Add parallel Print Page Options

Nakita ni Balak na anak ni Zipor ang lahat ng ginawa ng Israel sa mga Amoreo.

Ang Moab ay takot na takot sa taong-bayan, sapagkat sila'y marami. Ang Moab ay nanghina sa takot dahil sa mga anak ni Israel.

At sinabi ng Moab sa matatanda sa Midian, “Ngayon ay hihimurin ng karamihang ito ang lahat na nasa palibot natin, gaya ng baka na humihimod sa damo sa parang.” Kaya't si Balak na anak ni Zipor, na hari ng Moab ng panahong iyon

ay(A) nagpadala ng mga sugo kay Balaam na anak ni Beor, hanggang sa Petor na nasa tabi ng ilog, hanggang sa lupain ng mga anak ng kanyang bayan, upang tawagin siya, at sabihin, “May isang bayan na lumabas mula sa Ehipto, sila'y nakakalat sa ibabaw ng lupa, at sila'y naninirahan sa tapat ko.

Pumarito ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, at sumpain mo ang bayang ito para sa akin; sapagkat sila'y totoong makapangyarihan para sa akin. Baka sakaling ako'y manalo at aming matalo sila, at mapalayas ko sila sa lupain, sapagkat alam ko na ang iyong pinagpala ay nagiging pinagpala at ang iyong sinusumpa ay isusumpa.”

Ang matatanda ng Moab at Midian ay pumaroon na dala sa kanilang kamay ang mga upa para sa panghuhula; at sila'y dumating kay Balaam at sinabi nila sa kanya ang mga sinabi ni Balak.

Kanyang sinabi sa kanila, “Dito na kayo tumuloy ngayong gabi at ibibigay ko sa inyo ang kasagutan, kung ano ang sasabihin ng Panginoon sa akin.” Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumuloy na kasama ni Balaam.

At ang Diyos ay pumunta kay Balaam at nagtanong, “Sino ang mga taong ito na kasama mo?”

10 Sinabi ni Balaam sa Diyos, “Si Balak na anak ni Zipor, hari ng Moab ay nagpasugo sa akin na sinasabi,

11 “Tingnan mo! Ang bayan na lumabas sa Ehipto ay nangalat sa ibabaw ng lupa. Ngayo'y pumarito ka, sumpain mo sila para sa akin. Baka sakaling malalabanan ko sila at sila'y aking mapalayas.”

12 Sinabi ng Diyos kay Balaam, “Huwag kang paroroon na kasama nila. Huwag mong susumpain ang bayan, sapagkat sila'y pinagpala.”

13 Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at sinabi sa mga pinuno ni Balak, “Umuwi na kayo sa inyong lupain, sapagkat ang Panginoon ay tumanggi na ako'y sumama sa inyo.”

14 Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumindig at sila'y pumunta kay Balak at nagsabi, “Si Balaam ay tumangging pumarito na kasama namin.”

15 Si Balak ay muling nagsugo ng marami pang pinuno at lalong higit na marangal kaysa kanila.

16 Sila'y pumunta kay Balaam at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ni Balak na anak ni Zipor, ‘Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mong hayaang may makahadlang sa iyong pagparito sa akin.

17 Sapagkat ikaw ay aking bibigyan ng malaking karangalan, at anumang sabihin mo sa akin ay gagawin ko. Ipinapakiusap ko na pumarito ka at sumpain mo para sa akin ang bayang ito.’”

18 Ngunit si Balaam ay sumagot sa mga lingkod ni Balak, “Kahit ibigay sa akin ni Balak ang kanyang bahay na punô ng pilak at ginto, hindi ako maaaring lumampas sa utos ng Panginoon kong Diyos na ako'y gumawa ng kulang o higit.

19 Manatili kayo rito, gaya ng iba, upang aking malaman kung ano pa ang sasabihin sa akin ng Panginoon.”

20 Nang gabing iyon, ang Diyos ay dumating kay Balaam at sinabi sa kanya, “Kung ang mga taong iyan ay pumarito upang tawagin ka ay bumangon ka, sumama ka sa kanila. Ngunit ang salita lamang na sasabihin ko sa iyo ang siya mong gagawin.”

Si Balaam at ang Asno ay Sinalubong ng Anghel ng Panginoon

21 Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at inihanda ang kanyang asno, at sumama sa mga pinuno ng Moab.

