Add parallel Print Page Options

Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(A)

20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedee, kasama ang dalawang anak niyang lalaki. Lumuhod siya kay Jesus dahil may gusto siyang hilingin. 21 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mo?” Sumagot siya, “Kung maaari po sana, kapag naghahari na kayo, paupuin nʼyo ang dalawa kong anak sa tabi nʼyo; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 22 Pero sinagot sila ni Jesus, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko?”[a] Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” 23 Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin. Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o sa kaliwa ko. Ang mga lugar na iyon ay para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”

24 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi ng magkapatid, nagalit sila sa kanila. 25 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit anong gustuhin nila ay nasusunod. 26 Ngunit hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo. 28 Maging ako na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para maligtas ang maraming tao.”

Read full chapter

Footnotes

  1. 20:22 Kaya ba … titiisin ko: sa literal, Maiinom ba ninyo ang kopa na iinumin ko?

Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(A)

20 Pagkatapos nito, lumapit kay Jesus ang ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus at may hiniling sa kanya. 21 Tanong ni Jesus sa kanya, “Ano ang nais mo?” Sagot ng babae, “Sabihin po ninyong itong dalawa kong anak na lalaki ay uupo sa inyong kaharian, ang isa sa inyong kanan, at ang isa naman ay sa kaliwa.” 22 Subalit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ninyo nauunawaan ang inyong hinihiling. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman?” Sagot nila, “Kaya po namin.” 23 Sinabi niya sa kanila, “Iinuman nga ninyo ang aking kopa, ngunit ang pag-upo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magbibigay. Ito ay para sa kanila na pinaglaanan ng aking Ama.” 24 Nang ito'y marinig ng sampu pang alagad, nagalit sila sa magkapatid. 25 Subalit (B) tinawag sila ni Jesus at sa kanila'y sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga Hentil ay naghahangad na sila'y paglingkuran bilang mga panginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga taong nasa katungkulan ay nagsasamantala sa kanila gamit ang kapangyarihan. 26 Hindi (C) ganyan ang dapat mangyari sa inyo. Kundi ang sinuman sa inyo na naghahangad na maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At sinuman sa inyo na naghahangad na maging pangunahin ay dapat maging alipin ninyo, 28 kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ialay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”

Read full chapter