Add parallel Print Page Options

Hinatulang Mamatay si Jesus(A)

15 Noon sa kapistahan, nakaugalian na ng gobernador na pakawalan para sa mga tao ang sinumang bilanggo na kanilang maibigan.

16 Nang panahong iyon ay mayroon silang isang bilanggo na kilala sa kasamaan, na tinatawag na Jesus Barabas.[a]

17 Kaya't nang sila'y magkatipon ay sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ibig ninyong pakawalan ko sa inyo? Si Barabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo?”

18 Sapagkat nabatid niya na dahil sa inggit ay kanilang ibinigay si Jesus sa kanya.

19 At samantalang nakaupo siya sa luklukan ng paghuhukom, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan, sapagkat sa araw na ito'y labis akong naghirap sa panaginip dahil sa kanya.”

20 Subalit hinikayat ng mga punong pari at ng matatanda ang maraming tao na hingin nila si Barabas at patayin naman si Jesus.

21 Sumagot muli ang gobernador at sinabi sa kanila, “Alin sa dalawa ang ibig ninyong pakawalan ko sa inyo?” At sinabi nila, “Si Barabas.”

22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “At anong gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?” Sinabi nilang lahat, “Ipako siya sa krus!”

23 At sinabi niya, “Bakit, anong kasamaan ang ginawa niya?” Ngunit lalo silang nagsigawan, na nagsasabi, “Ipako siya sa krus!”

24 Kaya't(B) nang makita ni Pilato na wala siyang magawa, sa halip ay nagsisimula pa nga ang isang malaking gulo, siya'y kumuha ng tubig at naghugas ng kanyang mga kamay sa harap ng napakaraming tao, na sinasabi, “Wala akong kasalanan sa dugo ng taong ito.[b] Kayo na ang bahala diyan.”

25 At sumagot ang buong bayan at nagsabi, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.”

26 Pagkatapos ay pinakawalan niya sa kanila si Barabas ngunit si Jesus, pagkatapos hagupitin, ay ibinigay upang ipako sa krus.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 27:16 Sa ibang mga kasulatan ay walang Jesus .
  2. Mateo 27:24 Sa ibang mga kasulatan ay dugo ng matuwid na taong ito .

Hinatulang Mamatay si Jesus(A)

15 Nakaugalian na noon ng gobernador na sa tuwing kapistahan ng Paskuwa ay nagpapalaya siya para sa mga taong-bayan ng sinumang bilanggo na kanilang maibigan. 16 Nang panahong iyon ay mayroong isang bilanggo na kilabot sa kasamaan, na nagngangalang Jesus Barabas.[a] 17 Kaya't nang magkasama-sama ang mga tao ay sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ibig ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas ba, o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18 Sinabi niya ito sapagkat nahalata niyang dahil sa inggit ay iniharap nila si Jesus sa kanya. 19 At habang nakaupo siya sa upuan ng paghuhukom, ipinasabi sa kanya ng kanyang asawa ang ganito, “Huwag mong gagawan ng anuman ang taong iyan na walang sala, sapagkat labis akong pinahirapan sa panaginip ko sa araw na ito dahil sa kanya.” 20 Ngunit inudyukan ng mga punong pari at ng matatandang pinuno ang mga taong-bayan na kanilang hilingin si Barabas at patayin naman si Jesus. 21 Muling sumagot ang gobernador at sinabi sa kanila, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko sa inyo?” Sila'y sumagot, “Si Barabas!” 22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “At ano naman ang gagawin ko rito kay Jesus, ang tinatawag na Cristo?” Lahat sila'y nagsabi, “Ipako siya sa krus!” 23 At sinabi niya, “Bakit, ano ba'ng ginawa niyang masama?” Ngunit lalo silang nagsisigaw, “Ipako siya sa krus!” 24 Kaya't (B) nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa, at sa halip ay mayroon nang namumuong isang malaking kaguluhan, kumuha siya ng tubig at hinugasan niya ang kanyang mga kamay sa harap ng madla, at kanyang sinabi, “Wala akong kinalaman sa pagdanak ng dugo ng taong ito.[b] Kayo ang may kagagawan nito.” 25 Sumagot ang buong bayan at nagsabi, “Hayaang panagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.” 26 Pagkatapos ay pinalaya niya sa kanila si Barabas. Subalit si Jesus ay ipinahagupit niya at ipinaubaya upang ipako sa krus.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 27:16 Sa ibang mga manuskrito ay walang Jesus.
  2. Mateo 27:24 Sa ibang mga manuskrito ay dugo ng matuwid na taong ito.

Si Jesus ay Hinatulang Mamatay(A)

13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno at ang mga taong-bayan,

14 at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na gaya ng isang nag-uudyok na maghimagsik ang bayan. At narito, nang aking siyasatin siya sa harapan ninyo, hindi ko nakitang nagkasala ang taong ito ng alinman sa mga bagay na ibinibintang ninyo laban sa kanya.