22 Ngunit ang galit ng Diyos ay nag-aalab sapagkat siya'y pumunta. Ang anghel ng Panginoon ay tumayo sa daan bilang kalaban niya. Siya noon ay nakasakay sa kanyang asno at ang kanyang dalawang alipin ay kasama niya.

23 Nakita ng asno ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at ang asno ay lumiko sa daan, at nagtungo sa parang. Pinalo ni Balaam ang asno upang ibalik siya sa daan.

24 Nang magkagayo'y tumayo ang anghel ng Panginoon sa isang makipot na daan sa pagitan ng mga ubasan na may bakod sa magkabilang panig.

25 Nakita ng asno ang anghel ng Panginoon at siya'y itinulak sa bakod at naipit ang paa ni Balaam sa bakod at kanyang pinalo uli ang asno.

26 Pagkatapos, ang anghel ng Panginoon ay nagpauna uli at tumayo sa isang makipot na dako na walang daang lilikuan maging sa kanan o sa kaliwa.

27 Nang makita ng asno ang anghel ng Panginoon, ito ay lumugmok sa ilalim ni Balaam. Ang galit ni Balaam ay nag-alab at kanyang pinalo ng tungkod ang asno.

28 Ibinuka ng Panginoon ang bibig ng asno at ito'y nagsabi kay Balaam, “Ano ang ginawa ko sa iyo upang ako'y paluin mo nang tatlong ulit?”

29 Sinabi ni Balaam sa asno, “Sapagkat pinaglaruan mo ako. Kung mayroon lamang akong tabak sa aking kamay, sana'y pinatay na kita ngayon.”

30 At sinabi ng asno kay Balaam, “Di ba ako'y iyong asno na iyong sinakyan sa buong buhay mo hanggang sa araw na ito? Gumawa na ba ako kailanman ng ganito sa iyo?” At kanyang sinabi, “Hindi.”

Ang Sabi ng Anghel ng Panginoon

31 Nang magkagayo'y iminulat ng Panginoon ang mga mata ni Balaam, at kanyang nakita ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at kanyang iniyukod ang kanyang ulo at nagpatirapa.

32 At sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Bakit mo pinalo ang iyong asno ng ganitong tatlong ulit? Narito, ako'y naparito bilang kalaban, sapagkat ang iyong lakad ay masama sa harap ko.

33 Nakita ako ng asno at lumihis sa harap ko nang tatlong ulit. Kung hindi siya lumihis sa akin, napatay na sana kita ngayon, at hinayaan itong mabuhay.”

34 At sinabi ni Balaam sa anghel ng Panginoon, “Ako'y nagkasala sapagkat hindi ko alam na ikaw ay nakatayo sa daan laban sa akin. Ngayon, kung inaakala mong masama ay babalik ako.”

35 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Balaam, “Sumama ka sa mga lalaki ngunit ang salita lamang na aking sasabihin sa iyo ang siyang sasabihin mo.” Kaya't sumama si Balaam sa mga pinuno ni Balak.

Lumabas si Balak Upang Salubungin si Balaam

36 Nang mabalitaan ni Balak na si Balaam ay dumarating, lumabas siya upang salubungin siya sa bayan ng Moab, na nasa hangganan ng Arnon, na siyang dulong bahagi ng hangganan.

37 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Di ba ikaw ay aking pinapuntahan upang tawagin? Bakit nga ba hindi ka naparito sa akin? Hindi ba kita kayang parangalan?”

38 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ngayon, ako'y naparito sa iyo. Mayroon ba ako ngayong anumang kapangyarihan na makapagsalita ng anumang bagay? Ang salitang inilagay ng Diyos sa aking bibig ang aking sasabihin.”

39 At si Balaam ay sumama kay Balak at sila'y pumunta sa Kiryat-huzot.

40 Naghandog si Balak ng mga baka at mga tupa at ipinadala kay Balaam at sa mga pinuno na kasama niya.

41 Nangyari nga, kinaumagahan, isinama ni Balak si Balaam at dinala siya sa matataas na dako ni Baal, at nakita niya ang isang bahagi ng sambayanan.

Ang Unang Talinghaga ni Balaam

23 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako ng pitong toro at pitong lalaking tupa.”

Ginawa nga ni Balak ang sinabi ni Balaam. Sina Balak at Balaam ay naghandog sa bawat dambana ng isang toro at isang lalaking tupa.

