Add parallel Print Page Options

Ang mga Manggagawa sa Ubasan

20 “Sapagkat ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na pinuno ng sambahayan, na maagang lumabas sa umaga upang umupa ng mga manggagawa para sa kanyang ubasan.

Matapos makipagkasundo sa mga manggagawa ng isang denario sa isang araw ay kanyang isinugo sila sa kanyang ubasan.

At paglabas niya nang ikatlong oras,[a] nakita niya ang iba sa pamilihan na nakatayong walang ginagawa.

at sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at anumang nararapat ay ibibigay ko sa inyo.’ At pumunta sila.

Paglabas niyang muli nang malapit na ang ikaanim[b] na oras at ikasiyam,[c] gayundin ang ginawa niya.

At nang malapit na ang ikalabing-isang oras,[d] lumabas siya at nakakita siya ng iba na nakatayo; at sinabi niya sa kanila, ‘Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?’

Sinabi nila sa kanya, ‘Sapagkat walang umuupa sa amin.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’

Nang(A) magdadapit-hapon na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng mga upa mula sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’

Nang lumapit ang mga inupahan nang ikalabing-isang oras,[e] tumanggap ang bawat isa sa kanila ng isang denario.

10 At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y tatanggap sila ng mas malaking halaga; ngunit tumanggap din ang bawat isa sa kanila ng isang denario.

11 At nang tanggapin nila ito ay nagreklamo sila sa pinuno ng sambahayan,

12 na nagsasabi, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga huling ito, at ipinantay mo sila sa amin na nagtiis ng hirap at nakakapasong init sa maghapon.’

13 Ngunit sumagot siya at sinabi sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya; hindi ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denario?

14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Nais kong ibigay sa huling nagtrabaho ang kagaya ng ibinigay ko sa iyo.

15 Ako ba ay hindi pinahihintulutang gumawa ng nais ko sa mga bagay na pag-aari ko? O naiinggit ka ba[f] sapagkat ako'y mabuti?’

16 Kaya't(B) ang huli ay mauuna, at ang una ay mahuhuli.”[g]

Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(C)

17 Habang umaahon si Jesus patungo sa Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad, at sa daan ay sinabi niya sa kanila,

18 “Narito, umaahon tayo patungong Jerusalem. Ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba; at kanilang hahatulan siya ng kamatayan.

19 At kanilang ibibigay siya sa mga Hentil upang kutyain, hagupitin at ipako sa krus; at siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw.”

Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(D)

20 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus[h] ang ina ng mga anak ni Zebedeo, na kasama ang kanyang mga anak na lalaki. Siya'y lumuhod sa kanya at may hiniling na isang bagay sa kanya.

21 At sinabi niya sa kanya, “Ano ang ibig mo?” Sinabi niya sa kanya, “Ipag-utos mo na itong dalawa kong anak ay umupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian.”

22 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman? Sinabi nila sa kanya, “Kaya namin.”

23 Sinabi niya sa kanila, “Talagang iinuman ninyo ang aking kopa, ngunit ang maupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob, kundi iyon ay para sa kanila na pinaglalaanan ng aking Ama.”

24 Nang marinig ito ng sampu ay nagalit sila sa dalawang magkapatid.

25 Ngunit(E) tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay nangingibabaw na panginoon sa kanila, at ang mga dakila sa kanila ay gumagamit ng kapangyarihan sa kanila.

26 Hindi(F) maaaring magkagayon sa inyo, kundi ang sinuman sa inyo na nagnanais maging dakila ay kailangang maging lingkod ninyo;

27 at sinuman sa inyo na nagnanais na maging una ay kailangang maging alipin ninyo,

28 kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”

Pinagaling ang Dalawang Bulag(G)

29 Nang sila'y papalabas na sa Jerico, sumunod sa kanya ang napakaraming tao.

30 May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng lansangan. Nang marinig nilang nagdaraan si Jesus, sila'y sumigaw na nagsasabi, “Mahabag[i] ka sa amin, Anak ni David!”

31 Ngunit sinaway sila ng maraming tao upang sila'y tumahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw na nagsasabi, “Mahabag ka sa amin Panginoon, Anak ni David!”

32 Tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, “Anong nais ninyong gawin ko sa inyo?”

33 Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, mabuksan nawa ang mga mata namin.”

34 Dahil sa habag ay hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata. Kaagad, nakakita silang muli at sila'y sumunod sa kanya.

Footnotes

  1. Mateo 20:3 o ikasiyam ng umaga sa makabagong pagbilang ng oras .
  2. Mateo 20:5 o magtatanghaling-tapat sa makabagong pagbilang ng oras .
  3. Mateo 20:5 o ikatlo ng hapon sa makabagong pagbilang ng oras .
  4. Mateo 20:6 o ikalima ng hapon sa makabagong pagbilang ng oras .
  5. Mateo 20:9 o ikalima ng hapon sa makabagong pagbilang ng oras .
  6. Mateo 20:15 Sa Griyego ay masama ba ang mata mo .
  7. Mateo 20:16 Sa ibang mga kasulatan ay may dagdag na, “Sapagkat marami ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili.”
  8. Mateo 20:20 Sa Griyego ay sa kanya .
  9. Mateo 20:30 Sa ibang mga kasulatan ay may salitang Panginoon .