Add parallel Print Page Options

Pinagaling ni Jesus ang Utusan ng Kapitan(A)

Nang dumating si Jesus sa bayan ng Capernaum, pumunta sa kanya ang isang kapitan ng hukbong Romano at nakiusap: “Panginoon, may sakit po ang aking utusan. Nakaratay siya sa bahay at nasa matinding paghihirap.” Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” Pero sumagot ang kapitan, “Panginoon, hindi po ako karapat-dapat na puntahan nʼyo ang tahanan ko. Sabihin nʼyo na lang na gumaling siya, at gagaling na ang aking utusan. Alam ko ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may nasasakupan din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi kong, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kung ano pa ang iniuutos ko sa aking alipin, sinusunod niya.” 10 Namangha si Jesus nang marinig niya ito. At sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi pa ako nakakita ng isang tao sa Israel na may ganitong pananampalataya. 11 Sinasabi ko rin sa inyo na maraming hindi Judio mula sa ibaʼt ibang dako ang kakaing kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob sa handaan ng paghahari ng Dios. 12 Ngunit maraming Judio, na paghaharian sana ng Dios, ang itatapon sa matinding kadiliman sa labas. At doon ay iiyak sila, at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”[a] 13 At sinabi ni Jesus sa kapitan, “Umuwi ka na. Mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” At nang oras ding iyon ay gumaling ang utusan ng kapitan.

Read full chapter

Footnotes

  1. 8:12 magngangalit ang kanilang mga ngipin: Maaaring dahil sa galit o hinagpis.

Pinagaling ang Alipin ng Senturyon(A)

Nang pumasok si Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang senturyon. Nakiusap ito sa kanya, na nagsasabi, “Panginoon, ang aking lingkod ay nakaratay sa bahay, paralisado at hirap na hirap sa kanyang karamdaman.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pupunta ako roon at pagagalingin ko siya.” Ngunit sumagot ang senturyon, “Panginoon, hindi po ako karapat-dapat na papuntahin kayo sa ilalim ng aking bubungan. Sapat na pong bumigkas kayo ng salita at gagaling na ang aking lingkod. Ako man ay isang taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng iba, at may nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka,’ at humahayo nga siya. Sinasabi ko naman sa iba, ‘Lumapit ka,’ at lumalapit nga siya. Sa aking utusan, ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa nga niya.” 10 Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya at sinabi niya sa mga sumunod sa kanya, “Totoong sinasabi ko sa inyo, kaninuman sa Israel ay hindi ko nakita ang ganito kalaking pananampalataya. 11 Sinasabi ko sa inyo, maraming manggagaling sa silangan at kanluran at makakasalo sa hapag-kainan nina Abraham, Isaac, at Jacob sa kaharian ng langit, 12 subalit ang mga anak ng kaharian ay itatapon sa kadilimang nasa labas. Naroon ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.” 13 Sinabi ni Jesus sa senturyon, “Umuwi ka na. Mangyayari para sa iyo ang iyong sinasampalatayanan.” Nang oras ding iyon ay gumaling ang naturang lingkod.

Read full chapter