Sinabi ni Balaam kay Balak, “Tumayo ka sa tabi ng iyong handog na sinusunog at ako'y aalis. Baka sakaling pumarito ang Panginoon upang salubungin ako at anumang bagay na kanyang ipakita sa akin ay sasabihin ko sa iyo.” Siya'y dumating sa isang dakong mataas na walang tanim.

At sinalubong ng Diyos si Balaam at sinabi sa kanya, “Aking inihanda ang pitong dambana, at inihandog ang isang toro at isang lalaking tupa para sa bawat dambana.”

Nilagyan ng Panginoon ng salita ang bibig ni Balaam at sinabi, “Bumalik ka kay Balak, at ganito ang iyong sasabihin.”

Siya'y bumalik kay Balak na nakatayo sa tabi ng kanyang handog na sinusunog kasama ang lahat ng mga pinuno ng Moab.

At binigkas ni Balaam[a] ang kanyang talinghaga, na sinasabi,

“Mula sa Aram ay dinala ako rito ni Balak,
    na hari ng Moab, mula sa mga bundok ng silangan.
Pumarito ka, sumpain mo para sa akin ang Jacob.
    Pumarito ka, laitin mo ang Israel.
Paano ko susumpain ang hindi sinumpa ng Diyos?
    At paano ko lalaitin ang hindi nilait ng Panginoon?
Sapagkat mula sa tuktok ng mga bundok ay nakikita ko siya,
    at mula sa mga burol ay akin siyang natatanaw;
narito, siya'y isang bayang naninirahang mag-isa,
    at hindi ibinibilang ang sarili sa gitna ng mga bansa.
10 Sinong makakabilang ng mga alabok ng Jacob,
    o ng bilang ng ikaapat na bahagi ng Israel?
Mamatay nawa ako ng kamatayan ng matuwid,
    at ang aking wakas ay maging tulad nawa ng sa kanya!”

11 At sinabi ni Balak kay Balaam, “Anong ginawa mo sa akin? Isinama kita upang sumpain mo ang aking mga kaaway, ngunit narito, wala kang ginawa kundi pagpalain sila.”

12 Siya'y sumagot, “Hindi ba nararapat na aking maingat na sabihin ang inilagay ng Panginoon sa bibig ko?”

Ang Ikalawang Talinghaga ni Balaam

13 Sinabi sa kanya ni Balak, “Ipinapakiusap ko sa iyo na sumama ka sa akin sa ibang lugar, kung saan mo sila makikita. Ang makikita mo lamang ay ang pinakamalapit sa kanila, at hindi mo sila makikitang lahat at sumpain mo sila para sa akin mula roon.”

14 Kaya't kanyang dinala siya sa parang ng Sofim, sa tuktok ng Pisga, at nagtayo roon ng pitong dambana, at naghandog ng isang toro at ng isang lalaking tupa sa bawat dambana.

15 Kanyang sinabi kay Balak, “Tumayo ka rito sa tabi ng iyong handog na sinusunog, habang sinasalubong ko ang Panginoon doon.”

16 At sinalubong ng Panginoon si Balaam, at nilagyan ng salita ang kanyang bibig, at sinabi, “Bumalik ka kay Balak, at ganito ang iyong sasabihin.”

17 Nang siya'y dumating sa kanya, siya'y nakatayo sa tabi ng kanyang handog na sinusunog na kasama ang mga pinuno sa Moab. At sinabi sa kanya ni Balak, “Anong sinabi ng Panginoon?”

18 At binigkas ni Balaam ang kanyang talinghaga, na sinasabi,

“Tumindig ka, Balak, at iyong pakinggan,
    makinig ka sa akin, ikaw na anak ni Zipor.
19 Ang Diyos ay hindi tao, na magsisinungaling,
    ni anak ng tao na magsisisi.
Sinabi ba niya at hindi niya gagawin?
    O sinalita ba niya at hindi niya tutuparin?
20 Ako'y tumanggap ng utos na magbigay ng pagpapala:
    kanyang pinagpala, at hindi ko na mababago iyon.
21 Wala siyang nakitang kasamaan sa Jacob,
    ni wala siyang nakitang kasamaan sa Israel.
Ang Panginoon nilang Diyos ay kasama nila,
    at ang sigaw ng hari ay nasa gitna nila.
22 Ang Diyos ang naglalabas sa kanila sa Ehipto.
    Siya'y may lakas na gaya ng mabangis na toro.
23 Tunay na walang engkanto laban sa Jacob,
    ni panghuhula laban sa Israel.
Ngayo'y sasabihin tungkol sa Jacob at sa Israel,
    ‘Anong ginawa ng Diyos!’
24 Tingnan mo, ang bayan ay tumitindig na parang isang babaing leon,
    at parang isang leon na itinataas ang sarili.
Siya'y hindi mahihiga hanggang sa makakain ng biktima
    at makainom ng dugo ng napatay.”

