Add parallel Print Page Options

Awit ng Pag-akyat.

126 Nang ibalik ng Panginoon ang mga kayamanan ng Zion,[a]
    tayo ay gaya ng mga nananaginip.
Nang magkagayo'y napuno ang ating bibig ng mga tawanan,
    at ang ating dila ng mga awit ng kagalakan,
nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa,
    “Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila.”
Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa atin,
    kami ay natutuwa.
Ang aming mga bihag,[b] O Panginoon, ay iyong ibalik,
    na gaya ng mga batis sa Negeb![c]
Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan,
    ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan!
Siyang lumalabas na umiiyak,
    na may dalang itatanim na mga binhi,
ay uuwi na may sigaw ng kagalakan,
    na dala ang kanyang mga bigkis ng inani.

Footnotes

  1. Mga Awit 126:1 o ibinalik ang mga nagsiuwi sa Zion .
  2. Mga Awit 126:4 o kayamanan .
  3. Mga Awit 126:4 o Timog .