Add parallel Print Page Options

Ang Anak ng Pinuno at ang Babaeng Dinudugo(A)

18 Habang sinasabi niya ang mga ito, dumating ang isang namumuno ng sambahan ng mga Judio. Lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, “Kamamatay lang po ng anak kong babae, pero kung pupuntahan nʼyo siya at ipapatong ang inyong kamay sa kanya, mabubuhay siyang muli.” 19 Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na rin ang mga tagasunod niya. 20 Habang naglalakad sila, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babae na 12 taon nang dinudugo, at hinipo niya ang laylayan[a] ng damit ni Jesus. 21 Sapagkat sinabi ng babae sa kanyang sarili, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus at pagkakita sa babae ay sinabi, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinagaling[b] ka ng iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang babae nang sandaling iyon.

23 Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta sa libing at ang maraming taong nagkakaingay. 24 Sinabi niya, “Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata; natutulog lang siya.” Pinagtawanan nila si Jesus. 25 Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok si Jesus at hinawakan sa kamay ang bata, at bumangon ito. 26 Kumalat ang balitang ito sa buong lugar na iyon.

Read full chapter

Footnotes

  1. 9:20 laylayan: o, palawit; sa Ingles, tassel. Tingnan sa Bil. 15:37-39 at Deu. 22:12.
  2. 9:22 Pinagaling: o, Iniligtas.

Muling Binuhay ang Anak ng Pinuno at Pinagaling ang Isang Babae(A)

18 Habang sinasabi ni Jesus ang mga ito sa kanila, dumating ang isang pinuno at nanikluhod sa kanya. “Kamamatay po lamang ng aking anak na babae, ngunit puntahan ninyo at ipatong ang inyong kamay sa kanya, at siya'y mabubuhay.” 19 Tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati ang kanyang mga alagad. 20 Samantala, may isang babaing labindalawang taon nang pinahihirapan ng pagdurugo, lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng damit nito. 21 Sinabi ng babae sa kanyang sarili, “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus, at pagkakita sa babae ay sinabi niya, “Patatagin mo ang iyong loob, anak. Pinagaling ka ng iyong pagsampalataya.” Nang oras ding iyon ay gumaling ang babae. 23 Pagdating ni Jesus sa bahay ng pinuno at makita ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakagulo, 24 sinabi niya, “Umalis na kayo. Hindi naman patay ang bata kundi natutulog lamang.” Pinagtawanan nila si Jesus. 25 Nang mapalabas na ang maraming tao, pumasok siya, hinawakan sa kamay ang batang babae at ito'y bumangon. 26 Kumalat ang balita tungkol dito sa buong lupaing iyon.

Read full chapter

Ang Anak ni Jairus at ang Babaeng Dinudugo(A)

21 Nang bumalik si Jesus sa kabila ng lawa, napakaraming tao ang nagtipon doon sa kanya. 22 Pumunta rin doon si Jairus na namumuno sa sambahan ng mga Judio. Pagkakita niya kay Jesus, lumuhod siya sa paanan nito 23 at nagmakaawa, “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung pwede po sana, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, para gumaling siya at mabuhay!” 24 Sumama sa kanya si Jesus, at sinundan siya ng napakaraming tao na nagsisiksikan sa kanya. 25 May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo. 26 Maraming hirap ang dinanas niya sa kabila ng pagpapagamot sa ibaʼt ibang doktor. Naubos na niya ang lahat ng ari-arian niya sa pagpapagamot, pero sa halip na gumaling ay lalo pang lumala ang kanyang sakit. 27 Nabalitaan niya ang mga himalang ginagawa ni Jesus, kaya nakipagsiksikan siya sa mga tao upang mahipo man lang ang damit ni Jesus. 28 Naisip kasi ng babae, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling ako.” 29 Nang mahipo nga niya ang damit ni Jesus, biglang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya. 30 Agad namang naramdaman ni Jesus na may kapangyarihan na lumabas sa kanya, kaya lumingon siya at nagtanong, “Sino ang humipo sa damit ko?” 31 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Sa dami po ng mga taong sumisiksik sa inyo, bakit pa kayo nagtatanong kung sino ang humipo sa inyo?” 32 Pero patuloy siyang tumingin sa paligid para makita kung sino ang humipo sa kanya. 33 Alam ng babae kung ano ang nangyari sa kanya, kaya lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Ipinagtapat niya ang katotohanan kay Jesus. 34 Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling[a] ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa. Magaling ka na.”