15 Maging si Herodes man, sapagkat kanyang ibinalik siya sa atin at tingnan ninyo, wala siyang ginawang anumang nararapat sa kamatayan.

16 Kaya't siya'y aking ipapahagupit at palalayain.”[a]

18 Subalit silang lahat ay sama-samang sumigaw, “Alisin ang taong ito, palayain si Barabas para sa amin.”

19 Ito'y isang taong nabilanggo dahil sa isang paghihimagsik na nangyari sa lunsod, at dahil sa pagpatay ng tao.

20 Si Pilato'y muling nagsalita sa kanila sa kagustuhang palayain si Jesus.

21 Subalit sila'y nagsigawan, “Ipako sa krus, ipako siya sa krus.”

22 Sa ikatlong pagkakataon ay kanyang sinabi sa kanila, “Bakit, anong kasamaan ang ginawa ng taong ito? Wala akong nakitang anumang batayan para sa parusang kamatayan. Kaya't siya'y aking ipapahagupit at saka palalayain.”

23 Subalit pinipilit nilang hingin na ipinagsisigawan na siya'y ipako sa krus. At nanaig ang kanilang mga tinig.

24 At ipinasiya ni Pilato na ipagkaloob ang kanilang hinihingi.

25 Pinalaya niya ang taong kanilang hinihiling, ang taong ibinilanggo dahil sa paghihimagsik at sa pagpatay, subalit kanyang ibinigay si Jesus gaya ng nais nila.

Read full chapter

Footnotes

  1. Lucas 23:16 Sa ibang mga kasulatan ay nakalagay ang talatang ito: 17 Kinakailangan nga niyang sa kanila'y magpakawala ng isang bilanggo sa kapistahan .

Hinatulan ng Kamatayan si Jesus(A)

13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga taong-bayan. 14 Sinabi niya sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na parang nang-uudyok sa taong-bayan na maghimagsik. Pakinggan ninyo: ako ang nagsiyasat sa kanya sa inyong harapan at hindi ko matagpuang nagkasala ang taong ito ng ano mang bintang ninyo sa kanya. 15 Gayundin si Herodes, kaya ibinalik niya ang taong ito sa atin. Ang taong ito'y walang ginawang nararapat sa parusang kamatayan. 16 Kaya ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay palalayain.” 17 [Tuwing Paskuwa, kailangang magpalaya siya ng isang bilanggo para sa kanila.][a] 18 Ngunit sabay-sabay silang sumigaw, “Patayin ang taong iyan! Palayain sa amin si Barabas.” 19 Si Barabas ay isang lalaking nabilanggo dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lungsod at sa salang pagpaslang. 20 Sa kagustuhang mapalaya si Jesus, muling nagsalita sa kanila si Pilato. 21 Subalit nagsigawan ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” 22 Kaya't nagsalita siya sa kanila sa ikatlong pagkakataon, “Bakit? Ano'ng ginawang masama ng taong ito? Wala akong matagpuang sala sa kanya na karapat-dapat sa parusang kamatayan. Kaya matapos ko siyang ipahagupit, siya'y aking palalayain.” 23 Ngunit patuloy silang nagsigawan at nagpilit hinging ipako sa krus si Jesus. At nanaig ang kanilang mga tinig. 24 Kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. 25 Pinalaya niya ang taong kanilang hiniling, ang nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpaslang, at ibinigay niya si Jesus sa kanila gaya ng kanilang nais.

Read full chapter

Footnotes

  1. Lucas 23:17 Sa ibang manuskrito ay wala ang bahaging ito.

39 Ngunit kayo'y may kaugalian na maaari kong pakawalan ang isang tao para sa inyo sa Paskuwa. Gusto ba ninyong pakawalan ko para sa inyo ang Hari ng mga Judio?”

40 Sila'y sumigaw na muli, “Hindi ang taong ito, kundi si Barabas.” Si Barabas ay isang tulisan.

19 Pagkatapos ay kinuha ni Pilato si Jesus at siya'y hinagupit.

Ang mga kawal ay gumawa ng isang koronang tinik, ipinatong sa kanyang ulo, at siya'y sinuotan ng isang balabal na kulay-ube.

Sila'y lumapit sa kanya, na nagsasabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At siya'y kanilang pinagsusuntok.

Si Pilato ay muling lumabas at sa kanila'y sinabi, “Tingnan ninyo, ilalabas ko siya sa inyo upang inyong malaman na wala akong nakitang anumang kasalanan sa kanya.”

Lumabas nga si Jesus, na may koronang tinik at balabal na kulay-ube. Sinabi ni Pilato sa kanila, “Narito ang tao!”

Nang siya ay makita ng mga punong pari at ng mga punong-kawal, sila'y nagsigawan, “Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus, sapagkat ako'y walang nakitang kasalanan sa kanya.”

