Add parallel Print Page Options

Mga Gadarenong Pinalaya sa Pang-aalipin ng mga Demonyo(A)

28 Nang dumating si Jesus sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno,[a] sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasapian ng mga demonyo. Sila ay nakatira sa libingan. Napakababangis nila kaya't walang sinuman ang dumaraan doon. 29 Biglang nagsisigaw ang dalawang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa amin, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami kahit hindi pa panahon?” 30 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. 31 Nakiusap sa kanya ang mga demonyo, “Kung palalayasin mo kami, papasukin mo kami sa mga baboy na iyon.” 32 Sinabi ni Jesus, “Sige, lumayas kayo.” Lumabas nga sila sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang buong kawan ay biglang tumakbo papunta sa bangin, nahulog sa lawa at nalunod.

33 Nagtakbuhan papuntang bayan ang mga tagapag-alaga ng mga baboy. Pagdating doon, ipinamalita nila ang buong pangyayari, pati ang naganap sa mga lalaking sinapian ng mga demonyo. 34 Kaya't lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, ipinakiusap nilang lisanin niya ang kanilang lupain.

Read full chapter

Footnotes

  1. 28 Gadareno: Sa ibang manuskrito'y Geraseno, at sa iba pa'y Gergeseno .

Pinagaling ang mga Gadarenong Inaalihan ng mga Demonyo(A)

28 Pagdating niya sa kabilang pampang, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasaniban ng demonyo. Nanggaling ang mga lalaking ito sa mga libingan at sila'y mababangis kaya't walang taong makadaan doon. 29 Bigla silang sumigaw, “Ano'ng kailangan mo sa amin, Anak ng Diyos? Pumarito ka ba upang parusahan na kami bago pa sumapit ang takdang panahon?” 30 Noon ay may isang malaking kawan ng baboy na nanginginain sa di kalayuan mula sa kanila. 31 Nakiusap kay Jesus ang mga demonyo. Sinabi nila, “Kung palalabasin mo kami, papuntahin mo na lang kami sa kawan ng mga baboy.” 32 At sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo roon.” Nagsilabas nga sila at pumasok sa mga baboy, at ang buong kawan ay rumagasang patungong bangin, nahulog sa dagat at nalunod. 33 Nagtakbuhan ang mga tagapag-alaga ng mga hayop at sila'y pumasok sa lungsod. Doon ay ibinalita nila ang buong pangyayari, lalung-lalo na ang nangyari sa mga taong sinaniban ng mga demonyo. 34 Lumabas ang lahat ng mga taong-bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, sila'y nakiusap sa kanya na lisanin ang kanilang lupain.

Read full chapter

Ang Pagpapagaling sa Geraseno(A)

26 Dumaong sila sa lupain ng mga Geraseno,[a] katapat ng Galilea sa kabilang ibayo ng lawa. 27 Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasapian ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit, ni ayaw ring tumira sa bahay kundi sa mga kuwebang libingan namamalagi. 28 Nang makita si Jesus ay nagsisisigaw ang lalaki, nagpatirapa at sinabi nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” 29 Ganoon ang sinabi nito sapagkat inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu. Madalas itong sinasapian ng masasamang espiritu, at kahit ito'y bantayan at tanikalaan ang paa't kamay, pinaglalagut-lagot lamang nito ang mga iyon. Siya'y dinadala ng demonyo sa mga liblib na pook.

30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?”

“Batalyon,” sagot niya, sapagkat marami ang demonyong pumasok sa kanya. 31 Nagmakaawa kay Jesus ang mga demonyo na huwag silang itapon sa kalalimang walang hanggan.

32 Samantala, may malaking kawan ng baboy na nagsisikain sa isang bundok na malapit doon. Nakiusap ang mga demonyo na papasukin sila sa mga iyon, at pinahintulutan naman sila ni Jesus. 33 Lumabas sa tao ang mga demonyo at pumasok sa mga baboy. Ang kawan ay biglang tumakbo papunta sa bangin at tuluy-tuloy na nahulog sa lawa at nalunod.

34 Nang makita ito ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon. 35 Lumabas ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasapian ng mga demonyo. Nakaupo siya sa paanan ni Jesus, nakadamit na at matino na ang isip. Sila'y lubhang natakot. 36 Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita kung paanong gumaling ang dating sinasapian ng mga demonyo. 37 Kaya't nakiusap kay Jesus ang mga Geraseno[b] na umalis na lamang siya sa kanilang lupain, sapagkat sila'y takot na takot. Kaya't sumakay siya sa bangka at umalis sa pook na iyon. 38 Nakiusap kay Jesus ang taong inalisan ng mga demonyo na siya'y isama nito.

Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, 39 “Umuwi ka na at ipamalita mo ang dakilang bagay na ginawa sa iyo ng Diyos.”

Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus.

Read full chapter

Footnotes

  1. 26 Geraseno: Sa ibang manuskrito'y Gergeseno; at sa iba nama'y Gadareno .
  2. 37 Geraseno: Sa ibang manuskrito'y Gergeseno; at sa iba nama'y Gadareno .

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Sinaniban ng Demonyo(A)

26 Si Jesus at ang mga alagad ay naglayag patungo sa bayan ng mga Geraseno,[a] na nasa tapat ng Galilea. 27 Pagdating niya sa lupaing iyon, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasaniban ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit at hindi tumitira sa bahay kundi sa mga libingan. 28 Nagsisigaw ito nang makita si Jesus, at nagpatirapa sa harap niya at sinabi nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa akin Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako na huwag mo akong pahirapan.” 29 Sinabi ito sapagkat ipinag-utos ni Jesus sa maruming espiritu na lumabas sa lalaki. Madalas na itong sumasanib sa kanya. Iginapos na rin siya ng kadena nang may bantay at tinalian ng bakal sa paa ngunit napapatid pa rin niya ang mga ito at itinataboy siya ng demonyo sa ilang. 30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” “Lehiyon,” ang sagot niya, sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya. 31 Nakiusap ang mga ito na huwag silang utusang bumalik sa walang hanggang kalaliman. 32 Noon ay may kawan ng baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap ang mga demonyo kay Jesus na hayaan silang makapasok sa mga iyon at sila nama'y hinayaan niya. 33 Pagkalabas ng mga demonyo sa lalaki ay pumasok ang mga ito sa mga baboy. Sumibad pababa sa bangin ang kawan patungong lawa at nalunod. 34 Pagkakita ng mga tagapag-alaga sa nangyari ay tumakas sila at ipinamalita iyon sa bayan at sa kabukiran. 35 Naglabasan sila upang makita ang nangyari. At lumapit sila kay Jesus at nakita nila ang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu na nakaupo sa paanan ni Jesus, nakadamit, at nasa matino nang pag-iisip; at sila'y natakot. 36 Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang sinaniban ng demonyo. 37 Nagmakaawa kay Jesus ang lahat ng tao sa paligid ng bayan ng mga Geraseno[b] na sila ay iwan niya sapagkat matinding takot ang bumalot sa kanila. Kaya sumakay siya sa bangka upang umuwi. 38 Subalit nakiusap ang lalaking iniwan ng mga demonyo na siya ay makasama ngunit hindi ito pinaunlakan ni Jesus at sa halip ay sinabi, 39 “Umuwi ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang mga ginawa ng Diyos sa iyo.” At siya ay humayo at ipinahayag sa buong lungsod ang mga ginawa sa kanya ni Jesus.

Read full chapter

Footnotes

  1. Lucas 8:26 Geraseno: Sa ibang manuskrito ay Gadareno.
  2. Lucas 8:37 Geraseno: Sa ibang manuskrito ay Gadareno.