Add parallel Print Page Options

Tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)

23 Nang(B) araw ding iyon ay lumapit kay Jesus[a] ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay na muli; at kanilang tinanong siya,

24 na(C) sinasabi, “Guro, sinabi ni Moises, ‘Kung mamatay ang isang tao na walang anak, pakakasalan ng kanyang kapatid na lalaki ang asawa niya, at magkakaroon ng mga anak para sa kanyang kapatid na lalaki.’

25 Ngayon, mayroon sa aming pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at siya'y namatay. Sapagkat hindi siya nagkaroon ng anak ay iniwan niya ang kanyang asawa sa kanyang kapatid na lalaki.

26 Gayundin naman ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito.

27 At kahuli-hulihan sa lahat ay namatay ang babae.

28 Kaya sa muling pagkabuhay, alin sa pito ang magiging asawa ng babae? Yamang siya'y napangasawa nilang lahat.”

29 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos.

30 Sapagkat sa muling pagkabuhay ay hindi sila nag-aasawa o pinag-aasawa pa kundi sila'y tulad sa mga anghel sa langit.

31 At tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa inyo ng Diyos,

32 ‘Ako(D) ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob’? Siya ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.”

33 Nang marinig ito ng napakaraming tao, namangha sila sa kanyang aral.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 22:23 Sa Griyego ay sa kanya .

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay(A)

27 May(B) lumapit sa kanyang ilang Saduceo, na nagsasabing walang muling pagkabuhay.

28 At(C) kanilang tinanong siya, “Guro, isinulat ni Moises para sa amin na kung ang kapatid na lalaki ng isang tao ay mamatay, na may iniwang asawa subalit walang anak, pakakasalan ng lalaki ang balo at bibigyan ng anak ang kanyang kapatid.

29 Ngayon, mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak;

30 gayundin ang pangalawa;

31 at pinakasalan ng pangatlo ang babae, at namatay ang pito na pawang walang iniwang anak.

32 Pagkatapos ay namatay naman ang babae.

33 Kaya't sa muling pagkabuhay, sino ang magiging asawa ng babaing iyon sapagkat siya'y naging asawa ng pito.

34 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang mga anak ng panahong ito ay nag-aasawa at pinag-aasawa,

35 subalit ang mga itinuturing na karapat-dapat makaabot sa panahong iyon at sa muling pagkabuhay mula sa mga patay, ay hindi nag-aasawa o pinag-aasawa.

36 Hindi na sila mamamatay pa, sapagkat katulad na sila ng mga anghel at sila'y mga anak ng Diyos, palibhasa'y mga anak ng muling pagkabuhay.

37 Subalit(D) ang tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay ay ipinakita maging ni Moises sa kasaysayan tungkol sa mababang punungkahoy, na doon ay tinawag niya ang Panginoon na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.

38 Ngunit siya'y hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat sa kanya silang lahat ay nabubuhay.”

39 At ang ilan sa mga eskriba ay sumagot, “Guro, mahusay ang iyong pagsagot.”

40 Sapagkat hindi na sila nangahas magtanong pa sa kanya ng anuman.

Read full chapter