Add parallel Print Page Options

Pag-uusisa tungkol sa Karapatan ni Jesus(A)

23 Pumasok si Jesus sa Templo. Habang siya'y nagtuturo doon, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan, at siya'y tinanong, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang gumawa nito?”

24 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Kapag sinagot ninyo ang tanong ko, saka ko sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 25 Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”

Kaya't sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ 26 Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, baka kung ano ang gawin sa atin ng mga taong-bayan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam!”

Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito.”

Read full chapter

Pagtuligsa sa Awtoridad ni Jesus(A)

23 Pagpasok ni Jesus sa templo ay lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan. Habang siya'y nagtuturo ay nagtanong sila, “Ano'ng awtoridad mo at ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?” 24 Sumagot si Jesus sa kanila, “Mayroon din akong katanungan sa inyo, at kung sasagutin ninyo ay sasabihin ko sa inyo kung ano ang awtoridad ko sa paggawa ng mga bagay na ito. 25 Saan ba nagmula ang bautismo ni Juan? Mula ba sa langit o mula sa mga tao?” At ito'y pinagtalunan nila, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ 26 Ngunit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ takot naman tayo sa maraming tao, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung ano ang aking awtoridad sa paggawa ko ng mga bagay na ito.

Read full chapter

Pag-aalinlangan sa Kapangyarihan ni Jesus(A)

20 Isang araw, habang si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo at nangangaral ng Magandang Balita, nilapitan siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan, kasama ang mga pinuno ng bayan. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa amin kung ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?”

Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko muna kayo. Sabihin ninyo sa akin kung kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”

Kaya't nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ Subalit kung sasabihin naman nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao dahil naniniwala silang propeta si Juan.” Kaya't ang sagot na lamang nila'y, “Hindi namin alam!”

Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng karapatan upang gawin ang mga ito.”

Read full chapter

Tinanong ang Karapatan ni Jesus(A)

20 Isang araw, habang nagtuturo si Jesus sa mga tao sa templo at nangangaral ng ebanghelyo, lumapit sa kanya ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan kasama ang matatandang pinuno ng bayan. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo sa amin kung ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang ito?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mayroon din akong itatanong sa inyo. Sagutin ninyo ako: Saan nagmula ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa langit ba o sa tao?” Kaya't sila'y nag-usap-usap. “Kung sasabihin nating, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niyang, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniniwalaan?’ Ngunit kung sasabihin naman nating, ‘Mula sa tao,’ babatuhin tayo ng taong-bayan, sapagkat naniniwala silang si Juan ay propeta.” Kaya't isinagot nilang hindi nila alam kung saan nagmula. At sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang karapatan kong gumawa ng mga ito.”

Read full chapter