25 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Huwag mo silang sumpain ni pagpalain.”

26 Ngunit si Balaam ay sumagot at nagsabi kay Balak, “Di ba sinabi ko sa iyo, ‘Ang lahat na sinasalita ng Panginoon ay siya kong nararapat gawin?’”

27 Kaya't sinabi ni Balak kay Balaam, “Halika ngayon, isasama kita sa ibang lugar; marahil ay matutuwa ang Diyos na iyong sumpain sila para sa akin mula roon.”

28 At isinama ni Balak si Balaam sa tuktok ng Peor na nasa gawing itaas ng ilang.

29 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako rito ng pitong toro at pitong lalaking tupa.”

30 At ginawa ni Balak ang sinabi ni Balaam, at naghandog ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat dambana.

Ang Ikatlong Talinghaga ni Balaam

24 Nang makita ni Balaam na ikinatuwa ng Panginoon na pagpalain ang Israel, hindi siya pumunta na gaya nang una, upang maghanap ng tanda, kundi kanyang iniharap ang kanyang mukha sa dakong ilang.

Itinaas ni Balaam ang kanyang paningin, at kanyang nakita ang Israel na nagkakampo ayon sa kanilang mga lipi; at ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa kanya.

At binigkas niya ang kanyang talinghaga, na sinasabi:

“Ang sinabi ni Balaam na anak ni Beor,
    ang sinabi ng lalaking bukas[b] ang mga mata,
ang sabi niya na nakarinig ng mga salita ng Diyos,
    na nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat,
    na nakalugmok ngunit bukas ang mga mata.
Napakaganda ng iyong mga tolda, O Jacob,
    ang iyong mga himpilan, O Israel!
Gaya ng mga libis na abot hanggang sa malayo,
    gaya ng mga halamanan sa tabi ng ilog,
gaya ng aloe na itinanim ng Panginoon,
    gaya ng mga puno ng sedro sa tabi ng ilog.
Ang tubig ay aagos mula sa kanyang pang-igib,
    at ang kanyang binhi ay matatatag sa maraming tubig,
ang kanyang hari ay tataas ng higit kay Agag,
    at ang kanyang kaharian ay matatanyag.
Ang Diyos ang naglalabas sa kanya sa Ehipto;
    may lakas na gaya ng mabangis na toro.
Kanyang lalamunin ang mga bansa na kanyang mga kaaway,
    at kanyang babaliin ang kanilang mga buto,
    at papanain sila ng kanyang mga palaso.
Siya'y(B) yumuko, siya'y lumugmok na parang leon,
    at parang isang babaing leon, sinong gigising sa kanya?
Pagpalain nawa ang lahat na nagpapala sa iyo,
    at sumpain ang lahat na sumusumpa sa iyo.”

Ang Ikaapat na Talinghaga ni Balaam

10 Ang galit ni Balak ay nagningas laban kay Balaam. Isinuntok ni Balak ang kanyang mga kamay at sinabi kay Balaam, “Tinawag kita upang iyong sumpain ang aking mga kaaway, ngunit binasbasan mo sila nang tatlong ulit.

11 Ngayon nga ay umalis ka patungo sa iyong lugar. Aking inisip na lubos kitang gantimpalaan ngunit pinigil ng Panginoon ang iyong gantimpala.”

12 At sinabi ni Balaam kay Balak, “Di ba sinabi ko rin sa iyong mga sugo,

13 kahit ibigay sa akin ni Balak ang kanyang bahay na punô ng pilak at ginto ay hindi ako maaaring lumampas sa salita ng Panginoon na gumawa ng mabuti o masama sa aking sariling kalooban. Kung ano ang sabihin ng Panginoon ay siya kong sasabihin?

14 Ngayon, ako'y pupunta sa aking bayan. Pumarito ka at aking ipahahayag sa iyo ang gagawin ng bayang ito sa iyong bayan sa mga huling araw.”

