sa sinuman ang bagay na aking isinusugo sa iyo, at ang aking ibinilin sa iyo. Mayroon akong pakikipagtagpo sa mga kabataang lalaki sa gayo't gayong dako.’

Ngayon, anong mayroon ka sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang tinapay o anumang mayroon dito.”

At sumagot ang pari kay David, “Wala akong karaniwang tinapay dito, ngunit mayroong banal na tinapay—malibang inilayo ng mga kabataang lalaki ang kanilang sarili sa mga babae.”

Sumagot si David sa pari, “Sa katotohanan, ang mga babae ay laging inilalayo sa amin kapag mayroon kaming lakad. Ang mga sisidlan ng mga kabataan ay banal, bagaman isang karaniwang paglalakbay; gaano pa kaya kabanal ngayon ang kanilang mga sisidlan?”

Kaya't(I) binigyan siya ng pari ng banal na tinapay. Walang tinapay roon maliban sa tinapay na handog na kinuha sa harap ng Panginoon, na papalitan ng mainit na tinapay sa araw na iyon ay kunin.

Noon ay may isang lalaki sa mga lingkod ni Saul na naroon nang araw na iyon na nakabilanggo sa Panginoon. Ang pangalan niya ay Doeg na Edomita, ang pinuno ng mga pastol ni Saul.

At sinabi ni David kay Ahimelec, “Wala ka ba ritong sibat o tabak? Hindi ko nadala kahit ang aking tabak o ang aking mga sandata man, dahil sa ang bilin ng hari ay madalian.”

Sinabi(J) ng pari, “Ang tabak ni Goliat na Filisteo na iyong pinatay sa libis ng Ela, ay nakabalot sa isang tela na nasa likod ng efod. Kung iyong kukunin iyon ay kunin mo, sapagkat walang iba rito liban doon.” At sinabi ni David, “Walang ibang gaya niyon. Ibigay mo sa akin.”

10 Tumindig si David at tumakas kay Saul nang araw na iyon at pumunta kay Achis na hari ng Gat.

11 At(K) sinabi ng mga lingkod ni Achis sa kanya, “Hindi ba ito'y si David na hari sa lupain? Hindi ba't nag-aawitan sila sa isa't isa tungkol sa kanya sa mga sayaw, na sinasabi,

‘Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
    at ni David ang kanyang laksa-laksa’?”

12 Iningatan(L) ni David ang mga salitang ito sa kanyang puso at siya'y naging takot na takot kay Achis na hari ng Gat.

13 Kaya't(M) kanyang binago ang kanyang kilos sa harap nila, at nagkunwaring baliw sa harapan nila. Gumawa siya ng mga guhit sa mga pinto ng tarangkahan, at pinatulo ang laway sa kanyang balbas.

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Achis sa kanyang mga lingkod, “Tingnan ninyo, ang lalaki ay baliw. Bakit ninyo siya dinala sa akin?

15 Kulang ba ako ng mga taong ulol, na inyong dinala ang taong ito upang maglaro ng kabaliwan sa aking harapan? Papasok ba ang taong ito sa aking bahay?”

Pinatay ang mga Pari sa Nob

22 Umalis(N) si David doon at tumakas patungo sa yungib ng Adullam. Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kapatid at ng sambahayan ng kanyang ama, kanilang pinuntahan siya roon.

Bawat nagdadalamhati, bawat may utang, at bawat hindi nasisiyahan ay nagtipun-tipon sa kanya, at siya'y naging punong-kawal nila. At nagkaroon siya ng may apatnaraang tauhan.

Mula roon ay pumunta si David sa Mizpa ng Moab, at kanyang sinabi sa hari ng Moab: “Hinihiling ko sa iyo na ang aking ama at ina ay makalabas, at makipanirahan sa inyo, hanggang sa malaman ko kung ano ang gagawin ng Diyos para sa akin.”

At kanyang iniwan sila sa hari ng Moab at sila'y nanirahang kasama niya sa buong panahon na si David ay nasa muog.

Sinabi ni propeta Gad kay David, “Huwag kang manirahan sa muog; umalis ka at pumasok sa lupain ng Juda.” Nang magkagayo'y umalis si David at pumunta sa gubat ng Heret.

Nabalitaan ni Saul na si David at ang mga lalaking kasama niya ay natagpuan na. Si Saul ay nakaupo sa Gibea sa ilalim ng punong tamarisko sa Rama na hawak ang sibat sa kanyang kamay, at ang lahat ng kanyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot niya.

At sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya, “Pakinggan ninyo ngayon, mga Benjaminita. Mabibigyan ba ng anak ni Jesse ang bawat isa sa inyo ng mga bukirin at mga ubasan? Kayo bang lahat ay gagawin niyang mga punong-kawal ng libu-libo at mga punong-kawal ng daan-daan;

upang kayong lahat ay magsabwatan laban sa akin? Walang nagsabi sa akin nang makipagtipan ang aking anak sa anak ni Jesse. Walang sinuman sa inyo na nagdamdam dahil sa akin, o nagsabi sa akin na hinikayat ng aking anak ang aking lingkod laban sa akin upang mag-abang, gaya sa araw na ito.”

Nang(O) magkagayo'y sumagot si Doeg na Edomita na nakatayo sa tabi ng mga lingkod ni Saul, “Nakita ko ang anak ni Jesse na dumating sa Nob, kay Ahimelec na anak ni Ahitub.

