Add parallel Print Page Options

Ang Halimbawa ni Jesus

12 Kaya't yamang napapalibutan tayo ng gayong kakapal na bilang ng mga saksi, itabi natin ang bawat pabigat at ang pagkakasalang madaling bumibitag sa atin, at tumakbo tayong may pagtitiis sa takbuhing inilagay sa harapan natin.

Pagmasdan natin si Jesus na siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya, na dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, hindi inalintana ang kahihiyan, at siya'y umupo sa kanan ng trono ng Diyos.

Isaalang-alang ninyo siya na nagtiis ng gayong pagsalungat ng mga makasalanan laban sa kanyang sarili, upang kayo'y huwag manghina o manlupaypay.

Sa inyong pakikipaglaban sa kasalanan, hindi pa kayo humantong sa pagdanak ng inyong dugo.

At(A) nakalimutan na ninyo ang pangaral na sinasabi niya sa inyo bilang mga anak,

“Anak ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang disiplina ng Panginoon;
    huwag kang manlupaypay kung ikaw ay sinasaway niya;
sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang kanyang minamahal,
    at pinarurusahan ang bawat itinuturing na anak.”

Magtiis kayo alang-alang sa disiplina. Kayo ay pinapakitunguhan ng Diyos bilang mga anak, sapagkat ano ngang anak ang hindi dinidisiplina ng ama?

Ngunit kung kayo ay hindi dinidisiplina, na siyang naranasan ng lahat, kung gayon kayo'y mga anak sa labas, at hindi mga tunay na anak.

Bukod dito, tayo'y nagkaroon ng mga ama sa laman upang tayo'y disiplinahin, at sila'y ating iginagalang. Hindi ba dapat na tayo'y lalong pasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo'y mabuhay?

10 Sapagkat tayo'y kanilang dinidisiplina nang maikling panahon ayon sa kanilang minamabuti, ngunit dinidisiplina niya tayo alang-alang sa ikabubuti natin, upang tayo'y makabahagi sa kanyang kabanalan.

11 Subalit ang lahat ng disiplina sa kasalukuyan ay tila hindi kanais-nais kundi masakit, subalit sa hinaharap ay magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran sa mga nasanay sa pamamagitan nito.

Mga Tagubilin at mga Babala

12 Kaya't(B) itaas ninyo ang mga kamay na nanghihina at muling palakasin ang mga tuhod na nanlulupaypay,

13 at(C) gumawa kayo ng matuwid na landas para sa inyong mga paa, upang huwag malinsad ang pilay, kundi bagkus ay gumaling.

14 Pagsikapan ninyong magkaroon ng kapayapaan sa lahat at ng kabanalan na kung wala nito'y walang sinumang makakakita sa Panginoon.

15 Pakaingatan(D) ninyo na baka ang sinuma'y mahulog mula sa biyaya ng Diyos; baka may ilang ugat ng kapaitan ang sumibol at bumagabag sa inyo at mahawa nito ang marami.

16 Tiyakin(E) ninyong walang sinuman sa inyo na maging gaya ni Esau na mapakiapid, o lapastangan, na kapalit ng isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kanyang sariling pagkapanganay.

17 Nalalaman(F) ninyo na pagkatapos, nang nais niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakuwil sapagkat wala na siyang natagpuang pagkakataon upang magsisi, bagama't pinagsikapan niya iyon na may pagluha.

18 Sapagkat(G) hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahihipo, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos,

19 sa tunog ng trumpeta, at sa tunog ng mga salita na ang nakarinig ay nakiusap na huwag nang magsalita pa sa kanila ng anuman.

20 Sapagkat(H) hindi nila matiis ang iniuutos na, “Maging isang hayop man ang tumuntong sa bundok ay pagbababatuhin.”

21 At(I) kakilakilabot ang nakikita kaya't sinabi ni Moises, “Ako'y natatakot at nanginginig.”

22 Subalit kayo'y lumapit sa Bundok ng Zion, at sa lunsod ng Diyos na buháy, sa makalangit na Jerusalem, at sa mga di-mabilang na mga anghel, sa isang masayang pagtitipon,

23 at sa kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at sa Diyos na Hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinasakdal,

24 at(J) kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng lalong mabuti kaysa dugo ni Abel.

25 Pag-ingatan(K) ninyong huwag itakuwil ang nagsasalita; sapagkat kung hindi nakatakas ang mga nagtakuwil sa nagbabala sa kanila sa lupa, lalo pa tayo kung tatalikuran natin ang nagbabala buhat sa langit!

26 Sa(L) pagkakataong iyon niyanig ng kanyang tinig ang lupa. Subalit ngayo'y nangako siya na sinasabi, “Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ang langit.”

27 Ngayon ang salitang, “Minsan pa,” ay nagpapahiwatig ng pag-aalis ng mga bagay na niyanig, gaya ng mga bagay na ginawa, upang manatili ang mga bagay na hindi nayayanig.

28 Kaya't yamang tinanggap natin ang isang kahariang hindi mayayanig, magkaroon tayo ng biyaya na sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayo sa Diyos ng kalugud-lugod na paglilingkod, na may paggalang at takot,

29 sapagkat(M) ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.