15 At binigkas niya ang kanyang talinghaga, na sinasabi:

“Ang sabi ni Balaam na anak ni Beor,
    ang sabi ng taong bukas ang mga mata,
16 ang sabi niya, na nakarinig ng mga salita ng Diyos,
    at nakaalam ng karunungan ng Kataas-taasan,
na siyang nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat,
    na nakalugmok ngunit bukas ang kanyang mga mata.
17 Aking makikita siya, ngunit hindi ngayon;
    aking pagmamasdan siya, ngunit hindi sa malapit:
Lalabas ang isang bituin sa Jacob,
    at may isang setro na lilitaw sa Israel,
at dudurugin ang noo[c] ng Moab,
    at lilipulin ang lahat ng mga anak ng kaguluhan.
18 Ang Edom ay sasamsaman,
    ang Seir na kanyang mga kaaway ay sasamsaman rin,
    samantalang ang Israel ay nagpapakatapang.
19 Sa pamamagitan ng Jacob ay magkakaroon ng kapamahalaan,
    at ang nalalabi sa bayan ay pupuksain.”

20 Pagkatapos siya'y tumingin sa Amalek, at binigkas ang kanyang talinghaga na sinasabi,

“Ang Amalek ay siyang dating nangunguna sa mga bansa;
ngunit sa huli siya ay mapupuksa.”

21 At tumingin siya sa Kineo, at binigkas ang kanyang talinghaga na sinasabi,

“Matibay ang iyong tirahan,
    at ang iyong pugad ay nasa malaking bato;
22 gayunma'y mawawasak ang Cain.
    Gaano katagal na bibihagin ka ng Ashur?”

23 At siya'y nagsalita ng talinghaga, na sinasabi:

“Sinong mabubuhay kapag ginawa ito ng Diyos?
24     Ngunit ang mga barko ay manggagaling sa baybayin ng Kittim
at kanilang pahihirapan ang Ashur at Eber,
    at siya man ay pupuksain.”

25 Pagkatapos, si Balaam ay tumindig at bumalik sa kanyang lugar; at si Balak ay umalis na rin.

Footnotes

  1. Mga Bilang 23:7 Sa Hebreo ay niya .
  2. Mga Bilang 24:3 o nakapikit, o sakdal .
  3. Mga Bilang 24:17 o hangganan .

Tumawid ang Israel sa Jordan

Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue at kasama ang lahat ng mga anak ni Israel ay umalis sa Shittim at dumating sa Jordan. Sila'y nagkampo muna doon bago tumawid.

Pagkatapos ng tatlong araw, ang mga pinuno ay dumaan sa gitna ng kampo;

at iniutos nila sa taong-bayan, na sinasabi, “Kapag nakita ninyo ang kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Diyos na dala ng mga paring Levita, ay aalis kayo sa inyong kinaroroonan. Susundan ninyo iyon

upang malaman ninyo ang daan na nararapat ninyong paroonan; sapagkat hindi pa ninyo nadadaanan ang daang ito noong una. Gayunma'y magkakaroon ng agwat sa pagitan ninyo at sa kaban ng may dalawang libong siko ang sukat. Huwag kayong lalapit nang higit na malapit roon.”

At sinabi ni Josue sa bayan, “Magpakabanal kayo; sapagkat bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa inyo.”

At nagsalita si Josue sa mga pari, “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan at mauna kayo sa bayan.” At kanilang binuhat ang kaban ng tipan, at nauna sa bayan.

At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito ay pasisimulan kong gawing dakila ka sa paningin ng buong Israel, upang kanilang makilala na kung paanong ako'y kasama ni Moises ay gayon ako sa iyo.

Iyong uutusan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, na sinasabi, ‘Kapag kayo'y dumating sa tabi ng tubig ng Jordan ay tumigil kayo sa Jordan.’”

Sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, “Lumapit kayo at dinggin ninyo ang mga salita ng Panginoon ninyong Diyos.”

10 At sinabi ni Josue, “Sa ganito ay inyong makikilala na ang buháy na Diyos ay kasama ninyo, at walang pagsalang kanyang itataboy sa harapan ninyo ang mga Cananeo, Heteo, Heveo, Perezeo, Gergeseo, Amoreo, at ang Jebuseo.

11 Narito ang kaban ng tipan ng Panginoon ng buong lupa ay mauuna sa inyo sa Jordan.

12 Ngayon ay kumuha kayo ng labindalawang lalaki sa mga lipi ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.

13 Kapag ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng Panginoon, ang Panginoon ng buong lupa, ay tumuntong sa tubig ng Jordan, ang tubig ng Jordan ay hihinto sa pag-agos, maging ang tubig na bumababang mula sa itaas; at ang mga ito ay tatayo na isang bunton.”

