Add parallel Print Page Options

Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(A)

15 Umalis ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang mga pananalita. 16 Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga kasamahan at ang ilan sa mga tauhan ni Herodes. Sinabi ng mga ito, “Guro, alam po namin na totoo ang mga sinasabi ninyo. Itinuturo nʼyo ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios. Wala kayong pinapaboran, dahil hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao. 17 Ano sa palagay nʼyo? Tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma[a] o hindi?” 18 Pero alam ni Jesus ang masama nilang balak, kaya sinabi niya, “Mga pakitang-tao! Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan? 19 Patingin nga ng perang ipinambabayad ng buwis.” Iniabot nila sa kanya ang pera.[b] 20 Tinanong sila ni Jesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?” 21 Sumagot sila, “Sa Emperador.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” 22 Namangha sila nang marinig ang sagot ni Jesus, kaya iniwan nila siya.

Read full chapter

Footnotes

  1. 22:17 Emperador ng Roma: sa literal, Cesar.
  2. 22:19 pera: sa literal, denarius, na pera ng mga Romano.

Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(A)

13 Pinapunta ng mga pinuno ng mga Judio kay Jesus ang ilang Pariseo at ilang tauhan ni Herodes upang subaybayan ang mga sinasabi niya para may maiparatang sila laban sa kanya. 14 Kaya lumapit sila kay Jesus at nagtanong, “Guro, alam po naming totoo ang mga sinasabi nʼyo, at wala kayong pinapaboran. Sapagkat hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao, kundi kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios ang siyang itinuturo ninyo. Ngayon, tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma?[a] Dapat po ba tayong magbayad o hindi?” 15 Pero alam ni Jesus na nagkukunwari sila, kaya sinabi niya, “Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan? Magdala nga kayo rito ng pera[b] at titingnan ko.” 16 Dinalhan nga nila ng pera si Jesus. Nagtanong si Jesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?” Sumagot sila, “Sa Emperador.” 17 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” Namangha sila sa kanyang sagot.

Read full chapter

Footnotes

  1. 12:14 Emperador ng Roma: sa literal, Cesar.
  2. 12:15 pera: sa literal, denarius, na pera ng mga Romano.