Sumagot sa kanya ang mga Judio, “Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang iyon ay dapat siyang mamatay, sapagkat inaangkin niya na siya ay Anak ng Diyos.”

Nang marinig ni Pilato ang salitang ito ay lalo siyang natakot.

Siya'y muling pumasok sa palasyo ng gobernador, at sinabi kay Jesus, “Taga-saan ka?” Ngunit hindi siya sinagot ni Jesus.

10 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Ayaw mong makipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na ako'y may kapangyarihang ikaw ay pakawalan at may kapangyarihang ikaw ay ipako sa krus?”

11 Sumagot si Jesus sa kanya, “Hindi ka magkakaroon ng anumang kapangyarihan laban sa akin malibang ito'y ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya't ang nagdala sa akin sa iyo ay may mas malaking kasalanan.”

12 Mula noo'y sinikap ni Pilato na siya'y pakawalan. Ngunit ang mga Judio ay nagsisigawang, “Kung pakakawalan mo ang taong ito ay hindi ka kaibigan ni Cesar.[a] Ang bawat nag-aangkin na siya'y hari ay nagsasalita ng laban kay Cesar.”

13 Nang marinig ni Pilato ang mga salitang ito ay inilabas niya si Jesus, at siya'y naupo sa hukuman sa dakong tinatawag na Plataporma (sa Hebreo ay Gabbatha).

14 Noon ay Paghahanda ng Paskuwa, at noo'y mag-iikaanim na oras.[b] Sinabi niya sa mga Judio, “Narito ang inyong Hari!”

15 Sila'y nagsigawan, “Ilayo siya, ilayo siya, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong Hari?” Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari liban kay Cesar.”

Ipinako si Jesus sa Krus(A)

16 At ibinigay ni Pilato[c] si Jesus[d] sa kanila upang maipako sa krus.

Footnotes

  1. Juan 19:12 CESAR: Titulo ng emperador ng Roma.
  2. Juan 19:14 o magtatanghaling-tapat sa makabagong pagbilang ng oras .
  3. Juan 19:16 Sa Griyego ay niya .
  4. Juan 19:16 Sa Griyego ay siya .

39 Ngunit mayroon kayong kaugalian na magpalaya ako ng isang tao kapag araw ng Paskuwa. Nais ba ninyong palayain ko para sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 40 Muli silang sumigaw, “Huwag siya kundi si Barabas!” Si Barabas ay isang tulisan.

Ang Paglibak ng mga Kawal kay Jesus

19 Pagkatapos ay ipinakuha niya si Jesus at ipinahagupit. Gumawa ng koronang tinik ang mga kawal at inilagay ito sa kanyang ulo, at isinuot sa kanya ang isang balabal na kulay ube. Lumapit sila sa kanya at nagsabing, “Mabuhay ang hari ng mga Judio!” at siya'y kanilang pinagsasampal. Muling lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ilalabas ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakitang anumang dahilan laban sa kanya.” Kaya lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at kulay ubeng balabal. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Masdan ninyo ang taong ito!” Nang makita siya ng mga punong pari at ng mga kawal, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at kayo ang magpako sa kanya; wala akong nakitang anuman laban sa kanya.” Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Mayroon kaming batas, at ayon sa batas na iyon kailangan siyang mamatay sapagkat inaangkin niyang siya ay Anak ng Diyos.” Nang marinig ito ni Pilato, lalo siyang natakot. Pumasok muli siya ng punong-himpilan at tinanong si Jesus, “Tagasaan ka ba?” Ngunit hindi sumagot si Jesus. 10 Kaya sinabi sa kanya ni Pilato, “Ayaw mo ba akong kausapin? Hindi mo ba alam na ako'y may kapangyarihang palayain ka at ipapako sa krus?” 11 (A)Sumagot si Jesus, “Hindi ako saklaw ng iyong kapangyarihan malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Dahil dito, mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin sa iyo.” 12 Mula noon, humanap ng paraan si Pilato na palayain siya, ngunit nagsisigaw ang mga Judio, “Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kakampi ng Emperador.[a] Sinumang nag-aangking siya'y hari ay kumakalaban sa Emperador.” 13 Nang marinig ito ni Pilato, dinala niya si Jesus sa labas at naupo siya sa upuan ng hukom, sa lugar na tinatawag na Platapormang Bato, na sa Hebreo ay Gabbatha. 14 Araw noon ng Paghahanda para sa Paskuwa, at magtatanghaling tapat na. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Masdan ninyo ang inyong hari!” 15 Kaya sumigaw sila, “Alisin! Alisin ang taong iyan! Ipako siya sa krus!” Tinanong sila ni Pilato, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador.” 16 Kaya ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang ipako sa krus.

Ang Pagpako kay Jesus sa Krus

Kinuha nga nila si Jesus.

Footnotes

  1. Juan 19:12 Emperador, Sa Griyego, Cesar.