Add parallel Print Page Options

Nag-ulat si Pedro sa Iglesya sa Jerusalem

11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos.

Kaya't nang umahon si Pedro sa Jerusalem ay nakipagtalo sa kanya ang mga nasa panig ng pagtutuli,

na sinasabi, “Bakit pumunta ka sa mga taong hindi tuli at kumain kang kasalo nila?”

Ngunit si Pedro ay nagpasimulang magpaliwanag sa kanila nang sunud-sunod, na sinasabi:

“Ako'y nananalangin sa bayan ng Joppa; habang nasa kawalan ng malay ay nakakita ako ng isang pangitain na may isang bagay na bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na sa apat na sulok ay inihuhugos mula sa langit at bumaba sa akin.

Nang titigan ko iyon ay nakita ko ang mga hayop sa lupa na may apat na paa at mga hayop na mababangis at mga hayop na gumagapang at mga ibon sa himpapawid.

Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.’

Subalit sinabi ko, ‘Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay walang anumang marumi o karumaldumal ang pumasok kailanman sa aking bibig.’

Ngunit sumagot sa ikalawang pagkakataon ang tinig mula sa langit, ‘Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi.’

10 Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at muling binatak ang lahat ng iyon papaakyat sa langit.

11 Nang sandaling iyon, may dumating na tatlong lalaki sa bahay na aming kinaroroonan, na mga sinugo sa akin buhat sa Cesarea.

12 Iniutos sa akin ng Espiritu na ako'y sumama sa kanila at huwag mag-atubili. At sinamahan din ako nitong anim na kapatid; at pumasok kami sa bahay ng lalaki.

13 Kanyang isinalaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kanyang bahay, at nagsasabi, ‘Magsugo ka sa Joppa at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro.

14 Magsasabi siya sa iyo ng mga salitang ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sambahayan mo.’

15 Nang ako'y magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo na kung paanong bumaba rin sa atin noong una.

16 At(A) naalala ko ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya, ‘Si Juan ay nagbautismo sa tubig, subalit kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.’

17 Kung ibinigay sa kanila ng Diyos ang gayunding kaloob na gaya naman ng kanyang ibinigay sa atin nang tayo'y nanampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ba ako na makakahadlang sa Diyos?”

18 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, tumahimik sila at niluwalhati ang Diyos, na sinasabi, “Kung gayo'y binigyan din ng Diyos ang mga Hentil ng pagsisisi tungo sa buhay.”

Ang Iglesya sa Antioquia

19 Samantala,(B) ang mga nagkawatak-watak dahil sa pag-uusig na nangyari kay Esteban ay naglakbay hanggang sa Fenicia, sa Cyprus, at sa Antioquia, na hindi sinasabi kaninuman ang salita, maliban sa mga Judio.

20 Subalit may ilan sa kanila, mga lalaking taga-Cyprus at taga-Cirene, nang dumating sa Antioquia, ay nagsalita din sa mga Griyego, na ipinangangaral ang Panginoong Jesus.

21 Sumasakanila ang kamay ng Panginoon at ang napakalaking bilang na sumampalataya ay nagbalik-loob sa Panginoon.

22 Nakarating ang balita tungkol sa kanila sa mga pandinig ng iglesya na nasa Jerusalem at kanilang sinugo si Bernabe sa Antioquia.

23 Nang siya'y dumating at nakita ang biyaya ng Diyos, ay nagalak siya at kanyang hinimok ang bawat isa upang manatili sa Panginoon na may katapatan ng puso;

24 sapagkat siya'y mabuting lalaki at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya. At napakaraming tao ang idinagdag sa Panginoon.

25 At si Bernabe ay nagtungo sa Tarso upang hanapin si Saulo.

26 Nang siya'y kanyang matagpuan ay kanyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari na sa buong isang taon ay nakasama nila ang iglesya, at nagturo sa napakaraming tao; at sa Antioquia ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano.

27 Nang mga araw ngang ito ay may lumusong sa Antioquia na mga propetang galing sa Jerusalem.

28 (C) Isa sa kanila na ang pangalan ay Agabo, ang tumayo at ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong sanlibutan; at ito'y nangyari sa kapanahunan ni Claudio.