14 At nangyari nang umalis ang bayan sa kanilang mga tolda upang tumawid sa Jordan, nasa unahan ng bayan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan.

15 Nang dumating sa Jordan ang mga may dala ng kaban, at ang mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ay nabasa sa gilid ng tubig, (sapagkat inaapawan ng Jordan ang lahat nitong pampang sa buong panahon ng pag-aani,)

16 ang tubig na bumababa mula sa itaas ay tumigil, at naging isang bunton na malayo sa Adam, ang bayang nasa tabi ng Zaretan, samantalang ang umaagos tungo sa dagat ng Araba, na Dagat ng Asin ay ganap na nahawi. At ang bayan ay tumawid sa tapat ng Jerico.

17 Ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon ay panatag na tumayo sa tuyong lupa sa gitna ng Jordan, samantalang ang buong Israel ay dumaan sa tuyong lupa hanggang sa nakatawid sa Jordan ang buong bansa.

Inilagay ang mga Batong Alaala

At nangyari, nang ganap nang nakatawid sa Jordan ang buong bansa, sinabi ng Panginoon kay Josue,

“Kumuha ka ng labindalawang lalaki sa bayan, isa sa bawat lipi,

at iutos ninyo sa kanila, ‘Kumuha kayo ng labindalawang bato mula rito sa gitna ng Jordan, mula sa dakong matatag na tinatayuan ng mga paa ng mga pari at dalhin ninyo at ilapag sa dakong tinigilan ninyo sa gabing ito.’”

Kaya't tinawag ni Josue ang labindalawang lalaki na kanyang inihanda sa mga anak ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.

At sinabi ni Josue sa kanila, “Dumaan kayo sa harapan ng kaban ng Panginoon ninyong Diyos sa gitna ng Jordan. Pasanin ng bawat isa sa inyo ang isang bato sa kanyang balikat, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel;

upang ito'y maging isang tanda sa gitna ninyo, na kapag itinanong ng inyong mga anak sa panahong darating, ‘Anong kahulugan sa inyo ng mga batong ito?’

Inyo ngang sasabihin sa kanila, sapagkat ang tubig ng Jordan ay nahawi sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon; nang iyon ay dumaan sa Jordan ay nahawi ang tubig ng Jordan; at ang mga batong ito ay magiging alaala sa mga anak ni Israel magpakailanman.”

Ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa iniutos ni Josue, at pumasan ng labindalawang bato mula sa gitna ng Jordan, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Josue, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel; at kanilang dinala sa dakong kanilang tutuluyan, at inilapag ang mga iyon doon.

At si Josue ay nagpasalansan ng labindalawang bato sa gitna ng Jordan, sa dakong tinayuan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, at ang mga iyon ay naroon hanggang sa araw na ito.

10 Ang mga pari na nagdadala ng kaban ay tumayo sa gitna ng Jordan, hanggang sa natapos sabihin ni Josue sa bayan ang bawat bagay na iniutos ng Panginoon ayon sa lahat ng iniutos ni Moises kay Josue; at ang bayan ay tumawid na nagmamadali.

11 Nang ganap nang nakatawid ang buong bayan, ang kaban ng Panginoon at ang mga pari ay itinawid sa harapan ng bayan.

12 Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, ay tumawid na may sandata sa harapan ng mga anak ni Israel, gaya ng sinabi ni Moises sa kanila.

13 May apatnapung libo na may sandata sa pakikidigma ang tumawid sa harapan ng Panginoon na patungo sa pakikibaka sa mga kapatagan ng Jerico.

14 Nang araw na iyon ay dinakila ng Panginoon si Josue sa paningin ng buong Israel; at sila'y gumalang sa kanya, gaya ng kanilang paggalang kay Moises sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.

15 Ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,

16 “Iutos mo sa mga pari na nagdadala ng kaban ng patotoo na sila'y umahon mula sa Jordan.”

17 Kaya't nag-utos si Josue sa mga pari, “Umahon kayo mula sa Jordan.”

18 Nang umahon mula sa gitna ng Jordan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at nang tumuntong sa tuyong lupa ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari, ang tubig ng Jordan ay bumalik sa kanilang lugar at umapaw sa pampang na gaya ng dati.

19 Ang bayan ay umahon mula sa Jordan nang ikasampung araw ng unang buwan, at humimpil sa Gilgal, sa hangganang silangan ng Jerico.