35 Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang ilang tao mula sa bahay ni Jairus. Sinabi nila kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.” 36 Pero hindi pinansin ni Jesus ang sinabi nila. Sa halip, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang.” 37 Hindi pinayagan ni Jesus ang mga tao na sumama sa kanya sa bahay ni Jairus. Sa halip, si Pedro at ang magkapatid na sina Santiago at Juan lang ang isinama niya. 38 Pagdating nila roon, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao. May mga umiiyak at may mga humahagulgol. 39 Pumasok siya sa bahay at sinabi niya sa mga tao, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang!” 40 Pinagtawanan siya ng mga tao. Kaya pinalabas niya silang lahat maliban sa amaʼt ina ng bata at sa tatlo niyang tagasunod. Pagkatapos, pumasok sila sa kwartong kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan niya sa kamay ang bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihin ay “Nene, bumangon ka.” 42 Bumangon naman agad ang bata at nagpalakad-lakad. (12 taon na noon ang bata.) Labis ang pagkamangha ng mga tao sa nangyari. 43 Pero mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag ipagsabi kahit kanino ang nangyari. Pagkatapos, sinabihan sila ni Jesus na bigyan ng makakain ang bata.

Read full chapter

Footnotes

  1. 5:34 pinagaling: o, iniligtas.

Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Isang Babae(A)

21 Nang muling makatawid si Jesus sa ibayo, nasa tabi pa lamang siya ng lawa ay pinalibutan siya ng napakaraming tao. 22 Dumating ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita kay Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito. 23 Nagmakaawa si Jairo kay Jesus, “Kung maaari ay sumama po kayo sa akin. Nag-aagaw-buhay na ang aking munting anak na babae. Ipatong po ninyo sa kanya ang inyong mga kamay upang siya'y gumaling at mabuhay!” 24 Sumama naman si Jesus.

Napakaraming tao ang sumunod sa kanya, kaya't siya'y nasisiksik. 25 Kabilang sa naroon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. 26 Maraming hirap na ang kanyang dinanas dahil sa maraming manggagamot. Naubos na niya ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot. Ngunit sa halip na gumaling, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. 27 Nang mabalitaan niya ang tungkol kay Jesus, nakipagsiksikan siya sa karamihan hanggang makalapit sa kanyang likuran, at hinawakan ang damit nito. 28 Ganito ang nasa isip niya, “Tiyak na gagaling ako mahawakan ko lang ang kanyang damit.” 29 Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo, at naramdaman niya sa kanyang katawan na magaling na siya. 30 Naramdaman naman ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't lumingon siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humawak sa damit ko?” 31 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong sinisiksik kayo ng maraming tao, bakit ninyo itatanong kung sino ang humawak sa inyo?” 32 Subalit tumingin pa rin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang humawak sa kanya. 33 Dahil alam ng babae ang nangyari sa kanya, nanginginig siya sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa sa harap niya, at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Lumakad kang payapa. Tapos na ang iyong pagdurusa. Magaling ka na.”

35 Nagsasalita pa siya nang may mga taong dumating galing sa bahay ni Jairo. “Namatay na ang anak mong babae,” sabi nila. “Bakit mo pa inaabala ang Guro?” 36 Ngunit hindi pinansin[a] ni Jesus ang kanilang sinabi. Sa halip, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; basta manalig ka.” 37 Wala siyang isinama kundi sina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang makarating sila sa bahay ng pinuno ng sinagoga, nakita niya ang pagkakagulo, ang mga pagtangis at pagtaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, natutulog lang.” 40 Pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat at pumasok sa silid na kinaroroonan ng bata, kasama ang ama at ina nito, pati ang mga alagad na kasama niya. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Talitha cum,”[b] na ang ibig sabihin ay “Neneng, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!” 42 Kaagad namang bumangon ang batang babae at lumakad-lakad. Siya'y labindalawang taong gulang na. Labis na namangha ang lahat. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sabihin ang pangyayaring ito kaninuman. Pagkatapos, iniutos niyang pakainin ang bata.

Read full chapter

Footnotes

  1. Marcos 5:36 Sa ibang manuskrito narinig.
  2. Marcos 5:41 Sa ibang manuskrito cumi.