Add parallel Print Page Options

Mga Lunsod-Kanlungan(A)

At(B) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

10 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Pagtawid ninyo ng Jordan sa lupain ng Canaan,

11 ay pipili kayo ng mga lunsod na magiging lunsod-kanlungan para sa inyo, upang ang nakamatay ng sinumang tao nang hindi sinasadya ay makatakas patungo doon.

12 Ang mga lunsod na iyon ay magiging sa inyo'y kanlungan laban sa tagapaghiganti upang ang nakamatay ay huwag mamatay, hanggang sa siya'y tumayo sa harap ng kapulungan para hatulan.

13 Ang mga lunsod na inyong ibibigay ay ang inyong anim na lunsod-kanlungan.

14 Magbibigay kayo ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan, at tatlong lunsod ang ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan upang maging mga lunsod-kanlungan.

15 Ang anim na lunsod na ito ay magiging kanlungan para sa mga anak ni Israel, mga dayuhan, at sa mga makikipamayan sa kanila, upang ang bawat nakamatay ng sinumang tao nang hindi sinasadya ay makatakas patungo doon.

16 Ngunit kung kanyang hampasin ang kanyang kapwa ng isang kasangkapang bakal, na anupa't namatay, siya nga'y mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.

17 Kung kanyang pukpukin ng isang batong nasa kamay na ikamamatay at namatay nga, siya ay mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.

18 O kung kanyang saktan ng isang sandatang kahoy na hawak sa kamay na ikamamatay ng tao, at namatay nga, siya ay mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.

19 Ang tagapaghiganti ng dugo ay siyang papatay sa pumatay. Kapag natagpuan niya ay kanyang papatayin.

20 Kung kanyang itinulak dahil sa poot, o kanyang pinukol ng isang bagay, na nagbabanta, anupa't siya'y namatay;

21 o sa pakikipag-away ay nanuntok na anupa't namatay, ang nanuntok ay tiyak na papatayin; siya'y mamamatay-tao; ang tagapaghiganti ng dugo ay siyang papatay sa pumatay, kapag kanyang natagpuan siya.

Ang mga Lunsod-Kanlungan para sa Nakamatay

22 “Ngunit kung sa pagkabigla ay kanyang maitulak na walang alitan, o mahagisan niya ng anumang bagay na hindi tinambangan,

23 o ng anumang bato na ikamamatay ng tao, na hindi niya nakikita at kanyang naihagis sa kanya, na anupa't namatay at hindi niya kaaway, at hindi niya pinaghahangaran ng masama;

24 kung gayon ang kapulungan ang siyang hahatol sa mamamatay-tao at sa tagapaghiganti ng dugo, ayon sa mga batas na ito.

25 Ililigtas ng kapulungan ang nakamatay sa kamay ng tagapaghiganti ng dugo, at siya'y pababalikin ng kapulungan sa kanyang lunsod-kanlungan na kanyang tinakasan at siya'y mananatili roon hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari, na binuhusan ng banal na langis.

26 Ngunit kung ang nakamatay ay lumabas sa anumang panahon sa hangganan ng kanyang lunsod-kanlungan na kanyang tinakasan,

27 at nakita siya ng tagapaghiganti ng dugo sa labas ng hangganan ng kanyang lunsod-kanlungan, at patayin ng tagapaghiganti ng dugo ang nakamatay, hindi siya mananagot sa dugo,

28 sapagkat ang tao ay dapat manatili sa kanyang lunsod-kanlungan hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari; ngunit pagkamatay ng pinakapunong pari ang nakamatay ay makakabalik sa lupain na kanyang pag-aari.

Ang Batas tungkol sa Mamamatay-Tao

29 “Ang mga bagay na ito ay magiging isang tuntunin at batas sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi sa lahat ng inyong mga tirahan.

30 Kung(C) ang sinuman ay pumatay ng isang tao, ang pumatay ay papatayin sa patotoo ng mga saksi; ngunit walang taong maaaring patayin sa patotoo ng isang saksi.

31 Bukod dito, huwag kayong tatanggap ng suhol para sa buhay ng mamamatay-tao na nagkasala ng pagpatay, kundi siya'y papatayin.

32 Huwag kayong tatanggap ng suhol sa kaninumang tumakas sa kanyang lunsod-kanlungan, upang siya'y makabalik at manirahan sa kanyang lupain bago mamatay ang pinakapunong pari.

33 Kaya't huwag ninyong parurumihin ang lupain na inyong kinaroroonan, sapagkat ang dugo ay nagpaparumi ng lupain at walang paglilinis na magagawa sa lupa dahil sa dugo na dumanak doon, maliban sa pamamagitan ng dugo ng taong nagpadanak niyon.

34 Huwag ninyong durungisan ang lupain na inyong tinitirhan, sa kalagitnaan na aking tinitirhan; sapagkat ako ang Panginoon ay naninirahan sa gitna ng mga anak ni Israel.”

Read full chapter

Ang mga Lunsod-Kanlungan

20 At(A) ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,

“Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Pumili kayo ng lunsod-kanlungan na aking sinabi sa inyo sa pamamagitan ni Moises,

upang matakbuhan ng taong nakamatay nang walang balak o hindi sinasadya at magiging kanlungan ninyo laban sa tagapaghiganti sa dugo.

Siya'y tatakas patungo sa isa sa mga lunsod na iyon, at tatayo sa pasukan ng pintuan ng lunsod, at ipapaliwanag ang pangyayari sa pandinig ng matatanda sa lunsod na iyon. Kanilang dadalhin siya sa lunsod at kanilang bibigyan siya ng isang lugar upang siya'y manatiling kasama nila.

Kung siya'y habulin ng tagapaghiganti sa dugo, hindi nila ibibigay ang nakamatay sa kanyang kamay sapagkat kanyang napatay ang kanyang kapwa nang hindi sinasadya, at hindi niya kinapootan nang nakaraang panahon.

Siya'y mananatili sa lunsod na iyon, hanggang sa siya'y tumayo sa harap ng kapulungan upang hatulan, hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari nang panahong iyon. Kung magkagayo'y uuwi ang nakamatay at babalik sa kanyang sariling bayan, at sa kanyang sariling bahay, sa lunsod na kanyang tinakasan.”

Kaya't kanilang ibinukod ang Kedes sa Galilea sa lupaing maburol ng Neftali, at ang Shekem sa lupaing maburol ng Efraim, at ang Kiryat-arba (na siyang Hebron) sa lupaing maburol ng Juda.

Sa kabila ng Jordan sa silangan ng Jerico, ay kanyang itinalaga ang Bezer sa ilang sa kapatagan, mula sa lipi ni Ruben, at ang Ramot sa Gilead na mula sa lipi ni Gad, at ang Golan sa Basan na mula sa lipi ni Manases.

Ito ang mga itinalagang lunsod sa lahat ng mga anak ni Israel, at sa dayuhang naninirahang kasama nila, na sinumang makamatay ng sinumang tao na hindi sinasadya, ay makakatakas patungo doon upang huwag mapatay ng kamay ng tagapaghiganti sa dugo, hanggang siya'y humarap sa kapulungan.

Read full chapter