Add parallel Print Page Options

20 Sumagot si Moises, “Kung talagang gagawin ninyo iyan, ngayon mismo sa harapan ni Yahweh ay humanda na kayo sa pakikipaglaban. 21 Ang lahat ninyong mandirigma ay tatawid sa Jordan at sa pamumuno ni Yahweh ay sasalakayin nila ang mga kaaway hanggang malipol silang lahat ni Yahweh 22 at masakop ang buong lupain. Kapag nagampanan na ninyo ang inyong tungkulin sa kanya at sa buong Israel, makakauwi na kayo. Pagkatapos, tunay ngang ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lupaing ito na nasa silangan ng Jordan. 23 Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang inyong sinabi, magkakasala kayo laban kay Yahweh. At ito ang tandaan ninyo: tiyak na pagbabayaran ninyo ang inyong kasalanan. 24 Sige, igawa na ninyo ng tirahan ang inyong mga pamilya at ng kulungan ang inyong mga tupa. Subalit huwag na huwag ninyong kalilimutan ang inyong pangako.”

25 Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben kay Moises, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ninyo sa amin. 26 Ang aming mga anak, asawa at mga hayop ay iiwan namin dito sa Gilead. 27 At kaming mga lingkod ninyo, lahat kaming maaaring makipaglaban ay tatawid ng Jordan sa pamumuno ni Yahweh at makikipaglaban gaya ng inyong ipinag-uutos.”

28 Kaya't(A) ipinagbilin ni Moises kay Eleazar, kay Josue, at sa mga pinuno ng mga angkan at mga lipi ng Israel, 29 “Kapag ang mga anak nina Gad at Ruben na handang makipaglaban sa ilalim ng pamumuno ni Yahweh ay tumawid ng Jordan at tumulong sa inyo sa pagsakop sa lupaing titirhan ninyo, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead. 30 Ngunit kapag hindi sila tumawid ng Jordan at hindi nakipaglabang kasama ninyo, sa Canaan din sila maninirahang kasama ninyo.”

31 Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ni Yahweh. 32 Sa pamumuno niya'y tatawid kami ng Jordan at makikipaglaban upang manatiling sa amin ang lupaing nasa silangan ng Jordan.”

Read full chapter

12 Sinabi(A) naman ni Josue sa mga lipi nina Ruben, Gad at sa kalahating lipi ni Manases, 13 “Alalahanin ninyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh: ‘Ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos ang lupaing ito upang dito kayo manirahan.’ 14 Ang inyong mga asawa, mga anak at mga kawan ay maiiwan sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa silangan ng Jordan. Ngunit ang inyong mga mandirigma ay tatawid at mauuna sa iba pa ninyong mga kapatid upang tumulong sa kanila sa pakikidigma. 15 Kapag nasakop na rin nila ang mga lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh, maaari na kayong bumalik at manirahan dito sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Diyos.”

Read full chapter