Ang Pagdisiplina ng Panginoon

12 Kaya nga, dahil napapalibutan tayo ng ganoon karaming mga saksi, iwaksi natin ang bawat bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanang mahigpit na pumipigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiyaga ang takbuhing inilagay sa ating harapan. Ituon natin kay Jesus ang ating paningin, sa kanya na nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, ipinagwalang-bahala niya ang kahihiyan nito, at ngayo’y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos. Pag-ukulan ninyo ng pansin si Jesus na nagtiis ng ganoong matinding poot mula sa mga makasalanan, upang kayo'y huwag manghina o manlupaypay.

Hindi pa umaabot sa pagdanak ng inyong dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. Nakalimutan (A) na ninyo ang salitang nagpapalakas ng loob sa inyo bilang mga anak,

“Anak ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang pagtutuwid ng Panginoon;
    huwag manghina ang iyong loob kung ikaw ay kanyang sinasaway;
sapagkat ang minamahal ng Panginoon ay kanyang itinutuwid,
    at ang bawat itinuturing na anak ay hinahagupit.”

Magtiis kayo alang-alang sa pagtutuwid. Mga anak ang turing sa inyo ng Diyos; mayroon bang anak na hindi dinidisiplina ng kanyang ama? Kung hindi kayo dinidisiplina, at lahat naman ay dinidisiplina, kayo'y mga anak sa labas, at hindi tunay na mga anak. Bukod dito, tayo bilang tao ay mayroong mga magulang na dumidisiplina sa atin, at sila'y ating iginagalang. Hindi ba dapat na tayo'y lalong pasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo'y mabuhay? 10 Dinidisiplina tayo ng ating mga magulang sa maikling panahon ayon sa kung ano ang sa tingin nila ay mabuti sa atin. Gayundin naman, dinidisiplina tayo ng Diyos para sa ikabubuti natin, upang tayo'y maging banal ding katulad niya. 11 Lahat ng disiplina habang dinaranas ay tila hindi kanais-nais kundi masakit; subalit pagkatapos, ito ay magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran sa mga sinanay dito.

12 Kaya't (B) itaas ninyo ang mga kamay ninyong nanghihina at patataging muli ang mga tuhod ninyong nanlulupaypay. 13 Tuwirin (C) ninyo ang landas na inyong lalakaran, upang huwag malinsad ang pilay, sa halip ay gumaling.

Babala laban sa Pagtanggi sa Biyaya ng Diyos

14 Pagsikapan ninyong mamuhay na may kapayapaan sa lahat ng tao; sikapin din ninyong mamuhay na may kabanalan, sapagkat kung wala nito'y walang sinumang makakakita sa Panginoon. 15 Tiyakin (D) ninyo na walang sinuman ang mahulog mula sa biyaya ng Diyos; pagsikapan ninyong walang sumibol na ugat ng kapaitan at baka mahawa rito ang marami. 16 Tiyakin (E) ninyong walang sinuman sa inyo ang maging mapakiapid at walang galang sa Diyos katulad ni Esau. Sa isang pinggang pagkain ay ipinagbili niya ang kanyang karapatan bilang panganay. 17 Alam (F) ninyo na pagkatapos ng mga ito, nang nais niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakwil sapagkat wala na siyang pagkakataon upang magsisi, bagama't lumuluha pa niyang pinagsikapang makakuha ng pagpapala.

18 Sapagkat (G) hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahahawakan, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos, 19 sa tunog ng trumpeta, at sa tinig na ang mga nakarinig ay nakiusap na huwag na itong magsalita pa ng anuman sa kanila. 20 Sapagkat (H) hindi nila makayanan ang ipinag-utos: “Kahit na hayop na tumuntong sa bundok ay babatuhin hanggang mamatay.” 21 Nakasisindak (I) ang tanawin kaya’t sinabi ni Moises, “Nanginginig ako sa takot!” 22 Sa halip, ang nilapitan ninyo'y ang Bundok ng Zion, ang lungsod ng buháy na Diyos, ang makalangit na Jerusalem, ang masayang pagtitipon ng di-mabilang na mga anghel, 23 ang kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at ang Diyos na Hukom ng lahat, at ang mga espiritu ng mga matuwid na ginawang sakdal. 24 Lumapit (J) na rin kayo kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng mas mabuting bagay kaysa sinasabi ng dugo ni Abel.

25 Pag-ingatan (K) ninyong huwag itakwil ang nagsasalita; sapagkat kung hindi nakatakas ang mga nagtakwil sa nagbabala sa kanila dito sa lupa, lalo pa tayo kung tatalikuran natin ang nagbabala buhat sa langit! 26 Sa (L) panahong iyon ay niyanig ng kanyang tinig ang lupa. Subalit ngayo'y ganito ang pangako niya, “Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ang langit.” 27 Ang salitang, “Minsan pa,” ay nagpapahiwatig ng pag-aalis ng mga bagay na niyanig, samakatuwid ay ang mga bagay na nilikha, upang manatili ang mga bagay na hindi nayayanig. 28 Kaya't yamang isang kahariang hindi mayayanig ang tinatanggap natin, magpasalamat tayo sa Diyos at mag-alay sa kanya ng kalugud-lugod na pagsamba, kalakip ang paggalang at pagkamangha, 29 sapagkat (M) ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.