Add parallel Print Page Options

34 Ngunit tumayo ang isa sa kanila na ang pangalan ay Gamaliel, isang Pariseong guro ng Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol, 35 at pagkatapos ay nagsalita, “Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin ninyo sa mga taong ito. 36 Hindi pa nagtatagal mula nang lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay ang kanyang mga tauhan at nauwi sa wala ang kanilang kilusan. 37 Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala ng mga mamamayan, at nakaakit din ito ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkawatak-watak din ang mga tagasunod niya. 38 Kaya't ganito ang payo ko: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang plano o kilusan ay mula sa tao, ito'y kusang maglalaho. 39 Ngunit(A) kung ito'y mula sa Diyos, hindi ninyo ito mahahadlangan, at lilitaw pang kayo'y lumalaban sa Diyos!”

Sinunod nga nila ang payo ni Gamaliel.

Read full chapter

34 Ngunit tumindig ang isang kaanib ng Sanhedrin, isang Fariseo na ang pangalan ay Gamaliel. Siya'y isang dalubhasa sa Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas sandali ang mga apostol. 35 Sinabi niya sa kanila, “Mga kababayan kong Israelita, huwag kayong padalus-dalos sa inyong gagawin sa mga taong ito. 36 Sapagkat kailan lang ay lumitaw si Teudas, na nagpakilalang siya'y magaling. Sumama sa kanya ang may apatnaraang tao, ngunit nang siya'y mapatay, lahat ng sumunod sa kanya ay nagkawatak-watak at sila'y walang kinahinatnan. 37 Pagkatapos ay lumitaw naman si Judas na taga-Galilea nang panahon ng pagpapatala, at nakaakit din siya ng mga tagasunod. Ngunit siya man ay napahamak at ang lahat ng sumunod sa kanya'y nagkahiwa-hiwalay. 38 Kaya't pinapayuhan ko kayo ngayong huwag gumawa ng anumang laban sa mga taong ito. Hayaan ninyo sila. Sapagkat kung ang balak nila, o ang gawa nilang ito ay mula sa tao, ito'y hindi magtatagumpay. 39 Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila kayang pabagsakin. Baka lumabas pa kayong lumalaban sa Diyos!”

Read full chapter