10 At kanyang isinangguni siya sa Panginoon, at binigyan siya ng mga pagkain, at ibinigay sa kanya ang tabak ni Goliat na Filisteo.”

11 Nang magkagayo'y ipinatawag ng hari si Ahimelec na pari na anak ni Ahitub, at ang buong sambahayan ng kanyang ama, na mga paring Nob, at sila'y pumuntang lahat sa hari.

12 Sinabi ni Saul, “Makinig ka ngayon, ikaw na anak ni Ahitub.” At siya'y sumagot, “Narito ako, panginoon ko.”

13 At sinabi ni Saul sa kanya, “Bakit kayo ay nagsabwatan laban sa akin, ikaw, at ang anak ni Jesse, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng tinapay at tabak, at isinangguni siya sa Diyos upang siya'y mag-alsa laban sa akin at ako'y tambangan gaya sa araw na ito?”

14 Nang magkagayo'y sumagot si Ahimelec sa hari at nagsabi, “Sino sa lahat ng iyong mga lingkod ang tapat na gaya ni David, na manugang ng hari, at pinuno ng iyong mga kawal at iginagalang sa iyong bahay?

15 Ngayon ba ang unang pagkakataon na ako'y sumangguni sa Diyos para sa kanya? Hindi! Huwag nawang ibintang ng hari ang anumang bagay sa kanyang lingkod, o sa buong sambahayan man ng aking ama; sapagkat walang nalalamang bagay ang iyong lingkod tungkol sa lahat ng ito, munti man o malaki.”

16 Sinabi ng hari, “Ikaw ay tiyak na mamamatay, Ahimelec, ikaw at ang buong sambahayan ng iyong ama.”

17 Sinabi ng hari sa bantay na nakatayo sa palibot niya, “Harapin ninyo at patayin ang mga pari ng Panginoon, sapagkat sila man ay panig din kay David.[g] Alam nila na siya'y tumakas, at hindi nila ipinaalam sa akin.” Ngunit ayaw itaas ng mga lingkod ng hari ang kanilang kamay upang patayin ang mga pari ng Panginoon.

18 At sinabi ng hari kay Doeg, “Harapin mo at iyong patayin ang mga pari.” Hinarap ni Doeg na Edomita at kanyang pinatay ang mga pari, at ang kanyang pinatay nang araw na iyon ay walumpu't limang lalaki na nagsusuot ng efod na lino.

19 At kanyang pinatay ng tabak ang taga-Nob, ang lunsod ng mga pari, ang mga lalaki at ang mga babae, mga bata, mga pasusuhin, mga baka, asno, at mga tupa.

20 Subalit isa sa mga anak ni Ahimelec na anak ni Ahitub, na ang pangalan ay Abiatar ang nakatakas at tumakbong patungo kay David.

21 At sinabi ni Abiatar kay David na pinatay ni Saul ang mga pari ng Panginoon.

22 Sinabi ni David kay Abiatar, “Nalalaman ko na nang araw na iyon na si Doeg na Edomita ay naroon, at kanyang tiyak na sasabihin kay Saul. Ako ang naging kadahilanan ng kamatayan ng lahat ng mga tao sa sambahayan ng iyong ama.

23 Dito ka sa akin, huwag kang matakot; sapagkat siya na tumutugis sa aking buhay ay tumutugis sa iyong buhay; ligtas ka sa piling ko.”

Iniligtas ni David ang Bayan ng Keila

23 At kanilang sinabi kay David, “Sinalakay ng mga Filisteo ang Keila, at kanilang ninanakawan ang mga giikan.”

Kaya't sumangguni si David sa Panginoon, na nagsasabi, “Lalakad ba ako at aking sasalakayin ang mga Filisteong ito?” At sinabi ng Panginoon kay David, “Lumakad ka at iyong salakayin ang mga Filisteo at iligtas mo ang Keila.”

Ngunit sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Tingnan ninyo, tayo'y natatakot dito sa Juda; gaano pa nga kaya kung tayo ay pupunta sa Keila laban sa mga hukbo ng mga Filisteo?”

Kaya't sumangguning muli si David sa Panginoon. At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Oo, lumusong ka sa Keila; sapagkat aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.”

Kaya't si David at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Keila, nilabanan ang mga Filisteo, tinangay ang kanilang kawan, at ipinaranas sa kanila ang isang napakalaking pagkatalo. Gayon iniligtas ni David ang mga mamamayan sa Keila.

Nang tumakas si Abiatar na anak ni Ahimelec patungo kay David sa Keila, siya'y lumusong na may isang efod sa kanyang kamay.

Footnotes

  1. 1 Samuel 16:6 o binuhusan ng langis .
  2. 1 Samuel 18:21 Sa Hebreo ay siya .
  3. 1 Samuel 19:7 Sa Hebreo ay nasa kanyang harapan .
  4. 1 Samuel 20:17 Sa Hebreo ay kaluluwa .
  5. 1 Samuel 20:41 Sa Hebreo ay mula sa tabi ng timog .
  6. 1 Samuel 20:42 Ang pangungusap na ito ay 21:1 sa Hebreo.
  7. 1 Samuel 22:17 Sa Hebreo ay ang kanila ring kamay ay na kay David .