29 Ang mga alagad, ayon sa kakayahan ng bawat isa, ay nagpasiyang magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea;

30 at kanilang ginawa ito at ipinadala nila sa matatanda sa pamamagitan ng mga kamay nina Bernabe at Saulo.

Ang Ulat ni Pedro sa Iglesya sa Jerusalem

11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos. Kaya't nang pumunta si Pedro sa Jerusalem ay nakipagtalo sa kanya ang mga kabilang sa pangkat ng pagtutuli. “Bakit ka pumunta sa bahay ng mga hindi tuli? Kumain ka pang kasalo nila?” Kaya isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari. Sinabi niya, “Habang ako'y nasa lungsod ng Joppa at nananalangin, nawalan ako ng malay at nagkaroon ng isang pangitain. Nakita ko ang isang tulad ng malapad na kumot na nakabitin sa apat na sulok at ibinababa mula sa langit hanggang sa aking kinaroroonan. Tinitigan ko itong mabuti at nakita ko roon ang mga hayop na lumalakad sa lupa at mga hayop na mababangis at mga hayop na gumagapang at mga ibon sa himpapawid. Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.’ Subalit sinabi ko, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Sapagkat kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumal-dumal.’ Ngunit muling sinabi sa akin ng tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.’ 10 Tatlong ulit itong nangyari, at muling hinatak ang lahat ng iyon paakyat sa langit. 11 Nang sandaling iyon, dumating sa bahay na aking tinutuluyan ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 Iniutos sa akin ng Espiritu na huwag akong mag-atubiling sumama sa kanila. Sinamahan din ako ng anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ng lalaki. 13 Isinalaysay niya sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kanyang bahay, na nagsabi, ‘Magsugo ka ng tao sa Joppa at ipatawag mo si Simon, na tinatawag ding Pedro. 14 Sasabihin niya sa iyo ang mga salita na sa pamamagitan ng mga iyon ay maliligtas ka at ang iyong buong sambahayan.’ 15 Nang ako'y magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu tulad ng nangyari sa atin noong una. 16 At (A) naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Nagbautismo sa tubig si Juan, subalit kayo'y babautismuhan sa Banal na Espiritu.’ 17 Kung ibinigay sa kanila ng Diyos ang kaloob gaya ng kanyang ibinigay sa atin nang tayo'y sumampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sino akong hahadlang sa Diyos?” 18 Nang marinig nila ang mga ito, tumahimik sila at niluwalhati ang Diyos, na sinasabi, “Kung gayo'y binigyan din ng Diyos ang mga Hentil ng pagkakataong magsisi upang magkamit ng buhay.”

Ang Iglesya sa Antioquia

19 Samantala, (B) nagkawatak-watak ang mga mananampalataya dahil sa pag-uusig na nangyari kay Esteban. Naglakbay sila hanggang sa Fenicia, sa Cyprus, at sa Antioquia. Sa mga Judio lamang nila ipinangangaral ang salita saanman sila makarating. 20 Gayunman, mayroon sa kanilang taga-Cyprus at taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay nangaral din sa mga Griyego tungkol sa Panginoong Jesus. 21 Ginabayan sila ng kamay ng Panginoon, at napakaraming sumampalataya at nagbalik-loob sa Panginoon. 22 Nabalitaan ito ng iglesya na nasa Jerusalem kaya isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. 23 Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos, nagalak siya at hinimok ang bawat isa na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. 24 Sapagkat siya'y mabuting tao, puspos ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya, napakaraming tao ang nahikayat na manampalataya sa Panginoon. 25 Pagkatapos ay nagtungo si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo. 26 Nang siya'y kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Kaya isang taon silang nagtitipon kasama ng iglesya, at nagturo sa napakaraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na mga Cristiano ang mga alagad.

27 Nang panahong iyon ay dumating sa Antioquia ang mga propetang galing sa Jerusalem. 28 (C) Tumindig ang isa sa kanila na ang pangalan ay Agabo, at sa pamamagitan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari ito noong panahon ni Claudio. 29 Nagpasya ang mga alagad, na ayon sa makakaya ng bawat isa'y magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea. 30 Ganito nga ang kanilang ginawa at sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo ay ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga matatandang namamahala ng iglesya.