Add parallel Print Page Options

Ang Pagdakip kay Jesus(A)

47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas, na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at pamalo; isinugo sila ng mga punong pari at mga pinuno ng bayan. 48 Bago pa sila dumating doon, sinabi na ng taksil sa kanyang mga kasama, “Kung sinong hahalikan ko, siya ang dakpin ninyo.”

49 Nilapitan niya agad si Jesus at binati, “Magandang gabi po, Guro,” saka hinalikan.

50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.”[a] At siya'y nilapitan nila at dinakip.

51 Bumunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Jesus at tinaga ang utusan ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon.

52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan! Ang nabubuhay sa tabak ay sa tabak mamamatay. 53 Hindi mo ba alam na kung hihingi ako ng tulong sa aking Ama ay papadalhan agad niya ako ng higit sa labindalawang batalyon ng mga anghel? 54 Ngunit paano matutupad ang mga Kasulatan na nagsasabing ito'y dapat mangyari?”

55 Pagkatapos(B) sinabi niya sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may mga tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw, nakaupo akong nagtuturo sa Templo, ngunit hindi ninyo ako dinakip.

56 Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinulat ng mga propeta.”

Tumakas ang mga alagad at iniwan siyang mag-isa.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 26:50 Kaibigan...sadya mo: o kaya'y Kaibigan, ano ang sadya mo?

Ang Pagdakip kay Jesus(A)

43 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may mga dalang tabak at pamalo. Sila'y isinugo ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng bayan. 44 Bago pa man dumating, nagbigay na si Judas ng isang hudyat, “Kung sino ang hahalikan ko, siya iyon. Dakpin ninyo siya at bantayang mabuti.”

45 Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Jesus. “Guro!” ang bati niya, at ito'y kanyang hinalikan. 46 Agad ngang sinunggaban at dinakip ng mga tao si Jesus. 47 Bumunot ng tabak ang isa sa mga nakatayo roon at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon. 48 Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may dalang tabak at pamalo upang ako'y dakpin? 49 Araw-araw(B) akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan!”

50 Tumakas ang lahat ng mga alagad at iniwan siya.

Read full chapter

Ang Pagdakip kay Jesus(A)

47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming taong pinangungunahan ni Judas, na kabilang sa Labindalawa. Nilapitan niya si Jesus upang halikan, 48 subalit tinanong siya ni Jesus, “Judas, ipagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?”

49 Nang makita ng mga alagad ang mangyayari ay sinabi nila, “Panginoon, gagamitin na ba namin ang aming tabak?” 50 Kaagad tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at natagpas ang kanang tainga nito.

51 Sinabi ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at ang sugat ay kaagad ring naghilom.

52 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga pinuno ng mga bantay sa Templo at sa mga pinuno ng bayan na pumunta roon upang dakpin siya, “Ako ba'y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo? 53 Araw-araw(B) akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit takdang oras ninyo ngayon at ng kapangyarihan ng kadiliman.”

Read full chapter