Add parallel Print Page Options

Ang Binatang Mayaman(A)

16 May isang lumapit sa kanya at nagsabi, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?”

17 At sinabi niya sa kanya, “Bakit mo ako tinatanong tungkol sa mabuti? Iisa ang mabuti. Ngunit kung ibig mong pumasok sa buhay, tuparin mo ang mga utos.”

18 Sinabi(B) niya sa kanya, “Alin sa mga iyon?” At sinabi ni Jesus, “Huwag kang papatay; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang sasaksi para sa kasinungalingan;

19 Igalang(C) mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

20 Sinabi sa kanya ng kabataang lalaki, “Sinunod ko na ang lahat ng mga ito;[a] ano pa ang kulang sa akin?”

21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; pagkatapos ay pumarito ka, at sumunod ka sa akin.”

22 Ngunit nang marinig ng binata ang ganitong salita, umalis siyang nalulungkot, sapagkat napakarami niyang ari-arian.

23 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ‘Mahirap para sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng langit.

24 Muling sinasabi ko sa inyo, mas madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.”

25 Nang marinig ito ng mga alagad, sila'y lubhang nagtaka at nagsabi, “Kung gayon, sino kaya ang maliligtas?”

26 Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Sa mga tao, ito ay hindi maaaring mangyari, ngunit sa Diyos, ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.”

27 Pagkatapos ay sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo. Ano naman ang makakamit namin?”

28 Sinabi(D) ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa pagbabago ng lahat ng mga bagay, kapag uupo na ang Anak ng Tao sa kanyang maluwalhating trono, kayong mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono na naghuhukom sa labindalawang lipi ng Israel.

29 At ang sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, alang-alang sa aking pangalan, ay tatanggap ng makasandaang ulit at magmamana ng buhay na walang hanggan.

30 Ngunit(E) maraming mga una na mahuhuli, at mga huli na mauuna.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 19:20 Sa ibang mga kasulatan ay may ganitong karugtong, mula sa pagkabata .

Ang Lalaking Mayaman(A)

17 Nang siya'y naghahanda na sa kanyang paglalakbay, may isang lalaking patakbong lumapit sa kanya, at pagluhod sa kanyang harapan, siya'y tinanong, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”

18 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.

19 Nalalaman(B) mo ang mga utos: ‘Huwag kang pumatay; Huwag kang mangalunya; Huwag kang magnakaw; Huwag kang sumaksi sa kasinungalingan; Huwag kang mandaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”

20 At sinabi niya sa kanya, “Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking tinupad mula pa sa aking kabataan.”

21 Si Jesus, pagtingin sa kanya ay minahal siya at sinabi, “Isang bagay ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang lahat at ibigay mo ang salapi[a] sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.”

22 Subalit siya'y nanlumo sa sinabing ito, at siya'y umalis na nalulungkot sapagkat siya'y maraming ari-arian.

23 At sa pagtingin ni Jesus sa palibot ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakahirap para sa mga may kayamanan na pumasok sa kaharian ng Diyos.”

24 At namangha ang mga alagad sa kanyang mga salita. Ngunit muling sumagot sa kanila si Jesus, “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos.

25 Mas madali pa para sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.”

26 Sila'y lalong nagtaka at sinabi sa kanya, “Sino nga kaya ang maliligtas?”

27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Sa mga tao, ito'y hindi maaaring mangyari ngunit hindi sa Diyos; sapagkat sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.”

28 Si Pedro ay nagsimulang magsabi sa kanya, “Tingnan mo, iniwan namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.”

29 Sinabi ni Jesus, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga bukid, dahil sa akin, at dahil sa magandang balita,

30 ang hindi makakatanggap ng isandaang ulit, ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may mga pag-uusig; at sa darating na panahon ay walang hanggang buhay.

31 Ngunit(C) ang maraming nauuna ay mahuhuli, at ang huli ay mauuna.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Marcos 10:21 Sa Griyego ay walang salapi .