Add parallel Print Page Options

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Nang mga araw na iyon ay dumating si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral sa ilang ng Judea, na nagsasabi,

“Magsisi(B) kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”

Sapagkat(C) siya ang tinutukoy sa pamamagitan ni propeta Isaias, nang kanyang sabihin,

“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.’”

Si(D) Juan ay nagsusuot ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo at ng isang pamigkis na balat sa kanyang baywang. Ang kanyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan.

Pumunta sa kanya ang mga mamamayan ng Jerusalem, ang buong Judea, at ang buong lupain sa paligid ng Jordan.

At sila'y kanyang binautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan.

Ngunit(E) nang makita niyang marami sa mga Fariseo at Saduceo ang nagdatingan upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang nagbabala sa inyo upang makatakas sa poot na darating?

Mamunga kayo nang nararapat sa pagsisisi.

At(F) huwag ninyong sabihin sa inyong sarili, ‘Si Abraham ang aming ama’; sapagkat sinasabi ko sa inyo, na kaya ng Diyos na gumawa ng mga anak ni Abraham mula sa mga batong ito.

10 Ngayon(G) pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Ang bawat punungkahoy na hindi mabuti ang bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy.

11 “Binabautismuhan ko nga kayo sa tubig para sa pagsisisi ngunit ang dumarating na kasunod ko ay mas makapangyarihan kaysa akin. Hindi ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. Kanyang babautismuhan kayo sa Espiritu Santo at sa apoy.

12 Nasa kamay niya ang kanyang kalaykay at lilinisin niya ang kanyang giikan. Titipunin niya ang kanyang trigo sa kamalig, subalit ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mapapatay.”

Binautismuhan si Jesus(H)

13 At mula sa Galilea pumunta si Jesus kay Juan sa Jordan upang magpabautismo sa kanya.

14 Ibig siyang hadlangan ni Juan, na nagsasabi, “Ako ang dapat mong bautismuhan, at ikaw pa ang lumalapit sa akin?”

15 Ngunit sumagot si Jesus sa kanya, “Hayaan mong mangyari ito ngayon, sapagkat ganito ang nararapat sa atin upang matupad ang buong katuwiran.” At siya ay sumang-ayon.

16 Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig, at nabuksan sa kanya ang kalangitan, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kanya.

17 Sinabi(I) ng isang tinig mula sa langit, “Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod.”

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Nang mga araw na iyon ay dumating sa ilang ng Judea si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral. “Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang paghahari ng langit.”

Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin nito,

“Isang tinig ang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
    tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang lalakaran.’ ”

Nakasuot si Juan ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo at may sinturong balat sa kanyang baywang. Ang kinakain niya ay mga balang at pulot-pukyutan. Pumunta sa kanya ang mga taga-Jerusalem, ang mga mamamayan sa buong Judea, at ang mga nasa buong paligid ng Jordan. Sila'y kanyang binabautismuhan sa Ilog Jordan, matapos silang magpahayag ng kanilang mga kasalanan. Subalit nang makita niyang marami sa mga Fariseo at mga Saduceo ang dumarating sa kanya upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino'ng nagbabala sa inyo upang takasan ang darating na poot? Mamunga kayo ng patunay ng pagsisisi. At huwag na kayong mag-akala at sabihin sa inyong mga sarili, ‘Si Abraham ang aming ama.’ Sinasabi ko sa inyo, May kakayahan ang Diyos na gumawa ng mga anak ni Abraham kahit sa mga batong ito. 10 Kahit ngayo'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga puno. Kaya't ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy. 11 Kayo'y binabautismuhan ko sa tubig tungo sa pagsisisi, ngunit ang dumarating sa hulihan ko ay higit na makapangyarihan kaysa akin, ni hindi nga ako karapat-dapat magdala ng kanyang mga sandalyas. Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 12 Hawak-hawak niya ang kanyang kalaykay upang linisin ang giikan at tipunin ang kanyang mga trigo sa kamalig, ngunit ang ipa ay kanyang susunugin sa di-maaápulang apoy.”

Binautismuhan si Jesus(B)

13 Pagkatapos nito, mula sa Galilea ay pumunta si Jesus kay Juan sa Jordan upang magpabautismo sa kanya. 14 Pinigilan siya ni Juan. “Ako nga itong dapat magpabautismo sa iyo,” sabi niya, “ngunit ikaw pa ang lumalapit sa akin?” 15 Ngunit sumagot sa kanya si Jesus, “Pumayag ka nang mangyari ito ngayon, sapagkat dapat nating gampanan ang buong katuwiran.” Sumang-ayon si Juan. 16 At nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig. Noon din ay nabuksan sa kanya ang kalangitan, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad ng kalapati, at dumadapo sa kanya. 17 At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”